“Ang May Maitim na Buhok na Senyora sa Iláng ng Sirya”
KULAY olibo ang kaniyang kutis, parang perlas sa kaputian ang kaniyang mga ngipin, maiitim at makikinang ang kaniyang mga mata. Mataas ang kaniyang pinag-aralan at isang dalubwika. Ang mandirigmang reynang ito ay sinasabing mas matalino kaysa kay Cleopatra at marahil ay kasingganda niya. Palibhasa’y buong-tapang na naipagtanggol ang sarili sa dominanteng kapangyarihang pandaigdig noong kaniyang kaarawan, natupad sa kaniya ang isang makahulang papel sa isang maka-Kasulatang dula. Kahit malaon na siyang patay, pinupuri pa rin siya ng mga manunulat, at ginagawa pa rin siyang modelo ng mga pintor. Inilarawan siya ng isang ika-19-na-siglong makata bilang “ang may maitim na buhok na senyora sa iláng ng Sirya.” Ang ipinagbubunying babaing ito ay si Zenobia—reyna ng lunsod ng Palmyra sa Sirya.
Paano naging prominente si Zenobia? Ano ba ang kalagayan ng pulitika noon na umakay sa kaniyang pag-angat sa kapangyarihan? Ano ang masasabi sa kaniyang pagkatao? At anong makahulang papel ang tinupad ng reynang ito? Isaalang-alang muna natin ang heograpikong tagpo na doo’y nagsimula ang dula.
Isang Lunsod sa Gilid ng Disyerto
Ang lunsod ni Zenobia, ang Palmyra, ay nasa mga 210 kilometro sa hilagang-silangan ng Damasco, sa hilagaang gilid ng Siryanong Disyerto kung saan ang mga bundok ng Anti-Lebanon ay pababa sa kapatagan. Ang oasis na lunsod na ito ay nasa mga kalagitnaan ng Dagat Mediteraneo sa kanluran at ng Ilog Eufrates sa silangan. Maaaring inakala ni Haring Solomon na ito ang Tadmor, isang lugar na mahalaga sa kapakanan ng kaniyang kaharian sa dalawang dahilan: bilang isang kampamentong pandepensa sa hilagaang hangganan at bilang isang mahalagang kawing sa sunud-sunod na bayan ng mga manlalakbay. Nang magkagayon, ‘muling itinayo [ni Solomon] ang Tadmor sa ilang.’—2 Cronica 8:4.
Hindi na naungkat ang tungkol sa Tadmor sa loob ng isang libong taon ng kasaysayan pagkatapos ng paghahari ni Haring Solomon. Kung tama ngang ito rin ang Palmyra, ang pag-akyat nito sa katanyagan ay nagsimula pagkatapos na maging hangganang lalawigan ng Imperyong Romano ang Sirya noong 64 B.C.E. “Ang Palmyra ay mahalaga sa Roma dahil sa dalawang larangan, pang-ekonomiya at pangmilitar,” sabi ni Richard Stoneman sa kaniyang aklat na Palmyra and Its Empire—Zenobia’s Revolt Against Rome. Yamang ang lunsod na ito ng mga palma ay siyang pangunahing ruta ng negosyo na nag-uugnay sa Roma patungong Mesopotamia at Silangan, doon itinatawid ang pangkomersiyong kayamanan ng sinaunang daigdig—mga espesya mula sa East Indies, seda mula sa Tsina, at iba pang mga paninda mula sa Persia, Lower Mesopotamia, at mga lupain sa Mediteraneo. Umasa ang Roma sa pag-angkat ng mga panindang ito.
