Ang Ating Kayamanan sa Yaring-Luwad na mga Sisidlan
“Taglay namin ang kayamanang ito sa yaring-luwad na mga sisidlan, upang ang lakas na higit sa karaniwan ay maging sa Diyos at hindi mula sa aming mga sarili.”—2 Corinto 4:7.
1. Paano tayo dapat mapatibay ng halimbawa ni Jesus?
HABANG hinuhubog ni Jehova rito sa lupa, tuwirang naranasan ni Jesus ang mga kahinaan ng sangkatauhan. Tunay ngang mapatitibay tayo ng kaniyang halimbawa sa pag-iingat ng katapatan! Sinasabi sa atin ng apostol: “Sa katunayan, sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iiwan ng huwaran sa inyo upang sundan ninyo nang maingat ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Sa pagsasailalim sa gayong paghubog, nagtagumpay si Jesus laban sa sanlibutan. Pinalakas-loob din niya ang kaniyang mga apostol upang maging matagumpay. (Gawa 4:13, 31; 9:27, 28; 14:3; 19:8) At anong laking pampatibay-loob ang ibinigay niya sa pagtatapos ng kaniyang huling pahayag sa kanila! Sinabi niya: “Sinabi ko ang mga bagay na ito sa inyo upang sa pamamagitan ko ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay may kapighatian kayo, ngunit lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—Juan 16:33.
2. Ibang-iba sa pagkabulag ng sanlibutan, anong kaliwanagan ang taglay natin?
2 Gayundin naman, matapos ipakita ang pagkakaiba ng pagkabulag na idinulot ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay” at ng “kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita,” ganito ang sabi ni apostol Pablo tungkol sa ating mahalagang ministeryo: “Taglay namin ang kayamanang ito sa yaring-luwad na mga sisidlan, upang ang lakas na higit sa karaniwan ay maging sa Diyos at hindi mula sa aming mga sarili. Ginigipit kami sa bawat paraan, ngunit hindi nasisikipan na hindi makakilos; naguguluhan kami, ngunit hindi ganap na walang malabasan; pinag-uusig kami, ngunit hindi iniiwan sa kagipitan; ibinabagsak kami, ngunit hindi napupuksa.” (2 Corinto 4:4, 7-9) Bagaman tayo’y marurupok na “yaring-luwad na mga sisidlan,” gayon na lamang ang paghubog sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang espiritu anupat maaari tayong maging lubusang matagumpay laban sa sanlibutan ni Satanas.—Roma 8:35-39; 1 Corinto 15:57.
Hinubog ang Israel Noon
3. Paano inilarawan ni Isaias ang paghubog sa bansang Judio?
3 Hinuhubog ni Jehova hindi lamang ang mga indibiduwal kundi maging ang buong mga bansa. Halimbawa, nang sumailalim ang sinaunang Israel sa paghubog ni Jehova, lumago ito. Ngunit sa dakong huli ay pinatigas nito ang sarili sa isang landasin ng pagkamasuwayin. Bunga nito, ang Tagapag-anyo ng Israel ay nagpasapit dito ng “kaabahan.” (Isaias 45:9) Noong ikawalong siglo B.C.E., nakipag-usap si Isaias kay Jehova tungkol sa malubhang pagkakasala ng Israel, anupat sinabi: “O Jehova, ikaw ang aming Ama. Kami ang luwad, at ikaw ang aming Magpapalayok; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay. . . . Ang lahat ng aming mga kanais-nais na bagay ay naging isang kagibaan.” (Isaias 64:8-11) Nahubog ang Israel upang maging isang sisidlan na karapat-dapat lamang sa pagkapuksa.
4. Anong ilustrasyon ang iniakto ni Jeremias?
4 Makaraan ang isang siglo, habang papalapit ang araw ng pagtutuos, sinabihan ni Jehova si Jeremias na kumuha ng isang kagamitang-luwad na prasko at samahan ang ilan sa matatandang lalaki ng Jerusalem patungo sa Libis ng Hinom, na tinagubilinan siya: “Basagin mo ang prasko sa paningin ng mga lalaki na yayaong kasama mo. At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Sa gayunding paraan ay babasagin ko ang bayang ito at ang lunsod na ito kung paanong binabasag ng isa ang sisidlan ng magpapalayok anupat hindi na iyon makukumpuni.” ’ ”—Jeremias 19:10, 11.
