Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Nagpakilala sa Madla ang mga Saksi sa Pransiya
MULA noong madaling-araw ng Biyernes, Enero 29, 1999, at nagpatuloy hanggang sa dulo ng sanlinggo, masiglang namahagi ang mga Saksi ni Jehova sa Pransiya sa mga lansangan at nang dakong huli sa bahay-bahay, ng 12 milyong kopya ng isang pulyetong pinamagatang Mga Mamamayan ng Pransiya, Dinadaya Kayo! Bakit nagkaroon ng ganitong kampanya?
Sa isang press conference sa Paris noong Biyernes ng umagang iyon, ibinigay ang dahilan para sa kampanya. Ganito ang paliwanag ng isang tagapagsalitang Saksi: “Ang nais namin sa pagkakataong ito ay ipakilala ang aming sarili at patahimikin ang mapanirang-puri na pananalitang ikinakalat tungkol sa amin. Handa kaming tumanggap ng pagpuna, subalit hindi na namin pakikinggan ang mga kasinungalingan at mga komento na nakapipinsala sa aming reputasyon.”
Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ang pangatlong pinakamalaking relihiyong Kristiyano sa Pransiya, maraming anak ng mga Saksi ang ininsulto at niligalig sa paaralan. Nawalan ng trabaho ang mga nasa hustong gulang at pinagbantaan dahil sa kanilang relihiyon. Hindi kapani-paniwala, kahit na ang relihiyosong mga abuloy na tinanggap nila ay tinasahan ng 60-porsiyentong buwis. Paano hinarap ng kampanya ang diskriminasyong ito?
Ipinahayag ng pulyeto: “Ang 250,000 Saksi ni Jehova at ang kanilang mga kasamang nakatira sa Pransiya ay TUMUTUTOL sa bagay na ang kanilang relihiyon, na umiral na sa Pransiya mula pa noong 1900, ay buong-panlilinlang na ibinibilang sa mapanganib na mga sekta mula noong 1995. . . . TUMUTUTOL sa palagiang panliligalig na ginagawa sa kanila.” Inilantad ang mapanirang-puring mga paratang na ipinatungkol sa mga Saksi sa Pransiya at ang tusong mga paraan na ginamit ng mga maninirang-puri upang gumawa ng negatibong publisidad. Ang pulyeto ay nagtapos sa pagsasabing: “Ngayon, mahigit sa dalawang milyong Saksi ni Jehova at ang kanilang mga kasama ay nakatira sa Europa. Iginagalang nila ang mga batas ng mga Estado na doo’y mga mamamayan sila sa pamamagitan ng pagtataguyod sa mga pamantayan ng Ebanghelyo. Mga tao sa Pransiya, ito ang katotohanan. Tungkulin namin na iharap ang totoo!”
Mabilis at Positibong Pagtugon
Milyun-milyong pulyeto ang naibigay noong unang araw. Sa Paris lamang, pagsapit ng tanghali, mahigit na 7,000 Saksi ang nakapagpasakamay ng mahigit na 1.3 milyong pulyeto sa mga tao. Tiyak na kauna-unahang pagkakataon ito na makita ng mga tao ang napakaraming Saksi na namamahagi ng mga pulyeto sa mga lansangan. Kasiya-siya ang reaksiyon ng media, pati na ang pambansa at lokal na mga pahayagan at telebisyon, sa kampanya. Ganito ang sabi ng pahayagang Le Progrès de Lyon: “Inilalantad ng panimulang hakbang na ito . . . ang maling pagkaunawa tungkol sa isang salita. Sa nakalipas na sampung taon, ang salitang ‘sekta’ . . . ay nagkaroon ng isang masama, mapanganib, at nakapipinsalang kahulugan. . . . Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang panganib upang magbagsak ng lipunan.”
Pinahahalagahan niyaong mga nakakakilala sa mga Saksi ni Jehova ang kanilang mapayapang katangian at ang kanilang matinding paggalang sa tatag na kaayusang panlipunan. Kaya, marami sa mga nasa lansangan ang nagpahayag ng kanilang pagpapahalaga at suporta sa sampu-sampung libong Saksi na nakibahagi sa kampanya. Natanggap halos karaka-raka ang mga tawag sa telepono, mga fax, at mga sulat mula sa mga taong nagpapasalamat sa pulyeto. Higit sa lahat, nabigyan ng pagkakataon ang mga taong taimtim na marinig ang mga katotohanan tungkol sa mga Saksi na nagpapabulaan sa walang-katotohanan at walang-saysay na mga pananalita, at para sa mga taong ang paniniwala’y sinisiraang puri, naipakita nila ang kanilang damdamin sa kung ano ang mahalaga sa kanila.