Kung tungkol sa pangmilitar, ang lalawigan ng Sirya ay nagsilbing neutral na sona sa pagitan ng naglalabanang kapangyarihan ng Roma at Persia. Ang ilog Eufrates ang naghihiwalay sa Roma mula sa karatig nito sa silangan noong unang 250 taon ng ating Karaniwang Panahon. Nasa kabila lamang ng disyerto ang Palmyra, sa kanluran ng lunsod ng Dura-Europos sa Eufrates. Palibhasa’y kinikilala ang mahalagang posisyon nito, pinuntahan ng mga Romanong emperador na gaya nina Hadrian at Valerian ang Palmyra. Dinagdagan ni Hadrian ang kahanga-hangang arkitektura nito at nagbigay ng napakalalaking donasyon. Ginantimpalaan ni Valerian ang isang maharlikang taga-Palmyra na nagngangalang Odaenathus—asawa ni Zenobia—sa pamamagitan ng pagtataas sa kaniya, noong 258 C.E., sa ranggo ng pagiging konsul ng Roma dahil sa nagtagumpay siya sa pangangampanya laban sa Persia at pinaabot pa ang hangganan ng Imperyong Romano hanggang Mesopotamia. Mahalaga ang papel na ginampanan ni Zenobia sa pagsikat ng kaniyang asawa sa kapangyarihan. Isinulat ng istoryador na si Edward Gibbon: “Napakalaki ng nagawa ng kaniyang [ni Zenobia] di-mapapantayang kahusayan sa pagpapasiya at katapangan para sa tagumpay ni Odenathus.”
Samantala, ipinasiya ni Haring Sapor ng Persia na hamunin ang pananaig ng Romano at patunayan ang kaniyang kapangyarihan sa lahat ng dating lalawigan ng Persia. Kasama ang isang napakalaking hukbo, nagmartsa siya pakanluran, nilupig ang mga bayan ng Nisibis at Carrhae (Haran) na mga kampamento ng Romano, at winasak ang hilagang Sirya at Cilicia. Si Emperador Valerian mismo ang namuno sa kaniyang hukbo laban sa mga sumasalakay ngunit nalupig sila at nabihag ng mga Persiano.
Inisip ni Odaenathus na ito ang tamang panahon upang magpadala ng mamahaling mga regalo at isang mensahe ng pakikipagpayapaan sa monarka ng Persia. Buong-kapalaluang ipinag-utos ni Haring Sapor na itapon sa Eufrates ang mga regalo at iniutos na paharapin sa kaniya si Odaenathus bilang isang nagmamakaawang bihag. Bilang tugon, pinagsama ng mga taga-Palmyra ang mga lagalag ng disyerto at ang mga natira sa hukbong Romano bilang isang hukbo at paulit-ulit na sinalakay at pinagnakawan ang ngayo’y umuurong nang mga Persiano. Dahil sa biglang-lusob at biglang-urong na taktika ng mga mandirigma ng disyerto, humina ang depensa ng puwersa ni Sapor—palibhasa’y pagod na at sagad na sa panloloob sa kanila—at napilitang tumakas.
Bilang pagkilala sa kaniyang tagumpay laban kay Sapor, si Odaenathus ay binigyan ni Gallienus, anak na lalaki ni Valerian at humalili sa kaniya, ng titulong corrector totius Orientis (gobernador ng buong Silangan). Nang maglaon, binigyan ni Odaenathus ang kaniyang sarili ng titulong “hari ng mga hari.”
Pinangarap ni Zenobia na Lumikha ng Imperyo
Noong 267 C.E., sa tugatog ng kaniyang panunungkulan, si Odaenathus at ang kaniyang tagapagmana ay pataksil na pinatay, ng di-umano’y isang pamangking lalaki bilang paghihiganti. Si Zenobia ang humalili sa puwesto ng kaniyang asawa, yamang napakabata pa ng kaniyang anak na lalaki. Palibhasa’y maganda, ambisyosa, may-kakayahan bilang isang administradora, sanáy sa pangangampanya kasama ng kaniyang nasirang asawa, at matatas sa ilang wika, nagawa niyang makuha ang paggalang at suporta ng kaniyang mga nasasakupan—di-biru-birong tagumpay sa mga Bedouino. Gustung-gusto ni Zenobia na matuto pa kung kaya pinalibutan niya ang kaniyang sarili ng mga marurunong. Isa sa kaniyang mga tagapayo ay ang pilosopo at retorikong si Cassius Longinus—na sinasabing naging “isang buháy na aklatan at naglalakad na museo.” Ganito ang sinabi ng awtor na si Stoneman: “Sa loob ng limang taon pagkamatay ni Odenathus . . . naitatak na ni Zenobia sa isip ng kaniyang sakop na siya ang senyora ng Silangan.”
