Panahon at Pagkawalang-Hanggan—Ano nga ba ang Alam Natin Tungkol Dito?
ANG panahon ay waring isa sa pinakamahiwagang uri ng karanasan
ng tao,” sabi ng isang ensayklopidiya. Oo, halos imposibleng bigyang-kahulugan ang panahon sa payak na mga katuturan. Nasasabi nating ang panahon ay “lumilipas,” “nagdaraan,” “lumilipad,” at na tayo mismo ay sumasabay sa “agos ng panahon.” Subalit talagang hindi natin alam ang ating sinasabi.
Ang panahon ay binigyan-kahulugan bilang ang “distansiya sa pagitan ng dalawang pangyayari.” Gayunman, waring sinasabi sa atin ng ating karanasan na ang panahon ay walang kaugnayan sa mga pangyayari; waring ito’y nagpapatuloy, may mangyari man o wala. Sinasabi ng isang pilosopo na talagang hindi umiiral ang panahon kundi isa lamang itong guniguni. Maaari bang mangyari lamang sa ating imahinasyon ang marami sa ating karanasan?
Ang Pangmalas ng Bibliya sa Panahon
Hindi nagbibigay ng anumang kahulugan ang Bibliya hinggil sa panahon, na nagpapahiwatig na marahil ay wala sa kakayahan ng tao na ito’y lubusang maunawaan. Katulad ito ng walang-takdang luwang ng kalawakan, na mahirap din nating maunawaan. Tila ang panahon ay isa sa mga bagay na ang Diyos lamang ang lubusang nakauunawa, sapagkat siya lamang ang “mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda.”—Awit 90:2.
Bagaman ang Bibliya ay hindi nagbibigay-kahulugan sa panahon, bumabanggit ito tungkol sa panahon bilang isang katunayan. Sa simula, sinasabi sa atin ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang “mga tanglaw”—ang araw, buwan, at mga bituin—bilang mga tagatanda ng panahon, na “magsisilbing mga tanda at para sa mga kapanahunan at para sa mga araw at mga taon.” Maraming pangyayaring nakaulat sa Bibliya ang natiyak sa agos ng panahon. (Genesis 1:14; 5:3-32; 7:11, 12; 11:10-32; Exodo 12:40, 41) Binabanggit din ng Bibliya na ang panahon ay dapat nating gamitin nang may katalinuhan upang mapahanay sa pagpapala ng Diyos ng isang panahong walang hanggan—ang pag-asang mabuhay magpakailanman.—Efeso 5:15, 16.
Buhay na Walang Hanggan—Makatuwiran Ba?
Kung paanong nakasisiphayo na sikaping unawain kung ano nga ba ang panahon, sa maraming tao naman ang ideya ng buhay na walang hanggan, o ang mabuhay magpakailanman, ay malaking palaisipan. Ang isang dahilan ay maaaring sapagkat ang ating karanasan sa panahon ay laging nauugnay sa siklo ng pagsilang, paglaki, pagtanda, at kamatayan. Kaya, iniuugnay natin ang agos ng panahon sa proseso mismo ng pagtanda. Para sa marami, ang mag-isip sa ibang paraan ay waring isang paglabag sa mismong ideya ng panahon. ‘Bakit dapat mapaiba ang tao sa nararanasan ng iba pang nabubuhay na nilalang?’ maitatanong nila.
Kadalasang nakaliligtaan sa ganitong pangangatuwiran ang bagay na ang mga tao ay isa nang eksepsiyon sa iba pang nilalang sa maraming bagay. Halimbawa, ang mga hayop ay walang intelektuwal na mga kakayahan na taglay ng mga tao. Sa kabila ng sinasabi ng iba, hindi sila nagiging mapanlikha na higit pa sa kung ano ang idinidikta ng kanilang katutubong ugali. Wala rin silang masining na mga kaloob ni ng kakayahang magpakita ng pag-ibig at pagpapahalaga na taglay ng mga tao. Kung ang mga tao’y nabigyan ng higit pa sa mga katangian at mga kakayahang ito na nagpapangyaring maging makabuluhan ang buhay, bakit hindi posibleng bigyan din sila ng higit pang panahon kung ang buhay mismo ang pag-uusapan?
Sa kabilang dako naman, hindi ba kataka-taka na ang mga punungkahoy, na hindi nag-iisip, ay nabubuhay ng libu-libong taon sa ilang kaso, samantalang ang matatalinong tao ay maaaring mabuhay lamang ng 70 hanggang 80 taon sa katamtaman? Hindi ba’t isang kabalintunaan na ang mga pagong, na walang mapanlikha o masining na mga kakayahan, ay maaaring mabuhay ng mahigit na 200 taon, samantalang ang mga tao, na saganang pinagkalooban ng mga katangiang ito, ay wala pang kalahati nito ang haba ng buhay?
Bagaman ang panahon at ang pagkawalang-hanggan ay hindi lubusang maunawaan ng tao, ang pangakong buhay na walang-hanggan ay isang pag-asa pa rin na lubhang nasasalig sa Bibliya. Dito, ang katagang “buhay na walang hanggan” ay lumilitaw nang halos 40 ulit. Ngunit kung layunin ng Diyos na ang mga tao’y mabuhay magpakailanman, bakit hindi pa ito natutupad? Ang tanong na ito ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.