Mga Ulo ng Pamilya—Panatilihin ang Isang Mahusay na Espirituwal na Rutin
1 Bagaman nabuhay siya sa loob ng maraming dekada sa gitna ng idolatriya at katiwalian ng Babilonya, kilalá si Daniel sa paglilingkod kay Jehova “nang may katatagan.” (Dan. 6:16, 20) Paano niya napanatiling matatag ang kaniyang espirituwalidad? Ipinakikita ng rekord ng Bibliya na siya ay may maayos na rutin sa pagsasagawa ng mga gawaing may kaugnayan sa tunay na pagsamba. Halimbawa, kinaugalian niyang manalangin nang tatlong ulit sa isang araw sa kaniyang silid-bubungan. (Dan. 6:10) Walang alinlangan, mayroon din siyang rutin para sa ibang espirituwal na mga gawain, gaya ng pagbabasa ng Kautusan. Kaya nang mapaharap sa pagsubok na nagsapanganib sa kaniyang buhay, si Daniel ay hindi nag-urong-sulong sa kaniyang debosyon kay Jehova, at makahimala siyang iniligtas.—Dan. 6:4-22.
2 Gayundin sa ngayon, kailangan nating magpunyagi upang ‘manatiling gising nang may buong katatagan.’ (Efe. 6:18) Ang sanlibutang kinabubuhayan natin ay “nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Ang pagsalansang o mga pagsubok ay maaaring biglang bumangon at sumubok sa ating pananampalataya. Sa malaking kapighatian, ang mga lingkod ng Diyos ay magiging tampulan ng lubusang pagsalakay ni Gog ng Magog, na waring di-matatakasan. Mangangailangan ito ng lubusang pagtitiwala kay Jehova.—Ezek. 38:14-16.
3 “Ang isang mahalagang salik ay ang ugaliin ang mabisang pagbabasa, pag-aaral, at pag-uusap ng buong pamilya hinggil sa Bibliya.” Iyan ang binanggit sa introduksiyon ng drama noong 1998 na pinamagatang “Mga Pamilya—Ugaliin ang Pagbabasa ng Bibliya Araw-araw!” Nagpatuloy ito: “Kapag palagiang sinusunod ng mga pamilya ang ganitong kaayusan at sa paraan na binibigyang-buhay ang Bibliya, malaki ang magagawa sa buong mag-anak ng ganitong rutin na hinubog ayon sa Bibliya. Pinalalago nito ang ating kaalaman. Pinatitibay nito ang ating pananampalataya. At pinaglalaanan tayo nito ng mga uliran—taimtim at tapat na mga lalaki’t babae noong una—na maaaring gumanyak sa atin, anupat nagpapakilos sa atin upang manindigan sa katotohanan.” Habang isinasaalang-alang natin ang iba’t ibang aspekto ng isang mahusay na espirituwal na rutin, dapat tingnan ng mga ulo ng pamilya ang isa o dalawang paraan na mapasusulong nila ang espirituwal na programa ng kanilang pamilya.
4 Isaalang-alang ang Salita ng Diyos Araw-araw: “Kapag ang Kaharian ng Diyos ay namamahala na nang walang sumasalansang at ang kaniyang kalooban ay ginaganap na sa lupa kung paano sa langit, walang mababangis na tao—wala, ni mga hayop man—ang ‘mananakit o maninira man.’ (Isa. 11:9; Mat. 6:9, 10)” Ang mga salitang iyan ay makikita sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw—2001 sa mga komento sa teksto sa kasulatan ng Setyembre 11. Tunay ngang nakaaaliw ang paalaalang ito! Bilang ulo ng pamilya, kaugalian ba ninyo sa araw-araw na isaalang-alang ang teksto at mga komento sa Bibliya kasama ang inyong pamilya? Lubhang kapaki-pakinabang ito. Kung hindi praktikal na magsama-sama sa umaga, marahil magagawa ninyo ito sa bandang gabi. Isang ama ang nagsabi: “Ang hapunan ay isang angkop na panahon para talakayin namin ang pang-araw-araw na teksto sa Bibliya.”
5 Kung mayroon na kayong mainam na rutin sa pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto bilang isang pamilya, karapat-dapat kayong papurihan. Marahil ay higit pa kayong makikinabang sa pamamagitan ng pagbabasa ng isang bahagi ng Bibliya kasabay nito. Kinaugalian ng iba na basahin ang buong kabanata kung saan kinuha ang teksto sa araw na iyon. Tuluy-tuloy naman ang ginagawang pagbasa ng iba, anupat unti-unting tinatapos ang isang piniling aklat sa Bibliya. Ang araw-araw na pagbabasa sa Bibliya ay tutulong sa inyong pamilya na linangin ang kapaki-pakinabang na pagkatakot na di-mapaluguran si Jehova at pasisidhiin nito ang kanilang pagnanais na gawin ang kaniyang kalooban.—Deut. 17:18-20.
