Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 6/1 p. 20-23
  • Pagtupad sa Aking Pangakong Maglingkod sa Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtupad sa Aking Pangakong Maglingkod sa Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paglaki sa Lithuania
  • Pagtupad sa Aking Pangako
  • Maagang mga Pagsubok sa Pananampalataya
  • Pagbabawal at Muling Pag-aresto
  • Pag-iingat ng Pananampalataya sa Bilangguan
  • Pagbalik sa Buong-Panahong Ministeryo
  • Inakma sa mga Pangangailangan
  • Pinakilos ng Katapatan ng Aking Pamilya sa Diyos
    Gumising!—1998
  • Matiyagang Naghihintay kay Jehova Mula pa sa Aking Kabataan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Ang Aming Pakikipaglaban Upang Makapanatiling Malakas sa Espirituwal
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Ang Diyos ang Aking Kanlungan at Lakas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 6/1 p. 20-23

Pagtupad sa Aking Pangakong Maglingkod sa Diyos

AYON SA SALAYSAY NI FRANZ GUDLIKIES

Apat lamang sa kasama kong mahigit na sandaang sundalo ang natirang buháy. Sa harap ng kamatayan, lumuhod ako at nangako sa Diyos, ‘Kung makaliligtas po ako sa digmaan, maglilingkod ako sa inyo sa lahat ng panahon.’

IPINANGAKO ko iyan 54 na taon na ang nakalipas, noong Abril 1945, nang ako’y isang sundalo sa hukbong Aleman. Noo’y malapit nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig II, at sumasalakay ang hukbong Sobyet sa Berlin. Ang aming mga tao’y nakapuwesto malapit sa bayan ng Seelow sa Ilog Oder, wala pang 65 kilometro mula sa Berlin. Doon ay matinding pinaulanan kami ng kanyon gabi’t araw, at marami sa aking pangkat ang namatay.

Noong panahong iyon, sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, ako’y umiyak at nanalangin sa Diyos. Naalaala ko ang isang teksto sa Bibliya na madalas sipiin ng aking inang may-takot sa Diyos: “Tawagin mo ako sa araw ng kabagabagan. Ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.” (Awit 50:15) Doon sa mga trinsera at habang nanganganib ang aking buhay, ginawa ko ang nabanggit sa itaas na pangako sa Diyos. Paano ko natupad ito? At paano ba ako naging miyembro ng hukbong Aleman?

Paglaki sa Lithuania

Noong 1918, nang panahon ng Digmaang Pandaigdig I, ipinahayag ng Lithuania ang kasarinlan nito at itinatag ang isang demokratikong sistema ng pamahalaan. Ipinanganak ako noong 1925 sa distrito ng Memel (Klaipėda) malapit sa Dagat ng Baltic. Ang distrito ay bago pa lamang naisama sa Lithuania noong taon bago ako isilang.

Kami ng aking limang kapatid na babae ay nagkaroon ng maligayang pagkabata. Si Tatay ay parang isang matalik na kaibigan, laging gumagawa ng mga bagay-bagay na kasama kaming mga bata. Mga miyembro ng Evangelical Church ang aming mga magulang, subalit hindi sila dumadalo sa mga serbisyo sapagkat galit si Nanay sa pagpapaimbabaw ng ministro. Subalit, mahal niya ang Diyos at ang kaniyang Salita, ang Bibliya, na masugid niyang binabasa.

Noong 1939, sinakop ng Alemanya ang bahagi ng Lithuania kung saan kami nakatira. Pagkatapos, maaga noong 1943, ako’y tinawag para sa paglilingkod militar sa hukbong Aleman. Nasugatan ako sa isa sa mga labanan, subalit nang gumaling ako sa mga pinsala, nagbalik ako sa Silangang Prontera. Nang panahong ito, nagbago ang ihip ng digmaan at umatras ang mga Aleman sa hukbong Sobyet. Noon ako muntik-muntikang mapatay, gaya ng inilahad sa pasimula.

Pagtupad sa Aking Pangako

Noong panahon ng digmaan, lumipat ang aking mga magulang sa Oschatz, Alemanya, sa timog-silangan lamang ng Leipzig. Pagkatapos ng digmaan, mahirap silang hanapin. Subalit anong ligaya namin nang sa wakas ay muli kaming nagkasama! Di-nagtagal pagkatapos nito, noong Abril 1947, sinamahan ko si Nanay sa isang pahayag pangmadla na ibinigay ni Max Schubert, isa sa mga Saksi ni Jehova. Naniniwala si Nanay na natagpuan na niya ang tunay na relihiyon, at pagkatapos dumalo ng ilang pulong, gayundin ang aking naging paniniwala.