5. Gaano katindi ang naging kahatulan ni Jehova sa Israel?
5 Noong 607 B.C.E., winasak ni Nabucodonosor ang Jerusalem pati ang templo nito at dinalang-bihag sa Babilonya ang nakaligtas na mga Judio. Subalit matapos ang 70 taon ng pagkakatapon, ang mga nagsising Judio ay nakabalik upang maitayong-muli ang Jerusalem at ang templo nito. (Jeremias 25:11) Gayunman, pagsapit ng unang siglo C.E., iniwan na naman ng bansa ang Dakilang Magpapalayok, at sa wakas ay pinababa nito ang sarili sa pinakagrabeng krimen ng pagpaslang sa sariling Anak ng Diyos. Noong 70 C.E., ginamit ng Diyos ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Roma bilang kaniyang tagapuksa sa Judiong sistema ng mga bagay, anupat dinurog ang Jerusalem at ang templo nito. Hindi na muling huhubugin ng kamay ni Jehova ang bansang Israel bilang isang bagay na may “kabanalan at kagandahan.”a
Paghubog sa Isang Espirituwal na Bansa
6, 7. (a) Paano inilarawan ni Pablo ang paghubog sa espirituwal na Israel? (b) Ano ang kumpletong bilang ng “mga sisidlan ng awa,” at ano ang bumubuo rito?
6 Ang mga Judio na tumanggap kay Jesus ay hinubog bilang mga miyembrong pundasyon ng isang bagong bansa, ang espirituwal na “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Angkop, kung gayon, ang mga salita ni Pablo: “Ano? Hindi ba may awtoridad ang magpapalayok sa luwad upang mula sa iisang limpak ay gumawa ng isang sisidlan para sa isang marangal na gamit, ng isa pa para sa isang walang-dangal na gamit? . . . Ang Diyos, bagaman may kalooban na itanghal ang kaniyang poot at ipaalam ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiis taglay ang labis na mahabang-pagtitiis sa mga sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa, upang maipaalam niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na kaniyang inihanda nang patiuna para sa kaluwalhatian.”—Roma 9:21-23.
7 Nang dakong huli ay ipinahayag ng binuhay-muling si Jesus na ang mga “sisidlan[g ito] ng awa” ay may bilang na 144,000. (Apocalipsis 7:4; 14:1) Yamang hindi natugunan ng likas na Israel ang buong bilang na iyan, ipinaabot ni Jehova ang kaniyang awa sa mga tao ng mga bansa. (Roma 11:25, 26) Mabilis na lumago ang bagong kongregasyong Kristiyano. Sa loob lamang ng 30 taon, ang mabuting balita ay ‘ipinangangaral na sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.’ (Colosas 1:23) Kinailangan nito ng wastong pangangasiwa sa napakaraming nakakalat na lokal na mga kongregasyon.
8. Sino ang bumubuo sa unang lupong tagapamahala, at paano pinalawak ang lupon na ito?
8 Inihanda ni Jesus ang 12 apostol upang maging unang lupong tagapamahala, na sinasanay sila pati na ang iba para sa ministeryo. (Lucas 8:1; 9:1, 2; 10:1, 2) Noong Pentecostes 33 C.E., itinatag ang kongregasyong Kristiyano, at nang sumapit ang panahon, ang lupong tagapamahala nito ay pinalawak upang makasali ‘ang mga apostol at ang mga nakatatandang lalaki sa Jerusalem.’ Pagkaraan pa ng ilang panahon, si Santiago, na kapatid ni Jesus sa ina, bagaman hindi isang apostol, ay waring naglingkod bilang tsirman. (Gawa 12:17; 15:2, 6, 13; 21:18) Ayon sa mananalaysay na si Eusebius, ang mga apostol ay naging pantanging tudlaan ng pag-uusig at nagsipangalat sa iba pang teritoryo. Ang kayarian ng lupong tagapamahala ay binago ayon dito.
9. Anong nakalulungkot na pangyayari ang inihula ni Jesus na magaganap?
9 Sa pagtatapos ng unang siglo, ‘ang kaaway, ang Diyablo,’ ay nagsimulang ‘maghasik ng mga panirang-damo’ sa gitna ng tulad-trigong mga tagapagmana ng “kaharian ng mga langit.” Inihula ni Jesus na ang nakalulungkot na pangyayaring ito ay pahihintulutan hanggang sa panahon ng pag-aani sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Pagkatapos, ‘ang mga matuwid ay muli na namang sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.’ (Mateo 13:24, 25, 37-43) Kailan mangyayari iyan?
