Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 2/1 p. 9-13
  • Ang Dakilang Magpapalayok at ang Kaniyang Gawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Dakilang Magpapalayok at ang Kaniyang Gawa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinalawak ng Magpapalayok ang Kaniyang Gawa
  • Magiging Anong Uri Ka ng Sisidlan?
  • Hinubog Upang Makayanan ang mga Pagsubok
  • Paghubog sa Ating mga Kabataan
  • Paghubog sa Bawat Isa
  • Magpahubog sa Disiplina ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Pahalagahan si Jehova Bilang Ating Magpapalayok
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Ang Ating Kayamanan sa Yaring-Luwad na mga Sisidlan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Bagong Programa ng Araw ng Pantanging Asamblea
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 2/1 p. 9-13

Ang Dakilang Magpapalayok at ang Kaniyang Gawa

“[Maging] isang sisidlan para sa isang marangal na layunin, . . . naihanda para sa bawat gawang mabuti.”​—2 TIMOTEO 2:21.

1, 2. (a) Paano isang natatanging gawa ang pagkalalang sa lalaki at babae? (b) Sa anong layunin ginawa ng Dakilang Magpapalayok sina Adan at Eva?

SI Jehova ang Dakilang Magpapalayok. Isang obra maestra ng kaniyang paglalang ang ating unang magulang, si Adan. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy,” samakatuwid nga, isang “nilalang na humihinga.” (Genesis 2:7, talababa sa Ingles) Ang unang taong nilalang ay sakdal, ginawa ayon sa mismong larawan ng Diyos, anupat isang patotoo ng Kaniyang banal na karunungan at pag-ibig sa tunay na katuwiran at katarungan.

2 Sa paggamit ng materyal mula sa tadyang ni Adan, humubog din ang Diyos ng isang kapupunan at katulong para sa lalaki​—ang babae. Ang walang-kapintasang kagandahan ni Eva ay nakahihigit pa kaysa sa pinakakabigha-bighaning babae sa ngayon. (Genesis 2:21-​23) Bukod pa rito, ang unang mag-asawang tao ay binigyan ng mga katawan at kakayahang ganap ang pagkakadisenyo para sa pagtupad ng kanilang atas na gawing paraiso ang lupang ito. Pinaglaanan din sila ng kakayahan upang isagawa ang utos ng Diyos na nakasaad sa Genesis 1:28: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.” Sa bandang huli, maninirahan sa pangglobong halamanang ito ang bilyun-bilyong taong maliligaya, na pinagbuklod sa uri ng pag-ibig na “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:14.

3. Paano naging mga sisidlan ng kawalang-dangal ang ating unang mga magulang, at ano ang naging resulta?

3 Nakalulungkot, kusang pinili ng ating unang mga magulang ang paghihimagsik laban sa awtoridad ng kanilang Soberanong Maylalang, ang Dakilang Magpapalayok. Ang kanilang landasin ay naging gaya ng inilarawan sa Isaias 29:15, 16: “Sa aba niyaong mga nagpapakatalamak sa pagkukubli ng payo mula kay Jehova, at niyaong may mga gawang naganap sa madilim na dako, habang sinasabi nila: ‘Sino ang nakakakita sa atin, at sino ang nakakakilala sa atin?’ . . . Ang magpapalayok ba ay ibibilang na gaya ng luwad? Sapagkat sasabihin ba ng bagay na ginawa tungkol sa maygawa nito: ‘Hindi niya ako ginawa’? At talaga bang sasabihin ng bagay na inanyuan tungkol sa tagapag-anyo nito: ‘Wala siyang ipinakitang unawa’?” Ang kanilang pagkasuwail ay nagbunga ng kapahamakan​—ang hatol na walang-hanggang kamatayan. Isa pa, ang buong lahi ng tao na galing sa kanila ay nagmana ng kasalanan at kamatayan. (Roma 5:12, 18) Lubhang nasira ang kagandahan ng nilalang ng Dakilang Magpapalayok.

4. Maaari tayong magsilbi para sa anong marangal na layunin?

4 Subalit maging sa ating kasalukuyang di-sakdal na kalagayan, tayong mga inapo ng makasalanang si Adan ay maaaring pumuri kay Jehova sa pamamagitan ng mga salita ng Awit 139:14: “Ako’y magbibigay-papuri sa iyo sapagkat ako’y ginawa sa kamangha-manghang paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.” Subalit anong lungkot na ang orihinal na gawang-kamay ng Dakilang Magpapalayok ay totoong napinsala!

