Kung Bakit Ka Makapagtitiwala sa Hula ng Bibliya
SI HARING PYRRHUS ng Epirus sa hilagang-kanluran ng Gresya ay matagal nang may pakikipag-alitan sa Imperyong Romano. Palibhasa’y desperado nang malaman ang kalalabasan nito, humayo siya upang sumangguni sa dambana ng Delphi. Subalit ang sagot sa kaniya ay maaaring unawain alinman sa dalawang paraan: (1) “Sinasabi ko na ikaw na anak ni Æacus ay makapananakop sa mga Romano. Ikaw ay hahayo, ikaw ay babalik, hindi ka kailanman mamamatay sa digmaan.” (2) “Sinasabi ko na masasakop ka ng mga Romano, ikaw na anak ni Æacus. Ikaw ay hahayo, ikaw ay hindi na kailanman babalik, ikaw ay mamamatay sa digmaan.” Pinili niyang unawain ang kasagutan ng orakulo ayon sa unang paraan at sa gayon ay nakipagdigma laban sa Roma. Lubusang natalo si Pyrrhus.
Dahil sa ganiyang mga kaso, ang mga kasagutan ng orakulo ay naging bantog sa pagiging malabo at nakalilito. Subalit kumusta naman ang hula ng Bibliya? Pinaninindigan ng ilang kritiko na ang mga hulang masusumpungan sa Bibliya ay kagaya lamang ng mga isinasagot ng mga orakulo. Ipinalalagay ng mga kritikong ito na ang mga prediksiyon ng Bibliya ay mga tusong paghula sa mga mangyayari sa hinaharap na ginagawa ng mga indibiduwal na napakatatalino at matatalas ang isip, na kadalasan ay kabilang sa mga uring saserdote. Diumano, sa pamamagitan lamang ng karanasan o ng kanilang pantanging mga koneksiyon, patiunang nakikita ng mga taong ito ang likas na mangyayari sa ilang situwasyon. Sa paghahambing ng iba’t ibang katangian ng mga hula ng Bibliya doon sa isinasagot ng mga orakulo, higit tayong masasangkapan upang makagawa ng tamang konklusyon.
Mga Pagkakaiba
Kilala ang mga kasagutan ng orakulo sa pagiging malabo. Halimbawa, sa Delphi, ang mga sagot na ibinibigay ay binibigkas sa paraang di-maintindihan. Kailangan pa itong bigyang-kahulugan ng mga pari at gumawa ng mga taludtod na maaaring bigyan ng magkasalungat na interpretasyon. Ang isang klasikong halimbawa nito ay ang sagot na ibinigay kay Croesus, hari ng Lydia. Nang sumangguni siya sa dambana, siya’y sinabihan: “Kung tatawid si Croesus sa Halys, wawasakin niya ang isang makapangyarihang imperyo.” Ang totoo, ang “makapangyarihang imperyo” na nawasak ay ang sa kaniya! Nang tawirin ni Croesus ang ilog Halys upang salakayin ang Capadocia, natalo siya sa mga kamay ng Persianong si Ciro.
Kabaligtaran ng mga paganong orakulo, nakilala ang mga hula ng Bibliya sa kawastuan at kalinawan. Ang isang halimbawa ay ang hula hinggil sa pagbagsak ng Babilonya, na nakaulat sa aklat ng Bibliya na Isaias. Mga 200 taon bago maganap ang pangyayaring ito, inihula ng propetang si Isaias sa detalyado at tumpak na paraan ang pagbagsak ng Babilonya sa kamay ng Medo-Persia. Ibinunyag ng hula na ang manlulupig ay tatawaging Ciro, at isiniwalat nito ang mismong estratehiya ng pagtuyo sa isang tila-bambang na ilog na pandepensa at pagpasok sa isang nakukutaang lunsod sa bukás na mga pintuang-daan. Lahat ng ito ay tumpak na natupad. (Isaias 44:27–45:2) Wastong inihula rin na sa dakong huli ay lubusan nang di-tatahanan ang Babilonya.—Isaias 13:17-22.
