Isang Jerusalem na Totoo Ayon sa Pangalan Nito
“Kayo ay . . . magalak magpakailanman sa nilalalang ko. Sapagkat narito, nilalalang ko ang Jerusalem bilang sanhi ng kagalakan.”—ISAIAS 65:18.
1. Ano ang nadama ni Ezra tungkol sa piniling lunsod ng Diyos?
BILANG isang masugid na estudyante ng Salita ng Diyos, lubhang pinahalagahan ng Judiong saserdoteng si Ezra ang dating naging kaugnayan ng Jerusalem sa dalisay na pagsamba kay Jehova. (Deuteronomio 12:5; Ezra 7:27) Ang kaniyang pag-ibig sa lunsod ng Diyos ay isiniwalat sa bahagi ng Bibliya na kinasihang isulat niya—ang Una at Ikalawang Cronica at ang Ezra. Sa makasaysayang mga ulat na ito, ang pangalang Jerusalem ay matatagpuan nang halos isang kapat sa mahigit na 800 ulit na paglitaw nito sa buong Bibliya.
2. Ano ang makahulang inilalarawan ng kahulugan ng pangalang Jerusalem?
2 Sa Biblikal na Hebreo, ang “Jerusalem” ay inuunawa na nasa isang anyo ng wikang Hebreo na tinatawag na tambalan. Ang tambalan ay kadalasang ginagamit sa mga bagay na magkapareha, gaya ng mga mata, tainga, kamay, at mga paa. Sa ganitong tambalang anyo, ang pangalang Jerusalem ay maaaring ituring na isang hula hinggil sa kapayapaan na mararanasan ng bayan ng Diyos sa isang dobleng diwa—sa espirituwal at sa pisikal na paraan. Hindi isinisiwalat ng Kasulatan kung ito man ay lubusang naunawaan ni Ezra. Subalit bilang isang saserdote, ginawa niya ang kaniyang buong makakaya upang matulungan ang mga Judio na magtamasa ng pakikipagpayapaan sa Diyos. At tiyak na nagpagal siya nang husto upang matupad ng Jerusalem ang kahulugan ng pangalan nito, samakatuwid nga, “Pagtataglay [o, Pundasyon] ng Dobleng Kapayapaan.”—Ezra 7:6.
3. Ilang taon ang lumipas bago muling ipinakita sa atin ang mga gawain ni Ezra, at sa anong mga kalagayan masusumpungan natin siya?
3 Hindi binabanggit ng Bibliya kung nasaan si Ezra sa loob ng 12 taon na lumipas mula nang dalawin niya ang Jerusalem hanggang sa dumating si Nehemias sa lunsod. Ang mahinang espirituwal na kalagayan ng bansa noong panahong iyon ay nagpapahiwatig na wala roon si Ezra. Gayunman, masusumpungan natin si Ezra na muling naglilingkod bilang isang tapat na saserdote sa Jerusalem noong katatapos lamang na muling maitayo ang pader ng lunsod.
Isang Kahanga-hangang Araw ng Kapulungan
4. Ano ang natatangi tungkol sa unang araw ng ikapitong buwan sa Israel?
4 Tamang-tamang natapos ang pader ng Jerusalem para sa mahalagang kapistahang buwan ng Tishri, ang ikapitong buwan sa relihiyosong kalendaryo ng Israel. Ang unang araw ng Tishri ay isang natatanging piging para sa bagong buwan na tinatawag na Kapistahan ng Tunog ng Trumpeta. Sa araw na iyon, hinihipan ng mga saserdote ang mga trumpeta habang naghahandog ng mga hain kay Jehova. (Bilang 10:10; 29:1) Inihanda ng araw na ito ang mga Israelita para sa taunang Araw ng Pagbabayad-sala sa ika-10 ng Tishri at sa masayang Kapistahan ng Pagtitipon mula sa ika-15 hanggang sa ika-21 ng buwan ding iyon.
5. (a) Paano ginamit na mabuti nina Ezra at Nehemias ang “unang araw ng ikapitong buwan”? (b) Bakit tumangis ang mga Israelita?