Paghubog sa Israel ng Diyos Ngayon
10, 11. (a) Paano nagsimula ang paghubog sa modernong-panahong Israel ng Diyos? (b) Anong magkakaibang mga turo ang masusumpungan sa Sangkakristiyanuhan at sa mga kabilang sa masisigasig na Estudyante ng Bibliya?
10 Noong 1870, binuo ni Charles Taze Russell ang isang grupo sa pag-aaral ng Bibliya sa Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A. Noong 1879, sinimulan niya ang buwanang paglalathala ng magasing kilala ngayon bilang Ang Bantayan. Hindi nagtagal at naunawaan ng mga Estudyanteng ito ng Bibliya, gaya ng itinawag sa kanila, na tinanggap ng Sangkakristiyanuhan ang di-makakasulatang mga turong pagano, gaya ng imortalidad ng kaluluwa, apoy ng impiyerno, purgatoryo, isang Trinitaryong diyos, at bautismo sa sanggol.
11 Subalit higit na mahalaga, ibinalik ng mga umiibig na ito sa katotohanan ng Bibliya ang mga pangunahing turo ng Bibliya, gaya ng katubusan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus at pagkabuhay-muli tungo sa walang-hanggang buhay sa isang mapayapang paraisong lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Higit sa lahat, idiniin ang napipintong pagbabangong-puri sa Diyos na Jehova bilang Soberanong Panginoon ng sansinukob. Naniwala ang mga Estudyante ng Bibliya na malapit nang masagot ang Panalangin ng Panginoon: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Sila’y hinuhubog noon sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos tungo sa isang pambuong-daigdig na samahan ng mga Kristiyanong maibigin sa kapayapaan.
12. Paano napag-unawa ng mga Estudyante ng Bibliya ang isang mahalagang petsa?
12 Ang isang malalim na pag-aaral ng Daniel kabanata 4 at ng iba pang hula ay nakakumbinsi sa mga Estudyante ng Bibliya na ang pagkanaririto ni Jesus bilang Mesiyanikong Hari ay tiyak na malapit na. Napag-unawa nila na ang 1914 ang siyang petsa ng pagwawakas ng “itinakdang panahon ng mga bansa.” (Lucas 21:24; Ezekiel 21:26, 27) Mabilis na pinalawak ng mga Estudyante ng Bibliya ang kanilang gawain, anupat bumuo ng mga klase sa Bibliya (nang maglaon ay tinawag na mga kongregasyon) sa buong Estados Unidos. Sa pagsisimula ng siglong ito, lumalaganap na sa Europa at Australasia ang kanilang gawaing pagtuturo ng Bibliya. Kinailangan ang mahusay na organisasyon.
13. Anong legal na katayuan ang nakamit ng mga Estudyante ng Bibliya, at anong natatanging paglilingkod ang nagawa ng unang presidente ng Samahan?
13 Upang mabigyan ang mga Estudyante ng Bibliya ng legal na katayuan, binuo upang maging korporasyon noong 1884 sa Estados Unidos ang Zion’s Watch Tower Tract Society, na ang punong-tanggapan ay nasa Pittsburgh, Pennsylvania. Ang mga direktor nito ay nagsilbing isang sentral na Lupong Tagapamahala, na nangangasiwa sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos sa buong globo. Ang unang presidente ng Samahan, si Charles T. Russell, ay sumulat ng anim na tomo ng Studies in the Scriptures at gumawa ng malawakang mga paglalakbay upang mangaral. Iniabuloy rin niya sa pambuong-daigdig na gawaing pang-Kaharian ang kayamanan na natipon niya bago siya nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Noong 1916, habang matindi ang Malaking Digmaan sa Europa, ang hapung-hapo na si Brother Russell ay namatay sa isang paglalakbay habang nangangaral. Ibinigay niya ang lahat para sa ikalalawak ng pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos.
