Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 6/1 p. 28-31
  • Ang mga Kamanggagawa ni Pablo—Sinu-Sino Sila?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Kamanggagawa ni Pablo—Sinu-Sino Sila?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Kasamang Naglalakbay at mga Punong-Abala
  • Napakaraming Kaibigan
  • Tapat na Pagsuporta Habang Nakabilanggo
  • “Kami’y mga Kamanggagawa ng Diyos”
  • Mga Study Note sa Colosas—Kabanata 4
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • “Lubusang Pagpapatotoo”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • Lakasan Mo ang Loob Mo—Tutulungan Ka ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • “Ako ay Malinis sa Dugo ng Lahat ng Tao”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 6/1 p. 28-31

Ang mga Kamanggagawa ni Pablo​—Sinu-Sino Sila?

BINANGGIT sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa at sa mga liham ni Pablo ang mga sandaang indibiduwal, mga miyembro ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano na nakasama ng “apostol sa mga bansa.” (Roma 11:13) Kilalang-kilala ang ilan sa kanila. Malamang na pamilyar ka sa mga gawain nina Apolos, Bernabe, at Silas. Sa kabilang banda naman, marahil ay wala kang gaanong alam tungkol kina Arquipo, Claudia, Damaris, Lino, Persis, Pudente, at Sopatro.

Sa iba’t ibang panahon at sa pabagu-bagong kalagayan, maraming indibiduwal ang gumanap ng aktibong papel sa pagsuporta sa ministeryo ni Pablo. Ang mga taong gaya nina Aristarco, Lucas, at Timoteo ay naglingkod na kasama ng apostol sa loob ng maraming taon. Ang ilan ay nakasama niya nang siya’y nasa bilangguan o habang siya’y nagpapalibut-libot, bilang kasamang naglalakbay o bilang mga punong-abala. Nakalulungkot sabihin na ang iba naman, gaya nina Alejandro, Demas, Hermogenes, at Figelo, ay hindi nagmatiyaga sa pananampalatayang Kristiyano.

Kung tungkol naman sa iba pang kaibigan ni Pablo, gaya nina Asincrito, Hermas, Julia, o Filologo bilang pagbanggit sa ilan, kilala lamang natin sila sa pangalan. Hinggil naman sa kapatid na babae ni Nereo o sa ina ni Rufo o yaong mga kasambahay ni Cloe, ni hindi natin alam ang kanilang mga pangalan. (Roma 16:13-​15; 1 Corinto 1:11) Gayunman, ang pagsusuri sa anumang maliit na impormasyong taglay natin hinggil sa mga sandaang indibiduwal na ito ay nagbibigay-liwanag sa atin sa naging pamamaraan ng gawain ni apostol Pablo. Itinuturo rin nito sa atin ang tungkol sa mga pakinabang ng pagiging napalilibutan ng isang malaking bilang ng mga kapananampalataya at matamang gumagawang kasama nila.

Mga Kasamang Naglalakbay at mga Punong-Abala

Ang ministeryo ni apostol Pablo ay nagsasangkot ng madalas na paglalakbay. Tinataya ng isang manunulat na ang distansiyang nilakbay niya sa lupa at sa dagat gaya ng nakaulat sa Mga Gawa lamang ay umaabot sa mga 16,000 kilometro. Ang paglalakbay noon ay hindi lamang nakapapagod kundi mapanganib din naman. Ang ilan sa iba’t ibang panganib na kinaharap niya ay ang pagkawasak ng barko, mga panganib sa mga ilog at sa mga tulisan, mga panganib sa iláng, at mga panganib sa dagat. (2 Corinto 11:25, 26) Angkop lamang na bihirang maglakbay nang mag-isa si Pablo sa pagtungo niya sa iba’t ibang lugar.

Yaong mga sumama kay Pablo ay maaaring naging pinagmumulan ng pakikipagsamahan, pampatibay-loob, at praktikal na tulong sa ministeryo. Kung minsan, iniiwan sila ni Pablo upang mapangalagaan naman nila ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga bagong mananampalataya. (Gawa 17:14; Tito 1:5) Subalit ang pagkakaroon ng kasama ay malamang na mahalaga para sa kaligtasan at suporta sa pagharap sa mga hirap ng paglalakbay. Kaya ang mga indibiduwal na gaya nina Sopatro, Gayo, at Trofimo, na kilala natin bilang mga kasama ni Pablo sa paglalakbay, ay maaaring gumanap ng mahalagang papel sa ikapagtatagumpay ng kaniyang ministeryo.​—Gawa 20:4.

