Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 4/1 p. 28-31
  • Pagsamba kay Baal—Ang Labanán sa Puso ng mga Israelita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsamba kay Baal—Ang Labanán sa Puso ng mga Israelita
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sino ba si Baal?
  • Bakit Lubhang Kaakit-akit?
  • Lumakad Sila sa Pamamagitan ng Paningin, Hindi sa Pamamagitan ng Pananampalataya
  • Sino ang Nagtagumpay?
  • Mga Babala sa Pagsamba kay Baal
  • Panghahawakang Mahigpit sa Ating Integridad
  • Baal
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Lahat ng Uri ng Pagsamba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Ipinagtanggol Niya ang Tunay na Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Pagsubok na Naganap sa Bundok Carmel
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 4/1 p. 28-31

Pagsamba kay Baal​—Ang Labanán sa Puso ng mga Israelita

Sa loob halos ng sanlibong taon, nagpatuloy ang labanán sa puso ng bansang Israel. Naglaban ang mapamahiing takot at seksuwal na mga ritwal at ang pananampalataya at katapatan. Pinaglaban ng buhay-at-kamatayan na paghamok na ito ang pagsamba kay Baal at ang pagsamba kay Jehova.

MANGHAHAWAKAN kayang matapat ang bansang Israel sa tunay na Diyos, na naglabas sa kanila sa Ehipto? (Exodo 20:2, 3) O babaling ba sila kay Baal, ang paboritong diyos ng Canaan, na nangakong gagawing mabunga ang lupa?

Mahalaga sa atin ang espirituwal na labanang ito na ipinakipagbaka libu-libong taon na ang nakalipas. Bakit? “Ang mga bagay na ito,” sulat ni apostol Pablo, “ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.” (1 Corinto 10:11) Ang mahalagang babala ng makasaysayang labanang ito ay magiging mas makabuluhan sa atin kung uunawain natin kung sino si Baal at kung ano ang nasasangkot sa pagsamba kay Baal.

Sino ba si Baal?

Nakilala ng mga Israelita si Baal nang dumating sila sa Canaan, noong mga taóng 1473 B.C.E. Nasumpungan nila na ang mga Canaanita ay sumasamba sa maraming diyos na katulad ng mga diyos ng Ehipto, bagaman ang mga ito’y may kakaibang pangalan at may ilang kakaibang katangian. Subalit tiyakang tinutukoy ng Bibliya si Baal bilang ang pangunahing diyos ng mga Canaanita, at pinatutunayan ng mga tuklas ng arkeolohiya ang katanyagan nito. (Hukom 2:11) Bagaman si Baal ay hindi ang kataas-taasan sa kanilang mga diyos, siya ang diyos na pinakamahalaga sa mga Canaanita. Naniniwala sila na may kapangyarihan siya sa ulan, sa hangin, at sa ulap at na siya lamang ang makapagliligtas sa bayan​—gayundin sa kanilang mga hayop at pananim​—mula sa pagiging hindi mabunga o sa pagkamatay pa nga. Kung wala ang proteksiyon ni Baal, tiyak na pasasapitin ni Mot, ang mapaghiganting diyos ng mga Canaanita, ang mga kalamidad sa kanila.

Kaakibat ng pagsamba kay Baal ang seksuwal na mga ritwal. Kahit na ang mga relihiyosong bagay na nauugnay kay Baal, gaya ng sagradong mga haligi at sagradong mga poste, ay may seksuwal na mga kahulugan. Maliwanag, ang sagradong mga haligi​—mga bato o tinabas na bato sa anyo ng isang sagisag ng ari ng lalaki​—ay kumakatawan kay Baal, ang bahagi ng lalaki sa seksuwal na pagtatalik. Ang sagradong mga poste naman ay mga bagay na yari sa kahoy o punungkahoy na kumakatawan kay Asera, ang asawa ni Baal, at kumakatawan sa bahagi ng babae.​—1 Hari 18:19.

Prominenteng bahagi rin ng pagsamba kay Baal ang prostitusyon sa templo at paghahain ng anak. (1 Hari 14:23, 24; 2 Cronica 28:2, 3) Ganito ang sabi ng aklat na The Bible and Archaeology: “May mga lalaki’t babaing patutot (‘sagradong’ mga lalaki’t babae) sa mga templo ng mga Canaanita at nagsasagawa ng lahat ng uri ng pagpapakalabis sa sekso. Naniniwala [ang mga Canaanita] na sa paano mang paraan ay pangyayarihin ng mga ritwal na ito na maging sagana ang ani at ang kawan.” Sa paano man ay iyan ang relihiyosong pangangatuwiran, bagaman walang alinlangang ang gayong imoralidad ay nakaaakit sa makalamang pagnanasa ng mga mananamba. Kung gayon, paano nahikayat ni Baal ang puso ng mga Israelita?