14. Paano ‘nakipaglaban ng mainam na pakikipaglaban’ si J. F. Rutherford? (2 Timoteo 4:7)
14 Ang sumunod na naging presidente ay si Joseph F. Rutherford, na dating pansamantalang hukom sa Missouri. Bunga ng kaniyang walang-takot na pagtataguyod sa katotohanan ng Bibliya, nagsanib ng puwersa ang klero ng Sangkakristiyanuhan at ang mga pulitiko sa ‘paglikha ng kabagabagan sa pamamagitan ng dekreto.’ Noong Hunyo 21, 1918, si Brother Rutherford at ang pitong iba pang nangungunang Estudyante ng Bibliya ay nabilanggo, na may maramihang magkakasabay na sentensiya na 10 o 20 taon. Nakipagpunyagi ang mga Estudyante ng Bibliya. (Awit 94:20; Filipos 1:7) Habang nag-aapela, pinalaya sila noong Marso 26, 1919, at nang maglaon ay ganap na pinawalang-sala mula sa maling paratang na sedisyon.b Ang karanasang ito ay humubog sa kanila upang maging matatag na mga tagapagtaguyod ng katotohanan. Sa tulong ni Jehova, ginawa nila ang lahat ng posibleng paraan upang magtagumpay sa espirituwal na pakikipaglaban na maipahayag ang mabuting balita sa kabila ng pagsalansang ng Babilonyang Dakila. Ang pakikipaglabang iyon ay nagpapatuloy hanggang sa taóng ito ng 1999.—Ihambing ang Mateo, kabanata 23; Juan 8:38-47.
15. Bakit mahalaga sa kasaysayan ang taóng 1931?
15 Noong mga dekada ng 1920 at 1930, patuloy na hinubog ang pinahirang Israel ng Diyos sa ilalim ng patnubay ng Dakilang Magpapalayok. Sumikat ang makahulang liwanag mula sa Kasulatan, na nagpaparangal kay Jehova at nagtutuon ng pansin sa Mesiyanikong Kaharian ni Jesus. Noong 1931, nagalak ang mga Estudyante ng Bibliya na tanggapin ang bagong pangalan na mga Saksi ni Jehova.—Isaias 43:10-12; Mateo 6:9, 10; 24:14.
16 at kahon sa pahina 19. Kailan nakumpleto ang bilang na 144,000, at ano ang patotoo nito?
16 Noong dekada ng 1930, waring kumpleto na sa bilang “yaong mga tinawag at pinili at tapat,” ang 144,000. (Apocalipsis 17:14; tingnan ang kahon sa pahina 19.) Hindi natin alam kung ilan sa mga pinahiran ang tinipon noong unang siglo at ang nagmula sa “mga panirang-damo” noong madilim na mga siglo ng malaking apostasya ng Sangkakristiyanuhan. Ngunit noong 1935, may kabuuang bilang na 52,465 mamamahayag sa buong daigdig, mula sa pinakamataas na bilang na 56,153, ang nagpahiwatig ng kanilang makalangit na pag-asa sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal. Ano kaya ang mangyayari sa marami na noo’y titipunin pa lamang?
“Narito! Isang Malaking Pulutong”
17. Anong makasaysayang pangyayari ang naganap noong 1935?
17 Sa isang kombensiyon na ginanap mula Mayo 30 hanggang Hunyo 3, 1935, sa Washington, D.C., E.U.A., binigkas ni Brother Rutherford ang isang mahalagang pahayag na pinamagatang “Ang Lubhang Karamihan.”c Ang grupong ito, “na hindi mabilang ng sinumang tao,” ay lilitaw habang patapos na ang pagtatatak sa 144,000 kabilang sa espirituwal na Israel. Ang mga ito rin naman ay mananampalataya sa tumutubos na bisa ng “dugo ng Kordero,” si Jesus, at mag-uukol ng sagradong paglilingkod sa kaayusan ng pagsamba sa templo ni Jehova. Bilang isang grupo, sila’y ‘lalabas nang buhay mula sa malaking kapighatian,’ upang manahin ang makalupang Paraiso kung saan “hindi na magkakaroon ng kamatayan.” Sa loob ng ilang taon bago ang kombensiyong iyan, ang grupong ito ay tinukoy bilang ang mga Jonadab.—Apocalipsis 7:9-17; 21:4; Jeremias 35:10.
18. Sa anu-anong paraan mahalaga ang taóng 1938?
18 Ang taóng 1938 ay mahalaga sa malinaw na pagkilala sa dalawang uring ito. Ang mga isyu ng Marso 15 at Abril 1, 1938, ng Ang Bantayan ay nagharap ng dalawang-bahaging aralin na “Ang Kaniyang Kawan” at niliwanag doon ang magkaugnay na mga dako ng pinahirang nalabi at ng kanilang mga kasama, ang malaking pulutong. Pagkatapos, ang mga isyu ng Hunyo 1 at Hunyo 15 ay naglalaman ng mga araling artikulo tungkol sa “Organisasyon,” batay sa Isaias 60:17. Nanawagan sa lahat ng kongregasyon na hilingin sa Lupong Tagapamahala na mag-atas ng lokal na mga lingkod, sa gayo’y magkakaroon ng pinahusay at itinalaga-ng-Diyos na teokratikong kaayusan. Gayon ang ginawa ng mga kongregasyon.
