Regular na Pag-aralan ang Salita ng Diyos Bilang Isang Pamilya
“Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”—MATEO 4:4.
1. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pananagutan ng mga ulo ng pamilya na turuan ang kanilang mga anak sa daan ni Jehova?
MADALAS paalalahanan ng Diyos na Jehova ang mga ulo ng pamilya hinggil sa kanilang pananagutan na turuan ang kanilang mga anak. Sasangkapan ng gayong pagtuturo ang mga anak para sa buhay sa kasalukuyan at makatutulong din na ihanda sila para sa buhay sa hinaharap. Sinabi kay Abraham ng isang anghel na kumakatawan sa Diyos ang kaniyang pananagutan na turuan ang kaniyang sambahayan upang “ingatan nila ang daan ni Jehova.” (Genesis 18:19) Sinabihan ang mga magulang na Israelita na ipaliwanag sa kanilang mga anak kung paano iniligtas ng Diyos ang Israel mula sa Ehipto at kung paano niya ibinigay sa kanila ang kaniyang Kautusan sa Bundok Sinai, na nasa Horeb. (Exodo 13:8, 9; Deuteronomio 4:9, 10; 11:18-21) Pinapayuhan ang mga Kristiyanong ulo ng pamilya na palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Kahit na iisang magulang lamang ang naglilingkod kay Jehova, dapat sikapin ng isang iyon na ituro sa mga anak ang mga daan ni Jehova.—2 Timoteo 1:5; 3:14, 15.
2. Kailangan ba ang pampamilyang pag-aaral kung wala namang mga anak sa tahanan? Ipaliwanag.
2 Hindi ito nangangahulugan na ang pampamilyang pag-aaral ng Salita ng Diyos ay para lamang sa mga sambahayan na may mga anak. Kapag ang mag-asawa ay may pampamilyang pag-aaral kahit na walang mga anak sa tahanan, nagpapakita ito ng mainam na pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.—Efeso 5:25, 26.
3. Bakit mahalaga ang pagiging regular ng pag-aaral ng pamilya?
3 Upang makinabang nang husto, ang pagtuturo ay kailangang ilaan nang regular, kasuwato ng aral na itinuro ni Jehova sa Israel sa iláng: “Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” (Deuteronomio 8:3) Depende sa kalagayan ng pamilya, ang ilang sambahayan ay maaaring magsaayos ng lingguhang pag-aaral; ang iba naman ay may maiikling sesyon sa pag-aaral araw-araw. Anumang kaayusan ang piliin ninyo, huwag ipaubaya sa pagkakataon ang pag-aaral. ‘Bilhin ang panahon’ para rito. Ang pagbabayad ng kinakailangang halaga para sa gayong panahon ay isang mahusay na pamumuhunan. Buhay ng mga miyembro ng inyong pamilya ang nakataya.—Efeso 5:15-17; Filipos 3:16.
Mga Tunguhin na Dapat Tandaan
4, 5. (a) Sa pamamagitan ni Moises, ano ang ipinakita ni Jehova sa mga magulang bilang isang mahalagang tunguhin sa pagtuturo sa kanilang mga anak? (b) Ano ang nasasangkot dito sa ngayon?
4 Kapag nangangasiwa kayo sa pampamilyang pag-aaral, makikinabang nang husto kung isasaisip ninyo ang malinaw na mga tunguhin. Isaalang-alang ang ilang posibilidad.
5 Sa bawat pag-aaral, sikaping linangin ang pag-ibig sa Diyos na Jehova. Habang nagkakatipon ang Israel sa kapatagan ng Moab, bago sila pumasok sa Lupang Pangako, itinuon ni Moises ang kanilang pansin sa ipapakilala ni Jesu-Kristo sa dakong huli bilang “ang pinakadakilang kautusan sa Batas.” Ano ba iyon? “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo.” (Mateo 22:36, 37; Deuteronomio 6:5) Hinimok ni Moises ang mga Israelita na ikintal ito sa kanilang puso at ituro ito sa kanilang mga anak. Mangangailangan iyan ng pag-uulit, pag-akay ng pansin sa mga dahilan upang ibigin si Jehova, pagharap sa mga saloobin at paggawi na makahahadlang sa pagpapahayag ng gayong pag-ibig, at pagpapamalas ng pag-ibig kay Jehova sa kanilang sariling buhay. Kailangan ba ng ating mga anak ang ganito ring uri ng pagtuturo? Oo! At kailangan din nila ng tulong upang ‘tuliin ang kanilang puso,’ alalaong baga’y, alisin ang anumang makahahadlang sa kanilang pag-ibig sa Diyos. (Deuteronomio 10:12, 16; Jeremias 4:4) Maaaring kabilang sa gayong mga hadlang ang pagnanasa sa mga bagay ng sanlibutan at sa mga pagkakataon na maging abala sa mga gawain nito. (1 Juan 2:15, 16) Ang pag-ibig kay Jehova ay dapat na isinasagawa, ipinahahayag, anupat nagpapakilos sa atin na gawin ang mga bagay na kalugud-lugod sa ating makalangit na Ama. (1 Juan 5:3) Upang magkaroon ng pangmatagalang pakinabang mula sa inyong pampamilyang pag-aaral, ang bawat sesyon ay dapat na pangasiwaan sa paraan na nagpapatibay sa pag-ibig na ito.