Bakit Lubhang Kaakit-akit?

Marahil ay higit na pinili ng maraming Israelita ang isang relihiyon na kaunti lamang ang hinihiling sa kanila. Sa pagsamba kay Baal ay hindi na nila kailangang sumunod sa Batas, gaya ng Sabbath at sa maraming paghihigpit sa moral. (Levitico 18:2-30; Deuteronomio 5:1-3) Marahil, ang materyal na kasaganaan ng mga Canaanita ay kumumbinsi sa iba na kailangang payapain si Baal.

Ang mga dambanang Canaanita, kilala bilang matataas na dako at nasa makahoy na kagubatan sa tagaytay ng bundok, ay naging isang kaakit-akit na tanawin sa likuran para sa mga ritwal sa pagkapalaanakin na isinasagawa roon. Di-nagtagal, hindi nakontento ang mga Israelita sa madalas na pagtungo sa sagradong mga dako ng Canaan; nagtayo pa nga sila ng kanilang sariling mga sagradong dako. “Sila rin ay patuloy na nagtatayo para sa kanila ng matataas na dako at mga sagradong haligi at mga sagradong poste sa ibabaw ng bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat mayabong na punungkahoy.”​—1 Hari 14:23; Oseas 4:13.

Subalit una at pinakamahalaga, ang pagsamba kay Baal ay nakaaakit sa laman. (Galacia 5:19-21) Ang makalamang gawain ay higit pa sa paghahangad para sa masaganang ani at kawan. Niluluwalhati nito ang sekso. Pinatutunayan ito ng maraming nahukay na pigurin, na may pinalabis na seksuwal na mga bahagi, anupat naglalarawan ng pagkapukaw sa sekso. Ang handaan, sayawan, at musika ay kumukondisyon sa imoral na paggawi.

Mailalarawan natin sa isipan ang isang tipikong tanawin sa pagsisimula ng taglagas. Sa isang magandang likas na tagpo, na sagana sa handaan at pinasisigla ng alak, nagsasayaw ang mga mananamba. Ang kanilang sayaw para sa pagkapalaanakin ay nilalayon upang gisingin si Baal sa kaniyang pamamahinga noong tag-araw upang ang lupain ay pagpalain sa pamamagitan ng ulan. Nagsayaw sila sa palibot ng haligi na anyong ari ng lalaki at sa sagradong mga poste. Ang mga kilos, lalo na yaong sa mga patutot sa templo, ay erotiko at mahalay. Ang musika at ang nanonood ang gumaganyak sa kanila. At malamang, sa kasukdulan ng sayaw, ang mga sumasayaw ay nagtutungo sa mga silid sa bahay ni Baal para sa imoral na mga gawain.​—Bilang 25:1, 2; ihambing ang Exodo 32:6,17-19; Amos 2:8.

Lumakad Sila sa Pamamagitan ng Paningin, Hindi sa Pamamagitan ng Pananampalataya

Bagaman nakaakit sa marami ang gayong mahalay na anyo ng pagsamba, takot din ang nagtulak sa mga Israelita sa pagsamba kay Baal. Habang nawawalan ng pananampalataya kay Jehova ang mga Israelita, ang takot sa mga patay, takot sa hinaharap, at ang pagkahalina sa okulto ang umakay sa kanila sa pagsasagawa ng espiritismo, na kinasasangkutan naman ng mga ritwal ng sukdulang kasamaan. Inilalarawan ng The International Standard Bible Encyclopedia kung paano pinarangalan ng mga Canaanita ang espiritu ng patay bilang bahagi ng pagsamba sa ninuno: “Naghahanda sila . . . sa libingan ng pamilya o sa buntong pinaglibingan sa pamamagitan ng ritwal sa paglalasing at seksuwalidad (posibleng nagsasangkot ng insesto) kung saan inaakalang nakikibahagi ang namatay.” Ang pakikibahagi sa gayong nakasasamang espiritistikong gawain ay higit at higit na nagpalayo sa mga Israelita sa kanilang Diyos, si Jehova.​—Deuteronomio 18:9-12.

Ang mga idolo​—at kaugnay na mga ritwal​—ay nakaakit din sa mga Israelita na piniling lumakad sa pamamagitan ng paningin sa halip na sa pamamagitan ng pananampalataya. (2 Corinto 5:7) Kahit na pagkatapos masaksihan ang kamangha-manghang mga himala sa di-nakikitang kamay ni Jehova, nakita ng maraming Israelita na umalis sa Ehipto ang pangangailangan para sa isang nakikitang tagapagpaalaala sa kaniya. (Exodo 32:1-4) Nais din ng ilan sa kanilang mga inapo na sumamba sa isang bagay na nakikita, gaya ng mga idolo ni Baal.​—1 Hari 12:25-30.

