Saulo—Isang Piniling Sisidlan sa Panginoon
SI Saulo ng Tarso ay isang pumapatay na kalaban ng mga tagasunod ni Kristo. Subalit may ibang kinabukasang nakalaan para sa kaniya ang Panginoon. Magiging isang kilalang kinatawan si Saulo ng mismong bagay na malupit niyang sinalansang. Sabi ni Jesus: “Ang taong ito [si Saulo] ay isang piniling sisidlan sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.”—Gawa 9:15.
Lubusang nabago ang buhay ni Saulo bilang “isang walang-pakundangang tao” nang siya’y pagpakitaan ng awa at naging ang “piniling sisidlan” ng Panginoong Jesu-Kristo. (1 Timoteo 1:12, 13) Ang mga pagsisikap na nag-udyok sa pakikibahagi sa pagbato kay Esteban at sa iba pang pagsalakay sa mga alagad ni Jesus ay itinuon sa lubhang naiibang layunin nang maging Kristiyanong apostol Pablo si Saulo. Maliwanag na nakita ni Jesus ang kanais-nais na mga katangian ni Saulo. Anong mga katangian? Sino ba si Saulo? Paano siya pinaging angkop ng kaniyang pinagmulan para gamitin sa pagpapasulong ng tunay na pagsamba? May matututuhan ba tayong anumang bagay mula sa kaniyang karanasan?
Ang Pinagmulang Pamilya ni Saulo
Noong panahon ng pagpaslang kay Esteban, karaka-raka pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., si Saulo ay “isang kabataang lalaki.” Nang sumusulat kay Filemon noong mga 60-61 C.E., siya’y “isang lalaking matanda na.” (Gawa 7:58; Filemon 9) Sinasabi ng mga iskolar na, ayon sa sinaunang pagtutuos ng edad, ang “kabataan” ay malamang na nangangahulugan ng edad sa pagitan ng 24 at 40, samantalang ang “isang lalaking matanda na” ay mula 50 hanggang 56 anyos. Kaya si Saulo ay malamang na isinilang mga ilang taon pagkasilang ni Jesus.
Ang mga Judio noon ay nakatira sa maraming bahagi ng daigdig. Ang pananakop, pagkaalipin, pagkatapon, kalakalan, at kusang pandarayuhan ang ilan sa mga dahilan ng kanilang pangangalat mula sa Judea. Bagaman ang kaniyang pamilya ay mga Judio na nangalat, idiniin ni Saulo ang kanilang katapatan sa Batas, anupat binabanggit na siya’y “tinuli nang ikawalong araw, mula sa angkan ng pamilya ni Israel, sa tribo ni Benjamin, isang Hebreo na ipinanganak mula sa mga Hebreo; kung may kinalaman sa batas, isang Fariseo.” Taglay ni Saulo ang parehong pangalang Hebreo ng isang dakilang miyembro ng kaniyang tribo—ang unang hari ng Israel. Bilang isang Romano sa pagsilang, si Saulo ng Tarso ay mayroon ding pangalang Latin, Paulo.—Filipos 3:5; Gawa 13:21; 22:25-29.
Ang pagiging ipinanganak na isang Romano ni Saulo ay nangangahulugan na natamo ng isa sa kaniyang mga ninunong lalaki ang pribilehiyo ng pagkamamamayan. Paano? May ilang posibilidad. Bukod sa pagmamana ng pagkamamamayan, maaari itong ibigay sa mga indibiduwal o mga grupo dahil sa natatanging mga merito, sa pulitikal na kapakanan, o bilang isang gantimpala sa ilang natatanging paglilingkod sa Estado. Ang isang alipin na makabibili ng kaniyang kalayaan mula sa isang Romano, o sa isa na pinalaya ng isang mamamayang Romano, ay maaaring maging isang Romano mismo. Gayundin ang isang dating miyembro ng sandatahang lakas pagkatapos niyang maglingkod sa mga lehiyong Romano. Sa kalaunan, maaaring maging mga mamamayan ang mga katutubong nakatira sa mga kolonyang Romano. Sinasabi rin na sa ilang panahon ang pagkamamamayan ay nabibili sa pamamagitan ng malaking halaga. Nananatiling isang hiwaga kung paano nakuha ng pamilya ni Saulo ang pagkamamamayan nito.