Ang isang panig ng teritoryo ni Zenobia ay ang Persia, na nilumpo nilang mag-asawa, at sa kabilang panig naman ay ang pabagsak nang Roma. Hinggil sa kalagayan ng Imperyong Romano noon, ganito ang sabi ng istoryador na si J. M. Roberts: “Ang ikatlong siglo ay . . . isang teribleng panahon para sa Roma sa mga hangganan ng silangan at gayundin ng kanluran, samantalang sa sariling bansa ay nagsimula naman ang isang panibagong panahon ng digmaang sibil at pagtutol sa mga humahaliling kapangyarihan. Dalawampu’t dalawang emperador (puwera pa ang mga impostor) ang sunud-sunod na namahala.” Sa kabilang dako naman, ang senyora ng Sirya ay naging isang matatag at di-mapasusubaliang monarka sa kaniyang kaharian. “Yamang kontrolado ang dalawang imperyo [Persiano at Romano],” sabi ni Stoneman, “nangarap siya na makalikha ng ikatlo na rerenda sa dalawang ito.”
Ang pagkakataon ni Zenobia na mapalawak ang kaniyang kapangyarihan bilang reyna ay dumating noong 269 C.E., nang lumitaw sa Ehipto ang isang impostor na tumututol sa pamamahala ng Roma. Agad na nagmartsa ang hukbo ni Zenobia patungong Ehipto, nilupig ang rebelde, at inangkin ang bansa. Sa pagpoproklama sa kaniyang sarili bilang reyna ng Ehipto, nagpagawa siya ng salaping metal sa kaniyang pangalan. Umabot na ngayon ang kaniyang kaharian mula ilog Nilo hanggang ilog Eufrates. Sa yugtong ito ng kaniyang buhay, nakuha niya ang posisyon bilang “hari ng timog” na binanggit sa hula ni Daniel sa Bibliya, yamang ang kaniyang kaharian noon ay sumasakop sa dakong timog ng sariling bayan ni Daniel. (Daniel 11:25, 26) Nasakop din niya ang kalakhang bahagi ng Asia Minor.
Pinalakas at pinaganda ni Zenobia ang kaniyang kapitolyo, ang Palmyra, hanggang sa punto na ito’y napahanay na sa mas malalaking lunsod ng daigdig ng Roma. Ang tinatayang populasyon nito ay umabot nang mahigit sa 150,000. Napuno ang lunsod ng kahanga-hangang mga gusaling pampubliko, mga templo, halamanan, matitibay na haligi, at mga monumento, sa loob ng mga pader na sinasabing 21 kilometro ang sirkumperensiya. Ang mga kolumna ng sunud-sunod na haliging gawa sa arkitektura ng mga taga-Corinto na may mahigit na 15 metro ang taas—mga 1,500 ng mga ito—ang nakahanay sa pangunahing daan. Kabi-kabila sa lunsod ang mga istatuwa at busto ng mga bayani at mayayamang tagatangkilik. Noong 271 C.E., nagpatayo si Zenobia ng isang pares na istatuwa niya at ng kaniyang nasirang asawa. Sa gilid ng disyerto, ang Palmyra ay nagniningning na parang hiyas.