5 Sa “unang araw ng ikapitong buwan,” nagtipon “ang buong bayan,” malamang dahil sa sila’y napasigla nina Nehemias at Ezra na gawin iyon. Ang mga lalaki, babae, at ang “lahat ng may sapat na unawa upang makinig” ay kasali. Kaya naman, ang mumunting bata ay naroroon at nakikinig habang si Ezra ay nakatayo sa isang podiyum at binabasa ang Batas “mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa katanghaliang tapat.” (Nehemias 8:1-4) Sa pana-panahon, tinulungan ng mga Levita ang bayan na maunawaan kung ano ang binabasa. Ito ay nag-udyok sa mga Israelita na mapaluha dahil sa natanto nila kung gaano kalaki ang naging paglabag nila at ng kanilang mga ninuno sa Batas ng Diyos.—Nehemias 8:5-9.
6, 7. Ano ang matututuhan ng mga Kristiyano mula sa ginawa ni Nehemias upang pahintuin ang mga Judio sa pagtangis?
6 Ngunit hindi ito ang panahon para sa pagtangis. Iyon ay isang kapistahan, at katatapos lamang ng bayan ang muling pagtatayo sa pader ng Jerusalem. Kaya tinulungan sila ni Nehemias na magkaroon ng tamang kalagayan ng isip sa pamamagitan ng pagsasabi: “Yumaon kayo, kainin ninyo ang matatabang bagay at inumin ninyo ang matatamis na bagay, at magpadala kayo ng mga bahagi ng pagkain sa isa na hindi ipinaghanda ng anuman; sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon, at huwag kayong magdamdam, sapagkat ang kagalakan kay Jehova ang inyong moog.” Bilang pagsunod, “ang buong bayan ay lumisan upang kumain at uminom at upang magpadala ng mga bahagi ng pagkain at upang magdaos ng isang malaking kasayahan, sapagkat naunawaan nila ang mga salita na ipinaalam sa kanila.”—Nehemias 8:10-12.
7 Malaki ang matututuhan ng bayan ng Diyos ngayon mula sa salaysay na ito. Ang nabanggit ay dapat tandaan niyaong may pribilehiyo na magkaroon ng bahagi sa mga pulong at asamblea. Bukod sa pagbibigay ng payong nagtutuwid na kailangan kung minsan, ang gayong mga okasyon ay nagtatampok ng mga kapakinabangan at pagpapala bunga ng pagsunod sa mga kahilingan ng Diyos. Inilalaan ang komendasyon sa maiinam na nagawa at ang pampatibay-loob upang makapagtiis. Dapat na umuwi ang bayan ng Diyos mula sa gayong mga pagtitipon taglay ang kagalakan ng puso dahil sa nakapagpapatibay na pagtuturong natanggap nila mula sa Salita ng Diyos.—Hebreo 10:24, 25.
Isa Pang Masayang Pagtitipon
8, 9. Anong pantanging pulong ang naganap noong ikalawang araw ng ikapitong buwan, na nagbunga ng ano para sa bayan ng Diyos?
8 Nang ikalawang araw ng natatanging buwan na iyon, “ang mga ulo ng mga ama ng buong bayan, ang mga saserdote at ang mga Levita, ay nagpisan kay Ezra na tagakopya, upang magtamo nga ng malalim na unawa sa mga salita ng kautusan.” (Nehemias 8:13) Lubhang kuwalipikado si Ezra na pangasiwaan ang kapisanang ito, yamang kaniyang “inihanda ang kaniyang puso upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at gawin iyon at ituro sa Israel ang tuntunin at katarungan.” (Ezra 7:10) Walang alinlangan, itinampok sa pulong na ito ang mga larangan kung saan kailangang kumilos nang higit na kasuwato ng tipang Batas ang bayan ng Diyos. Pangunahing ikinababahala ang pangangailangan na gumawa ng angkop na paghahanda upang ipagdiwang ang dumarating na Kapistahan ng mga Kubol.