Alam natin na si Saulo ay mula sa Tarso, ang pangunahing lunsod at kabisera ng Romanong lalawigan ng Cilicia (ngayo’y nasa gawing timog ng Turkey). Bagaman medyo malaki rin ang pamayanang Judio na nakatira sa dakong ito, maaaring nalantad din si Pablo sa kulturang Gentil dahil sa pamumuhay roon. Ang Tarso ay isang malaki at maunlad na lunsod na kilala bilang sentro ng Helenistiko, o Griegong, kaalaman. Tinatayang ang populasyon nito noong unang-siglo ay nasa pagitan ng 300,000 at 500,000. Ito ang sentro ng kalakalan sa pangunahing haywey sa pagitan ng Asia Minor, Sirya, at Mesopotamia. Ang dahilan ng kaunlaran ng Tarso ay ang komersiyo at ang pagiging mataba ng kapatagan sa paligid, na nagbubunga ng maraming butil, alak, at lino. Ang telang mula sa buhok ng kambing na siyang ginagawang mga tolda ay mula sa umuunlad na industriya nito ng tela.
Edukasyon ni Saulo
Matapat na pinaglaanan ni Saulo, o Pablo, ang kaniyang sarili at tinustusan ang kaniyang gawaing misyonero sa pamamagitan ng paggawa ng mga tolda. (Gawa 18:2, 3; 20:34) Ang hanapbuhay na paggawa ng tolda ay karaniwan sa kaniyang katutubong lunsod, ang Tarso. Malamang na natutuhan ni Saulo mula sa pagkabata ang hanapbuhay na paggawa ng tolda sa kaniyang ama.
Ang kaalaman ni Saulo sa mga wika—lalo na ang kahusayan niya sa Griego, ang karaniwang wika ng Imperyong Romano—ay napatunayan ding napakahalaga sa kaniyang gawaing misyonero. (Gawa 21:37–22:2) Sinabi ng mga nagsuri sa kaniyang mga akda na ang kaniyang Griego ay ekselente. Ang kaniyang talasalitaan ay hindi klasiko o pampanitikan kundi, bagkus, nahahawig sa Septuagint, ang Griegong salin ng Kasulatang Hebreo na madalas niyang sipiin o gamitin. Sa katibayang ito, ipinalalagay ng iba’t ibang iskolar na si Saulo ay sa paano man tumanggap ng mahusay na edukasyong elementarya sa Griego, marahil sa isang paaralang Judio. “Noong unang panahon, ang isang mas magaling na edukasyon—lalo na ang isang Griegong edukasyon—ay hindi libre; bilang isang tuntunin, nangangahulugan ito ng ilang materyal na tulong,” sabi ng iskolar na si Martin Hengel. Kaya ipinahihiwatig ng edukasyon ni Saulo na siya’y mula sa isang prominenteng pamilya.
Malamang, nang siya’y mga 13 taóng gulang ay ipinagpatuloy ni Saulo ang kaniyang pag-aaral sa Jerusalem, mga 840 kilometro ang layo sa kaniyang tahanan. Siya’y nag-aral sa paanan ni Gamaliel, isang kilala at lubhang hinahangaang guro ng tradisyon ng mga Fariseo. (Gawa 22:3; 23:6) Ang mga pag-aaral na iyon, na katulad ng isang edukasyon sa pamantasan ngayon, ay nagbukas sa pinto ng pagkakataon upang makamit ang kabantugan sa Judaismo.a
Ginamit na Mainam ang mga Kakayahan
Palibhasa’y ipinanganak sa isang pamilyang Judio sa Helenistiko at Romanong lunsod, kabilang si Saulo sa tatlong uri ng tao. Walang alinlangang nakatulong sa kaniya ang pinagmulan niyang malaking lunsod na may maraming wika upang maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.” (1 Corinto 9:19-23) Nang maglaon, ang kaniyang pagkamamamayang Romano ang nagpangyari sa kaniya na legal na ipagtanggol ang kaniyang ministeryo at dalhin ang mabuting balita sa harap ng pinakamataas na awtoridad sa Imperyong Romano. (Gawa 16:37-40; 25:11, 12) Mangyari pa, ang pinagmulan, edukasyon, at personalidad ni Saulo ay alam ng binuhay-muling si Jesus, na nagsabi kay Ananias: “Humayo ka, sapagkat ang taong ito ay isang piniling sisidlan sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel. Sapagkat ipakikita ko sa kaniya nang malinaw kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang pagdusahan para sa aking pangalan.” (Gawa 9:13-16) Nang ituon sa tamang direksiyon, naging kasangkapan ang sigasig ni Saulo sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian sa malalayong teritoryo.