19 at talababa. Anong mga bagay ang nagpapatunay na ang pangkalahatang pagtawag sa “ibang mga tupa” ay nagaganap na ngayon sa loob ng mahigit na 60 taon?
19 Ganito ang sabi sa ulat ng 1939 Yearbook of Jehovah’s Witnesses: “Ang pinahirang mga tagasunod ni Kristo Jesus ngayon sa lupa ay iilan na lamang, at hindi na sila darami pa. Ito ang mga ipinakilala ng Kasulatan bilang ‘ang nalabi’ ng mga supling ng Sion, ang organisasyon ng Diyos. (Apoc. 12:17) Tinitipon ngayon ng Panginoon ang kaniyang ‘ibang mga tupa’ na bubuo ng ‘lubhang karamihan’. (Juan 10:16) Yaong tinitipon ngayon ay mga kasamahan ng nalabi, na gumagawang kasama ng nalabi. Mula ngayon, yaong bumubuo sa ‘ibang mga tupa’ ay darami hanggang sa matipon ang ‘lubhang karamihan.’ ” Ang mga pinahirang nalabi ay hinubog upang mag-asikaso sa pagtitipon ng malaking pulutong. Kailangan din namang hubugin ang mga ito.d
20. Anong mga pagbabago sa organisasyon ang naganap mula noong 1942?
20 Noong Enero 1942, nang kasukdulan ng Digmaang Pandaigdig II, si Joseph Rutherford ay namatay at hinalinhan ni Nathan Knorr bilang presidente. May pagmamahal na inaalaala ang ikatlong presidente ng Samahan dahil sa pagkatatag ng mga teokratikong paaralan sa mga kongregasyon at ng Paaralang Gilead para sa pagsasanay ng mga misyonero. Sa taunang pulong ng Samahan noong 1944, ipinatalastas niya na ang karta ng Samahan ay nirerebisa upang ang pagiging miyembro ay ibabatay, hindi sa materyal na abuloy, kundi sa espirituwalidad. Sa loob ng sumunod na 30 taon, ang mga manggagawa sa larangan ay dumami mula 156,299 hanggang sa 2,179,256 sa buong lupa. Karagdagang mga pagbabago sa organisasyon ang kinailangan noong 1971-75. Hindi na makapagbibigay ng lubusang pangangasiwa sa gawaing pang-Kaharian sa buong daigdig ang iisang lalaki na naglilingkod bilang presidente. Ang Lupong Tagapamahala, na may naghahali-haliling tsirman, ay pinalaki hanggang sa 18 pinahirang mga miyembro, na halos kalahati nito ay nakatapos na ngayon ng kanilang landasin sa lupa.
21. Ano ang dahilan ng pagiging kuwalipikado ng mga miyembro ng munting kawan para sa Kaharian?
21 Ang natitirang mga miyembro ng munting kawan ay nahubog sa loob ng maraming dekada ng mga pagsubok. Malakas ang kanilang loob, palibhasa’y nagkamit ng malinaw na ‘patotoo ng espiritu.’ Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo ay makakain at makainom sa aking mesa sa kaharian ko, at makaupo sa mga trono upang hatulan ang labindalawang tribo ng Israel.”—Roma 8:16, 17; Lucas 12:32; 22:28-30.
22, 23. Paano hinuhubog ang munting kawan at ang ibang mga tupa?
22 Habang umuunti ang pinahiran-ng-espiritu na mga nalabi sa lupa, ang maygulang na mga kapatid na lalaking kabilang sa malaking pulutong ay pinagkakalooban ng espirituwal na pangangasiwa sa halos lahat ng kongregasyon sa buong daigdig. At kapag natapos na ng pinakahuli sa may edad nang pinahirang mga saksi ang kanilang buhay sa lupa, ang malaprinsipeng sa·rimʹ ng ibang mga tupa ay nasanay na nang husto upang gampanan ang mga tungkulin sa pangangasiwa bilang uring pinuno sa lupa.—Ezekiel 44:3; Isaias 32:1.