Pinahahalagahan din ang tulong ng mga punong-abala. Nang dumating si Pablo sa isang lunsod kung saan binalak niyang magsagawa ng isang kampanya sa pangangaral o upang magpalipas lamang ng gabi, ang priyoridad ay ang makakita ng matutuluyan. Ang sinumang madalas na naglalakbay na gaya ni Pablo ay kailangang matulog sa di-mabilang na iba’t ibang higaan. Maaari naman siyang tumuloy sa isang otel, subalit inilalarawan ito ng mga mananalaysay bilang “mapanganib at masasamang lugar,” kaya, kung posible naman, nakikituloy na lamang si Pablo sa mga kapananampalataya.

Alam natin ang mga pangalan ng ilan sa mga naging punong-abala ni Pablo​—Aquila at Prisca, Gayo, Jason, Lydia, Minason, Filemon, at Felipe. (Gawa 16:14, 15; 17:7; 18:2, 3; 21:8, 16; Roma 16:23; Filemon 1, 22) Sa Filipos, Tesalonica, at Corinto, ang gayong mga tuluyan ay naglaan kay Pablo ng isang sentrong mapag-oorganisahan ng kaniyang mga gawaing pagmimisyonero. Sa Corinto, binuksan din ni Titio Justo ang kaniyang tahanan upang paglaanan ang apostol ng isang dako na mula roon ay makapagsasagawa siya ng kaniyang pangangaral.​—Gawa 18:7.

Napakaraming Kaibigan

Gaya ng maaasahan, iba’t ibang paraan ang paggunita sa mga kakilala ni Pablo dahil sa iba’t ibang kalagayan noong makilala niya sila. Halimbawa, sina Maria, Persis, Febe, Trifena, at Trifosa ay pawang mga babaing kapananampalataya na pinuri sa kanilang pagpapagal at masikap na paggawa. (Roma 16:1, 2, 6, 12) Binautismuhan ni Pablo sina Crispo, Gayo, at ang sambahayan ni Estefanas. Tinanggap nina Dionisio at Damaris ang mensahe ng katotohanan mula sa kaniya sa Atenas. (Gawa 17:34; 1 Corinto 1:14, 16) Sina Andronico at Junias, “mga lalaking kinikilala sa gitna ng mga apostol” na mas matatagal nang mananampalataya kaysa kay Pablo, ay tinatawag na “mga kapuwa [niya] bihag.” Marahil ay minsang nakasama niya sila sa bilangguan. Ang dalawang ito, gaya nina Herodion, Jason, Lucio, at Sosipatro, ay binanggit din ni Pablo bilang kaniyang “mga kamag-anak.” (Roma 16:7, 11, 21) Bagaman ang Griegong salitang ginamit dito ay maaaring mangahulugang “mga kababayan,” ang pangunahing kahulugan nito ay “mga kamag-anak sa dugo sa kaparehong henerasyon.”

Marami sa mga kaibigan ni Pablo ang naglakbay dahil sa mabuting balita. Bukod sa mga mas-kilalang kasama niya, naririyan din sina Acaico, Fortunato, at Estefanas, na naglakbay mula Corinto hanggang Efeso upang makipagsanggunian kay Pablo hinggil sa espirituwal na kalagayan ng kanilang kongregasyon. Sina Artemas at Tiquico ay handang maglakbay upang sumama kay Tito, na naglilingkod sa isla ng Creta, at si Zenas naman ay maglalakbay na kasama si Apolos.​—1 Corinto 16:17; Tito 3:12, 13.

May ilan na tungkol sa kanila’y nagbigay si Pablo ng maliit at nakalulugod na detalye. Halimbawa, ipinagbigay-alam sa atin na si Epeneto ay “pangunang bunga ng Asia,” na si Erasto ang “katiwala ng lunsod” sa Corinto, na si Lucas ay isang manggagamot, na si Lydia ay tindera ng purpura, at na si Tercio naman ang pinasulat ni Pablo ng kaniyang liham sa mga taga-Roma. (Roma 16:5, 22, 23; Gawa 16:14; Colosas 4:14) Para sa sinumang nagnanais na makaalam pa ng higit tungkol sa mga indibiduwal na ito, nakatutuwa sa kaigsian ang maliliit na detalyeng ito ng impormasyon.

