Sino ang mga Macabeo?
PARA sa marami, ang panahon ng mga Macabeo ay tulad sa isang black box na nakatago sa pagitan ng pagtatapos ng huling mga aklat ng Kasulatang Hebreo at ng pagdating ni Jesu-Kristo. Kung paanong isinisiwalat ang ilang detalye kapag pinag-aaralan ang black box ng isang eroplanong bumagsak, maaaring matamo ang maliwanag na pagkaunawa sa pamamagitan ng masusing pagsusuri sa panahon ng mga Macabeo—isang panahon ng transisyon at transpormasyon para sa bansang Judio.
Sino ang mga Macabeo? Paano nila naimpluwensiyahan ang Judaismo bago dumating ang inihulang Mesiyas?—Daniel 9:25, 26.
Ang Daluyong ng Helenismo
Sinakop ni Alejandrong Dakila ang mga teritoryo mula Gresya hanggang India (336-323 B.C.E.). Ang kaniyang napakalawak na kaharian ay isang dahilan ng paglaganap ng Helenismo—ang wika at kultura ng Gresya. Nagpakasal ang mga opisyal at mga sundalo ni Alejandro sa mga babaing tagaroon, anupat naghalo ang Griego at ang dayuhang kultura. Pagkamatay ni Alejandro, ang kaniyang kaharian ay pinaghati-hatian ng kaniyang mga heneral. Sa pagsisimula ng ikalawang siglo B.C.E., inagaw ni Antiochus III ng Grecian Seleucid na dinastiya sa Sirya ang Israel mula sa kapangyarihan ng mga Greek Ptolemy ng Ehipto. Paano naimpluwensiyahan ng Helenistikong pamamahala ang mga Judio sa Israel?
Ganito ang isinulat ng isang istoryador: “Yamang hindi maiiwasan ng mga Judio na makasama ang mga Helenisadong karatig nila, lalo pa nga ang mga kapuwa nila Judio sa kalapit na bansa, talagang hindi maiiwasang mahawahan sila ng Griegong kultura at Griegong paraan ng pag-iisip. . . . Huminga ka lamang sa Helenistikong panahon ay mahahawa ka na sa Griegong kultura!” Ginamit ng mga Judio ang mga Griegong pangalan. Sa iba’t ibang antas, tinularan nila ang mga kaugalian at pananamit ng mga Griego. Tumitindi ang mahiwagang kapangyarihan ng asimilasyon.
Kasamaan ng mga Saserdote
Ang mga Judiong pinakamadaling maimpluwensiyahan ng Helenismo ay ang mga saserdote. Para sa marami sa kanila, ang pagtanggap sa Helenismo ay nangangahulugan ng pagpapahintulot sa Judaismo na sumulong kaagapay ng panahon. Isa sa gayong Judio ay si Jason (tinatawag na Josue sa Hebreo), ang kapatid ng mataas na saserdoteng si Onias III. Habang nasa Antioquia si Onias, sinuhulan ni Jason ang mga awtoridad na Griego. Bakit? Upang himukin silang gawing mataas na saserdote si Jason bilang kapalit ni Onias. Agad tinanggap ng Greek Seleucid na tagapamahalang si Antiochus Epiphanes (175-164 B.C.E.) ang alok. Dati’y hindi nakikialam ang mga tagapamahalang Griego sa mataas na pagkasaserdote ng mga Judio, ngunit kailangan ni Antiochus ng pondo para sa mga kampanyang militar. Natutuwa rin siyang magkaroon ng isang lider na Judio na mas masigasig na magtataguyod ng Helenisasyon. Sa kahilingan ni Jason, ipinagkaloob ni Antiochus sa Jerusalem ang katayuan ng isang Griegong lunsod (polis). At nagpatayo naman si Jason ng isang himnasyo kung saan ang mga kabataang Judio at maging ang mga saserdote ay nagpapaligsahan sa mga laro.