9 Ang kapistahang ito na tumagal ng isang linggo ay ginanap sa tamang paraan, na ang buong bayan ay nanirahan sa pansamantalang mga silungan na gawa sa mga sanga at dahon ng iba’t ibang punungkahoy. Itinayo ng mga tao ang mga kubol na ito sa patag na bubong ng kanilang mga bahay, sa kanilang mga looban, sa mga looban ng templo, at sa mga liwasang-bayan ng Jerusalem. (Nehemias 8:15, 16) Anong inam na pagkakataon ito para magpisan ang bayan at basahin sa kanila ang Batas ng Diyos! (Ihambing ang Deuteronomio 31:10-13.) Ito ay ginawa bawat araw, “mula nang unang araw hanggang sa huling araw” ng kapistahan, anupat nagbunga ng “napakalaking pagsasaya” sa bayan ng Diyos.—Nehemias 8:17, 18.
Hindi Natin Dapat Pabayaan ang Bahay ng Diyos
10. Bakit nagsaayos ng isang pantanging pagtitipon sa ika-24 na araw ng ikapitong buwan?
10 May tamang panahon at dako upang ituwid ang seryosong mga pagkukulang sa gitna ng bayan ng Diyos. Palibhasa’y natanto nila na ito na ang panahong iyon, nagsaayos sina Ezra at Nehemias ng isang araw ng pag-aayuno sa ika-24 ng buwan ng Tishri. Muling binasa ang Batas ng Diyos, at ipinagtapat ng bayan ang kanilang mga kasalanan. Pagkatapos ay nirepaso ng mga Levita ang maawaing pakikitungo ng Diyos sa kaniyang suwail na bayan, binigkas ang magagandang kapahayagan ng papuri kay Jehova, at itinatag ang “isang mapagkakatiwalaang kaayusan” na pinatotohanan sa pamamagitan ng tatak ng kanilang mga prinsipe, Levita, at mga saserdote.—Nehemias 9:1-38.
11. Sa anong “mapagkakatiwalaang kaayusan” itinalaga ng mga Judio ang kanilang sarili?
11 Ang mga tao sa pangkalahatan ay sumumpa na isasagawa nila ang nasusulat na “mapagkakatiwalaang kaayusan.” Sila’y ‘lalakad sa kautusan ng tunay na Diyos.’ At sila’y sumang-ayon na hindi mag-aasawa “sa mga bayan ng lupain.” (Nehemias 10:28-30) Bukod dito, itinalaga ng mga Judio ang kanilang sarili na mangilin ng Sabbath, magbigay ng taunang abuloy na salapi bilang pagtangkilik sa tunay na pagsamba, maglaan ng kahoy sa altar ng hain, magbigay ng panganay ng kanilang mga kawan at bakahan para sa mga hain, at magdala ng mga pangunang bunga ng kanilang lupain sa mga bulwagang kainan sa templo. Maliwanag, sila’y determinadong ‘huwag pabayaan ang bahay ng kanilang Diyos.’—Nehemias 10:32-39.
12. Ano ang nasasangkot sa hindi pagpapabaya sa bahay ng Diyos sa ngayon?
12 Sa ngayon, ang bayan ni Jehova ay dapat na mag-ingat na huwag pabayaan ang kanilang pribilehiyo na ‘pag-uukol ng sagradong paglilingkod’ sa mga looban ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova. (Apocalipsis 7:15) Kasali rito ang regular na taos-pusong pananalangin para sa pagpapalawak ng pagsamba kay Jehova. Ang pamumuhay na kasuwato ng gayong mga panalangin ay nangangailangan ng paghahanda para sa mga Kristiyanong pagpupulong at pakikibahagi sa mga ito, pakikibahagi sa mga kaayusan sa pangangaral ng mabuting balita, at pagtulong sa mga interesado sa pamamagitan ng pagbabalik at, kung posible, pagdaraos sa kanila ng mga pag-aaral sa Bibliya. Marami na hindi gustong mapabayaan ang bahay ng Diyos ang nag-aabuloy ng salapi para sa gawaing pangangaral at sa pagmamantini ng mga dako ng tunay na pagsamba. Maaari rin nating ibigay ang ating suporta sa pagtatayo ng lubhang kinakailangang mga dakong pulungan gayundin sa paglilinis at pag-aayos ng mga ito. Ang isang mahalagang paraan upang maipakita ang pag-ibig sa espirituwal na bahay ng Diyos ay ang pagsisikap na makipagpayapaan sa ating mga kapananampalataya at umalalay sa sinumang nangangailangan ng materyal o espirituwal na tulong.—Mateo 24:14; 28:19, 20; Hebreo 13:15, 16.