Ang iba pa sa mga kasama ni Pablo ay tumanggap ng personal na mga mensahe, na nakaulat ngayon sa Bibliya. Halimbawa, sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas, masidhing pinayuhan ni Pablo si Arquipo: “Panatilihin mo ang pagbabantay sa ministeryo na iyong tinanggap sa Panginoon, na tuparin mo ito.” (Colosas 4:17) Sina Euodias at Sintique ay maliwanag na nagkaroon ng di-pagkakaunawaan na dapat lutasin. Kaya nga, masidhing pinayuhan sila ni Pablo sa pamamagitan ng walang-pangalang “katuwang” sa Filipos na “magkaroon ng magkatulad na kaisipan sa Panginoon.” (Filipos 4:2, 3) Tiyak na ito’y isang magandang payo para sa ating lahat.

Tapat na Pagsuporta Habang Nakabilanggo

Si Pablo ay ilang ulit nang nabilanggo. (2 Corinto 11:23) Sa mga pagkakataong iyon ang mga Kristiyanong tagaroon, kung mayroon man, ay tiyak na nagsikap na gawin ang kanilang magagawa upang matiis niya ang kaniyang nararanasan. Noong unang pagkakataon na mabilanggo si Pablo sa Roma, pinahintulutan siyang umupa ng kaniyang sariling bahay sa loob ng dalawang taon at maaari siyang dalawin ng kaniyang mga kaibigan. (Gawa 28:30) Sa panahong iyan, sinulatan niya ang mga kongregasyon sa Efeso, Filipos, at Colosas, gayundin si Filemon. Ang mga ulat na ito ay nagsasabi sa atin ng maraming bagay tungkol sa mga naging malapit kay Pablo sa panahon ng kaniyang pansamantalang pagkakapigil.

Halimbawa, napag-alaman natin na si Onesimo, ang takas na alipin ni Filemon, ay nakipagkita kay Pablo sa Roma, gaya ng ginawa ni Tiquico, na siyang sasama kay Onesimo sa paglalakbay niya pauwi sa kaniyang panginoon. (Colosas 4:7-9) Nariyan din si Epafrodito, na naglakbay nang malayo mula sa Filipos dala ang isang regalong galing sa kaniyang kongregasyon at pagkatapos ay nagkasakit. (Filipos 2:25; 4:18) Palaging gumagawang kasama ni Pablo sa Roma sina Aristarco, Marcos, at Jesus na tinatawag na Justo, na tungkol sa kanila’y sinabi ni Pablo: “Ang mga ito lamang ang aking mga kamanggagawa para sa kaharian ng Diyos, at ang mga ito mismo ay naging tulong na nagpapalakas sa akin.” (Colosas 4:10, 11) Kasama ng lahat ng mga tapat na ito, nariyan din ang mas-kilalang sina Timoteo at Lucas, gayundin si Demas, na nang maglaon, dahil sa pag-ibig sa sanlibutan, ay pinabayaan si Pablo.​—Colosas 1:1; 4:14; 2 Timoteo 4:10; Filemon 24.

Sa wari, wala isa man sa kanila ang taga-Roma, ngunit sila’y naroroon sa tabi ni Pablo. Marahil ang ilan ay pumunta roon para lamang tulungan siya habang siya’y nakabilanggo. Walang-alinlangang ang ilan ay nauutusan niya, ang iba naman ay binibigyan ng misyon sa malalayong lugar, at dinidiktahan naman ni Pablo ng liham ang iba. Tunay na isang mahusay na patotoo ito sa tindi ng pagmamahal at katapatan na taglay ng lahat ng taong ito para kay Pablo at sa gawain ng Diyos!

Mula sa mga konklusyon ng ilan sa mga liham ni Pablo, mahihiwatigan natin na malamang na siya’y napalilibutan ng malaking bilang ng mga kapatid na Kristiyano na higit pa kaysa sa ilang pangalang alam natin. Sa iba’t ibang pagkakataon, sumulat siya: “Ang lahat ng mga banal ay nagpapadala sa inyo ng kanilang mga pagbati” at, “Lahat niyaong mga kasama ko ay nagpapadala sa iyo ng kanilang mga pagbati.”​—2 Corinto 13:13; Tito 3:15; Filipos 4:22.