6. (a) Ano ang kailangan upang maitawid ang tumpak na kaalaman? (b) Paano idiniriin ng Kasulatan ang kahalagahan ng tumpak na kaalaman?
6 Itawid ang tumpak na kaalaman sa mga kahilingan ng Diyos. Ano ang nasasangkot dito? Hindi lamang ang pagbasa ng sagot mula sa isang magasin o aklat ang nasasangkot dito. Karaniwan nang nangangailangan ng talakayan upang matiyak na naunawaan nang husto ang mga susing salita at mga pangunahing ideya. Ang tumpak na kaalaman ay isang mahalagang salik sa pagsusuot ng bagong personalidad, sa pagtututok ng pansin sa talagang mahahalagang bagay kapag hinaharap ang mga suliranin sa buhay, at sa gayon, sa paggawa ng tunay na nakalulugod sa Diyos.—Filipos 1:9-11; Colosas 1:9, 10; 3:10.
7. (a) Ang paggamit ng anong mga tanong ang maaaring makatulong sa pamilya na maikapit sa praktikal na paraan ang araling materyal? (b) Paano idiniriin ng Kasulatan ang kahalagahan ng gayong tunguhin?
7 Tumulong upang maikapit sa praktikal na paraan ang natutuhan. Taglay ang ganitong tunguhin, sa bawat pag-aaral ng pamilya, magtanong ng ganito: ‘Paano dapat makaapekto sa ating buhay ang materyal na ito? Kailangan ba ang anumang pagbabago sa ginagawa natin sa kasalukuyan? Bakit natin nanaising gumawa ng mga pagbabago?’ (Kawikaan 2:10-15; 9:10; Isaias 48:17, 18) Ang pagbibigay ng sapat na atensiyon sa pagkakapit ng mga natutuhan sa praktikal na paraan ay maaaring maging isang mahalagang salik sa espirituwal na pagsulong ng mga miyembro ng pamilya.
Gamitin Nang May Katalinuhan ang mga Kasangkapan sa Pagtuturo
8. Anong mga kasangkapan sa pag-aaral ng Bibliya ang inilaan ng uring alipin?
8 “Ang tapat at matalinong alipin” ay naglaan ng saganang kasangkapan na magagamit sa pag-aaral. Ang magasing Bantayan, na ginagamit na kasama ng Bibliya, ay makukuha na sa 131 wika. May mga aklat sa pag-aaral ng Bibliya sa 153 wika, 284 naman sa mga brosyur, 61 sa mga audiocassette, 41 sa mga videocassette, 9 na wika pa nga sa isang programa sa computer para sa pagsasaliksik sa Bibliya!—Mateo 24:45-47.
9. Paano natin maikakapit ang payo sa mga teksto na binanggit sa parapong ito kapag nagdaraos ng pampamilyang pag-aaral sa Bantayan?
9 Ginugugol ng maraming sambahayan ang panahon sa pampamilyang pag-aaral para maghanda sa Pag-aaral sa Bantayan sa kongregasyon. Anong laking tulong ito! Ang Bantayan ay naglalaman ng pangunahing espirituwal na pagkain na inilalaan upang patibayin ang bayan ni Jehova sa buong daigdig. Kapag pinag-aaralan ninyo Ang Bantayan bilang isang pamilya, huwag basta basahin ang mga parapo at sagutin ang nilimbag na mga tanong. Taimtim na sikaping maunawaan ito. Maglaan ng panahon para tingnan ang mga teksto na binanggit ngunit hindi sinipi. Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magkomento kung paano nauugnay ang mga ito sa sinasabi ng parapong tinatalakay. Isangkot ang puso.—Kawikaan 4:7, 23; Gawa 17:11.