Isang Masayang Pagpapasinaya
13. Anong apurahang bagay ang kinailangan ng atensiyon bago mapasinayaan ang pader ng Jerusalem, at anong mainam na halimbawa ang ipinakita ng marami?
13 Ang “mapagkakatiwalaang kaayusan” na tinatakan noong panahon ni Nehemias ay naghanda sa bayan ng Diyos para sa araw ng pagpapasinaya sa pader ng Jerusalem. Ngunit isa pang apurahang bagay ang nangangailangan din ng atensiyon. Palibhasa’y napalilibutan na ngayon ng isang malaking pader na may 12 pintuang-bayan, kailangan ng Jerusalem ang isang mas malaking populasyon. Bagaman may ilang Israelita na naninirahan doon, “ang lunsod ay maluwang at malaki, at kakaunti ang mga tao sa loob niyaon.” (Nehemias 7:4) Upang lutasin ang suliraning ito, ang bayan ay “nagpalabunutan upang magdala ng isa mula sa bawat sampu upang manahanan sa Jerusalem na banal na lunsod.” Ang kusang-loob na pagtugon sa kaayusang ito ay nagpakilos sa bayan na pagpalain “ang lahat ng lalaking nagboluntaryo na manahanan sa Jerusalem.” (Nehemias 11:1, 2) Tunay na isang mainam na halimbawa para sa tunay na mga mananamba ngayon na ang kalagayan ay nagpapahintulot sa kanila na lumipat kung saan may mas malaking pangangailangan para sa tulong ng maygulang na Kristiyano!
14. Ano ang nangyari nang araw na pasinayaan ang pader ng Jerusalem?
14 Hindi nagtagal at nagsimula ang mahahalagang paghahanda para sa dakilang araw ng pagpapasinaya sa pader ng Jerusalem. Tinipon ang mga musikero at mang-aawit mula sa nakapalibot na mga lunsod ng Juda. Sila ay binuo sa dalawang malaking koro ng pasasalamat, na bawat isa ay sinusundan ng isang prusisyon. (Nehemias 12:27-31, 36, 38) Ang mga koro at prusisyon ay nagsimula sa isang lugar sa pader na pinakamalayo sa templo, malamang na sa Pintuang-daan ng Libis, at naglakad sa magkabilang direksiyon hanggang sa magtagpo sila sa bahay ng Diyos. “Naghain sila nang araw na iyon ng malalaking hain at nagsaya, sapagkat pinagsaya sila ng tunay na Diyos nang may malaking kagalakan. At gayundin ang mga babae at ang mga bata ay nagsaya, anupat ang pagsasaya ng Jerusalem ay maririnig sa malayo.”—Nehemias 12:43.
15. Bakit hindi naging sanhi ng namamalaging kagalakan ang pag-aalay ng pader ng Jerusalem?
15 Hindi sinasabi ng Bibliya ang petsa ng masayang pagdiriwang na ito. Tiyak, iyon ay isang tampok na bahagi, kung hindi man ang kasukdulan, ng pagsasauli ng Jerusalem. Mangyari pa, malaking gawain sa pagtatayo ang kailangang isagawa sa loob ng lunsod. Nang maglaon, naiwala ng mga mamamayan ng Jerusalem ang kanilang mainam na katayuan sa espirituwal. Halimbawa, nang dalawin ni Nehemias ang lunsod sa pangalawang pagkakataon, nasumpungan niya na muling pinababayaan ang bahay ng Diyos at ang mga Israelita ay nag-aasawa na naman ng mga paganong babae. (Nehemias 13:6-11, 15, 23) Ang iyon ding masasamang kalagayan ay pinatunayan sa mga isinulat ni propeta Malakias. (Malakias 1:6-8; 2:11; 3:8) Kaya hindi sanhi ng namamalaging kagalakan ang pag-aalay sa pader ng Jerusalem.