Sa panahon ng mapanganib na pagkabilanggo ni Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon na noo’y pinagbabantaan siyang patayin, palaging nasa isip ni Pablo ang kaniyang mga kamanggagawa. Sa paanuman ay aktibo pa rin siya sa pangangasiwa at pag-uugnay ng mga gawain ng ilan sa kanila. Sina Tito at Tiquico ay binigyan ng mga misyon, si Crescente ay tumungo sa Galacia, si Erasto ay nanatili sa Corinto, si Trofimo na may sakit ay naiwan sa Mileto, ngunit sina Marcos at Timoteo ay kinailangang pumunta sa kaniya. Gayunman, si Lucas ay nasa tabi ni Pablo, at nang isulat ng apostol ang kaniyang ikalawang liham kay Timoteo, ang ilan sa iba pang mananampalataya, pati na sina Eubulo, Pudente, Lino, at Claudia, ay naroroon upang magpadala ng pagbati. Walang-alinlangang ginagawa nila ang kanilang magagawa upang matulungan si Pablo. Kasabay nito, nagpadala mismo si Pablo ng pagbati kina Prisca at Aquila at sa sambahayan ni Onesiforo. Gayunman, nakalulungkot sabihin na sa panahong iyan ng kabagabagan, pinabayaan siya ni Demas, at ginawan siya ni Alejandro ng maraming pinsala.​—2 Timoteo 4:9-21.

“Kami’y mga Kamanggagawa ng Diyos”

Bihirang mag-isa si Pablo sa kaniyang pangangaral. “Ang larawang lumilitaw,” sabi ng komentaristang si E. Earle Ellis, “ay isang misyonero na napakarami ang kasama. Ang totoo, bihirang makita si Pablo na walang kasama.” Sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu ng Diyos, nagawa ni Pablo na mapakilos ang maraming tao at makapag-organisa ng epektibong mga kampanya sa pagmimisyonero. Siya’y napalilibutan ng malalapit na kapareha, pansamantalang mga katulong, ilang maiimpluwensiyang tao, at maraming maralitang lingkod. Subalit, ang mga ito’y hindi basta mga kamanggagawa lamang. Gaano man kalawak ang paggawa o pakikisama nila kay Pablo, hindi mapasusubalian ang bigkis ng Kristiyanong pag-ibig at personal na pagkakaibigan.

Si apostol Pablo ay nagtataglay ng tinatawag na “kakayahan sa pakikipagkaibigan.” Malaki ang kaniyang nagawa sa pagdadala ng mabuting balita sa mga bansa, subalit hindi niya tinangkang gawin iyon nang nag-iisa. Siya’y nakipagtulungan at ginamit niya nang husto ang organisadong kongregasyong Kristiyano. Hindi inangkin ni Pablo ang karangalan dahil sa naabot na resulta kundi buong-pagpapakumbabang inamin niya na siya’y isang alipin at na ang lahat ng karangalan ay dapat na mapunta sa Diyos bilang isa na nagpangyari sa pagsulong.​—1 Corinto 3:5-7; 9:16; Filipos 1:1.

Ang panahon ni Pablo ay iba sa panahon natin, ngunit magkagayunman, walang sinuman sa kongregasyong Kristiyano ang dapat mag-isip na maaari siyang magsarili o kailangan niyang magsarili. Sa halip, dapat na lagi tayong gumagawang kasama ng organisasyon ng Diyos, ng ating lokal na kongregasyon, at ng ating mga kapananampalataya. Kailangan natin ang kanilang tulong, suporta, at pang-aaliw sa kaayaayang kapanahunan at sa maligalig na kapanahunan. Taglay natin ang mahalagang pribilehiyo ng pagiging bahagi ng isang ‘buong samahan ng mga kapatid sa sanlibutan.’ (1 Pedro 5:9) Kung tayo’y tapat at maibiging gumagawang magkakasama at nakikipagtulungan sa kanilang lahat, kung gayon gaya ni Pablo, masasabi rin natin na “tayo ay mga kamanggagawa ng Diyos.”​—1 Corinto 3:9.

[Mga larawan sa pahina 31]

APOLOS

ARISTARCO

BERNABE

LYDIA

ONESIFORO

TERCIO

TIQUICO

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share