Gamitin ang mga Tract Upang Pasimulan ang mga Pakikipag-usap
1 Hindi ba kayo sasang-ayon na ang pagbibigay ng mabisang patotoo ay nakadepende nang malaki sa inyong pagkukusang simulan ang pakikipag-usap? Ang hamon ay ang pagsasabi ng bagay na kukuha ng interes ng tao upang siya’y makipag-usap. Subalit paano ito magagawa sa mabisang paraan?
2 Nasumpungan ng maraming mamamahayag na sa pamamagitan ng ilang piling salita at pag-aalok ng isa sa ating salig sa Bibliyang mga tract ay maaaring mapasimulan ang pakikipag-usap. Ang mga pamagat nito ay nakatatawag ng pansin, at ang mga ilustrasyon ay makulay at nakakaakit. Ang tract ay hindi nakabibigla sa isang tao, na nagbibigay ng impresyon na masyadong maraming impormasyon ang kailangang basahin. Gayunman, ang maikling mensahe sa mga tract ay kapana-panabik at maaaring gamitin tungo sa isang pag-aaral sa Bibliya.
3 Ganito ang personal na nadama ng isang Saksi: “Sa ganitong abalang daigdig, kadalasa’y hindi gusto ng mga tao na gumugol ng maraming panahon sa pagbabasa, subalit ang mga tract ay sapat lamang ang haba para makapagbigay ng isang mahalagang mensahe gayunma’y hindi masyadong mahaba upang itaboy ang mga tao bago man lamang nila tingnan ito. Binasa ko ang marami sa mga tract, at sa wakas ay natutuhan ko ang katotohanan.” Kailanma’y huwag maliitin ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos gaya ng pagpapaliwanag sa maiikli, nakalimbag na mga mensaheng ito.—Heb. 4:12.
4 Apat na Madadaling Hakbang: Marami ang nagtagumpay sa pamamagitan ng paggamit ng isang simpleng pamamaraan. (1) Ipakita sa isang tao ang ilang tract at itanong sa kaniya kung alin ang gusto niya. (2) Pagkatapos na makapili ang tao, itanong sa kaniya ang isang inihandang tanong na nagtatampok sa isang pangunahing punto sa tract. (3) Bilang sagot sa katanungan, basahin ang isang angkop na parapo o teksto mula sa tract. (4) Kung nakatanggap kayo ng mabuting pagtugon, patuloy na ipakipag-usap ang mga nilalaman ng tract o bumaling sa isang leksiyon sa brosyur na Hinihiling o sa isang kabanata ng aklat na Kaalaman na nagbibigay ng karagdagang mga komento. Sa ganitong paraan ay maaari kayong magtungo sa mismong pag-aaral sa Bibliya. Ang sumusunod na mga mungkahi ay tutulong sa inyo na maihanda kung ano ang sasabihin sa paggamit ng apat na tract.
5 Ang pamagat ng tract ay maaaring iharap bilang isang katanungan. “Sino Talaga ang Nagpupuno sa Sanlibutan?”
◼ Kung bilang sagot ay sinabi ng taong kausap ninyo na “Diyos” o “Hindi ko alam,” basahin ang dalawang pangungusap sa pasimula ng pahina 2 at ang unang parapo sa pahina 3. Itampok ang 1 Juan 5:19 at ang Apocalipsis 12:9. Nag-aalinlangan man o hindi ang tao sa pag-iral ni Satanas na Diyablo o kinikilalang hawak niya ang sanlibutan, maaari ninyong gamitin ang linya ng pangangatuwirang masusumpungan sa ilalim ng subtitulong “Isang Pahiwatig Buhat sa mga Kalagayan ng Sanlibutan” upang maipagpatuloy ang pag-uusap. Kung nagpakita ng interes, hilinging maipaliwanag pa kung saan nagmula ang Diyablo, na ginagamit ang mga punto sa mga pahina 3 at 4 ng tract.
6 Ang tract na “Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal?” ay maaaring makaantig ng kagyat na interes. Maaari ninyong pasimulan ang pag-uusap sa pagtatanong ng:
◼ “Sa palagay ba ninyo’y makikita pa nating muli ang ating namatay na mga minamahal?” Pagkatapos na tumugon ang tao, ipakita ang ikalawang parapo sa pahina 4 ng tract at basahin ang Juan 5:28, 29. Pagkatapos ay ipaliwanag na ito’y nakatutulong upang maunawaan ang impormasyon sa ilalim ng unang subtitulo sa tract. Aluking talakayin ito nang magkasama.
7 Ang tract na “Tamasahin ang Buhay Pampamilya” ay nakakaakit sa lahat ng pamilya. Sa paggamit nito, maaari ninyong sabihin:
◼ “Marahil ay sasang-ayon kayo na ang pamilya ay winawasak ngayon. Ano sa palagay ninyo ang mabuting gawin upang mapatibay ang buklod ng pamilya?” Pagkatapos tumugon ng tao, akayin ang kaniyang pansin sa mga punto sa unang parapo sa pahina 6. Pumili ng isa sa mga teksto na sinipi sa pahina 4 at 5 ng tract, at ipaliwanag kung ano ang kahulugan nito. Pagkatapos ay ialok ang isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
8 Ang tract na “Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya” ay maaaring gamitin sa ganitong presentasyon:
◼ “Narinig na ng karamihan sa mga tao ang istorya nina Cain at Abel, na masusumpungan sa unang aklat ng Bibliya. Ang ulat sa Genesis ay tumutukoy rin sa asawa ni Cain. Naisip na ba ninyo kung saan siya nanggaling?” Gamitin ang huling parapo sa pahina 2 ng tract upang ibigay ang kasagutan. Ipaliwanag na tinatalakay rin ng tract ang mahahalagang komento ng Bibliya hinggil sa kung ano ang ating magiging kinabukasan. Pasimula sa ikatlong parapo sa pahina 5, magpatuloy sa pagtalakay, na ginagamit ang umaalalay na mga teksto.
9 Ang pamamahagi ng mga tract sa Bibliya ay subok na sa panahon at mabisang paraan ng paghaharap ng mabuting balita. Palibhasa’y madaling dalhin saanman kayo pumunta, maaari ninyong gamitin nang mabisa ang mga ito sa gawain sa bahay-bahay at kapag nagpapatotoo nang di-pormal. Ang mga tract ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagsasagawa ng ating ministeryo. Tiyaking magdala ng sari-saring klase, at lubusang gamitin ito upang pasimulan ang mga pakikipag-usap.—Col. 4:17.