Ang pagtataksil ay umani ng pagtataksil. Makalipas ang tatlong taon, si Menelaus, na marahil ay wala naman sa linya ng pagkasaserdote, ay nag-alok ng mas mataas na suhol, at tumakas si Jason. Upang mabayaran si Antiochus, kumuha si Menelaus ng malaking halaga ng salapi mula sa kabang-yaman ng templo. Dahil sa kinontra ito ni Onias III (ipinatapon sa Antioquia), isinaayos ni Menelaus na ito’y paslangin.
Nang kumalat ang balitang namatay na si Antiochus, nagbalik si Jason sa Jerusalem kasama ang isang libong kalalakihan upang sikaping maagaw kay Menelaus ang mataas na pagkasaserdote. Subalit hindi naman pala patay si Antiochus. Nang mabalitaan ang ginawa ni Jason at ang pagkakagulo ng mga Judio dahil sa pagsalansang sa kaniyang mga patakaran sa Helenisasyon, naghiganti si Antiochus.
Kumilos si Antiochus
Sa kaniyang aklat na The Maccabees, sumulat si Moshe Pearlman: “Bagaman hindi malinaw ang mga ulat, waring ipinalagay ni Antiochus na ang pagbibigay sa mga Judio ng kalayaan sa relihiyon ay isang pulitikal na pagkakamali. Para sa kaniya, ang pinakahuling himagsikan sa Jerusalem ay sumiklab hindi lamang dahil sa mga hangaring panrelihiyon kundi dahil din sa nangingibabaw na pagpanig ng Judea sa mga Ehipsiyo, at naipahayag ang pulitikal na damdaming ito sa mapanganib na paraan sapagkat ang mga Judio lamang, sa lahat ng kaniyang nasasakupan, ang naghangad at pinahintulutang magkaroon ng malaki-laking kalayaan sa relihiyon. . . . Ipinasiya niyang ito’y dapat maitigil.”
Ganito ang pagbubuod ng estadista at iskolar na Israeli na si Abba Eban hinggil sa sumunod na kaganapan: “Sa sunud-sunod na pangyayari noong mga taon ng 168 at 167 [B.C.E.], ang mga Judio ay pinagpapatay, ang Templo ay ninakawan, ang pagsasagawa ng relihiyong Judio ay ipinagbawal. Ang pagpapatuli ay may parusang kamatayan, gayundin ang pagdiriwang ng Sabbath. Naganap ang sukdulang pag-alipusta noong Disyembre 167, nang, sa utos ni Antiochus, itinayo sa loob ng Templo ang isang altar para kay Zeus, at ang mga Judio ay pinag-utusang maghain ng laman ng baboy—mangyari pa, ito’y marumi ayon sa batas ng mga Judio—sa diyos ng mga Griego.” Sa panahong ito, si Menelaus at ang iba pang Helenisadong Judio ay nagpatuloy sa kanilang posisyon, anupat nanunungkulan sa isa na ngayong dinungisang templo.
Bagaman maraming Judio ang tumanggap ng Helenismo, isang bagong grupo na tinatawag ang kanilang sarili na mga Hasidim—mga deboto—ang nagpasigla sa mahigpit na pagsunod sa Batas ni Moises. Palibhasa’y nasusuklam na ngayon sa mga Helenisadong saserdote, unti-unting pumanig sa Hasidim ang karaniwang mga mamamayan. Nagsimula ang yugto ng pagkamartir nang ang mga Judio sa buong bansa ay piliting sumunod sa mga paganong kaugalian at paghahandog at kung hindi, sila’y papatayin. Ang apokripang mga aklat ng mga Macabeo ay nagbigay ng maraming ulat hinggil sa mga lalaki, babae, at mga bata na minatamis pang mamatay kaysa makipagkompromiso.
