Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 8/1 p. 26-31
  • Malugod na Tinatanggap ang Patnubay ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malugod na Tinatanggap ang Patnubay ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbabago sa Aking Pinagtutuunan ng Pansin sa Buhay
  • Mahalagang Pagsasanay Bilang mga Payunir
  • Nagboluntaryong Maglingkod sa Banyagang Lupain
  • Sa Pagitan ng Washington at Gilead
  • Paglilingkod sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan
  • Pagiging Regular sa Gilead
  • Paggawang Kasama ng mga Estudyante
  • Pagtingin sa Hinaharap
  • Isang Bagong Tahanan Para sa Paaralang Misyonero ng Gilead
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Paaralang Gilead—50 Taóng Gulang at Patuloy Pang Umuunlad!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pinasigla ng mga Misyonero ang Pandaigdig na Paglawak
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Higit Pang mga Misyonero Para sa Pandaigdig na Pag-aani
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 8/1 p. 26-31

Malugod na Tinatanggap ang Patnubay ni Jehova

AYON SA SALAYSAY NI ULYSSES V. GLASS

Iyon ay isang pambihirang okasyon. Mayroon lamang 127 estudyanteng magtatapos sa klase, subalit ang dumalo ay 126,387 nananabik na tagapakinig, na nanggaling pa sa iba’t ibang bansa. Iyon ang gradwasyon ng ika-21 klase ng Watchtower Bible School of Gilead, na ginanap sa Yankee Stadium ng New York City noong Hulyo 19, 1953. Bakit gayon na lamang kahalaga ang okasyong iyon sa aking buhay? Hayaan ninyong ikuwento ko ang mga pangyayari sa likod nito.

AKO ay isinilang sa Vincennes, Indiana, E.U.A., noong Pebrero 17, 1912, mga dalawang taon bago isilang ang Mesiyanikong Kaharian, gaya ng inilarawan sa Apocalipsis 12:1-5. Bago ang taóng ito, ang aking mga magulang ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya at ng mga tomo ng Studies in the Scriptures. Tuwing Linggo ng umaga, binabasa ni Itay sa pamilya ang isa sa mga aklat na iyon, at pagkatapos ay pinag-uusapan namin ito.

Ginamit ni Inay ang kaniyang natututuhan upang tulungang hubugin ang isipan ng kaniyang mga anak. Napakabuti niyang tao​—napakabait at talagang bukal sa puso kung tumulong. Apat kami na naging anak nila, subalit ang pag-ibig ni Inay ay umabot hanggang sa mga bata sa aming pamayanan. Gumugol siya ng panahon sa amin. Nasisiyahan siyang maglahad sa amin ng mga kuwento sa Bibliya at umawit na kasabay namin.

Inanyayahan din niya sa aming tahanan ang iba’t ibang tao na naglilingkod noon nang buong-panahon sa ministeryo. Mga isa o dalawang araw lamang sila sa amin, na kadalasan ay nagdaraos ng mga pulong at nagbibigay ng mga pahayag sa aming tahanan. Mas nagugustuhan namin yaong mga gumagamit ng ilustrasyon at nagkukuwento sa amin. Minsan noong 1919, mga isang taon pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, partikular na ipinatungkol ng dumadalaw na kapatid ang kaniyang mga komento sa amin na mga bata. Tinalakay niya ang tungkol sa pagtatalaga​—na ngayon ay mas wasto nating tinutukoy bilang pag-aalay​—at tinulungan kaming maunawaan kung paano nito naapektuhan ang aming buhay. Noong gabing iyon nang ako ay matutulog na, nanalangin ako sa aking makalangit na Ama at sinabi ko sa kaniyang gusto ko siyang paglingkuran sa tuwina.

Gayunman, pagkaraan ng 1922, waring isinasaisantabi ng ibang álalahanín sa buhay ang kapasiyahang iyon. Nagpalipat-lipat kami sa iba’t ibang lugar at nawalan na ng pagkakataong makisama sa isang kongregasyon ng bayan ni Jehova. Si Itay ay nasa malayo dahil sa kaniyang trabaho sa riles ng tren. Ang aming pag-aaral ng Bibliya ay hindi na palagian. Kumuha ako ng kurso sa paaralan taglay ang hangaring maging isang dibuhista sa pag-aanunsiyo at nagplanong makapag-aral sa isang mahusay na pamantasan.

