Iskedyul ng Pamilya—Ang Pampamilyang Pag-aaral
1 Ang pinakadakilang kaloob na maibibigay mo sa iyong mga anak bilang isang Kristiyanong magulang ay ang ikintal sa kanila ang pag-ibig mo kay Jehova. Ang isang mahalagang pagkakataon kung kailan maisasagawa ito ay “kapag nakaupo ka sa iyong bahay” para sa lingguhang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. (Deut. 6:5-7) May sumasampalataya ka mang asawa, namumuhay sa isang sambahayang nababahagi dahil sa relihiyon, o isang nagsosolong magulang, matutulungan mo ang iyong mga anak na mapalapít sa iyo at kay Jehova sa pamamagitan ng pagdaraos ng regular na pampamilyang pag-aaral.
2 Pagpapasimula: Ang unang hakbang ay ugaliing mag-aral bilang pamilya. Kung hindi mo tiyak kung kailan idaraos ang pag-aaral, bakit hindi ito pag-usapan bilang pamilya? (Kaw. 15:22) Kung mayroon kang mas batang mga anak, baka nanaisin mong magdaos ng ilang maiikling sesyon sa buong sanlinggo. Alamin kung aling iskedyul ang pinakaangkop sa iyong sambahayan. Magtakda ng espesipikong oras para sa pag-aaral sa iskedyul ng iyong pamilya, at maging determinadong manghawakan dito.
3 Ano ang maaari ninyong pag-aralan? Inihahanda ng ilan ang araling tatalakayin sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat o sa Pag-aaral sa Bantayan. Nasisiyahan naman ang iba na pag-aralan ang materyal na pantanging dinisenyo para sa mga kabataan. Ganito ang sinabi ng isang ama na may batang anak na lalaki at babae: “Ang isang [dahilan] kung bakit nagiging tampok ang aming pag-aaral sa loob ng sanlinggo para sa mga bata ay dahil sa isinasadula namin ang mga eksena mula sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Ang lalim ng pagkakaugat at pagkaunawa na nagiging bunga nito ay makapupong higit na mahalaga kaysa sa dami ng mga parapong natatalakay namin.”
4 Mag-aral Linggu-linggo: Ang pampamilyang pag-aaral ay dapat idaos nang regular at panabikan ng lahat ng miyembro ng pamilya. Maaaring baguhin nang kaunti ang araw at oras upang maasikaso ang di-inaasahang mga pangyayari. Maaaring may mga pagkakataon din na kailangang baguhin ang paksang tatalakayin. Subalit hindi naman dapat magtagal ang anumang kinakailangang pagbabago sa regular na iskedyul ng pampamilyang pag-aaral. Sa isang sambahayan, ganito ang sinabi ng isang anak na babae: “Kung kinakailangang baguhin ang oras ng aming pag-aaral, laging inilalagay ni Itay ang bagong oras sa pinto ng [repridyeretor], para malaman naming lahat kung kailan [ito idaraos].” Tunay ngang kapuri-puri ang gayong mga pagsisikap na panatilihin ang regular na pampamilyang pag-aaral! Habang patuloy mong pinalalaki ang iyong mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova,” ipinakikita mo ang iyong pag-ibig sa kanila at sa ating makalangit na Ama.—Efe. 6:4.