Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 4/1 p. 23-27
  • Paghahanap sa Paraiso

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paghahanap sa Paraiso
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Muling Pagtatrabaho sa Lupa
  • Nagising ang Paniniwala sa Diyos
  • Ang Sagot sa Aking mga Panalangin
  • Pagsulong sa Espirituwal
  • Tulong Samantalang Nagdurusa
  • Pag-abot sa Mas Mabuting Bagay
  • Bethel​—Isang Pambihirang Espirituwal na Paraiso
  • Pagtatamo ng Tunguhin Ko Mula sa Pagkabata
    Gumising!—1985
  • Mailalaan Mo Ba ang Iyong Sarili?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • Ito Kaya ang Pinakamagaling na Karera Para sa Iyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Hanggang Ngayon, Natututo Pa Rin Ako
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 4/1 p. 23-27

Paghahanap sa Paraiso

AYON SA SALAYSAY NI PASCAL STISI

Malalim na ang gabi at wala nang mga tao sa mga lansangan sa bayan ng Béziers, timog Pransiya. Nang makita ang bagong-pintang pader ng isang tindahan ng mga relihiyosong aklat, kami ng aking kaibigan ay padaskol na sumulat doon, sa itim at malalaking letra, ng mga salita ng Pilosopong Aleman na si Nietzsche: ‘Patay na ang mga diyos. Mabuhay ang Superman!’ Subalit, ano ang umakay sa akin na gawin ang lahat ng ito?

ISINILANG ako sa Pransiya noong 1951 mula sa isang pamilyang Katoliko na lahing Italyano. Noong ako’y bata pa, nagbabakasyon kami sa timog ng Italya. Doon, ang bawat nayon ay may kani-kaniyang imahen ng Birheng Maria. Kasama ang aking lolo, sinusundan namin ang malalaki at nadaramtang mga estatuwang ito sa isang napakahabang prusisyon sa mga bundok​—subalit hindi ako lubusang naniniwala sa mga ito. Nagtapos ako ng saligang edukasyon sa isang relihiyosong paaralan na pinangangasiwaan ng mga Jesuita. Gayunman, wala akong matandaan na nakarinig ako ng anumang bagay na totoong nagtulak sa akin upang manampalataya sa Diyos.

Noon lamang mag-aral ako ng medisina sa isang pamantasan sa Montpellier ay saka ko sinimulang pag-isipan ang hinggil sa layunin ng buhay. Ang aking ama ay nasugatan noong panahon ng digmaan at laging kailangan ang mga doktor sa tabi niya. Hindi ba’t mas makabubuti na tapusin na ang lahat ng digmaan kaysa gumugol ng maraming panahon at pagsisikap na gamutin ang mga tao dahil sa mga pinsalang dulot nito? Subalit ang Digmaan sa Vietnam ay lalo pang tumitindi. Para sa akin, halimbawa, ang tanging makatuwirang paraan upang magamot ang kanser sa baga ay ang alisin ang pangunahing sanhi nito​—ang tabako. At paano naman ang mga sakit na bunga ng malnutrisyon sa papaunlad na mga bansa at yaong mga bunga ng labis na pagkain sa mayayamang lupain? Hindi ba’t mas makabubuti na alisin ang mga sanhi sa halip na pagsikapang lunasan ang masaklap na mga bunga nito? Bakit napakaraming pagdurusa sa lupa? Nadarama ko na may malubhang problema sa nagpapatiwakal na lipunang ito, at sinisisi ko ang mga pamahalaan.

Ang paborito kong aklat ay isinulat ng isang anarkista, at ang mga pangungusap na halaw roon ay isinusulat ko sa mga pader. Unti-unti, ako rin ay naging isang anarkista, walang pananampalataya o moral na mga batas, na ayaw magkaroon ng Diyos o panginoon. Para sa akin, ang Diyos at ang relihiyon ay mga imbensiyon ng mayayaman at makapangyarihan upang mapangibabawan at mapagsamantalahan nila tayo. ‘Magpagal kayo sa lupa para sa amin, at malaki ang magiging gantimpala ninyo sa paraiso sa langit,’ ang waring sinasabi nila. Ngunit tapos na ang araw ng mga diyos. Kinakailangang malaman ito ng mga tao. Ang graffiti ay isang paraan ng pagbibigay-alam sa kanila.