Pagbabago sa Aking Pinagtutuunan ng Pansin sa Buhay

Sa kalagitnaan ng dekada ng 1930, ang daigdig ay patungo na naman sa pangglobong digmaan. Kami ay nakatira sa Cleveland, Ohio, nang isang Saksi ni Jehova ang kumatok sa aming pintuan. Nagsimula kaming mag-isip nang seryoso tungkol sa aming natutuhan nang kami’y bata pa. Ang aking kuya, si Russell, ay higit na seryoso, at siya ang unang nagpabautismo. Ako naman ay hindi ganoong kaseryoso, pero noong Pebrero 3, 1936, nagpabautismo rin ako. Lumago ang aking pagkaunawa sa kung ano ang nasasangkot sa pag-aalay kay Jehova, at natutuhan kong tanggapin ang patnubay ni Jehova. Nang taon ding iyon, ang aking dalawang kapatid na babae, sina Kathryn at Gertrude, ay nagpabautismo rin. Kaming lahat ay pumasok sa buong-panahong paglilingkuran bilang mga payunir.

Gayunman, hindi iyon nangangahulugan na hindi na kami nag-isip kailanman ng iba pang bagay. Nanindig ang aking mga tainga nang sabihin sa akin ng aking hipag ang tungkol sa isang napakagandang babae na nagngangalang Ann na “napakasigla” mula nang marinig niya ang katotohanan at na dadalo sa mga pulong sa aming bahay. Nang panahong iyon, si Ann ay nagtatrabaho sa isang tanggapan ng abogado, at nabautismuhan siya sa loob ng isang taon. Wala pa sana akong planong mag-asawa noon, pero maliwanag na si Ann ay 100 porsiyentong panig sa katotohanan. Gusto niya na lubusang makibahagi sa paglilingkod kay Jehova. Kailanman ay hindi siya nagsabi na, “Kaya ko kaya iyon?” Sa halip, itinatanong niya, “Ano kaya ang pinakamabuting paraan upang magawa ko iyon?” At determinado siyang tapusin iyon. Ang gayong positibong pangmalas ay nakaakit sa akin. Bukod dito, siya ay napakaganda, at gayon pa rin siya hanggang ngayon. Siya ang naging asawa ko, at di-nagtagal ay naging kapareha ko siya sa pagpapayunir.

Mahalagang Pagsasanay Bilang mga Payunir

Bilang mga payunir, natuklasan namin ang sekreto kung paano magiging kontento kapuwa kapag kami ay kulang sa panustos at kapag kami ay nananagana. (Filipos 4:11-13) Isang araw ay gumagabi na, at wala man lamang kaming makakain. Mayroon na lamang kaming limang sentabo. Pumunta kami sa isang tindahan ng karne, at nagtanong ako, “Puwede mo ba kaming pagbilhan ng limang sentabo ng bologna?” Tumingin siya sa amin at pagkatapos ay humiwa ng apat na piraso. Sigurado akong hindi lamang limang sentabo ang halaga niyaon, at iyon ang naging pagkain namin.

Karaniwan na ang mapaharap sa matinding pagsalansang habang isinasagawa namin ang aming ministeryo. Sa isang bayan malapit sa Syracuse, New York, kami ay namahagi ng mga pulyeto sa lansangan at nagsuot ng mga plakard upang pumukaw ng pansin para sa isang pantanging pulong pangmadla. Dalawang malalaking tao ang sumunggab sa akin at naging marahas. Ang isa ay isang pulis, subalit hindi siya nakauniporme, at hindi niya pinansin ang aking kahilingan na makita ang kaniyang tsapa. Nang oras na iyon, dumating si Grant Suiter mula sa Brooklyn Bethel at nagsabi na sasama kami sa istasyon ng pulisya upang pag-usapan iyon. Pagkatapos ay tinawagan niya sa telepono ang tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, at kaming dalawa ay sinabihan na lumabas muli sa araw ring iyon na may mga plakard at pulyeto upang maging saligan na pagbabatayan ng kaso. Gaya ng inaasahan, kami ay inaresto. Gayunman, nang sabihan namin ang mga pulis na ihahabla namin sila dahil sa hindi makatarungang pag-aresto, pinakawalan nila kami.

Kinabukasan ay nilusob ng isang pangkat ng mararahas na tin-edyer ang dakong pinagdarausan namin ng asamblea dahil sa sulsol ng isang pari, at hindi namin mahagilap ang mga pulis. Inihampas ng mga sanggano ang mga bat ng beysbol sa sahig na kahoy, inihulog mula sa upuan ang ilan sa mga tagapakinig, at umakyat sa plataporma, kung saan itinaas nila ang isang watawat ng Amerika at sumigaw, “Saluduhan ito! Saluduhan ito!” Pagkatapos ay nagsimula silang umawit ng “Beer Barrel Polka.” Lubusan nilang sinira ang pulong. Personal naming naranasan ang ibig sabihin ni Jesus ng kaniyang sabihin: “Sapagkat kayo ay hindi bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ang sanlibutan ay napopoot sa inyo.”​—Juan 15:19.