10. Ano ang maaaring gawin upang isangkot ang mga bata sa pag-aaral at upang maging kasiya-siyang panahon ito para sa kanila?
10 Kung may mga bata sa inyong sambahayan, ano ang maaari ninyong gawin upang ang pag-aaral ay hindi maging isa lamang ritwal ng pamilya kundi isang nakapagpapatibay, kawili-wili, at masayang panahon? Sikaping isangkot ang bawat isa sa angkop na paraan upang manatiling nakatuon ang pansin sa materyal na pinag-aaralan. Kung posible, isaayos na bawat bata ay may sarili niyang Bibliya at magasing pinag-aaralan. Bilang pagtulad sa pagkamagiliw ni Jesus, maaaring paupuin ng isang magulang sa tabi niya ang isang munting bata, marahil ay inaakbayan pa nga ang batang iyon. (Ihambing ang Marcos 10:13-16.) Maaaring hilingan ng ulo ng pamilya ang isang kabataan na ipaliwanag ang isang larawan na kalakip sa materyal na pinag-aaralan. Ang isang paslit ay maaaring patiunang atasan na bumasa ng isang teksto. Ang isa namang nakatatanda ay maaaring atasan na bumanggit ng mga pagkakataon na doo’y maaaring ikapit ang araling materyal.
11. Ano pang mga kasangkapan sa pagtuturo ang inilaan, at kung mayroon na nito, paano kapaki-pakinabang na magagamit ang mga ito kaugnay sa pampamilyang pag-aaral?
11 Bagaman maaaring ginagamit ninyo Ang Bantayan bilang saligan sa inyong pagtalakay, huwag kalimutan ang iba pang kasangkapan sa pag-aaral na makukuha sa maraming wika. Kung kailangan ang saligang impormasyon o paliwanag hinggil sa isang pananalita sa Bibliya, maaaring ilaan iyon ng Insight on the Scriptures. Masasagot ang iba pang tanong sa pagsangguni sa Watch Tower Publications Index o paggamit ng inilaan ng Samahan na programa sa computer para sa pagsasaliksik. Ang pagkatutong gamitin ang mga kasangkapang ito, kung ang mga ito ay makukuha na sa inyong wika, ay maaaring maging isang mahalagang bahagi ng pampamilyang pag-aaral. Upang pukawin ang interes ng mga bata, maaari ring gamitin ninyo ang ilang bahagi ng inyong panahon sa pag-aaral upang panoorin ang isang bahagi ng nakapagtuturong mga video ng Samahan o pakinggan ang isang bahagi ng isang drama sa audiocassette at saka pag-usapan iyon. Ang mahusay na paggamit ng mga kasangkapang ito sa pag-aaral ay makatutulong upang gawing kawili-wili at kapaki-pakinabang para sa buong pamilya ang inyong pampamilyang pag-aaral.
Pakibagayan ang mga Pangangailangan ng Inyong Pamilya
12. Paano magagamit ang pampamilyang pag-aaral upang harapin ang apurahang mga pangangailangan ng pamilya?
12 Marahil ay pinag-aaralan ng inyong pamilya ang leksiyon sa Bantayan linggu-linggo. Ngunit alamin ang damdamin ng inyong pamilya. Kapag ang ina ay walang sekular na trabaho, maaari siyang gumugol ng panahon na kasama ng mga bata sa araw-araw pag-uwi nila mula sa paaralan. Ang ilang situwasyon ay maaaring harapin sa panahong iyon; ang iba naman ay baka mangailangan ng karagdagang pansin. Kapag may apurahang mga pangangailangan ang pamilya, huwag ipagwalang-bahala ang mga ito. (Kawikaan 27:12) Maaaring kalakip dito hindi lamang ang mga suliranin sa paaralan kundi pati ang iba pang situwasyon. Pumili ng angkop na materyal, at patiunang abisuhan ang pamilya kung ano ang pag-aaralan.
13. Bakit magiging kapaki-pakinabang na talakayin ng pamilya kung paano haharapin ang kahirapan?
13 Bilang halimbawa, ang malaking bahagi ng lupa ay sinasalot ng kahirapan; kaya sa maraming lugar, baka kailanganing talakayin kung paano ito haharapin. Mapapakinabangan kaya ng inyong sambahayan ang isang pampamilyang pag-aaral na nakasentro sa mga situwasyon sa tunay na buhay at mga simulain ng Bibliya?—Kawikaan 21:5; Eclesiastes 9:11; Hebreo 13:5, 6, 18.