Isang pambihirang pangyayari sa kasaysayang Kristiyano ang pagpili ni Jesus kay Saulo para sa isang pantanging atas. Gayunman, lahat ng kasalukuyang-panahong mga Kristiyano ay may indibiduwal na mga kakayahan at mga katangian na magagamit nang mabisa sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Nang maunawaan ni Saulo kung ano ang nais ni Jesus sa kaniya, hindi siya tumanggi. Ginawa niya ang lahat ng magagawa niya upang itaguyod ang kapakanan ng Kaharian. Ganiyan ka rin ba?
[Talababa]
a May kinalaman sa nilalaman at uri ng edukasyon na tinanggap ni Saulo mula kay Gamaliel, tingnan Ang Bantayan, ng Hulyo 15, 1996, pahina 26-9.
[Kahon/Larawan sa pahina 30]
Ang Pagpaparehistro at Pagpapatunay ng Pagkamamamayang Romano
Ang pagpaparehistro ng tunay na mga anak ng mga mamamayang Romano ay itinatag ni Augusto sa pamamagitan ng dalawang batas na pinagtibay noong 4 at 9 C.E. Ang pagpaparehistro ay kailangang gawin sa loob ng 30 araw mula ng pagsilang. Sa mga lalawigan, kailangang humarap ang isang pamilya sa isang mahistrado sa angkop na tanggapan ng rekord ng bayan, na nagsasabing ang bata ay tunay na anak at may Romanong pagkamamamayan. Inirerehistro rin ang pangalan ng mga magulang, ang kasarian at pangalan ng bata, at ang petsa ng kapanganakan. Kahit na bago pa magkaroon ng mga batas na ito, ang pagpaparehistro ng mga mamamayan sa lahat ng mga bayan, kolonya, at distritong Romano ay binabago tuwing limang taon sa pamamagitan ng isang sensus.
Ang kalagayan sa gayon ay maipakikita sa pagtukoy sa isang natipong katibayan na wastong iniingatan sa mga artsibo. Ang sertipikadong mga kopya ng mga rekord na ito ay makukuha sa anyong nabibitbit na mga diptych (mga tapyas na natutupi) na yari sa kahoy. Sa palagay ng ilang iskolar, nang angkinin ni Pablo ang pagkamamamayang Romano, maaaring naipakita niya ang isang sertipiko ng pagpapatunay. (Gawa 16:37; 22:25-29; 25:11) Yamang ang pagkamamamayang Romano ay minamalas bilang pagkakaroon ng halos “sagradong katangian” at nagbibigay sa isang tao ng maraming pribilehiyo, ang panghuhuwad ng mga dokumentong ito ay isang napakalaking kasalanan. Ang panghuhuwad ng katayuan ng isa sa lipunan ay pinarurusahan ng kamatayan.
[Credit Line]
Historic Costume in Pictures/Dover Publications, Inc., New York
[Kahon/Larawan sa pahina 31]
Romanong Pangalan ni Saulo
Bawat lalaking mamamayang Romano ay may di-kukulanging tatlong bahagi sa kaniyang pangalan. Mayroon siyang pangalan, apelyido (kaugnay ng kaniyang tribo, o angkan), at isa pang huling pangalan. Ang isang kilalang halimbawa ay si Gayo Julio Cesar. Ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng mga buong pangalang Romano, subalit sinasabi sa atin ng sekular na mga akda na si Agripa ay si Marcos Julio Agripa. Si Galio ay Lucio Junio Galio. (Gawa 18:12; 25:13) Ang mga halimbawa sa Kasulatan ng huling dalawa sa tatlong pangalan ng isang tao ay sina Poncio Pilato (nasa ibaba ang inskripsiyon), Sergio Paulo, Claudio Lisias, at Porcio Festo.—Gawa 4:27; 13:7; 23:26; 24:27.
Hindi posibleng sabihing may katiyakan kung Paulo ang unang pangalan ni Saulo o ang kaniyang huling pangalan. Karaniwan nang impormal na magdagdag ng isa pang pangalan na doo’y maaaring tawagin ng kaniyang pamilya at mga kakilala ang isang tao. Maaari namang gamiting kahalili ang isang hindi Romanong pangalan na gaya ng Saulo. “Ang [Saulo] ay hindi isang pangalang Romano,” sabi ng isang iskolar, “ngunit maaaring ito’y isang katutubong pangalan na ibinigay bilang isang palayaw sa isang mamamayang Romano.” Sa mga lugar na may maraming wika, maaaring matiyak ng situwasyon kung aling pangalan ang maaaring gamitin ng isang tao.
[Credit Line]
Larawan ng Israel Museum, ©Israel Antiquities Authority