Kung Paano Nagtutulungan ang mga Miyembro ng Pamilya Para sa Lubusang Pakikibahagi—Sa Pag-aaral ng Bibliya
1 Ang katotohanan ay nakadaragdag ng tunay na kahulugan at layunin sa buhay pampamilya, subalit ang tagumpay sa paglilingkod kay Jehova ay hindi basta na lamang dumarating. Nangangailangan ng panahon at pagsisikap upang makapagtayo ng isang sambahayan na may matibay na espirituwalidad. Malaki ang pangangailangan para sa mga miyembro ng pamilya na gumawang magkakasama sa pagsasakatuparan sa layuning ito. Ang unang artikulong ito sa isang tatlong-bahaging serye ay magtutuon ng pansin sa kung paano maaaring magtulungan ang mga pamilya sa pagkakaroon ng isang mabuting kaugalian sa pag-aaral.
2 Sa Pagbabasa ng Bibliya Araw-Araw: Sinasabi ng Kawikaan 24:5 na “ang taong may kaalaman ay nagpapatibay ng kapangyarihan.” Ang kaalaman na natatamo sa regular na pagbabasa ng Salita ng Diyos ay nagbibigay sa isang tao ng panloob na lakas na kailangan upang malabanan ang mga pagsalakay ni Satanas sa kaniyang espirituwalidad. (Awit 1:1, 2) Araw-araw ba ninyong binabasa ang Bibliya nang magkakasama bilang isang pamilya? Ang Iskedyul sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay may balangkas na “Dagdag na Iskedyul sa Pagbabasa ng Bibliya” para sa bawat linggo ng taon. Ang pagsunod dito ay nangangailangan lamang ng sampung minuto ng panahon ng pamilya bawat araw. Pumili ng isang kombinyenteng panahon, tulad ng sa almusal, pagkatapos ng hapunan, o bago matulog, upang mabasa ang Bibliya at maisaalang-alang ang teksto sa araw na iyon mula sa Pagsusuri sa Kasulatan. Gawin itong bahagi ng pang-araw-araw na rutin ng inyong pamilya.
3 Sa Magkakasamang Pag-aaral Bawat Linggo: Ang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya ang dapat na maging tampok sa iskedyul ng pamilya bawat linggo. Kailangang suportahan ito ng bawat miyembro sa pamamagitan ng may-kasabikang pakikibahagi sa pag-aaral. Baka nais ng ulo ng pamilya na isaalang-alang ang pangangailangan ng pamilya kapag pumipili ng pag-aaralang materyal at ng araw, oras, at haba ng pag-aaral. Bigyan ng priyoridad ang pag-aaral ng pamilya sa sanlinggong iskedyul. Huwag hayaang makahadlang ang mga bagay na hindi gaanong mahalaga.—Fil. 1:10, 11.
4 Isang ama na karaniwang nakatatanggap ng mga tawag sa negosyo sa kaniyang tahanan ang nagtanggal ng koneksiyon ng telepono sa panahon ng pag-aaral ng pamilya. Kapag ang mga kliyente ay pumunta sa bahay, sila’y inaanyayahang sumali sa pag-aaral o pinaghihintay hanggang ito ay matapos. Determinado ang ama na walang makahahadlang sa pag-aaral ng pamilya. Ito ay lubusang naikintal sa kaniyang mga anak, at kung tungkol naman sa kaniyang negosyo, lumago ito.
5 Kay inam nga kapag ang mga miyembro ng pamilya ay nagtutulungan sa espirituwal na mga gawain! Ang pagiging tapat sa ating pagsisikap na magkaroon ng lubusang bahagi sa pampamilyang pag-aaral sa Bibliya ay magdudulot ng pagpapala ni Jehova.—Awit 1:3.