Bunga nito, naging pangalawahing dako na lamang ang aking pag-aaral. Samantala, nag-aral ako ng heograpiya at ekolohiya sa isa pang pamantasan sa Montpellier na kung saan umiiral ang mga pag-aalsa. Habang higit kong pinag-aaralan ang ekolohiya, lalo kong kinasuklaman na makita ang pagpaparumi sa ating magandang planeta.

Taun-taon tuwing bakasyon sa tag-araw, nakikiangkas ako sa mga sasakyang nagdaraan, anupat naglalakbay ng libu-libong kilometro sa buong Europa. Habang naglalakbay at nakikipag-usap sa daan-daang nagmamaneho, nakita ng sarili kong mga mata ang kasamaan at kabulukang nagpapahirap sa lipunan ng tao. Minsan, samantalang naghahanap ng paraiso, nasumpungan ko ang ilang kahanga-hangang dalampasigan sa magandang pulo ng Creta at nakita kong nababalot ng langis ang mga ito. Labis akong nalungkot. Mayroon pa bang natitirang isang sulok ng paraiso saanman sa lupa?

Muling Pagtatrabaho sa Lupa

Ang mga ekolohista sa Pransiya ay nagmungkahi ng muling pagtatrabaho sa lupa bilang isang solusyon sa mga paghihirap sa lipunan. Ibig kong gumawa sa pamamagitan ng aking mga kamay. Kaya bumili ako ng lumang bahay na bato sa isang maliit na nayon sa paanan ng burol ng Cévennes Mountains sa timog Pransiya. Sa pinto, isinulat ko ang salawikain ng mga Amerikanong hippie na, “Paraiso Ngayon.” Isang babaing Aleman na naglalakbay sa lugar na iyon ang naging kasama ko. Wala sa usapan ang pagpapakasal sa harap ng alkalde, na isang kinatawan ng pamahalaan. At sa simbahan naman? Huwag na lang!

Madalas, naglalakad kami nang nakayapak lamang, at ako’y may mahabang buhok at malagong balbas. Nakaaliw sa akin ang pagtatanim ng mga prutas at gulay. Sa tag-araw ay kulay bughaw ang langit at umaawit ang mga kuliglig. Kay bango ng mga bulaklak sa daan, at ang pinatutubo naming mga prutas ng Mediteraneo​—mga ubas at igos​—ay totoong makakatas! Waring nasumpungan na namin ang aming wastong dako sa paraiso.

Nagising ang Paniniwala sa Diyos

Sa pamantasan, nag-aral ako ng cellular biology, embryology, at anatomy, at lubha akong humanga sa kasalimuutan at pagkakasuwato ng mga mekanismong ito. Ngayong napag-iisipan ko at namamasdan ang sangnilalang araw-araw, lubha akong humanga sa kagandahan at sa maaaring magawa nito. Araw-araw, ang aklat ng sangnilalang ay laging nagtuturo sa akin ng ibang bagay. Isang araw, habang naglalakad sa mga burol at pagkatapos pag-isipan nang malalim ang tungkol sa buhay, napagwari kong tiyak na mayroong Maylikha. Naipasiya ko sa aking puso na maniwala sa Diyos. Noon, nakadarama ako ng kahungkagan sa aking puso, isang nakababagabag na kalungkutan. Nang araw na magsimula akong maniwala sa Diyos, sinabi ko sa aking sarili, ‘Pascal, hindi ka na muling mag-iisa kailanman.’ Isang kakaibang damdamin iyon.