Tingnan din ang pagiging maliwanag ng babalang ito na ipinahayag ni propeta Jonas: “Apatnapung araw na lamang, at ang Nineve ay ibabagsak.” (Jonas 3:4) Hindi ito malabo! Talagang kapansin-pansin at tuwiran ang mensahe anupat ang mga tao sa Nineve ay agad na “nagsimulang manampalataya sa Diyos, at sila ay naghayag ng pag-aayuno at nagsuot ng telang-sako.” Dahil sa kanilang pagsisisi, hindi nagpadala si Jehova ng kapahamakan sa mga taga-Nineve noong panahong iyon.—Jonas 3:5-10.
Ang mga kasagutan ng orakulo ay ginagamit noon upang impluwensiyahan ang pulitika. Madalas banggitin ng mga tagapamahala at mga pinunong militar ang interpretasyong gusto nila upang itaguyod ang kanilang sariling kapakanan at mga proyekto, sa gayon ay sinusuutan ang mga ito ng “balabal ng kabanalan.” Subalit, ang makahulang mensahe ng Diyos ay ibinibigay nang hindi pinagbibigyan ang personal na kapakanan.
Bilang paglalarawan: Hindi nagbantulot ang propeta ni Jehova na si Natan na sawayin ang nagkasalang si Haring David. (2 Samuel 12:1-12) Noong naghahari si Jeroboam II sa sampung-tribong kaharian ng Israel, nagbigay ang mga propetang sina Oseas at Amos ng matinding pamumuna sa rebelyosong hari at sa kaniyang mga tagasuporta dahil sa kanilang apostasya at paggawing lumalapastangan sa Diyos. (Oseas 5:1-7; Amos 2:6-8) Ang lalo pang nakasasakit ay ang babala ni Jehova sa hari mula sa bibig ni propeta Amos: “Ako ay titindig laban sa sambahayan ni Jeroboam taglay ang isang tabak.” (Amos 7:9) Nilipol nga ang sambahayan ni Jeroboam.—1 Hari 15:25-30; 2 Cronica 13:20.
Kadalasan, binabayaran ang mga kasagutan ng orakulo. Yaong nagbabayad nang mas malaki ay tatanggap ng kasagutang gusto niya. Yaong mga sumasangguni noon sa mga dambana sa Delphi ay nagbabayad nang mahal para sa walang-kuwentang mga impormasyon, sa gayon ay pinupuno ng limpak-limpak na kayamanan ang templo ni Apolo at iba pang mga gusali. Kabaligtaran naman, ang mga hula at babala ng Bibliya ay ibinibigay nang walang anumang bayad at walang sinumang kinikilingan. Hindi ito nagbabago anuman ang posisyon o gaano man kayaman ang taong pinatutungkulan ng mga ito, sapagkat ang isang tunay na propeta ay hindi nasusuhulan. Kaya naman taimtim na makapagtatanong ang propeta at hukom na si Samuel: “Kaninong kamay ako kumuha ng suhol upang bulagin niyaon ang aking mga mata?”—1 Samuel 12:3.