Gumanti ang mga Macabeo
Ang marahas na pagkilos ni Antiochus ay nag-udyok sa maraming Judio na ipakipaglaban ang kanilang relihiyon. Sa Modiʼin, sa hilagang-kanluran ng Jerusalem malapit sa modernong lunsod ng Lod, isang saserdoteng nagngangalang Matatias ang ipinatawag sa gitna ng bayan. Yamang iginagalang ng mga tagaroon si Matatias, sinubok ng kinatawan ng hari na kumbinsihin siyang makibahagi sa isang paganong paghahain—upang iligtas ang kaniyang sariling buhay at upang maging halimbawa sa taong-bayan. Nang tumanggi si Matatias, isa pang Judio ang lumapit, na handang makipagkompromiso. Dahil sa matinding galit, inagaw ni Matatias ang isang sandata at pinatay ito. Dahil sa pagkabigla sa marahas na ginawa ng matandang lalaking ito, hindi agad nakahuma ang mga sundalong Griego. Sa loob ng ilang segundo, napatay rin ni Matatias ang opisyal na Griego. Nadaig ng limang anak na lalaki ni Matatias at ng mga residente ng bayan ang mga sundalong Griego bago nila naipagtanggol ang kanilang sarili.
Sumigaw si Matatias: ‘Lahat ng masigasig sa Batas ay sumunod sa akin.’ Upang hindi sila mapaghigantihan, siya at ang kaniyang mga anak ay tumakas patungo sa maburol na lupain. At nang maging usap-usapan ang kanilang ginawa, umanib sa kanila ang mga Judio (kasali na ang maraming Hasidim).
Hinirang ni Matatias ang kaniyang anak na si Juda na pamunuan ang mga operasyong militar. Dahilan marahil sa galing ni Juda sa militaristikong gawain, siya’y tinawag na Macabeo, na ang ibig sabihin ay “martilyo.” Si Matatias at ang kaniyang mga anak ay tinawag na mga Hasmonaean, isang pangalang kinuha sa bayan ng Heshmon o sa isang ninuno na may gayong pangalan. (Josue 15:27) Gayunman, yamang sumikat si Juda Macabeo noong panahon ng himagsikan, ang buong pamilya ay tinawag na mga Macabeo.
Binawi ang Templo
Noong unang taon ng pag-aalsa, nakapag-organisa si Matatias at ang kaniyang mga anak ng isang maliit na hukbo. Di-miminsang sinalakay ng mga sundalong Griego ang mga grupo ng manlalabang Hasidim sa panahon ng Sabbath. Bagaman kaya nilang ipagtanggol ang kanilang sarili, hindi nila nais labagin ang Sabbath. Kaya naman nagbunga ito ng lansakang pamamaslang. Nagpalabas si Matatias—na ngayo’y itinuturing na isang awtoridad sa relihiyon—ng isang pasiya na nagpapahintulot sa mga Judio na ipagtanggol ang kanilang sarili sa panahon ng Sabbath. Ang pasiyang ito ay hindi lamang nagbigay ng panibagong buhay sa himagsikan kundi naglaan din ng isang parisan sa Judaismo na pahintulutan ang mga lider ng relihiyon na iangkop ang batas ng mga Judio sa nagbabagong kalagayan. Naaaninag sa Talmud ang kalakarang ito sa sumunod na pangungusap: “Hayaang suwayin nila ang isang Sabbath upang mapabanal nila ang maraming Sabbath.”—Yoma 85b.
Pagkamatay ng kaniyang matanda nang ama, si Juda Macabeo ang naging di-mapag-aalinlanganang lider ng pag-aalsa. Palibhasa’y batid niyang hindi nila kayang daigin ang kalaban sa harapang pakikidigma, umisip siya ng bagong paraan, na gaya ng pakikihamok ng mga gerilya sa modernong panahon. Sinalakay niya ang hukbo ni Antiochus sa mga lugar na hindi nila magagamit ang kanilang karaniwang paraan ng pagdepensa. Sa sunud-sunod na pakikipaglaban, nagtagumpay si Juda sa pagdaig sa mga hukbong mas napakalalaki kaysa sa kaniyang sariling hukbo.