Ang Templo ng Araw ang isa sa pinakamagagandang istraktura sa Palmyra at walang-alinlangang ito ang nangingibabaw sa lunsod kung tungkol sa relihiyon. Malamang, sumamba rin si Zenobia sa isang diyos na may kinalaman sa diyos na araw. Gayunman, ang Sirya noong ikatlong siglo ay isang lupain na may maraming relihiyon. Sa nasasakupan ni Zenobia ay may mga nag-aangking Kristiyano, Judio, astrologo, at mga mananamba sa araw at buwan. Ano kaya ang saloobin niya sa iba’t ibang paraan ng pagsamba sa kaniyang kaharian? Sinabi ng awtor na si Stoneman: “Hindi ipagwawalang-bahala ng isang matalinong tagapamahala ang anumang kaugaliang sa wari’y angkop naman sa kaniyang sakop. . . . Ang mga diyos, gaya ng . . . inasahan, ay inorganisa sa panig ng Palmyra.” Maliwanag, si Zenobia ay mapagparaya kung tungkol sa relihiyon. Ngunit tunay nga bang ang mga diyos ay “inorganisa sa panig ng Palmyra”? Ano ba ang namimintong mangyari sa Palmyra at sa “matalinong tagapamahala” nito?
‘Napukaw ang Puso’ ng Isang Emperador Laban kay Zenobia
Noong taóng 270 C.E., naging emperador ng Roma si Aurelian. Itinaboy at dinisiplina ng kaniyang hukbo ang mga barbaro ng hilaga. Noong 271 C.E.—ngayo’y kinakatawanan “ang hari ng hilaga” ng hula ni Daniel—‘napukaw ang kapangyarihan at puso [ni Aurelian] laban sa hari ng timog,’ na kinakatawanan naman ni Zenobia. (Daniel 11:25a) Nagpadala si Aurelian ng ilan sa kaniyang puwersa deretso sa Ehipto at pinangunahan niya ang kaniyang pangunahing hukbo pasilangan sa Asia Minor.
Ang hari ng timog—ang namamahalang katauhan na pinangungunahan ni Zenobia—ay ‘naudyukang’ makipagdigma laban kay Aurelian “taglay ang pagkalaki-laki at pagkalakas-lakas na puwersang militar” sa ilalim ng dalawang heneral, sina Zabdas at Zabbai. (Daniel 11:25b) Ngunit nakuha ni Aurelian ang Ehipto at saka naglunsad ng isang ekspedisyon papasok sa Asia Minor at Sirya. Natalo si Zenobia sa Emesa (ngayo’y Homs), at siya’y bumalik sa Palmyra.
Nang kubkubin ni Aurelian ang Palmyra, si Zenobia, sa pag-asang makahihingi ng tulong, ay tumakas kasama ang kaniyang anak na lalaki patungong Persia, ngunit nabihag lamang sila ng mga Romano sa Ilog Eufrates. Isinuko ng mga taga-Palmyra ang kanilang lunsod noong 272 C.E. Naging makonsiderasyon naman sa pakikitungo si Aurelian sa mga naninirahan doon, nanambong nang napakarami, kasali na ang idolo mula sa Templo ng Araw, at saka umalis patungong Roma. Hindi pinatay ng Romanong emperador si Zenobia, anupat ginawa siyang pangunahing tampok sa kaniyang parada ng tagumpay na dumaraan sa Roma noong 274 C.E. Ginugol nito ang natitirang bahagi ng kaniyang buhay bilang isang Romanong matrona.
Winasak ang Disyertong Lunsod
Ilang buwan matapos sakupin ni Aurelian ang Palmyra, walang-awang pinagpapatay ng mga taga-Palmyra ang mga kawal na Romano na iniwan niya. Nang mabalitaan ni Aurelian ang pag-aalsang ito, agad niyang pinag-utusan ang kaniyang mga sundalo na balikan ang kanilang pinanggalingan, at sa pagkakataong ito ay ipinadama nila ang nakapanghihilakbot na paghihiganti sa mga mamamayan. Yaong mga nakaligtas sa walang-awang pagpatay ay napasadlak naman sa pagkaalipin. Ang mapagmapuring lunsod ay dinambong at winasak anupat hindi na ito muling maitatayo. Kaya naman ang abalang lunsod ay bumalik sa dating kalagayan nito—“ang Tadmor sa ilang.”