6 Ang programa ng inyong pamilya sa pagbabasa ng Bibliya at pagtalakay ng pang-araw-araw na teksto ay magiging higit na kapaki-pakinabang kung makagugugol kayo ng ilang minuto upang talakayin ang praktikal na kahalagahan ng impormasyon. Ganito ang mungkahi ng aklat-aralin na Paaralan Ukol sa Ministeryo, pahina 60: “Maaaring pumili kayo ng ilang talata mula sa nakaiskedyul na pagbabasa sa Bibliya sa linggong iyon, talakayin ang kahulugan ng mga iyon, at pagkatapos ay magbangon ng mga tanong gaya nito: ‘Paano ito naglalaan sa atin ng patnubay? Paano natin magagamit ang mga talatang ito sa ministeryo? Ano ang isinisiwalat ng mga ito tungkol kay Jehova at sa paraan ng kaniyang paggawa ng mga bagay-bagay, at paano mapalalaki nito ang ating pagpapahalaga sa kaniya?’ ” Ang gayong pag-uusap hinggil sa espirituwal na mga bagay ay tutulong sa lahat ng miyembro ng inyong sambahayan na ‘patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.’—Efe. 5:17.
7 Pampamilyang Pag-aaral: Ang pagdaraos ng pampamilyang pag-aaral nang palagian bawat linggo ay isang mainam na paraan upang maipakita ng mga ulo ng pamilya sa kanilang mga anak na dapat unahin ang espirituwal na mga bagay. Naaalaala ng isang kabataang lalaki: “Kung minsan ay pagód na pagód si Tatay mula sa trabaho anupat antok na antok na siya, pero tuloy pa rin ang pag-aaral, at ito ang tumulong sa amin na maunawaan ang kahalagahan nito.” Makatutulong din ang mga anak para maging matagumpay ang kaayusang ito. Isang pamilya na may siyam na anak ang laging bumabangon tuwing alas-singko ng umaga upang idaos ang kanilang pampamilyang pag-aaral dahil wala nang ibang panahon na magagawa ito.
8 Upang maging mabisa ang pampamilyang pag-aaral, ang ulo ng pamilya ay kailangan na ‘laging magbigay-pansin sa kaniyang turo.’ (1 Tim. 4:16) Ganito ang sabi ng aklat-aralin na Paaralan Ukol sa Ministeryo, pahina 32: “Masasabi na upang magkaroon ng isang mabisang pampamilyang pag-aaral ay kailangan mo munang pag-aralan ang mismong pamilya mo. Kumusta ang pagsulong sa espirituwal ng mga miyembro ng iyong pamilya? . . . Kapag kasama mo ang iyong mga anak sa ministeryo sa larangan, palagay ba sila na ipakilala ang kanilang sarili bilang mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga kababata? Nasisiyahan ba sila sa inyong programa ng pampamilyang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya? Talaga bang ginagawa nila ang daan ni Jehova na paraan ng kanilang pamumuhay? Ang maingat na pagmamasid ay magsisiwalat sa iyo, bilang isang ulo ng pamilya, kung ano ang kailangan mong gawin upang maitatag at mapatibay ang espirituwal na mga katangian ng bawat miyembro ng pamilya.”
9 Mga Pulong sa Kongregasyon: Ang paghahanda at pagdalo sa mga pulong sa kongregasyon ay dapat maging mahalagang bahagi ng inyong lingguhang rutin. (Heb. 10:24, 25) Kung minsan, maaari ninyong paghandaan ang ilan sa mga pulong bilang isang pamilya. Sa halip na magkumahog, maisasaayos ba ninyo na maghandang mabuti nang patiuna? Ang isang maayos na rutin hinggil sa bagay na ito ay magpapasulong kapuwa sa kalidad ng inyong paghahanda at sa mga kapakinabangang matatamo ninyo mula sa mga pulong.—Kaw. 21:5.