14. Anong mga situwasyon ang nagpapangyaring maging napapanahon na talakayin ng pamilya ang pangmalas ni Jehova sa karahasan, digmaan, at Kristiyanong neutralidad?
14 Ang karahasan ay isa pang paksang kailangang talakayin. Kailangang matatag na ikintal nating lahat ang pangmalas ni Jehova sa ating isip at puso. (Genesis 6:13; Awit 11:5) Ang pampamilyang pag-aaral sa paksang ito ay maaaring maglaan ng pagkakataon para mapag-usapan kung paano haharapin ang mga maton sa paaralan, kung nararapat bang mag-aral ng karate, at kung paano pipili ng angkop na libangan. Naging pangkaraniwan na ang mararahas na alitan; halos bawat bansa ay sinasalot alinman ng gera sibil, ng pulitikal o etnikong kaguluhan, o ng labanan ng mga gang. Bunga nito, baka kailangang talakayin ng inyong pamilya kung paano mag-iingat ng Kristiyanong paggawi samantalang napalilibutan ng mga naglalabanang panig.—Isaias 2:2-4; Juan 17:16.
15. Paano dapat ibigay sa mga bata ang tagubilin tungkol sa sekso at pag-aasawa?
15 Habang lumalaki ang mga bata, kailangan nila ng tagubilin hinggil sa sekso at pag-aasawa, na angkop sa kanilang edad. Sa ilang kultura, hindi man lamang ipinapakipag-usap ng karamihan ng mga magulang sa kanilang mga anak ang tungkol sa sekso. Ang mga batang walang kabatiran ay baka makakuha ng pilipit na mga pananaw mula sa ibang kabataan, at maaaring kapahamakan ang maging resulta. Hindi ba mas maigi na tularan si Jehova, na sa pamamagitan ng Bibliya ay nagbibigay ng tuwiran ngunit magiliw na payo hinggil sa bagay na ito? Ang makadiyos na payo ay tutulong sa ating mga anak na mapanatili ang paggalang sa sarili at pakitunguhan nang may dignidad ang hindi nila kasekso. (Kawikaan 5:18-20; Colosas 3:5; 1 Tesalonica 4:3-8) Kahit napag-usapan na ninyo ang mga bagay na ito, huwag mag-atubiling ulitin iyon. Habang bumabangon ang mga bagong situwasyon, mahalaga ang pag-uulit.
16. (a) Sa iba’t ibang sambahayan, kailan idinaraos ang pampamilyang pag-aaral? (b) Paano ninyo hinarap ang mga hadlang upang magkaroon ng regular na pag-aaral ang pamilya?
16 Kailan maaaring idaos ang pag-aaral ng pamilya? Bilang pagtulad sa mga pamilyang Bethel sa buong lupa, maraming sambahayan ang nag-iskedyul ng kanilang pampamilyang pag-aaral tuwing Lunes ng gabi. Iba naman ang ginagawa ng iba. Sa Argentina, isang pamilya na binubuo ng 11, kasali na ang 9 na anak, ang regular na bumabangon tuwing alas singko ng umaga upang idaos ang kanilang pampamilyang pag-aaral. Dahil sa iba’t iba ang kanilang mga iskedyul sa gawain, wala nang iba pang panahon ang maaaring gamitin. Hindi naging madali iyon, pero ikinintal nito sa isip at puso ng mga bata ang kahalagahan ng pampamilyang pag-aaral. Sa Pilipinas, isang matanda ang nagdaos ng regular na pampamilyang pag-aaral kasama ng kaniyang kabiyak at ng kanilang tatlong anak habang lumalaki ang mga ito. Sa loob ng sanlinggo ay pinagdarausan din ng mga magulang ng personal na pag-aaral ang bawat bata upang dibdibin ng bawat isa ang katotohanan. Sa Estados Unidos, inihahatid ng isang kapatid na babae na may asawang hindi sumasampalataya ang kaniyang mga anak patungo sa school bus tuwing umaga. Habang hinihintay ang bus, gumugugol sila ng mga sampung minuto sa sama-samang pagbabasa at pagtalakay ng angkop na materyal sa pag-aaral ng Kasulatan, at saka bumibigkas ang ina ng maikling panalangin bago sumakay sa bus ang mga bata. Sa Democratic Republic of Congo, isang babae na iniwan ng kaniyang asawa ang kailangang magsumikap nang husto sa pag-aaral dahil sa kaniyang limitadong edukasyon. Ang kaniyang malaki nang anak na lalaki ay tumutulong sa pamamagitan ng pagdalaw sa pamilya bawat linggo upang manguna sa pag-aaral na kasama ang kaniyang ina at nakababatang mga kapatid. Ang ina ay nagpapakita ng mainam na halimbawa sa kaniyang masikap na paghahanda. Mayroon bang ilang situwasyon na nagpapangyaring maging mahirap para sa inyong sambahayan ang regular na pag-aaral ng pamilya? Huwag kayong susuko. Taimtim na hingin ang pagpapala ni Jehova sa inyong pagsisikap na magkaroon ng regular na pag-aaral sa Bibliya.—Marcos 11:23, 24.