Isang Sanhi ng Walang-Hanggang Kagalakan
16. Anong kapana-panabik na mga pangyayari ang inaasahan ng bayan ng Diyos?
16 Sa ngayon, nananabik ang bayan ni Jehova sa panahon na magtatagumpay ang Diyos laban sa lahat ng kaniyang kaaway. Magsisimula ito sa pagkapuksa ng “Babilonyang Dakila”—isang makasagisag na lunsod na sumasaklaw sa lahat ng anyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:2, 8) Ang pagkapuksa ng huwad na relihiyon ang siyang palatandaan ng unang yugto ng dumarating na malaking kapighatian. (Mateo 24:21, 22) Malapit na rin ang isang tunay na mahalagang pangyayari—ang makalangit na kasalan ng Panginoong Jesu-Kristo at ng kaniyang kasintahang babae na binubuo ng 144,000 mamamayan ng “Bagong Jerusalem.” (Apocalipsis 19:7; 21:2) Hindi natin eksaktong masasabi kung kailan magaganap ang kapana-panabik na pagsasamang ito, ngunit tiyak na iyon ay magiging isang masayang okasyon.—Tingnan Ang Bantayan, Agosto 15, 1990, pahina 30-1.
17. Ano ang nalalaman natin tungkol sa pagkakumpleto ng Bagong Jerusalem?
17 Alam natin na napakalapit nang makumpleto ang Bagong Jerusalem. (Mateo 24:3, 7-14; Apocalipsis 12:12) Di-tulad ng makalupang lunsod ng Jerusalem, iyon ay hindi kailanman magiging sanhi ng pagkasiphayo. Ito ay dahil sa ang lahat ng mamamayan nito ay pinahiran ng espiritu, subók, at dinalisay na mga tagasunod ni Jesu-Kristo. Sa kanilang katapatan hanggang sa kamatayan, bawat isa ay napatunayang matapat magpakailanman sa Soberano ng Sansinukob, ang Diyos na Jehova. Iyan ay may mahalagang kahulugan sa natitirang bahagi ng sangkatauhan—sa mga buháy at sa mga patay!
18. Bakit tayo dapat na ‘magbunyi at magalak magpakailanman’?
18 Isaalang-alang ang mangyayari kapag ibinaling ng Bagong Jerusalem ang pansin nito sa mga tao na nananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. “Narito!” ang isinulat ni apostol Juan. “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:2-4) Karagdagan pa, gagamitin ng Diyos ang tulad-lunsod na kaayusang ito upang iangat ang sangkatauhan tungo sa kasakdalan. (Apocalipsis 22:1, 2) Ano ngang inam na mga dahilan para ‘magbunyi at magalak magpakailanman sa nilalalang ng Diyos ngayon’!—Isaias 65:18.
19. Ano ang espirituwal na paraiso na doo’y nagkakatipon ang mga Kristiyano?
19 Gayunman, ang nagsising mga tao ay hindi na kailangang maghintay sa panahong iyon upang matamo ang tulong mula sa Diyos. Noong taóng 1919, sinimulang tipunin ni Jehova ang huling mga miyembro ng 144,000 tungo sa isang espirituwal na paraiso, kung saan ang mga bunga ng espiritu ng Diyos—gaya ng pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan—ay sagana. (Galacia 5:22, 23) Ang isang natatanging katangian ng espirituwal na paraisong ito ay ang pananampalataya ng mga pinahirang mamamayan nito, na lubhang naging mabunga sa pangunguna sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong tinatahanang lupa. (Mateo 21:43; 24:14) Bunga nito, halos anim na milyong “ibang mga tupa,” na may makalupang pag-asa, ang hinayaang makapasok sa espirituwal na paraiso at magtamasa ng mabungang gawain. (Juan 10:16) Sila’y naging kuwalipikado para rito sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanilang sarili sa Diyos na Jehova salig sa kanilang pananampalataya sa haing pantubos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Talagang napatunayang isang pagpapala ang kanilang pakikisama sa magiging mga miyembro ng Bagong Jerusalem. Kaya naman, sa pamamagitan ng kaniyang pakikitungo sa mga pinahirang Kristiyano, inilatag ni Jehova ang isang matibay na pundasyon para sa “isang bagong lupa”—isang lipunan ng mga taong may takot sa Diyos na magmamana ng makalupang sakop ng makalangit na Kaharian.—Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13.
