Ginawa Nila ang Kalooban ni Jehova
Gumawa ng Mapagpakumbabang Paglilingkod ang Pinakadakilang Tao
ALAM ni Jesus na napakahalaga ng kaniyang natitirang oras kasama ng kaniyang mga apostol. Di-magtatagal, aarestuhin siya, at ang kaniyang pananampalataya ay masusubok nang higit kailanman. Alam din ni Jesus na naghihintay ang dakilang mga pagpapala. Di-magtatagal at itataas siya sa kanang kamay ng Diyos at ibibigay sa kaniya “ang pangalan na higit kaysa sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa.”—Filipos 2:9, 10.
Gayunman, ang kabalisahan sa kaniyang nalalapit na kamatayan ni ang kasabikan sa ipinangakong gantimpala sa kaniya ay hindi nakagambala sa pagbibigay-pansin ni Jesus sa pangangailangan ng kaniyang mga apostol. Siya ay “umibig sa kanila hanggang sa wakas,” ang iniulat ni Juan nang maglaon sa kaniyang Ebanghelyo. (Juan 13:1) At sa napakahalagang mga huling oras na ito ng kaniyang buhay bilang isang sakdal na tao, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga apostol ng isang mahalagang aral.
Isang Aral sa Pagpapakumbaba
Ang mga apostol ay kasama ni Jesus sa isang silid sa itaas sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskuwa. Bago ito, narinig sila ni Jesus na nagtatalo tungkol sa kung sino sa kanila ang pinakadakila. (Mateo 18:1; Marcos 9:33, 34) Naipakipag-usap na niya ang bagay na ito sa kanila at sinikap na ituwid ang pangmalas nila. (Lucas 9:46) Gayunman, idiniin ni Jesus ang mga aral na iyon ngayon na ginagamit ang ibang paraan. Hindi lamang siya nakipag-usap sa kanila tungkol sa pagpapakumbaba kundi ipinakita niya ito.
Si Jesus “ay tumayo mula sa hapunan at inilagay sa tabi ang kaniyang mga panlabas na kasuutan,” ang sulat ni Juan. “Pagkakuha ng tuwalya, binigkisan niya ang kaniyang sarili. Pagkatapos niyaon ay naglagay siya ng tubig sa isang palanggana at nagpasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at tuyuin ang mga iyon ng tuwalya na nakabigkis sa kaniya.”—Juan 13:4, 5.
Sa maalinsangang klima ng sinaunang Gitnang Silangan, ang mga tao ay karaniwang nagsusuot ng bukás na sandalyas kapag naglalakad sa maalikabok na daan. Pagpasok sa tahanan ng isang karaniwang tao, sila’y babatiin ng nag-anyaya, na magbibigay ng sisidlan at tubig upang mahugasan nila ang kanilang mga paa. Sa mas mayayamang tahanan, isang alipin ang inaatasang maghugas sa mga paa.—Hukom 19:21; 1 Samuel 25:40-42.
Sa silid sa itaas, si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay hindi mga bisita ng isang tao. Walang nag-anyaya na magbibigay ng sisidlan, at walang mga alipin na maghuhugas sa mga paa. Nang magsimulang hugasan ni Jesus ang kanilang mga paa, naasiwa ang mga apostol. Narito ang Isa na siyang pinakadakila sa kanila na gumagawa ng pinakahamak na gawain!
Sa simula, tumanggi si Pedro na hugasan ni Jesus ang kaniyang mga paa. Subalit sinabi sa kaniya ni Jesus: “Malibang hugasan kita, ikaw ay walang bahagi sa akin.” Nang mahugasan na ni Jesus ang mga paa ng lahat ng apostol, sinabi niya: “Alam ba ninyo kung ano ang aking ginawa sa inyo? Tinatawag ninyo ako, ‘Guro,’ at, ‘Panginoon,’ at tama ang inyong sinasalita, sapagkat gayon ako. Samakatuwid, kung ako, bagaman Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo rin ay dapat na maghugas ng mga paa ng isa’t isa. Sapagkat inilagay ko ang parisan para sa inyo, na, gaya ng ginawa ko sa inyo, ay gawin din ninyo.”—Juan 13:6-15.
Si Jesus ay hindi nagtatatag ng isang ritwal na paghuhugas ng paa. Sa halip, tinutulungan niya ang kaniyang mga apostol na magtaglay ng bagong saloobin—isa na mapagpakumbaba at handang gumawa ng pinakamababang atas alang-alang sa kanilang mga kapatid. Maliwanag na nakuha nila ang punto. Isaalang-alang ang nangyari pagkalipas ng mga taon nang bumangon ang suliranin sa pagtutuli. Bagaman “maraming pagtatalo” ang naganap, napanatili niyaong mga naroroon ang mahusay na kaayusan at nakinig nang magalang sa pananaw ng bawat isa. Bukod dito, waring ang nangasiwa sa pulong na ito ay ang alagad na si Santiago—hindi isa sa mga apostol, gaya ng maaaring asahan natin, yamang naroroon naman sila. Ipinakikita ng detalyeng ito sa Mga Gawa na malaki ang isinulong ng mga apostol sa pagpapamalas ng pagpapakumbaba.—Gawa 15:6-29.
Aral Para sa Atin
Sa paghugas sa mga paa ng kaniyang mga alagad, si Jesus ay naglaan ng isang mapuwersang aral sa pagpapakumbaba. Oo, hindi dapat isipin ng mga Kristiyano na sila’y napakahalaga anupat dapat ay lagi silang paglingkuran ng iba, ni dapat man silang maghangad ng mga tungkulin na may dangal at prestihiyo. Sa halip, dapat nilang sundin ang parisan na ibinigay ni Jesus, na “dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Oo, ang mga tagasunod ni Jesus ay dapat na handang gumawa ng pinakahamak na paglilingkod sa bawat isa.
May mabuting dahilan si Pedro sa pagsulat ng ganito: “Magbigkis sa inyong mga sarili ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.” (1 Pedro 5:5) Ang Griegong salita para sa “magbigkis” ay galing sa salitang nangangahulugang “tapî ng isang alipin,” na sa pamamagitan nito ay binibigkisan ang isang maluwang na damit. Tinutukoy kaya ni Pedro ang pagbibigkis ni Jesus ng tuwalya at paghuhugas sa mga paa ng kaniyang mga apostol? Hindi ito masasabi nang may katiyakan. Gayunpaman, ang mapagpakumbabang paglilingkod ni Jesus ay naikintal nang malalim sa puso ni Pedro, na dapat ding maikintal sa puso ng lahat ng magiging tagasunod ni Kristo.—Colosas 3:12-14.