Dahil sa panloob na mga tunggalian at sa bumabangong kapangyarihan ng Roma, hindi na gaanong nabigyang-pansin ng mga pinuno ng Seleucid Empire ang pagpapatupad sa mga dekretong laban sa mga Judio. Ito ang nagbukas ng daan para kay Juda na itutok ang kaniyang pagsalakay sa pintuang-daan mismo ng Jerusalem. Noong Disyembre 165 B.C.E. (o marahil 164 B.C.E.), naagaw niya at ng kaniyang mga sundalo ang templo, nilinis ang mga kagamitan nito, at muli itong inialay—eksaktong tatlong taon matapos itong lapastanganin. Ginugunita ng mga Judio ang pangyayaring ito taun-taon sa panahon ng Hanukkah, ang kapistahan ng pag-aalay.
Pulitika Muna Bago ang Kabanalan
Ang mga tunguhin ng pag-aalsa ay naabot. Naalis ang pagbabawal sa pagsasagawa ng Judaismo. Naibalik ang pagsamba at paghahain sa templo. Ngayong kontento na, humiwalay na sa hukbo ni Juda Macabeo ang mga Hasidim at nagbalik na sa kani-kanilang tahanan. Ngunit may iba pang naiisip si Juda. Sanay na sanay na ang kaniyang hukbo, kaya bakit hindi niya ito gamitin upang magtatag ng isang independiyenteng estado ng mga Judio? Ang relihiyosong mga layunin na naging dahilan ng pag-aalsa ay napalitan ngayon ng mga motibong pampulitika. Kaya nagpatuloy ang pakikipaglaban.
Upang makahingi ng suporta sa kaniyang pakikipaglaban sa pangingibabaw ng Seleucid, nakipagkasundo si Juda Macabeo sa Roma. Bagaman napatay siya sa labanan noong 160 B.C.E., ipinagpatuloy ng kaniyang kapatid ang laban. Minaniobra ng kapatid ni Juda na si Jonathan ang mga bagay-bagay upang sumang-ayon ang mga tagapamahalang Seleucid na hirangin siya bilang mataas na saserdote at tagapamahala sa Judea, bagaman nasa ilalim pa rin siya ng kanilang soberanya. Nang si Jonathan ay malinlang, mabihag, at mapatay bilang resulta ng pakana ng Siria, ang kaniyang kapatid na si Simeon—ang pinakahuli sa magkakapatid na Macabeo—ang humalili. Sa ilalim ng pamamahala ni Simeon, naglaho na ang pinakahuling bakas ng pangingibabaw ng Seleucid (noong 141 B.C.E.). Inulit ni Simeon ang pakikipagkasundo sa Roma, at tinanggap siya ng mga Judiong lider bilang tagapamahala at mataas na saserdote. Sa gayon ay naitatag ang independiyenteng dinastiya ng mga Hasmonaean sa pamamagitan ng mga kamay ng mga Macabeo.
Muling itinatag ng mga Macabeo ang pagsamba sa templo bago ang pagdating ng Mesiyas. (Ihambing ang Juan 1:41, 42; 2:13-17.) Ngunit kung paanong nasira ang pagtitiwala sa pagkasaserdote dahil sa mga ginawa ng Helenisadong mga pari, ito’y lalo pang naging mabuway sa ilalim ng mga Hasmonaean. Oo, ang pamamahala ng mga saserdoteng mahilig sa pulitika sa halip na pamamahala ng isang hari mula sa tapat na linya ni David ay hindi nagdulot ng tunay na pagpapala sa mamamayang Judio.—2 Samuel 7:16; Awit 89:3, 4, 35, 36.
[Larawan sa pahina 21]
Si Matatias, ang ama ni Juda Macabeo, ay sumigaw: ‘Lahat ng masigasig sa Batas ay sumunod sa akin’
[Credit Line]
Si Matatias habang nananawagan sa lumikas na mga Judio/The Doré Bible Illustrations/Dover Publications