Nang buong-tapang na harapin ni Zenobia ang Roma, wala silang kamalay-malay na ginagampanan niya at ni Emperador Aurelian ang kani-kanilang papel bilang “ang hari ng timog” at “ang hari ng hilaga,” anupat tinutupad ang bahagi ng hulang iniulat ng propeta ni Jehova ayon sa kaliit-liitang detalye nito mga 800 taon bago nito. (Daniel, kabanata 11) Dahil sa kaniyang kaakit-akit na personalidad, nakuha ni Zenobia ang paghanga ng marami. Gayunman, ang pinakamahalaga sa lahat ay ang kaniyang papel na kumatawan sa isang pulitikal na katauhang sinabi sa hula ni Daniel. Hindi umabot sa mahigit na limang taon ang kaniyang pamamahala. Ang Palmyra ngayon, ang kapitolyo ng kaharian ni Zenobia, ay isang nayon na lamang. Maging ang makapangyarihang Imperyong Romano ay matagal nang naglaho at napasailalim sa modernong mga kaharian. Ano kaya ang magiging kinabukasan ng mga kapangyarihang ito? Ang kanila ring patutunguhan ay inuugitan ng tiyak na katuparan ng hula sa Bibliya.—Daniel 2:44.
[Kahon sa pahina 29]
Ang Pamana ni Zenobia
Pagbalik sa Roma matapos talunin si Zenobia, ang reyna ng Palmyra, nagtayo si Emperador Aurelian ng isang templo para sa araw. Inilagay niya roon ang rebulto ng diyos-araw na kaniyang kinuha sa lunsod ni Zenobia. Bilang pagkokomento sa mga naganap pa, ganito ang sabi ng magasing History Today: “Ang pinakapangmatagalan marahil sa lahat ng ginawa ni Aurelian ay ang pagtatatag, noong AD 274, ng isang taunang kapistahan ng araw na pumapatak sa winter solstice, ika-25 ng Disyembre. Nang maging Kristiyano ang imperyo, inilipat ang kaarawan ni Kristo sa petsang ito upang maging lalong katanggap-tanggap ang bagong relihiyon para sa mga naaaliw sa mga sinaunang kapistahan. Hindi natin iisipin na dahil pala kay Emperatris Zenobia kung kaya . . . ipinagdiriwang [ng mga tao] ang ating Pasko.”
[Mapa/Larawan sa pahina 28, 29]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
DAGAT MEDITERANEO
SIRYA
Antioquia
Emesa (Homs)
PALMYRA
Damasco
MESOPOTAMIA
Eufrates
Carrhae (Haran)
Nisibis
Dura-Europos
[Credit Lines]
Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
Kolumna: Michael Nicholson/Corbis
[Larawan sa pahina 29]
Salaping metal ng Romano na posibleng naglalarawan kay Aurelian
[Larawan sa pahina 30]
Templo ng Araw sa Palmyra
[Credit Line]
The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck
[Larawan sa pahina 31]
Si Reyna Zenobia habang nagpapahayag sa kaniyang mga sundalo
[Credit Line]
Detalye ni: Giovanni Battista Tiepolo, Si Reyna Zenobia Habang Nagpapahayag sa Kaniyang mga Sundalo, Samuel H. Kress Collection, Larawan © Board of Trustees, National Gallery of Art, Washington
[Picture Credit Line sa pahina 28]
Giovanni Battista Tiepolo, Si Reyna Zenobia Habang Nagpapahayag sa Kaniyang mga Sundalo, Samuel H. Kress Collection, Larawan © Board of Trustees, National Gallery of Art, Washington