10 Ang kalidad at pagiging di-pabagu-bago ay mga katangian ng isang epektibong espirituwal na rutin. Paano kung nahihirapan kayong maghanda para sa lahat ng pulong? Ganito ang mungkahi ng aklat-aralin na Paaralan Ukol sa Ministeryo, pahina 31: “Iwasan ang mga patibong ng pagmamadali sa materyal upang matapos lamang ito o, mas masahol pa, ang hindi na pag-aralan ang alinman sa mga ito dahil hindi mo magagawang lahat ito. Sa halip, alamin kung gaano karami ang mapag-aaralan mo, at isagawa iyon nang mabuti. Gawin iyon bawat linggo. Sa madaling panahon, sikaping mapalawak pa ito upang mailakip ang iba pang mga pulong.”
11 Kapag ang mga pamilya ay maagang dumating sa mga pulong, nakatutulong ito upang magkaroon sila ng tamang takbo ng pag-iisip na purihin si Jehova at makinabang mula sa pagtuturo na inilalaan niya. May ganito bang kaugalian ang inyong pamilya? Nangangailangan ito ng mabuting pagpaplano at pakikipagtulungan ng bawat isa sa sambahayan. Kung madalas mong nasusumpungan na ang inyong pamilya ay nagmamadali at nakararanas ng tensiyon sa mga gabi ng pulong, maaari bang gumawa ng mga pagbabago sa inyong rutin? May mga bagay ba na maaaring asikasuhin nang patiuna? Kung ang isang miyembro ng pamilya ay napabibigatan nang labis na trabaho, maaari bang tumulong ang iba? Makababawas kaya ng kaigtingan kung ang lahat ay handa nang umalis patungo sa pulong na mas maaga nang ilang minuto? Ang mahusay na pagpaplano ay nakatutulong sa espiritu ng kapayapaan kapuwa sa pamilya at sa kongregasyon.—1 Cor. 14:33, 40.
12 Paglilingkod sa Larangan: Ang pagtatakda ng tiyak na mga panahon para sa pakikibahagi sa ministeryo ay isa pang bahagi ng mahusay na espirituwal na rutin. Isang kabataang lalaki na nagngangalang Jayson ang nakaalaala: “Sa pamilya namin, ang mga Sabado ng umaga ay nakatalaga sa paglilingkod sa larangan. Nakabuti ito sa akin sapagkat mientras lumalabas ako sa ministeryo, lalo kong nakikita ang kabutihang nagagawa nito at lalo akong nasisiyahan dito.” Marami na pinalaki sa mga sambahayang Saksi ang nakapansin din na ang pagkakaroon ng tiyak na panahon para sa ministeryo bawat linggo ay nakatulong sa kanila na sumulong bilang mga ministrong Kristiyano.
13 Ang isang maayos na rutin ay makatutulong din upang ang panahon na ginugugol ng inyong pamilya sa paglilingkod sa larangan ay maging higit na kasiya-siya at higit na mabunga. Paano ito maisasagawa? Ganito ang mungkahi ng Hulyo 1, 1999, Bantayan, pahina 21: “Paminsan-minsan ba’y ginagamit ninyo ang panahon ng inyong pampamilyang pag-aaral upang tulungan ang mga miyembro ng inyong sambahayan na maghanda para sa paglilingkod sa larangan sa linggong iyon? Kapaki-pakinabang ang paggawa nito. (2 Timoteo 2:15) Makatutulong ito upang maging makabuluhan at mabunga ang kanilang paglilingkuran. Paminsan-minsan, maaari ninyong italaga ang isang buong sesyon ng pag-aaral para sa gayong paghahanda. Kadalasan, maaari ninyong talakayin nang mas maikli ang mga pitak ng ministeryo sa larangan sa pagtatapos ng pampamilyang pag-aaral o sa ibang panahon sa loob ng sanlinggong iyon.” Nasubukan na ba ito ng inyong pamilya?
14 Patuloy na Sumulong: Mula sa pagtalakay na ito, napansin ba ninyo ang mga larangan kung saan mahusay ang pagkakapit ng inyong pamilya? Papurihan sila, at pagsikapang sumulong sa mga larangang ito. Kung may nakikita kayong ilang larangan na kinakailangang pasulungin, pumili muna ng isa o dalawang larangan na pasusulungin. Kapag naging bahagi na ang mga ito ng inyong espirituwal na rutin, pasulungin ang isa o dalawa pang larangan. Maging positibo at makatuwiran. (Fil. 4:4, 5) Ang pagtatatag ng isang mahusay na espirituwal na rutin para sa inyong sambahayan ay nangangailangan ng puspusang pagsisikap, pero sulit ito, sapagkat tinitiyak sa atin ni Jehova: “Sa isa namang nananatili sa takdang daan, ipakikita ko sa kaniya ang pagliligtas ng Diyos.”—Awit 50:23.