Hindi nagtagal, kami ng aking kinakasama ay nagkaroon ng isang anak na babae​—si Amandine. Mahal na mahal ko siya. Ngayong naniniwala na ako sa Diyos, sinimulan kong igalang ang ilang batas sa moral na nalalaman ko. Hindi na ako nagnakaw at nagsinungaling, at hindi nagtagal ay napagtanto ko na nakatulong ito sa akin upang maiwasan ang maraming problema sa mga nakakasama ko. Oo, mayroon kaming mga suliranin, at ang aking paraiso ay hindi naman katulad na katulad ng inaasahan ko. Ang mga may-paubasan sa lugar na iyon ay gumamit ng mga pamatay-insekto at pestisidiyo na nakasira rin sa aking mga pananim. Ang katanungan ko hinggil sa sanhi ng kabalakyutan ay hindi pa rin nasasagot. Bukod dito, bagaman marami na akong nabasa tungkol sa buhay pampamilya, wala itong nagawa upang maiwasan namin ng aking kinakasama ang maiinit na pagtatalo. May ilang kaibigan kami, subalit di-tunay ang mga ito; sinikap pa nga ng ilan na hikayating magtaksil sa akin ang kinakasama ko. Tiyak na may mas mabuting paraiso kaysa rito.

Ang Sagot sa Aking mga Panalangin

Sa sarili kong paraan, napakadalas kong manalangin sa Diyos upang patnubayan ako sa buhay. Isang umaga ng Linggo, isang palakaibigang babaing nagngangalang Irène Lopez at ang kaniyang batang anak na lalaki ang kumatok sa aming pintuan. Siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Nakinig ako sa sinabi niya at tinanggap ko ang alok na muli pang madalaw. Dalawang lalaki ang dumalaw sa akin. Mula sa aming pag-uusap, dalawang bagay ang tumimo sa aking isipan​—Paraiso at Kaharian ng Diyos. Maingat kong isinapuso ang mga kaisipang iyon, at sa paglipas ng mga buwan, naunawaan ko na balang araw ay kinakailangan kong iayon ang mga bagay-bagay sa mga pamantayan ng Diyos kung ibig kong magkaroon ng malinis na budhi at makasumpong ng tunay na kaligayahan.

Sa pasimula ay sang-ayon ang kinakasama ko na magpakasal kami upang maiayon ang aming buhay sa Salita ng Diyos. Pagkatapos ay napasama siya sa mga taong tumutuya sa Diyos at sa kaniyang mga batas. Isang gabi ng tagsibol pag-uwi sa bahay, lubha akong nagulat. Walang tao sa aming bahay. Umalis ang kinakasama ko kasama ang aming tatlong-taóng-gulang na anak na babae. Naghintay ako ng ilang araw sa kanilang pagbabalik​—subalit bigo ako. Sa halip na sisihin ang Diyos, nanalangin ako sa kaniya upang tulungan ako.

Di-nagtagal pagkatapos noon, kinuha ko ang Bibliya, naupo sa ilalim ng aking puno ng igos, at nagsimulang magbasa. Sa katunayan, lubha akong nasabik sa mga salita nito. Bagaman nabasa ko na ang maraming uri ng aklat ng mga psychoanalyst at mga sikologo, hindi pa ako nakabasa ng gayong karunungan. Ang aklat na ito ay tiyak na kinasihan ng Diyos. Ang mga turo ni Jesus at ang kaniyang kaunawaan hinggil sa kalikasan ng tao ay nagpahanga sa akin. Naaliw ako ng Mga Awit at napahanga sa praktikal na karunungan ng Mga Kawikaan. Agad kong natanto na bagaman ang pag-aaral sa sangnilalang ay napakahusay na paraan upang ang isa ay mapalapit sa Diyos, maisisiwalat lamang nito “ang mga gilid ng kaniyang mga daan.”​—Job 26:14.