Pinalawak ng Magpapalayok ang Kaniyang Gawa

5. Paano ba nilayong gamitin ang kakayahan ng Dakilang Magpapalayok?

5 Mabuti na lamang, ang kadalubhasaan ng ating Maylalang bilang isang Magpapalayok ay magagamit nang higit pa kaysa ginawa niyang paghubog sa unang paglalang sa sangkatauhan. Sinasabi sa atin ni apostol Pablo: “O tao, sino ka nga bang talaga upang sumagot sa Diyos? Ang bagay ba na hinubog ay magsasabi sa kaniya na humubog dito, ‘Bakit ginawa mo ako nang ganito?’ Ano? Hindi ba may awtoridad ang magpapalayok sa luwad upang mula sa iisang limpak ay gumawa ng isang sisidlan para sa isang marangal na gamit, ng isa pa para sa isang walang-dangal na gamit?”​—Roma 9:20, 21.

6, 7. (a) Paano nagpapasiya ang marami sa ngayon na magpahubog para sa kawalang-dangal? (b) Paano nahuhubog ang matuwid para sa marangal na gamit?

6 Oo, ang ilan sa gawa ng Dakilang Magpapalayok ay nahuhubog para sa isang marangal na gamit, at ang ilan, para sa isang walang-dangal na gamit. Yaong nagpasiyang sumama sa sanlibutang ito habang bumubulusok ito sa pusali ng pagka-di-makadiyos ay nahuhubog sa paraang magtatalaga sa kanila sa pagkapuksa. Kapag dumating ang maluwalhating Hari, si Kristo Jesus, upang humatol, kasali sa gayong walang-dangal na mga sisidlan ang lahat ng matitigas-ulo at tulad-kambing na mga tao na “magtutungo sa walang-hanggang pagkaputol,” gaya ng sabi sa Mateo 25:46. Subalit ang tulad-tupang “mga matuwid,” yaong nahubog para sa “marangal” na gamit, ay magmamana ng “buhay na walang-hanggan.”

7 Sa mapagpakumbabang paraan, ang mga matuwid na ito ay nagpasakop sa paghubog ng Diyos. Sila’y tumahak sa daan ng Diyos ukol sa buhay. Tinanggap nila ang payo na masusumpungan sa 1 Timoteo 6:17-19: “Ilagak ang [inyong] pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay nang sagana para sa ating kasiyahan.” Sinunod nila ang payo “na gumawa ukol sa mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi, maingat na nagtitipon para sa kanilang mga sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan sila nang mahigpit sa tunay na buhay.” Sila’y nahubog ng banal na katotohanan at nagsagawa ng di-matitinag na pananampalataya sa paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus, na “nagbigay ng kaniyang sarili bilang katumbas na pantubos” upang maibalik ang lahat na naiwala dahil sa kasalanan ni Adan. (1 Timoteo 2:6) Kung gayon, dapat ngang handa tayong sumunod sa payo ni Pablo na “damtan ang [ating] mga sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago [hinubog] alinsunod sa larawan ng Isa na lumalang nito”!​—Colosas 3:10.

Magiging Anong Uri Ka ng Sisidlan?

8. (a) Ano ang tumitiyak kung magiging anong uri ng sisidlan ang isang tao? (b) Anong dalawang salik ang umuugit sa paghubog sa isa?

8 Ano ang tumitiyak kung magiging anong uri ng sisidlan ang isang tao? Ang kaniyang saloobin at paggawi. Ang mga ito ay nahuhubog muna sa pamamagitan ng mga hangarin at hilig ng puso. Sinabi ng pantas na si Haring Solomon: “Ang puso ng makalupang tao ay maaaring mag-isip ng kaniyang daan, ngunit si Jehova ang nagtuturo ng kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 16:9) Pangalawa, ang mga ito ay nahuhubog ng mga bagay na naririnig at nakikita, ng mga kasamahan at karanasan. Kung gayon, napakahalaga nga na sundin natin ang payo: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong na tao ay magiging marunong, ngunit siyang may pakikipag-ugnayan sa mga hangal ay malalagay sa masama.” (Kawikaan 13:20) Gaya ng babala sa atin ng 2 Pedro 1:16, dapat nating iwasang sumunod sa “mga kuwentong di-totoo na may-katusuhang kinatha,” o ayon sa Romano Katolikong bersiyon ni Knox, “mga pabulang likha ng tao.” Kasali rito ang marami sa mga turo at kapistahan ng apostatang Sangkakristiyanuhan.

