Ang Paghahanap ng mga Mapagkakatiwalaang Prediksiyon
PAGKAUPUNG-PAGKAUPO sa trono noong 336 B.C.E. ng hari ng Macedonia na nakilala bilang si Alejandrong Dakila, binisita niya ang dambana ng Delphi, sa gitnang Gresya. Ang kaniyang matayog na pangarap sa hinaharap ay ang masakop ang kalakhang bahagi ng daigdig noong panahong iyon. Subalit ibig niyang matiyak mula sa Diyos na magtatagumpay nga ang kaniyang malaking proyektong ito. Ayon sa kuwento, nagkataon na nang araw na pumunta siya sa Delphi, hindi ipinahihintulot noon ang pagsangguni sa orakulo. Palibhasa’y ayaw niyang umalis nang hindi niya nakakamit ang kasagutan, nagpumilit si Alejandro, anupat pinuwersa ang babaing pari na magbigay ng prediksiyon. Humiyaw siya sa pagkasiphayo: “O, anak ko, wala kang pagkatalo!” Itinuring ng kabataang hari na iyan ay isang magandang pahiwatig—isa na nangangako ng matagumpay na kampanyang militar.
Gayunman, higit sanang napaliwanagan si Alejandro hinggil sa kalalabasan ng kaniyang kampanya kung sinuri lamang niya ang mga hula sa aklat ng Daniel sa Bibliya. Taglay ang pambihirang kawastuan, inihula ng mga ito ang kaniyang mabilis na pananakop. Ayon sa tradisyon, nang dakong huli ay nagkaroon ng pagkakataon si Alejandro na makita ang iniulat ni Daniel tungkol sa kaniya. Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, nang pumasok sa Jerusalem ang haring taga-Macedonia, ipinakita sa kaniya ang hula ng Daniel—marahil ang kabanata 8 ng aklat na iyan. (Daniel 8:5-8, 20, 21) Ayon sa ulat, dahil dito, hindi ginalaw ng mapangwasak na mga hukbo ni Alejandro ang lunsod.
Isang Likas na Pangangailangan ng Tao
Hari man o karaniwang tao, sinauna o moderno—ang tao ay nangangailangan ng mga mapagkakatiwalaang prediksiyon hinggil sa hinaharap. Bilang matatalinong nilalang, pinag-aaralan nating mga tao ang nakaraan, nalalaman ang kasalukuyan, at interesadung-interesado sa hinaharap. Angkop lamang ang sabi ng isang kawikaan ng mga Tsino: “Siya na may kakayahang makini-kinita ang mga pangyayari tatlong araw patiuna ay yayaman sa loob ng libu-libong taon.”
Sa paglipas ng panahon, milyun-milyon ang nagtangkang masilip ang kinabukasan sa pamamagitan ng pagsangguni sa inaakala nilang sugo ng Diyos. Kuning halimbawa ang sinaunang mga Griego. Napakarami nilang dambana, gaya niyaong nasa Delphi, Delos, at Dodona, na pinupuntahan nila upang magtanong sa kanilang mga diyos hinggil sa mga pangyayari sa pulitika o militar gayundin sa personal na mga bagay gaya ng paglalakbay, pag-aasawa, at pag-aanak. Hindi lamang mga hari at mga pinunong militar kundi mga buong tribo at mga lunsod-estado ang naghanap ng patnubay mula sa daigdig ng mga espiritu sa pamamagitan ng mga kasagutan ng orakulo.
Ayon sa isang propesor, mayroon ngayong “biglang pagdami ng mga organisasyong nakatalaga sa pag-aaral ng kinabukasan.” Gayunman, marami ang nagwawalang-bahala sa tanging tumpak na pinagmumulan ng mga hula—ang Bibliya. Tahasan nilang ipinagkikibit-balikat ang anumang posibilidad na nasa mga hula ng Bibliya ang mismong impormasyon na hinahanap nila. Ipinapantay pa man din ng ilang iskolar ang mga hula ng Bibliya sa mga prediksiyong ibinigay ng mga sinaunang orakulo. At karaniwan nang laban sa mga hula ng Bibliya ang modernong mga mapag-alinlangan.
Inaanyayahan ka naming suriin mismo ang rekord. Ano ang isinisiwalat ng isang maingat na paghahambing ng mga prediksiyon ng Bibliya sa mga orakulo? Higit mo bang mapagkakatiwalaan ang mga hula ng Bibliya kaysa sa mga kasagutan ng sinaunang mga orakulo? At buong tiwala mo bang gagawing pangunahin sa iyong buhay ang mga hula sa Bibliya?
[Larawan sa pahina 3]
Inihula ng Bibliya ang mabilis na pananakop ni Alejandro
[Credit Line]
Cortesía del Museo del Prado, Madrid, Spain
[Larawan sa pahina 4]
Si Alejandrong Dakila
[Credit Line]
Musei Capitolini, Roma
[Picture Credit Line sa pahina 2]
COVER: General Titus and Alexander the Great: Musei Capitolini, Roma