20. Paano tutuparin ng Bagong Jerusalem ang kahulugan ng pangalan nito?
20 Ang mapayapang mga kalagayan na tinatamasa ngayon ng bayan ni Jehova sa kanilang espirituwal na paraiso ay malapit nang maranasan sa isang pisikal na paraiso sa lupa. Mangyayari iyan kapag bumaba na ang Bagong Jerusalem mula sa langit upang pagpalain ang sangkatauhan. Sa tambalang paraan, tatamasahin ng bayan ng Diyos ang mapayapang kalagayan na ipinangako sa Isaias 65:21-25. Bilang nagkakaisang mananamba ni Jehova sa espirituwal na paraiso, ang mga pinahiran na hindi pa nagkakamit ng kanilang dako sa makalangit na Bagong Jerusalem at yaong mga kabilang sa “ibang mga tupa” ay nagtatamasa na ngayon ng bigay-Diyos na kapayapaan. At aabot ang gayong kapayapaan hanggang sa pisikal na Paraiso, kapag ‘ang kalooban ng Diyos ay mangyayari sa buong lupa, kung paano sa langit.’ (Mateo 6:10) Oo, ang maluwalhating lunsod ng Diyos sa langit ay mapatutunayang totoo sa pangalang Jerusalem bilang matibay na ‘Pundasyon ng Dobleng Kapayapaan.’ Hanggang sa panahong walang-takda, ito’y magdudulot ng kapurihan sa Dakilang Maylalang nito, ang Diyos na Jehova, at sa Kasintahan nito na Hari, si Jesu-Kristo.
Natatandaan ba Ninyo?
◻ Ano ang naisagawa nang tipunin ni Nehemias ang bayan sa Jerusalem?
◻ Ano ang kinailangang gawin ng mga sinaunang Judio upang hindi mapabayaan ang bahay ng Diyos, at ano ang hinihiling na gawin natin?
◻ Paano nasasangkot ang “Jerusalem” sa pagdadala ng namamalaging kagalakan at kapayapaan?
[Mapa sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MGA PINTUANG-DAAN NG JERUSALEM
Ang mga numero ay kumakatawan sa kasalukuyang taas sa metro
PINTUANG-DAAN NG ISDA
PINTUANG-DAAN NG MATANDANG LUNSOD
PINTUANG-DAAN NG EFRAIM
PANULUKANG PINTUANG-DAAN
Malapad na Pader
Liwasang-Bayan
PINTUANG-DAAN NG LIBIS
IKALAWANG PUROK
Unang Pader sa Hilaga
LUNSOD NI DAVID
PINTUANG-DAAN NG MGA BUNTON-NG-ABO
Libis ng Hinom
Kastilyo
PINTUANG-DAAN NG MGA TUPA
PINTUANG-DAAN NG TANOD
Pook ng Templo
PINTUANG-DAAN NG PAGSISIYASAT
PINTUANG-DAAN NG KABAYO
OFEL
Liwasang-Bayan
PINTUANG-DAAN NG TUBIG
Bukal ng Gihon
PINTUANG-DAAN NG BUKAL
Hardin ng Hari
En-rogel
Libis ng (Sentral) Tyropoeon
Hugusang Libis ng Kidron
740
730
730
750
770
770
750
730
710
690
670
620
640
660
680
700
720
740
730
710
690
670
Posibleng lawak ng pader ng Jerusalem nang mawasak ang lunsod at nang pangunahan ni Nehemias ang muling pagtatayo ng pader