Di-nagtagal pagkatapos nito, nahulog si Nanay sa hagdan, anupat nagkaroon siya ng mga pinsala na ikinamatay niya pagkalipas ng ilang buwan. Samantalang nasa ospital bago siya mamatay, masiglang pinatibay niya ako: “Madalas akong manalangin na sana’y masumpungan ng kahit isa man lamang sa aking mga anak ang daan patungo sa Diyos. Ngayon ay nakikita kong sinagot na ang aking mga panalangin, at maaari na akong mamatay nang payapa.” Gayon na lamang ang aking pag-asam sa panahon na si Nanay ay gigising mula sa kamatayan at malalaman na natupad ang kaniyang mga panalangin!​—Juan 5:28.

Noong Agosto 8, 1947, apat na buwan lamang pagkatapos kong marinig ang pahayag ni Brother Schubert, ako’y nabautismuhan sa isang asamblea sa Leipzig bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos na Jehova. Sa wakas ay gumagawa na ako ng mga hakbang upang tuparin ang pangako ko sa Diyos. Di-nagtagal at ako’y naging isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nang panahong iyon ay mayroong halos 400 payunir na nakatira sa dakong huli ay naging German Democratic Republic, o Silangang Alemanya.

Maagang mga Pagsubok sa Pananampalataya

Isang kapitbahay sa Oschatz ang nagsikap na hikayatin ako sa Marxismo, anupat nag-aalok ng isang edukasyon sa pamantasan na itinataguyod ng Estado kung sasali ako sa Socialist Unity Party of Germany (SED). Tinanggihan ko ang alok, kung paanong tinanggihan ni Jesus ang alok ni Satanas.​—Mateo 4:8-10.

Isang araw noong Abril 1949, dumating ang dalawang pulis sa aking dako ng trabaho at ipinag-utos na sumama ako sa kanila. Dinala ako sa lokal na tanggapan ng Soviet intelligence service kung saan pinaratangan akong nagtatrabaho sa mga kapitalista sa Kanluran. Mapatutunayan ko na ako’y walang-sala, sabi nila, sa pamamagitan ng pagpapatuloy ko sa gawaing pagbabahay-bahay subalit irereport ko sa kanila ang sinuman na nagsasalita nang negatibo tungkol sa Unyong Sobyet o SED o ang sinuman na pumupunta sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Nang tumanggi akong makipagtulungan, ako’y ikinulong sa isang selda. Nang maglaon, dinala ako sa wari’y isang hukumang militar. Ang aking sentensiya: 15 taon ng mabigat na pagtatrabaho sa Siberia!

Nanatili akong mahinahon, anupat humanga rito ang mga opisyal. Pagkatapos ay sinabi nila sa akin na ang aking sentensiya ay mananatiling may bisa at na sapat na para sa akin na magreport minsan sa isang linggo hanggang sa ako’y handa nang makipagtulungan sa kanila. Palibhasa’y naghahangad ng payo mula sa mas maygulang na mga Saksi, naglakbay ako patungong Magdeburg, kung saan naroroon ang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. Hindi madali ang paglalakbay, yamang ako’y sinusubaybayan. Si Ernst Wauer, na naglilingkod sa Legal Department sa Magdeburg, ay nagsabi sa akin: “Makipagbaka ka at ikaw ay magwawagi. Makipagkompromiso ka at ika’y matatalo. Iyan ang natutuhan namin sa loob ng kampong piitan.”a Nakatulong sa akin ang payong ito upang matupad ko ang aking pangako na maglingkod sa Diyos.

Pagbabawal at Muling Pag-aresto

Noong Hulyo 1950, ako’y inirekomendang maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Gayunman, noong Agosto 30, nilusob ng pulisya ang aming lugar sa Magdeburg, at ipinagbawal ang aming gawaing pangangaral. Kaya binago ang aking atas. Kami ni Paul Hirschberger ay gagawa sa mga 50 kongregasyon, na gugugol ng dalawa o tatlong araw sa bawat isa, anupat tutulong sa mga kapatid na maging organisado sa pagsasagawa ng kanilang ministeryo sa ilalim ng pagbabawal. Nang sumunod na mga buwan, anim na beses kong natakasan ang pag-aresto ng pulisya!