Yamang makukuha lamang ang mga kasagutan ng orakulo sa iilang tiyak na mga lugar, kailangang pagsumikapan ng isang indibiduwal na makapaglakbay roon upang matanggap ang mga iyon. Para sa karaniwang tao, karamihan sa mga lugar na iyon ay napakahirap puntahan dahil sa ang mga iyon ay nasa mga lugar na gaya ng Dodona sa Bundok Tomarus na nasa Epirus at Delphi sa bulubunduking gitnang Gresya. Karaniwan nang mga taong mayayaman at makapangyarihan lamang ang nakasasangguni sa mga diyos sa mga dambanang iyon. Isa pa, “ang kalooban ng mga diyos” ay isinisiwalat lamang sa loob ng ilang araw sa isang taon. Sa kabaligtaran, isinugo ng Diyos na Jehova ang kaniyang mga makahulang mensahero mismo sa mga tao upang ipahayag ang mga hula na kailangan nilang marinig. Halimbawa, nang ipatapon ang mga Judio sa Babilonya, ang Diyos ay may di-kukulangin sa tatlong propeta na naglilingkod sa kaniyang bayan—si Jeremias sa Jerusalem, si Ezekiel kasama ng mga tapon, at si Daniel sa kabisera ng Imperyo ng Babilonya.—Jeremias 1:1, 2; Ezekiel 1:1; Daniel 2:48.
Ang mga kasagutan ng orakulo ay karaniwan nang ibinibigay nang sarilinan upang magamit ng isa na tumatanggap nito ang interpretasyon ng mga ito para sa kaniyang sariling kapakinabangan. Sa kabaligtaran, ang mga hula ng Bibliya ay karaniwan nang ibinibigay sa madla upang ang lahat ay makarinig ng mensahe at maunawaan ang mga nasasangkot dito. Maraming ulit na nagsalita si propeta Jeremias nang hayagan sa Jerusalem, kahit alam niyang hindi nagugustuhan ng mga pinuno at mga naninirahan sa lunsod ang kaniyang mensahe.—Jeremias 7:1, 2.
Sa ngayon, ang mga kasagutan ng orakulo ay minamalas bilang bahagi na lamang ng sinaunang kasaysayan. Walang praktikal na halaga ang mga ito para sa mga taong nabubuhay sa ating mapanganib na panahon. Walang kasagutan ng mga orakulo ang may kinalaman sa ating panahon ngayon o sa ating kinabukasan. Sa kapansin-pansing pagkakaiba, ang mga hula ng Bibliya ay bahagi ng “salita ng Diyos [na] buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Ang mga hula ng Bibliya na natupad na ay naglalaan ng isang larawan ng pakikitungo ni Jehova sa mga tao at nagsisiwalat ng mahahalagang katangian ng kaniyang mga layunin at personalidad. Karagdagan pa, naghihintay ng katuparan sa malapit na hinaharap ang mahahalagang hula ng Bibliya. Bilang paglalarawan sa mangyayari sa hinaharap, sumulat si apostol Pedro: “May mga bagong langit [ang makalangit na Mesiyanikong Kaharian] at isang bagong lupa [isang matuwid na lipunan ng mga tao] na ating hinihintay ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Ang maikling paghahambing na ito ng hula ng Bibliya sa mga kasagutan ng orakulo ng huwad na relihiyon ay aakay sa iyo sa isang konklusyon na gaya ng sinabi sa aklat na pinamagatang The Great Ideas: “Kung tungkol sa kakayahan ng mortal na mga tao na malaman nang patiuna ang mangyayari, ang mga propetang Hebreo ay waring pambihira. Di-tulad ng mga paganong manghuhula, . . . hindi na nila kailangang gumamit pa ng sining o kasangkapan upang maarok ang makadiyos na mga lihim. . . . Sa kalakhang bahagi, ang kanilang makahulang pananalita, di-gaya niyaong sa mga orakulo, ay waring malilinaw. Sa paanuman, ang intensiyon ay waring upang isiwalat, hindi upang ilihim, ang plano ng Diyos sa gayong mga bagay yamang Siya Mismo ay nagnanais na patiunang makita ng mga tao ang makadiyos na landasin.”
Magtitiwala Ka ba sa Hula ng Bibliya?