23 Ang munting kawan gayundin ang ibang mga tupa ay patuloy na hinuhubog upang maging mga sisidlan para sa marangal na gamit. (Juan 10:14-16) Ang atin mang pag-asa ay nasa “bagong mga langit” o sa “isang bagong lupa,” buong-puso sana tayong tumugon sa paanyaya ni Jehova: “Kayo ay magbunyi at magalak magpakailanman sa nilalalang ko. Sapagkat narito, nilalalang ko ang [makalangit na] Jerusalem bilang sanhi ng kagalakan at ang kaniyang bayan bilang sanhi ng pagbubunyi.” (Isaias 65:17, 18) Tayong mga taong mahihina ay lagi sanang maglingkod nang may pagpapakumbaba, na hinuhubog ng “lakas na higit sa karaniwan”—ang kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos!—2 Corinto 4:7; Juan 16:13.
[Mga talababa]
a Nawa’y mababalaan ang taksil na Sangkakristiyanuhan, na inilalarawan ng sinaunang Israel, tungkol sa isang katulad na kahatulan mula kay Jehova.—1 Pedro 4:17, 18.
b Si Judge Manton, isang Romano Katoliko na tumangging palayain ang mga Estudyante ng Bibliya sa pamamagitan ng piyansa, ay nabilanggo mismo nang bandang huli, palibhasa’y nahatulang nagkasala ng pagtanggap ng suhol.
c Ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures, na inilabas noong 1950, ay gumamit ng “malaking pulutong” bilang isang mas mainam na salin ng kinasihang salitang Griego.
d Noong 1938, ang bilang ng dumalo sa Memoryal sa buong daigdig ay 73,420, na ang 39,225 katao—53 porsiyento ng mga dumalo—ay nakibahagi sa mga emblema. Pagsapit ng 1998, ang bilang ng dumalo ay umabot sa 13,896,312, na 8,756 lamang ang nakibahagi, sa aberids na wala pang 1 nakibahagi sa bawat 10 kongregasyon.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sa pagsasailalim sa paghubog ng kaniyang Ama, paanong si Jesus ay naging ating Huwaran?
◻ Anong paghubog ang naganap sa sinaunang Israel?
◻ Paanong hinuhubog hanggang sa ngayon “ang Israel ng Diyos”?
◻ Sa anong layunin hinuhubog ang “ibang mga tupa”?
[Kahon sa pahina 18]
Karagdagang Paghubog sa Sangkakristiyanuhan
Isang balita ng Associated Press mula sa Atenas, Gresya, ang may ulat hinggil sa kamakailang nahirang na ulo ng Simbahang Griego Ortodokso: “Dapat sana’y isa siyang mensahero ng kapayapaan. Subalit ang lider ng Simbahang Griego Ortodokso ay parang isang heneral na naghahanda sa pakikipagbaka.
“‘Handa tayo, kung kailangan, na magbubo ng dugo at magsakripisyo. Tayo, bilang isang simbahan, ay nananalangin ukol sa kapayapaan . . . Pero binabasbasan natin ang sagradong mga sandata kapag hinihingi ng pagkakataon,’ ang sabi kamakailan ni Arsobispo Christodoulos sa banal na araw ng Pag-akyat sa Langit ng Birhen, na ipinagdiriwang din bilang ang araw ng sandatahang hukbo ng Gresya.”
[Kahon sa pahina 19]
“Wala Nang mga Karagdagan!”
Sa isang pagtatapos sa Gilead noong 1970, sinabi ni Frederick Franz, bise-presidente noon ng Samahang Watch Tower, sa mga estudyante ang posibilidad na sila, na pawang kabilang sa ibang mga tupa na may makalupang pag-asa, ay magbautismo sa isa na maaaring nag-aangking kabilang sa mga pinahirang nalabi. Mangyayari kaya ito? Buweno, ipinaliwanag niya na si Juan Bautista ay kabilang sa ibang mga tupa, gayunma’y binautismuhan niya si Jesus at ang ilan sa mga apostol. Pagkatapos ay tinanong niya kung mayroon pang pagtawag para sa pagtitipon ng higit pang mga nalabi. “Wala, wala nang mga karagdagan!” sabi niya. “Ang pagtawag na iyan ay natapos noon pang 1931-35! Wala nang mga karagdagan. Sino, kung gayon, ang ilang baguhan na nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal? Kung sila’y kabilang sa mga nalabi, sila’y mga kapalit! Hindi sila karagdagan sa mga pinahiran, kundi kapalit niyaong mga maaaring tumalikod na.”
[Larawan sa pahina 15]
Anong laki ng pagpapahalaga natin sa ating paglilingkuran!
[Larawan sa pahina 16]
Ang sinaunang Israel ay naging isang sisidlan na karapat-dapat lamang sa pagkapuksa