Sino ang Nagtagumpay?

Ang labanán sa puso ng mga Israelita ay umiral sa loob ng mga dantaon, mula noong sila’y dumating sa kapatagan ng Moab bago pumasok sa Lupang Pangako hanggang sa panahon ng pagkatapon sa kanila sa Babilonya. Waring iba’t iba ang kalagayan. Kung minsan, ang karamihan ng mga Israelita ay nanatiling matapat kay Jehova, subalit madalas na sila’y bumabaling kay Baal. Ang pangunahing dahilan ay ang pakikisama nila sa mga pagano sa paligid nila.

Pagkatapos ng kanilang militar na pagkatalo, ang mga Canaanita ay nakipaglaban sa kanila sa pamamagitan ng mas tusong paraan. Nanirahan sila sa tabi ng mga Israelita at hinimok nila ang mga sumakop sa kanila na gawing diyos nila ang mga diyos ng lupain. Tinutulan ng malalakas ang loob na mga hukom na gaya nina Gideon at Samuel ang kausuhang ito. Pinayuhan ni Samuel ang bayan: “Alisin ninyo ang mga banyagang diyos . . . , at ituon ninyo nang walang maliw ang inyong puso kay Jehova at siya lamang ang inyong paglingkuran.” Sinunod ng mga Israelita ang payo ni Samuel sa loob ng ilang panahon, at kanilang “inalis ang mga Baal at ang mga imahen ni Astoret at pinasimulang si Jehova lamang ang paglingkuran.”​—1 Samuel 7:3, 4; Hukom 6:25-27.

Pagkatapos ng paghahari nina Saul at David, sinimulan ni Solomon noong dakong huli na maghain sa mga banyagang diyos. (1 Hari 11:4-8) Gayundin ang ginawa ng iba pang hari ng Israel at Juda at sumuko sila kay Baal. Gayunpaman, ang tapat na mga propeta at mga hari, gaya nina Elias, Eliseo, at Josias, ay nanguna sa pakikipagbaka laban sa pagsamba kay Baal. (2 Cronica 34:1-5) Bukod pa riyan, sa buong yugtong ito sa kasaysayan ng Israelita, may mga tao na nanatiling tapat kay Jehova. Kahit na noong panahon nina Ahab at Jezebel, nang nasa tugatog nito ang pagsamba kay Baal, pitong libo ang tumangging ‘lumuhod kay Baal.’​—1 Hari 19:18.

Sa wakas, nang magbalik ang mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya, wala nang pagbanggit pa tungkol sa pagsamba kay Baal. Gaya niyaong binabanggit sa Ezra 6:21, ‘ibukod [ng lahat] ang kaniyang sarili mula sa karumihan ng mga bansa ng lupain, upang hanapin si Jehova na Diyos ng Israel.’

Mga Babala sa Pagsamba kay Baal

Bagaman malaon nang naglaho ang pagsamba kay Baal, may pagkakatulad ang relihiyon ng mga Canaanita sa lipunan ngayon​—ang pagluwalhati sa sekso. Ang panghihikayat sa imoralidad ay waring laganap sa ating kapaligiran. (Efeso 2:2) “Tayo ay may pakikipaglaban sa di-nakikitang kapangyarihan na sumusupil sa madilim na sanlibutang ito, at sa espirituwal na mga ahente mula sa mismong punong-tanggapan ng masama,” ang babala ni Pablo.​—Efeso 6:12, Phillips.

Itinataguyod ng “di-nakikitang kapangyarihan” ni Satanas ang seksuwal na imoralidad upang alipinin ang mga tao sa espirituwal na paraan. (Juan 8:34) Sa lipunan sa ngayon na maluwag sa moral, ang seksuwal na kahalayan ay hindi isinasagawa bilang isang ritwal sa pagkapalaanakin kundi, bagkus, bilang isang paraan upang makasumpong ng personal na kasiyahan o sa paggawa ng gusto mo. At ang propaganda ay maluwag din sa moral. Sa pamamagitan ng libangan, musika, at pag-aanunsiyo, babad na ang isip ng mga tao sa seksuwal na mga mensahe. Apektado rin ang mga lingkod ng Diyos sa pagsalakay na ito. Sa katunayan, ang karamihan niyaong mga natitiwalag sa kongregasyong Kristiyano ay mga tao na nadaig ng gayong mga gawain. Makapananatiling malinis ang isang Kristiyano sa pamamagitan lamang ng patuloy na pagtanggi sa imoral na mga mungkahing ito.​—Roma 12:9.