Makapagtitiwala ka sa hula ng Bibliya. Sa katunayan, maaari mong gawing pangunahing bagay sa iyong buhay si Jehova at ang katuparan ng kaniyang makahulang salita. Ang hula ng Bibliya ay hindi isang patay na rekord ng mga prediksiyong natupad na. Maraming hula na masusumpungan sa Kasulatan ang natutupad na ngayon o naghihintay ng katuparan sa malapit na hinaharap. Mula sa nakaraan, lubos tayong makapagtitiwala na ang mga ito man ay matutupad din. Yamang ang gayong mga hula ay nakatuon sa ating panahon at nagsasangkot mismo ng ating kinabukasan, makabubuting dibdibin natin ang mga ito.
Tiyak na makapagtitiwala ka sa hula ng Bibliya sa Isaias 2:2, 3: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok . . . At maraming bayan ang yayaon nga at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, . . . at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.’ ” Sa ngayon, milyun-milyon katao ang tunay na yumayakap sa mataas na pagsamba kay Jehova at natututong lumakad sa kaniyang mga daan. Sasamantalahin mo ba ang pagkakataong matuto pang higit tungkol sa mga daan ng Diyos at kumuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga layunin upang makalakad sa kaniyang mga landas?—Juan 17:3.
Ang katuparan ng isa pang hula ng Bibliya ay nangangailangan ng apurahang pagkilos sa ating bahagi. Hinggil sa malapit na hinaharap, makahulang umawit ang salmista: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin . . . Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na.” (Awit 37:9, 10) Ano sa palagay mo ang kailangan upang maiwasan ang napipintong pagkapuksa ng balakyot, pati na yaong mga humahamak sa mga hula ng Bibliya? Ang awit ding iyon ay sumasagot: “Yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:9) Ang umasa kay Jehova ay nangangahulugan ng ganap na pagtitiwala sa kaniyang mga pangako at pag-ayon ng ating buhay sa kaniyang mga pamantayan.—Kawikaan 2:21, 22.
Ano kaya ang magiging kalagayan ng buhay kapag minana na niyaong mga umaasa kay Jehova ang lupa? Muli, isinisiwalat ng mga hula ng Bibliya na naghihintay ang isang maluwalhating kinabukasan para sa masunuring sangkatauhan. Sumulat ang propetang si Isaias: “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng di-makapagsalita ay hihiyaw sa katuwaan. Sapagkat sa iláng ay bubukal ang tubig, at ang mga ilog sa disyertong kapatagan.” (Isaias 35:5, 6) Isinulat ni apostol Juan ang nagbibigay-katiyakang pananalitang ito: “Papahirin niya [ni Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na. At ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: . . . ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ ”—Apocalipsis 21:4, 5.
Alam ng mga Saksi ni Jehova na ang Bibliya ay isang aklat ng maaasahang hula. At sila’y lubos na sumasang-ayon sa payo ni apostol Pedro: “Taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak; at mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa ang araw ay magbukang-liwayway at ang bituing pang-araw ay sumikat, sa inyong mga puso.” (2 Pedro 1:19) Taimtim kaming umaasa na mapalalakas ang iyong loob dahil sa mga kahanga-hangang pag-asang inihahandog ng hula ng Bibliya para sa hinaharap!
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 6]
ANG DAMBANA NG DELPHI ang pinakatanyag sa sinaunang Gresya.
Naupo ang babaing-pari sa isang bangkito at inusal ang mga kasagutan ng kaniyang orakulo
[Mga larawan]
Ang nakalalangong singaw ay nagpangyari sa babaing-pari na makadama ng masidhing kagalakan
Ang mga ungol na kaniyang inuusal ay pinaniniwalaang naglalaman ng mga kapahayagan mula sa diyos na si Apolo
[Credit Lines]
Bangkito: Mula sa aklat na Dictionary of Greek and Roman Antiquities; Apolo: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga prediksiyong ibinibigay sa dambana ng Delphi ay ganap na di-maaasahan
[Credit Lines]
Delphi, Gresya
[Mga larawan sa pahina 8]
Maaari kang magkaroon ng lubos na pagtitiwala sa hula ng Bibliya hinggil sa bagong sanlibutan