9. Paano tayo makatutugon nang naaayon sa paghubog ng Dakilang Magpapalayok?

9 Kung gayon, ayon sa ating pagtugon, maaari tayong hubugin ng Diyos. Sa harap ni Jehova, maaaring buong-pagpapakumbaba nating ulitin ang panalangin ni David: “Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang aking mga nakababalisang kaisipan, at tingnan mo kung mayroon sa akin na anumang masakit na daan, at akayin mo ako sa daan ng panahong walang takda.” (Awit 139:23, 24) Pinangyayari ni Jehova na maipangaral ang mensahe ng Kaharian. Ang ating puso ay may-pagpapahalagang tumugon sa mabuting balita at sa kaniyang karagdagang patnubay. Sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon ay ipinaaabot niya sa atin ang iba’t ibang pribilehiyo na may kaugnayan sa pangangaral ng mabuting balita; manghawakan tayo rito at ating pakamahalin ito.​—Filipos 1:9-11.

10. Paano tayo dapat magsikap na sumunod sa mga espirituwal na programa?

10 Napakahalaga rin na lagi tayong magbigay-pansin sa Salita ng Diyos, anupat sinusunod ang isang pang-araw-araw na programa ng pagbabasa ng Bibliya at ginagawang saligan ang Kasulatan at paglilingkod kay Jehova para sa pag-uusap ng ating pamilya at kasama ng ating mga kaibigan. Sa programa ng pang-umagang pagsamba na isinasagawa bago mag-almusal ang bawat pamilyang Bethel at grupo ng mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova ay karaniwan nang kalakip, nang salitan bawat sanlinggo, ang isang maikling pagbasa ng Bibliya o ng kasalukuyang Yearbook. Maaari kayang magkaroon ng ganito ring kaayusan ang iyong pamilya? Anong laking kapakinabangan din naman ang natatamo natin sa pamamagitan ng ating pagsasamahan sa kongregasyong Kristiyano, sa ating pagtitipong sama-sama, at lalo na sa ating pakikibahagi sa lingguhang pag-aaral ng Bantayan!

Hinubog Upang Makayanan ang mga Pagsubok

11, 12. (a) Paano natin maikakapit ang payo ni Santiago hinggil sa mga pagsubok sa ating pang-araw-araw na pamumuhay? (b) Paanong ang karanasan ni Job ay nagpapasigla sa atin na mag-ingat ng katapatan?

11 Sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, pinahihintulutan ng Diyos na bumangon ang ilang situwasyon, na ang ilan dito ay maaaring masumpungan nating mahirap. Paano ba natin dapat malasin ang mga ito? Gaya ng payo ng Santiago 4:8, huwag tayong maghinanakit, kundi lumapit tayo sa Diyos, anupat buong-pusong nagtitiwala sa kaniya, palibhasa’y nananalig na habang ‘lumalapit tayo sa kaniya, lalapit naman siya sa atin.’ Totoo, kakailanganin nating magbata ng mga kahirapan at pagsubok, ngunit pinahihintulutan ang mga ito bilang bahagi ng paghubog sa atin, na may maligayang resulta. Tinitiyak sa atin ng Santiago 1:2, 3: “Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag kayo ay napaharap sa iba’t ibang pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subok na katangiang ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagbabata.”

12 Sinabi rin ni Santiago: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni siya mismo ay nanunubok ng sinuman. Kundi ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.” (Santiago 1:13, 14) Maaaring marami at sari-sari ang mga pagsubok sa atin, ngunit gaya sa kalagayan ni Job, ang lahat ng ito ay gumaganap ng isang bahagi sa paghubog sa atin. Tunay ngang isang dakilang katiyakan ang ibinibigay sa atin ng Kasulatan sa Santiago 5:11: “Narito! Ipinahahayag nating maligaya yaong mga nakapagbata. Narinig ninyo ang pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” Bilang mga sisidlan sa mga kamay ng Dakilang Magpapalayok, mag-ingat sana tayo ng katapatan sa lahat ng panahon, na may pagtitiwalang tulad ng kay Job ang magiging kalalabasan!​—Job 2:3, 9, 10; 27:5; 31:1-6; 42:12-​15.