Ang mga Saksi ay nakapagpasakamay rin sa akin ng mga aklat na Ang Katotohanan na Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan at Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya.a Sa pagbabasa ng mga iyon ay nabuksan ang aking mga mata. Tinulungan ako ng aklat na Katotohanan na maunawaan kung bakit nakakaharap ng mga tao ang malawakang polusyon, mga digmaan, pagdami ng karahasan, at ang banta ng nuklear na pagkalipol. At kung paanong ang mapulang kalangitan na nakita ko mula sa aking hardin ay nagbabadya ng magandang klima sa susunod na araw, ang mga pangyayaring ito ay patotoo na malapit na ang Kaharian ng Diyos. Tungkol naman sa aklat na Buhay Pampamilya, sana’y maipakita ko ito sa aking kinakasama at sabihin sa kaniya na maaari kaming lumigaya sa pamamagitan ng pagkakapit sa payo ng Bibliya. Subalit hindi na ito posible.

Pagsulong sa Espirituwal

Nais kong makaalam nang higit pa, kaya hiniling ko kay Robert, na isang Saksi, na dalawin ako. Nagulat siya nang sabihin ko na ibig kong magpabautismo, kaya napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Agad kong ipinakipag-usap sa iba ang tungkol sa aking natutuhan, at sinimulan kong ipamahagi ang mga publikasyon na nakukuha ko sa Kingdom Hall.

Para kumita, nag-aral ako ng masoneriya. Palibhasa’y batid ang kabutihang nagagawa ng Salita ng Diyos sa tao, sinamantala ko ang bawat pagkakataon na mangaral nang di-pormal sa mga kamag-aral at sa mga guro. Isang gabi, nakilala ko si Serge sa isang pasilyo. Hawak niya ang ilang magasin. “Mukhang mahilig kang magbasa,” ang sabi ko sa kaniya. “Oo, pero nagsasawa na ako rito.” “Gusto mo ba ng isa na talagang magandang basahin?” ang tanong ko sa kaniya. Nagkaroon kami ng napakagandang pag-uusap tungkol sa Kaharian ng Diyos, pagkatapos ay kumuha siya ng ilang literatura sa Bibliya. Nang sumunod na linggo, sumama siya sa akin sa Kingdom Hall, at napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.

Isang araw, tinanong ko si Robert kung maaari akong mangaral sa bahay-bahay. Nagpunta siya sa kaniyang kabinet at nakakita ng isang terno para sa akin. Nang sumunod na Linggo, nagsimula ako sa aking ministeryo na kasama niya. Sa wakas, noong Marso 7, 1981, nagpabautismo ako bilang pangmadlang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos na Jehova.

Tulong Samantalang Nagdurusa

Samantala nalaman ko ang kinaroroonan ni Amandine at ng kaniyang ina sa ibang bansa. Aba, ipinagbawal ng ina nito​—alinsunod sa lahat ng legal na paraan na naaayon sa mga batas ng bansa na kinaroroonan niya ngayon​—na makita ko ang aking anak. Nanlumo ako. Nag-asawa na ang ina ni Amandine, at lalong tumindi ang aking kabiguan nang matanggap ko ang isang opisyal na patalastas na inampon na ng kaniyang asawa ang aking anak​—nang wala akong ganap na pahintulot. Wala na akong anumang karapatan sa aking anak. Sa kabila ng legal na pamamaraan, hindi ako nagkaroon ng karapatan na madalaw siya. Sa pakiramdam ko ay waring may pasan akong limampung kilo, gayon ang aking pagdurusa.

Subalit inalalayan ako ng Salita ni Jehova sa maraming paraan. Isang araw nang napakatindi na ng aking pagdurusa, paulit-ulit kong sinabi ang mga salita sa Kawikaan 24:10: “Ikaw ba’y nasisiraan ng loob sa araw ng kagipitan? Ang lakas mo ay uunti.” Tinulungan ako ng talatang ito na huwag malugmok. Sa isa pang pagkakataon, pagkatapos mabigo sa muli kong pagsisikap na makita ang aking anak, lumabas ako sa larangan at hinawakan ko nang buong higpit ang aking bag. Sa panahon ng gayong mahihirap na kalagayan, naranasan ko ang katotohanan ng Awit 126:6, na nagsasabi: “Siya na walang pagsalang yumayaon, na tumatangis pa man din, na may dala-dalang isang supot ng binhi, ay walang pagsalang papasok na may sigaw ng kagalakan, na dala-dala ang ang kaniyang mga bigkis.” Natutuhan ko ang isang mahalagang aral na kapag dumaranas ka nang matitinding pagsubok, matapos mong gawin ang lahat upang malutas ang mga ito, dapat mo itong talikuran at magpatuloy ka nang may katatagan sa paglilingkuran kay Jehova. Ito lamang ang tanging paraan upang manatili ang iyong kagalakan.

