Kung Bakit Napakahalaga ng mga Tract sa Ating Ministeryo Ngayon
1 Noong Enero 1, 1991, isyu ng Ang Bantayan, pahina 30, may isang karanasang ang pamagat ay: “Siya’y Nakakuha ng Tract sa Riles.” Isinaysay nito ang isang kapatas ng isang perokaril na nakasumpong ng isa sa ating mga tract na nakaipit sa riles. Karakaraka niyang binasa ang tract at pagkatapos ay sinabi sa kaniyang manugang: “Ngayon ay nasumpungan ko na ang katotohanan!” Kapuwa sila pumidido ng karagdagan pang mga literatura at pinag-aralan iyon. Ngayon, mahigit na isang daan sa kanilang mga inapo ang aktibo sa katotohanan.
2 Samantalahing Mabuti ang mga Pagkakataon: Isang kabataang Saksi ang nakapansin na ang kaniyang guro ay nalulungkot dahilan sa kamatayan ng kaniyang biyanang babae. Ang kabataang kapatid na babaeng ito ay sumulat sa kaniyang guro ng isang nakakaaliw na sulat at naglakip ng tract na Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal? Ang guro ay sumulat ng pasasalamat at nakipag-usap sa ating kabataang kapatid. Ngayon ang gurong ito ay palagiang tumatanggap ng mga magasin mula sa kaniya.
3 Ang ilang mga mamamahayag na nagpapatotoo sa isang lansangang patungo sa sementeryo ay nakakita ng mga taong nagpipinta ng mga nitso. Inalok sila ng mga mamamahayag ng mga tract. Nang sumunod na araw ay pista opisyal anupat maraming tao ang dumadalaw sa sementeryo, kung kaya tumayo ang mga mamamahayag sa pasukan ng sementeryo at nag-alok ng mga tract. Mahigit sa limang daang tract ang nailagay. Noong sumunod na taon, muling nagbalik ang mga mamamahayag at namahagi ng mahigit sa isang libong tract. Isang lalake ang nakabasa ng tract at bago umalis ay nagsabi sa mamamahayag: “May isa na nais kong makabasa ng mensaheng ito. Maaari bang makahingi ng isa pa?”
4 Kapag nakikipag-usap nang impormal sa iba, maging mga estranghero o mga kakilala, dapat nating pagsikapang gumamit ng maikling pananalita na maaaring umakay sa pagtalakay sa isa sa walong tract na taglay natin ngayon. Ito’y maaaring gawin samantalang nakikipag-usap sa mga kapitbahay, habang namimili o naghihintay sa kausap, o habang dumadalaw sa mga kamag-anak.
5 Bakit Mabisa: Ang mga tract ay makulay at maikli. Ang mga maybahay ay hindi nangangamba, na parang obligado silang gumawa ng puspusang pagbabasa. Gayunman, ang mensahe ay ganap na nakapagtuturo. Ang mambabasa ay nakakakuha ng buong-buong pangmalas ng Kasulatan hinggil sa paksa sa tract. Pagkatapos basahin ang tract na Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan, isang kabataang lalake ang nagpahayag: “Hindi ako kailanman nakarinig ng gayong nakapagpapatibay na impormasyon hinggil sa kalagayan ng daigdig!”
6 Nasumpungan ng maraming mamamahayag na nakatutulong ang mga tract sa pagpapasimula ng pag-uusap sa bahay-bahay. Napakaraming mga pag-aaral ang ngayo’y idinaraos na napasimulan sa pamamagitan ng isang tract. Sa pahina 4 ng isyung ito ng Ating Ministeryo sa Kaharian, may ilang praktikal na mungkahi kung papaano gagamitin nang mabisa ang mga tract. Oo, ang mga tract ay maliit lamang ngunit mahalagang kasangkapan para sa ating ministeryo.