Mga Gantimpala sa Pagtitiyaga
17. (a) Upang magkaroon ng regular na pampamilyang pag-aaral, ano ang kailangan? (b) Anong karanasan ang nagpapakita ng kahalagahan ng regular na pagtuturo sa pamilya sa mga daan ni Jehova?
17 Kailangan ang pagpaplano. Kailangan ang pagtitiyaga. Ngunit sulit na sulit ang mga pakinabang na dulot ng regular na pag-aaral ng pamilya. (Kawikaan 22:6; 3 Juan 4) Pinalaki nina Franz at Hilda, mga taga-Alemanya, ang isang pamilya na may 11 anak. Pagkaraan ng mga taon, ganito ang sabi ng kanilang anak na si Magdalena: “Ang itinuturing kong pinakamahalaga ngayon ay ang bagay na walang isa mang araw na lumipas na hindi kami nakatanggap ng espirituwal na tagubilin.” Nang tumindi ang espiritu ng nasyonalismo sa ilalim ni Adolf Hitler, ginamit ng ama ni Magdalena ang Bibliya upang ihanda ang kaniyang pamilya sa mga pagsubok na alam niyang darating. Nang maglaon, ang mga nakababatang miyembro ng pamilya ay kinuha at dinala sa isang repormatoryo; ang iba naman sa pamilya ay inaresto at ikinulong sa mga bilangguan at mga kampong piitan. Ang ilan ay pinatay. Naging matatag ang pananampalataya nilang lahat—hindi lamang sa panahon ng matinding pag-uusig na iyon kundi gayundin, para sa mga nakaligtas, sa mga taon pagkatapos nito.
18. Paano ginantimpalaan ang pagsisikap ng nagsosolong mga magulang?
18 Maraming nagsosolong magulang, pati na yaong mga may kabiyak na hindi kapananampalataya, ang regular din na nagtuturo ng Bibliya sa kanilang mga anak. Sa India, isang nagsosolong ina, na biyuda, ang nagsusumikap nang husto upang ikintal sa kaniyang dalawang anak ang pag-ibig kay Jehova. Gayunman, labis siyang nasaktan nang ang kaniyang anak na lalaki ay huminto ng pakikisama sa bayan ni Jehova. Nagsumamo siya kay Jehova na patawarin siya sa anumang pagkukulang niya sa pagsasanay ng kaniyang anak. Ngunit hindi naman talagang nakalimutan ng anak na lalaki ang kaniyang natutuhan. Pagkaraan ng mahigit na isang dekada, siya’y nagbalik, gumawa ng mahusay na pagsulong sa espirituwal, at naging isang matanda sa kongregasyon. Silang mag-asawa ay naglilingkod ngayon bilang buong-panahong mga ministrong payunir. Laking pasasalamat ng mga magulang na nagsapuso ng payo ni Jehova at ng kaniyang organisasyon upang maglaan ng regular na pagtuturo ng Bibliya sa kanilang pamilya! Ikinakapit ba ninyo ang payong iyan sa inyong sambahayan?
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Bakit mahalaga ang regular na pag-aaral ng pamilya?
◻ Ano ang dapat na maging tunguhin natin sa bawat pag-aaral ng pamilya?
◻ Anong mga kasangkapan sa pagtuturo ang inilaan sa atin?
◻ Paano maaaring ibagay ang pag-aaral sa mga pangangailangan ng pamilya?
[Larawan sa pahina 15]
Pasusulungin ng malinaw na mga tunguhin ang inyong pampamilyang pag-aaral