Ang isa sa mga kongregasyon ay napasok ng isa na nagkanulo sa amin sa Stasi, ang State Security Service. Kaya, noong Hulyo 1951, kami ni Paul ay naaresto sa lansangan ng limang lalaking may nakakasang mga baril. Habang ginugunita ang nakaraan, napagwari namin na hindi kami gaanong nagtiwala sa organisasyon ni Jehova na gaya ng nararapat. Kami’y pinayuhan ng aming nakatatandang mga kapatid na huwag na huwag maglalakbay na magkasama. Ang aming labis na pagtitiwala ay humantong sa pagkawala ng aming kalayaan! Bukod pa riyan, hindi namin napag-usapan antimano kung ano ang sasabihin namin kapag kami’y naaresto.

Palibhasa’y nag-iisa sa aking selda, lumuluha akong humingi ng tulong kay Jehova na huwag ko sanang ipagkanulo ang aking mga kapatid o ikompromiso ang aking pananampalataya. Nang makatulog ako, bigla akong nagising sa tinig ng aking kaibigang si Paul. Nasa itaas lamang ng aking selda ang silid kung saan siya ay pinagtatatanong ng Stasi. Yamang mainit at maalinsangan ang gabi, bukas ang pinto sa balkon, at nauulinigan ko ang lahat. Nang maglaon, nang ako’y tanungin, gayunding mga sagot ang ibinigay ko, na ipinagtaka ng mga opisyal. Laging sumasagi sa aking isip ang paboritong teksto ni Nanay, “Tawagin mo ako sa araw ng kabagabagan. Ililigtas kita,” at ako’y lubhang napalakas.​—Awit 50:15.

Kasunod ng pagtatanong, ginugol namin ni Paul ang limang buwan sa kulungan bago ang paglilitis sa bilangguan ng Stasi sa Halle at nang maglaon sa Magdeburg. Samantalang nasa Magdeburg, paminsan-minsan ay nasusulyapan ko ang mga pasilidad ng aming sangay na noo’y nakasara. Sana’y nagtatrabaho ako roon sa halip na nasa bilangguan! Noong Pebrero 1952 ay ipinatalastas ang aming sentensiya: “10 taon sa bilangguan at 20 taon na walang mga karapatang sibil.”

Pag-iingat ng Pananampalataya sa Bilangguan

Ang mga Saksi ni Jehova na nasentensiyahan ng hindi kukulanging sampung taon ay nagsusuot ng pantanging pagkakakilanlan sa loob ng ilang panahon sa bilangguan. Isang pulang tape ang itinatahi sa isang paa ng pantalon at sa isang braso ng aming diyaket. Gayundin, isang maliit at bilog na piraso ng pulang cardboard ang ikinakabit sa labas ng pinto ng aming selda upang babalaan ang mga bantay na kami’y mga mapanganib na kriminal.

Sa katunayan ay pinakamasamang kriminal ang turing sa amin ng mga awtoridad. Hindi kami pinapayagang magkaroon ng isang Bibliya sapagkat gaya ng paliwanag ng isang bantay: “Ang isang Saksi ni Jehova na may hawak na Bibliya ay katulad ng isang kriminal na may hawak na baril.” Upang makatipon ng mga piraso ng Bibliya, binasa namin ang mga akda ng Rusong manunulat na si Leo Tolstoy, na malimit sumipi ng mga teksto sa Bibliya sa kaniyang mga aklat. Naisaulo namin ang mga tekstong ito sa Bibliya.

Bago ako maaresto noong 1951, ako’y nakatakdang ikasal kay Elsa Riemer. Madalas niya akong dinadalaw hangga’t maaari sa bilangguan at pinadadalhan ako ng maliit na balot ng pagkain minsan sa isang buwan. Itinago rin niya ang espirituwal na pagkain sa loob ng kaniyang maliliit na balot. Minsan, ipinalaman niya ang mga artikulo mula sa Bantayan sa mga longganisa. Kadalasang hinihiwa ng mga bantay ang mga longganisa upang tingnan kung may nakatago sa loob nito, subalit sa pagkakataong ito ang maliit na balot ay dumating mga ilang sandali bago ang pagtatapos ng trabaho sa araw, at hindi na ito tiningnan.

Nang panahong iyon, kasama namin ni Karl Heinz Kleber sa isang maliit na selda ang tatlo pang bilanggo na hindi Saksi. Paano namin babasahin Ang Bantayan nang hindi nakikita? Buweno, nagkunwari kaming nagbabasa ng isang aklat, subalit ikinubli namin sa loob nito ang mga artikulo ng Bantayan. Ipinasa rin namin ang mahalagang espirituwal na pagkaing ito sa mga kapuwa Saksi sa bilangguan.

Sinamantala rin namin ang mga pagkakataon samantalang nasa bilangguan na sabihin sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Tuwang-tuwa akong makita ang isa sa aking kapuwa bilanggo na naging isang mananampalataya bilang resulta nito.​—Mateo 24:14.