Paghubog sa Ating mga Kabataan

13, 14. (a) Kailan dapat simulan ng mga magulang ang paghubog sa kanilang mga anak, at ano ang inaasahang resulta? (b) Anong nakaliligayang resulta ang maaari mong banggitin?

13 Maaaring makibahagi ang mga magulang sa paghubog sa mga bata, mula mismo sa pagkasanggol ng mga anak, at ang ating mga kabataan ay maaari ngang maging kahanga-hangang mga tagapag-ingat ng katapatan! (2 Timoteo 3:14, 15) Ito ay totoo kahit na napakatindi ng mga pagsubok. Mga ilang taon na ang nakalilipas, nang napakatindi ng pag-uusig sa isang lupain sa Aprika, isang mapagkakatiwalaang pamilya ang nag-asikaso sa palihim na pag-iimprenta ng Ang Bantayan sa isang kubol sa kanilang bakuran. Isang araw, dumating ang mga sundalo at isa-isang pinuntahan ang mga bahay upang humanap ng mga kabataang lalaking ipapasok sa hukbo. May panahon pa para magtago ang dalawang kabataang lalaki sa pamilyang ito, ngunit ang ibubungang paghahanap ng mga sundalo ay tiyak na maglalantad sa imprenta. Maaari itong humantong sa pagpapahirap o malamang sa pagpatay sa buong pamilya. Ano kaya ang maaaring gawin? Nagsalita ang dalawang kabataan, anupat buong-tapang na binanggit ang Juan 15:13: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na isuko ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” Nagpumilit silang manatili sa sala. Matatagpuan sila ng mga sundalo at tiyak na pahihirapan sila nang husto o baka patayin pa nga sila kapag tumanggi silang magsundalo. Pero sa ganito ay hindi na magsisiyasat pa ang mga sundalo. Makaliligtas ang imprenta at ang iba pang miyembro ng pamilya. Gayunman, pambihira ang nangyari. Aktuwal na nilampasan ng mga sundalo ang bahay na ito, anupat pumunta na lamang sa iba! Nakaligtas ang mga taong sisidlang iyon na nahubog para sa marangal na gamit, pati na ang imprenta, upang patuloy na maglathala ng napapanahong espirituwal na pagkain. Ang isa sa dalawang kabataang lalaki at ang kaniyang kapatid na babae ay naglilingkod ngayon sa Bethel; pinaaandar pa rin niya ang lumang imprenta.

14 Ang mga bata ay maaaring maturuan kung paano mananalangin, at sinasagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin. Isang natatanging halimbawa nito ang naganap noong panahon ng mga masaker sa Rwanda. Nang sabihan ng mga sundalo ang isang anim-na-taong-gulang na bata at ang kaniyang mga magulang na sila’y humanda nang mamatay sa pamamagitan ng granada, ang anak na babae ay nanalangin nang malakas at marubdob na sana’y makaligtas sila upang makapaglingkuran pa kay Jehova. Ang mga papatay sana sa kanila ay napakilos na huwag ituloy iyon, anupat sinabi, “Hindi namin magawang patayin kayo dahil sa munting batang ito.”​—1 Pedro 3:12.

15. Tungkol sa anong nakasasamang impluwensiya nagbabala si Pablo?

15 Karamihan sa ating mga kabataan ay hindi kailangang humarap sa mga situwasyong kasinghirap niyaong nabanggit sa itaas, ngunit maraming pagsubok ang nakakaharap nila sa paaralan at sa tiwaling lipunan sa ngayon: ang malalaswang pananalita, pornograpya, masamang libangan, at panggigipit ng mga kaedad upang gumawa ng masama ay palasak sa maraming lugar. Paulit-ulit, nagbabala si apostol Pablo laban sa mga impluwensiyang ito.​—1 Corinto 5:6; 15:33, 34; Efeso 5:3-7.