Pag-abot sa Mas Mabuting Bagay

Dahil sa nakitang mga pagbabago sa aking buhay, nag-alok ng tulong ang aking mahal na mga magulang upang ipagpatuloy ko ang pag-aaral sa pamantasan. Nagpasalamat ako sa kanila, subalit ngayon ay may iba na akong tunguhin. Pinalaya ako ng katotohanan mula sa pilosopiya ng tao, mistisismo, at astrolohiya. Ngayon ay mayroon na akong tunay na mga kaibigan na hindi magpapatayan sa digmaan. At sa wakas ay may kasagutan na ang mga tanong ko tungkol sa kung bakit napakaraming pagdurusa sa lupa. Bilang pasasalamat, ibig kong paglingkuran ang Diyos nang buong lakas. Iniukol ni Jesus ang buong buhay niya sa kaniyang ministeryo, at ibig kong tularan ang halimbawa niya.

Noong 1983, iniwan ko ang aking hanapbuhay bilang mason upang maging isang buong-panahong ministro. Bilang tugon sa aking mga panalangin, nakapagtrabaho ako nang part-time sa isang parke para masuportahan ang aking sarili. Anong tuwa ko na dumalo sa paaralan ng mga payunir kasama si Serge, ang kabataang lalaki na napatotohanan ko noon sa paaralan ng masoneriya! Pagkatapos ng tatlong taon bilang isang regular payunir, ibig kong gumawa nang higit pa sa paglilingkuran kay Jehova. Kaya, noong 1986, inatasan akong maging isang special pioneer sa kaakit-akit na bayan ng Provins, di-kalayuan mula sa Paris. Madalas, pag-uwi sa gabi, lumuluhod ako upang pasalamatan si Jehova sa panalangin dahil sa magandang araw na ginugol ko sa pakikipag-usap sa iba ng tungkol sa kaniya. Sa katunayan, ang dalawang pinakamaliligayang panahon sa buhay ko ay ang pakikipag-usap sa Diyos at ang pakikipag-usap tungkol sa Diyos.

Ang isa pa na nakapagpagalak sa akin ay ang pagpapabautismo ng aking 68-taóng-gulang na ina na nakatira sa Cébazan, isang maliit na nayon sa timog ng Pransiya. Nang magsimulang magbasa ng Bibliya ang aking ina, pinadalhan ko siya ng suskrisyon ng Ang Bantayan at Gumising! Isa siyang taong palaisip, at hindi nagtagal ay nakilala niya ang taginting ng katotohanan sa mga nabasa niya.

Bethel​—Isang Pambihirang Espirituwal na Paraiso

Nang ipasiya ng Samahang Watch Tower na bawasan ang bilang ng mga special pioneer, nagpatala ako para sa Ministerial Training School at sa Bethel, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya. Ibig kong ipaubaya na lamang kay Jehova ang pagpapasiya kung paano ko siya mapaglilingkuran sa pinakamabisang paraan. Pagkaraan ng ilang buwan, noong Disyembre 1989, ako’y inanyayahan sa Bethel sa Louviers, hilagang-kanluran ng Pransiya. Ito’y naging isang magandang pangyayari, yamang ang lokasyon nito ay nagpangyari sa akin na matulungan ko ang aking kapatid at hipag upang maalagaan ang mga magulang ko sakaling magkasakit sila nang malubha. Hindi ko ito magagawa kung naglingkod ako bilang misyonero sa malayong lugar.