Ang totoo, ang pahayag pangmadla ay isang inirekord na diskurso ni J. F. Rutherford, na siyang presidente noon ng Samahang Watch Tower. Kami ni Ann ay namalagi sa bayang iyon sa loob ng ilang araw at dumalaw sa mga tao upang mag-alok sa kanila ng pagkakataong marinig ang pahayag sa kanilang mga tahanan. May ilang tumanggap sa alok na iyon.

Nagboluntaryong Maglingkod sa Banyagang Lupain

Nang maglaon, nabuksan ang mga bagong larangan ng paglilingkod. Ang aking kapatid, si Russell, at ang kaniyang kabiyak, si Dorothy, ay magkasamang inanyayahan upang mag-aral sa unang klase ng Paaralang Gilead, noong 1943, at pagkatapos ay ipinadala sila bilang mga misyonero sa Cuba. Ang aking kapatid na si Kathryn ay kabilang sa ikaapat na klase. Siya man ay inatasan sa Cuba. Nang maglaon ay inilipat ang kaniyang atas sa Dominican Republic at pagkatapos ay sa Puerto Rico. Kumusta naman kaming dalawa ni Ann?

Nang marinig namin ang tungkol sa Paaralang Gilead at ang bagay na nais ng Samahan na magpadala ng mga misyonero sa ibang lupain, nadama namin na gusto naming magboluntaryo para maglingkod sa banyagang lupain. Sa simula, inisip naming kami na mismo sa aming sarili ang lumipat, marahil sa Mexico. Subalit pagkatapos ay naipasiya namin na marahil ay mas maigi kung maghihintay kami at hahayaang ang Samahan ang mag-atas sa amin pagkatapos naming mag-aral sa Paaralang Gilead. Natanto namin na ito ang kaayusang ginagamit ni Jehova.

Kami ay inanyayahan sa ikaapat na klase ng Paaralang Gilead. Subalit nang magsisimula na ang klase, naging lalong maliwanag kay N. H. Knorr, na siyang presidente noon ng Samahang Watch Tower, ang limitasyon ni Ann dahil sa nagkapolyo siya nang bata pa. Kinausap niya ako tungkol dito at ipinasiya na hindi makabubuti na kami ay ipadala sa ibang lupain upang maglingkod doon.

Pagkalipas ng mga dalawang taon, habang ako’y nakikibahagi sa gawaing paghahanda para sa kombensiyon, nakita uli ako ni Brother Knorr at tinanong kung interesado pa rin kaming mag-aral sa Gilead. Sinabi niya sa akin na hindi kami aatasan sa banyagang lupain; mayroon siyang ibang naiisip. Kaya nang ang ikasiyam na klase ay magparehistro noong Pebrero 26, 1947, kami ay napabilang sa lupon ng mga estudyante.

Ang mga araw na iyon sa Gilead ay hindi kailanman malilimutan. Ang mga kurso ay mayaman sa espirituwal na mga bagay. Nagkaroon kami ng habambuhay na mga kaibigan. Subalit ang kaugnayan ko sa paaralan ay humigit pa roon.

Sa Pagitan ng Washington at Gilead

Ang Paaralang Gilead ay halos bago pa noon. Hindi sapat ang nalalaman ng pamahalaan ng Estados Unidos sa mga layunin ng paaralan, kaya maraming tanong ang ibinabangon. Gusto ng Samahan na magkaroon ng kinatawan sa Washington, D.C. Doon kami ipinadala pagkaraan ng ilang buwan pagkatapos ng aming gradwasyon sa Gilead. Ako ay tutulong sa pagkuha ng mga visa para sa mga inanyayahang mag-aral sa Gilead na taga-ibang bansa at sa pagkuha ng legal na mga dokumento upang ang mga nagtapos ay maipadala sa ibang lupain para sa gawaing pagmimisyonero. Ang ilang opisyal ay napakababait at matulungin. Ang iba naman ay kontrang-kontra sa mga Saksi. Iginiit ng ilan na lubhang makapulitika ang pangmalas na mayroon kaming kaugnayan sa mga kilusan na itinuturing nilang masama.