16. Paanong ang isa ay magiging isang sisidlan para sa marangal na gamit?

16 Matapos banggitin ang mga sisidlang iningatan na “ang ilan ay para sa isang marangal na layunin ngunit ang iba ay para sa isang layuning kulang sa dangal,” sinabi ni Pablo: “Samakatuwid, kung ang sinuman ay nananatiling hiwalay sa mga huling nabanggit, siya ay magiging isang sisidlan para sa isang marangal na layunin, pinabanal, kapaki-pakinabang sa may-ari sa kaniya, naihanda para sa bawat gawang mabuti.” Kaya patibaying-loob natin ang ating mga kabataan na mag-ingat sa kanilang mga pakikipagsamahan. Hayaan silang ‘tumakas . . . mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan, ngunit itaguyod ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, kapayapaan, kasama niyaong mga tumatawag sa Panginoon mula sa isang malinis na puso.’ (2 Timoteo 2:20-22) Ang isang pampamilyang programa upang “patibayin ang isa’t isa” ay maaaring maging walang kasinghalaga sa paghubog sa ating mga kabataan. (1 Tesalonica 5:11; Kawikaan 22:6) Ang araw-araw na pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, na ginagamit ang angkop na mga publikasyon ng Samahan, ay maaaring maging isang mainam na tulong.

Paghubog sa Bawat Isa

17. Paano tayo huhubugin ng disiplina, at ano ang maligayang resulta nito?

17 Upang hubugin tayo, nagpapayo si Jehova mula sa kaniyang Salita at sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Huwag kailanman tanggihan ang gayong makadiyos na payo! Tugunin iyon nang may katalinuhan, at hayaan na hubugin ka nito para sa marangal na paggamit ni Jehova. Nagpapayo ang Kawikaan 3:11, 12: “Anak ko, huwag mong tanggihan ang disiplina ni Jehova; at huwag mong kayamutan ang kaniyang pagsaway sa iyo, sapagkat sinasaway ni Jehova ang kaniyang iniibig, gaya ng pagsaway ng ama sa kaniyang anak na kinalulugdan.” Isa pang payo mula sa ama ang inilaan sa Hebreo 12:6-11: “Ang iniibig ni Jehova ay kaniyang dinidisiplina . . . Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati; gayunman pagkatapos doon sa mga nasanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, alalaong baga, katuwiran.” Ang pangunahing alulod para sa gayong disiplina ay tiyak na ang kinasihang Salita ng Diyos.​—2 Timoteo 3:16, 17.

18. Kung tungkol sa pagsisisi, ano ang matututuhan natin sa Lucas kabanata 15?

18 Maawain din si Jehova. (Exodo 34:6) Kapag ipinakikita ang taimtim na pagsisisi maging sa pinakamalubhang pagkakasala, nagpapatawad siya. Kahit ang modernong-panahong ‘mga alibugha’ ay maaaring hubugin upang maging mga sisidlan para sa marangal na gamit. (Lucas 15:22-​24, 32) Maaaring hindi naman grabe na gaya ng sa alibugha ang ating mga kasalanan. Ngunit ang ating mapagpakumbabang pagtugon sa payo ng Kasulatan ay laging hahantong sa ating pagiging nahubog upang maging mga sisidlan para sa marangal na gamit.

19. Paano tayo makapagpapatuloy na maglingkod bilang mararangal na sisidlan sa mga kamay ni Jehova?

19 Nang una nating malaman ang katotohanan, nagpakita tayo ng pagkukusang magpahubog kay Jehova. Tinalikuran natin ang makasanlibutang mga daan, nagsimulang magsuot ng bagong personalidad, at naging nakaalay at bautisadong mga Kristiyano. Sinunod natin ang payo ng Efeso 4:20-24, na ‘alisin ang lumang personalidad na naaayon sa ating dating landasin ng paggawi, pati ang mapanlinlang na mga nasa nito, magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.’ Magpatuloy nawa ang bawat isa sa atin na maging madaling hubugin sa mga kamay ni Jehova, ang Dakilang Magpapalayok, anupat laging naglilingkod bilang mga sisidlan para sa kaniyang marangal na paggamit!

Sa Pagrerepaso

◻ Ano ang layunin ng Dakilang Magpapalayok para sa lupa?

◻ Paano ka maaaring hubugin para sa marangal na gamit?

◻ Sa anong paraan maaaring hubugin ang ating mga anak?

◻ Ano ang dapat na maging pangmalas natin sa disiplina?

[Larawan sa pahina 10]

Mahuhubog ka ba para sa marangal na gamit o itatakwil ka?

[Larawan sa pahina 12]

Maaaring hubugin ang mga bata mula sa pagkasanggol

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share