Madalas akong dalawin ng aking ina sa Bethel. Bagaman isang sakripisyo para sa kaniya na manirahan nang malayo sa akin, madalas niyang sabihin sa akin: “Anak, manatili ka sa Bethel. Natutuwa ako na pinaglilingkuran mo si Jehova sa ganitong paraan.” Nakalulungkot, kapuwa patay na ang mga magulang ko ngayon. Sabik na sabik akong makita silang muli sa isang lupa na ginawang isang literal na paraiso!

Talagang naniniwala ako na kung may anumang bahay na karapat-dapat ilarawan bilang “Paraiso Ngayon,” ito ay ang Bethel​—ang “Bahay ng Diyos”​—sapagkat ang tunay na paraiso, higit sa lahat, ay espirituwal, at ang espirituwalidad ay nangingibabaw sa Bethel. Mayroon kaming pagkakataon upang linangin ang bunga ng espiritu. (Galacia 5:22, 23) Ang saganang espirituwal na pagkaing natatanggap namin tuwing tinatalakay ang pang-araw-araw na teksto sa Bibliya at pinag-aaralan ng pamilya Ang Bantayan ay nagpalakas sa akin upang maglingkuran sa Bethel. Bukod pa riyan, dahil sa pakikipagsamahan sa mga kapatid na palaisip sa espirituwal na buong-katapatang naglilingkod kay Jehova nang mga ilang dekada na, ang Bethel ay nagiging isang pambihirang lugar upang sumulong sa espirituwal. Bagaman, may 17 taon na ngayon mula nang mawalay sa akin ang aking anak, natagpuan ko ang maraming masisigasig na kabataan sa Bethel, na itinuturing kong mga anak, at ikinagagalak ko ang kanilang espirituwal na pagsulong. Sa loob ng nakalipas na walong taon, nagkaroon ako ng pitong iba’t ibang atas. Bagaman hindi laging madali ang mga pagbabagong ito, sa katagalan, ang gayong pagsasanay ay kapaki-pakinabang.

Nagtatanim ako noon ng isang uri ng patani na namumunga nang daan-daan. Tulad nito, naranasan ko na kapag itinanim mo ang masama, aanihin mo ang daan-daan na higit pang kasamaan​—at hindi sa miminsang pag-aani lamang. Ang pagkatuto sa pamamagitan lamang ng mga karanasan ay isang magastos na paaralan. Mas gugustuhin ko na sana’y hindi ako napasok sa paaralang iyan kailanman kundi, sa halip, sana’y pinalaki ako ayon sa mga daan ni Jehova. Kay inam ngang pribelihiyo para sa mga kabataang pinalaki ng mga magulang na Kristiyano! Tiyak, higit na mainam ang magtanim ng mabuti sa paglilingkod kay Jehova at umani ng isang daang ulit na higit na kapayapaan at kasiyahan.​—Galacia 6:7, 8.

Noong ako’y payunir pa lamang, kung minsan ay nadaraanan ko ang tindahan ng mga relihiyosong aklat na doo’y isinulat ko sa pader nito ang salawikain ng isang anarkista. Nagawa ko pa ngang pumasok at patotohanan ang may-ari nito tungkol sa buháy na Diyos at sa kaniyang layunin. Oo, ang Diyos ay buháy! Bukod pa riyan, si Jehova, ang tanging Diyos na totoo, ay isang tapat na Ama, na hindi pinababayaan kailanman ang kaniyang mga anak. (Apocalipsis 15:4) Sana’y marami pa mula sa lahat ng bansa ang makasumpong sa espirituwal na paraiso ngayon​—at sa isinauling Paraiso na darating​—sa pamamagitan ng paglilingkod at pagpuri sa Diyos na buháy, si Jehova!

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Mga larawan sa pahina 26]

Palibhasa’y naudyukan ng kahanga-hangang bagay sa sangnilalang, naipasiya ko sa aking puso na maniwala sa Diyos. (Kanan) Naglilingkod sa Bethel ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share