Pagbalik sa Buong-Panahong Ministeryo

Noong Abril 1, 1957, pagkaraan ng halos anim na taon sa bilangguan, ako’y napalaya. Pagkalipas ng wala pang dalawang linggo, pinakasalan ko si Elsa. Nang mabalitaan ng Stasi ang paglaya ko, humanap sila ng dahilan upang ibalik ako sa bilangguan. Upang maiwasan ang posibilidad na iyan, tinawid namin ni Elsa ang hangganan upang manirahan sa West Berlin.

Pagdating namin sa West Berlin, gustong malaman ng Samahan kung ano ang aming mga plano. Ipinaliwanag namin na ang isa sa amin ay magpapayunir samantalang ang isa naman ay sekular na magtatrabaho.

“Gusto ba ninyo na kayong dalawa ay maging mga payunir?” ang tanong sa amin.

“Kung maaari po,” ang tugon namin, “magsisimula kami karaka-raka.”

Kaya kami ay binigyan ng kaunting pensiyon sa bawat buwan upang makatulong na suportahan ang aming sarili, at nagsimula kaming maglingkod bilang mga special pioneer noong 1958. Anong laking kagalakan na makita ang mga indibiduwal na inaralan namin sa Bibliya na nagbago ng kanilang buhay upang maging mga lingkod ni Jehova! Ang sumunod na sampung taon sa paglilingkod bilang mga special pioneer ay nagturo sa amin na malapít na gumawang magkasama bilang mag-asawa. Laging nasa aking tabi si Elsa, kahit na kapag ako’y nagkukumpuni ng kotse. Kami rin ay nagbabasa, nag-aaral, at nananalangin na magkasama.

Noong 1969, kami’y naatasan sa gawaing paglalakbay, na dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon sa bawat linggo upang maglingkod sa mga pangangailangan ng mga miyembro nito. Ganito ang ipinayo sa akin ni Josef Barth, isang may karanasang lalaki sa gawaing paglalakbay: “Kung nais mong maging matagumpay sa iyong atas, basta maging kapatid ka sa mga kapatid.” Sinikap kong ikapit ang payong ito. Bunga nito, nagkaroon kami ng masigla at mapayapang kaugnayan sa mga kapuwa Saksi, anupat naging madaling magbigay ng payo kung ito’y kinakailangan.

Noong 1972, si Elsa ay nasuri na may kanser at inopera. Nang maglaon, nagkaroon din siya ng rayuma. Bagaman pinahihirapan ng kirot, sumasama pa rin siya sa akin linggu-linggo, na naglilingkod sa mga kongregasyon, gumagawang kasama ng mga kapatid na babae sa ministeryo hangga’t magagawa niya.

Inakma sa mga Pangangailangan

Noong 1984, ang aking mga biyenan ay nangailangan ng regular na pangangalaga, anupat iniwan namin ang gawaing paglalakbay upang alagaan sila hanggang sila’y mamatay pagkalipas ng apat na taon. (1 Timoteo 5:8) Pagkatapos, noong 1989, nagkasakit nang grabe si Elsa. Mabuti na lamang, kahit paano’y gumaling siya, subalit kailangang asikasuhin ko ang lahat ng mga gawain sa bahay. Pinag-aaralan ko pa rin ang pag-aalaga sa isa na nagdurusa dahil sa walang-tigil na kirot. Subalit, sa kabila ng kaigtingan at kabagabagan, napanatili namin ang aming pag-ibig sa espirituwal na mga bagay.

Ngayon, kami’y nagpapasalamat na kami’y nasa talaan pa rin ng mga payunir. Gayunman, naunawaan namin na ang mahalaga ay, hindi ang katayuan namin ngayon o kung gaano karami ang aming nagagawa, kundi na kami’y nananatiling tapat. Nais naming paglingkuran ang ating Diyos, si Jehova, hindi lamang nang ilang taon, kundi nang walang hanggan. Ang aming karanasan ay naging magandang pagsasanay para sa hinaharap. At binigyan kami ni Jehova ng lakas upang purihin siya sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan.​—Filipos 4:13.

[Talababa]

a Ang kuwento ng buhay ni Ernst Wauer ay lumabas sa Ang Bantayan ng Agosto 1, 1991, pahina 25 hanggang 29.

[Larawan sa pahina 23]

Nabilanggo ako rito sa Magdeburg

[Credit Line]

Gedenkstätte Moritzplatz Magdeburg für die Opfer politischer Gewalt; Foto: Fredi Fröschki, Magdeburg

[Larawan sa pahina 23]

Nang kami’y pakasal noong 1957

[Larawan sa pahina 23]

Kapiling si Elsa ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share