Lalo nang nakalantad sa panganib ang mga kabataang Saksi, yamang ang maraming bagay na kinaluluguran nila ay may seksuwal na pang-akit. Lalo pang nagpapalala sa mga bagay, kailangan nilang labanan ang impluwensiya ng ibang kabataan na humihimok sa kanila. (Ihambing ang Kawikaan 1:10-15.) Halimbawa, marami ang nagkaproblema sa malalaking pagtitipon. Katulad sa pagsamba kay Baal noong sinaunang panahon, ang musika, sayawan, at seksuwal na pang-akit ay nakalalangong kombinasyon.​—2 Timoteo 2:22.

“Paano lilinisin ng isang kabataang lalaki ang kaniyang landas?” tanong ng salmista. “Sa pamamagitan ng pananatiling mapagbantay alinsunod sa salita [ni Jehova],” ang tugon niya. (Awit 119:9) Kung paanong ang Batas ng Diyos ay nag-uutos sa mga Israelita na iwasan ang malapit na pakikisama sa mga Canaanita, gayon nagbababala sa atin ang Bibliya sa mga panganib ng hindi matalinong pakikisama. (1 Corinto 15:32, 33) Ipinakikita ng isang kabataang Kristiyano ang kaniyang pagkamaygulang kapag siya’y tumatanggi sa maaaring makaakit sa laman subalit nalalaman niyang makapipinsala sa moral. Katulad ng tapat na si Elias, hindi natin hahayaan ang pabagu-bagong takbo ng popular na opinyon ang magpasiya para sa atin.​—1 Hari 18:21; ihambing ang Mateo 7:13, 14.

Isa pang babala ang tungkol sa kawalan ng pananampalataya, “ang kasalanan na madaling makasasalabid sa atin.” (Hebreo 12:1) Waring naniniwala pa rin ang maraming Israelita kay Jehova, subalit umaasa sila kay Baal bilang ang diyos na mangangalaga sa kanilang mga ani at magtutustos ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Marahil ay inaakala nilang napakalayo ng templo ni Jehova sa Jerusalem at na di-praktikal ang pagsunod sa kaniyang mga batas. Walang gaanong hinihiling at kombinyente ang pagsamba kay Baal​—maaari pa nga silang maghandog ng usok kay Baal sa bubong mismo ng kanilang bahay. (Jeremias 32:29) Posible, bumaling sila sa pagsamba kay Baal sa pamamagitan lamang ng pakikibahagi sa ilang ritwal o kahit na sa paggawa ng mga handog kay Baal sa pangalan ni Jehova.

Paano tayo maaaring mawalan ng pananampalataya at unti-unting lumayo sa buháy na Diyos? (Hebreo 3:12) Maaaring unti-unti nating maiwala ang pagpapahalaga na dati nating taglay para sa mga pulong at mga asamblea. Ang gayong saloobin ay nagpapakita ng kakulangan ng pagtitiwala sa paglalaan ni Jehova ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45-47) Kapag nanghina na, maaaring mabitiwan natin ang ating “mahigpit na kapit sa salita ng buhay” o magkaroon pa nga ng isang nababahaging puso, marahil ay napatatangay sa materyalistikong hangarin o sa imoralidad.​—Filipos 2:16; ihambing ang Awit 119:113.

Panghahawakang Mahigpit sa Ating Integridad

Walang alinlangan tungkol dito, isang labanán ang ipinakikipagbaka ngayon sa puso. Mananatili ba tayong matapat kay Jehova o maililihis ba tayo ng imoral na pamumuhay ng sanlibutang ito? Nakalulungkot sabihin, kung paanong naakit ang mga Israelita sa kasuklam-suklam na mga gawain ng mga Canaanita, naakit din ang ilang Kristiyanong lalaki at babae ngayon na gumawa ng kahiya-hiyang mga gawa.​—Ihambing ang Kawikaan 7:7, 21-23.

Ang espirituwal na pagkatalong ito ay maiiwasan kung, gaya ni Moises, tayo’y ‘magpapatuloy na matatag na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita.’ (Hebreo 11:27) Totoo, kailangan nating “makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya.” (Judas 3) Subalit sa pamamagitan ng pananatiling matapat sa ating Diyos at sa kaniyang mga simulain, makaaasa tayo sa hinaharap sa panahon kapag maglalaho na magpakailanman ang huwad na pagsamba. Kung paanong ang pagsamba kay Jehova ay nanaig sa pagsamba kay Baal, makatitiyak din tayo na sa malapit na hinaharap “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”​—Isaias 11:9.

[Larawan sa pahina 31]

Mga kagibaan sa Gezer ng mga sagradong haligi na ginamit sa pagsamba kay Baal

[Picture Credit Line sa pahina 28]

Musée du Louvre, Paris

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share