Isang lalaki na pinuntahan ko sa kaniyang tanggapan ang labis na tumuligsa sa amin dahil hindi kami sumasaludo sa watawat o nakikipagdigma. Pagkatapos na magsisigaw siya tungkol doon nang ilang sandali, sa wakas ay sinabi ko: “Gusto kong ipaalam sa inyo, at alam kong alam ninyo, na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikipagdigma sa kaninumang tao sa daigdig. Hindi kami nakikialam sa mga gawain ng daigdig. Hindi kami nakikialam sa kanilang digmaan at sa kanilang pulitika. Kami ay lubusang neutral. Nalutas na namin ang mga problema na inyong nilulutas; kami ay nagkakaisa sa aming organisasyon. . . . Ngayon, anong gusto ninyong gawin namin? Gusto ba ninyong magbalik kami sa inyong paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay at kalimutan ang sa amin?” Hindi na siya nagsalita pagkatapos noon.

Dalawang buong araw sa isang linggo ang iniuukol para sa gawain sa mga tanggapan ng pamahalaan. Bukod dito, naglilingkod kami bilang mga special pioneer. Noon, nangangahulugan ito ng paggugol ng 175 oras sa ministeryo sa larangan bawat buwan (nang maglaon ay binago ito tungo sa 140 oras), kaya madalas ay naglilingkod kami hanggang sa kalaliman ng gabi. Masaya kami. Nakapagdaos kami ng maraming maiinam na pag-aaral sa Bibliya sa mga pami-pamilya, at mabibilis ang kanilang pagsulong. Ipinasiya namin ni Ann na huwag nang mag-anak, subalit sa espirituwal na diwa, nagkaroon kami hindi lamang ng mga anak kundi ng mga apo at mga apo-sa-tuhod din naman. Kay laking kagalakan ang dulot nila sa aming puso!

Sa bandang katapusan ng 1948, nakatanggap ako ng karagdagang atas. Ipinaliwanag ni Brother Knorr na si Brother Schroeder, ang tagapagrehistro at isa sa mga instruktor sa Paaralang Gilead, ay magiging abala sa ibang mahalagang gawain, kaya hiniling sa akin na ako ang magturo sa mga klase sa Gilead kung kinakailangan. Taglay ang pangamba, nagbalik ako sa Gilead, sa South Lansing, New York, kasama si Ann noong Disyembre 18. Sa simula, ilang linggo lamang ang aming inilalagi sa Gilead, at pagkatapos ay umuuwi kami sa Washington. Gayunman, nang dakong huli ay mas marami na ang panahong inilalagi ko sa Gilead kaysa sa Washington.

Sa panahong ito, gaya ng binanggit ko sa pasimula, nagtapos ang ika-21 klase ng Gilead sa Yankee Stadium sa New York. Kaya bilang isa sa mga instruktor, ako ay nagkapribilehiyo na maging bahagi ng programa ng gradwasyong iyon.

Paglilingkod sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan

Noong Pebrero 12, 1955, isa pang atas sa paglilingkod ang nabuksan sa amin. Kami ay naging miyembro ng pamilyang Bethel sa pandaigdig na punong-tanggapan ng nakikitang organisasyon ni Jehova. Subalit ano ang kasangkot nito? Pangunahin na, ang pagiging handang gumawa anuman ang iatas sa amin, anupat nakikibahagi sa mga proyekto na nangangailangan ng pakikipagtulungan sa iba. Sabihin pa, nagawa na namin iyon noong una, subalit ngayon ay magiging bahagi kami ng isang mas malaking grupo​—ang pamilyang Bethel ng punong-tanggapan. Malugod naming tinanggap ang bagong atas na ito bilang isang katibayan ng patnubay ni Jehova.

Ang pangunahing bahagi ng aking gawain ay may kaugnayan sa mga bagay na may kinalaman sa pagbabalita. Dahil sa hangaring makagawa ng malalaking istorya at dahil sa pagkuha ng impormasyon mula sa may maling akala na mga pinagmulan, ang media ay sumulat ng ilang masasamang bagay tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Sinikap naming mapabuti ang gayong situwasyon.

Gustong matiyak ni Brother Knorr na kaming lahat ay maraming ginagawa, kaya may iba pa kaming mga atas. Ang ilan sa mga ito ay nangangailangan ng kasanayan na natamo ko bilang dibuhista sa pag-aanunsiyo. Ang iba naman ay may kinalaman sa istasyon ng radyo ng Samahan, ang WBBR. May gawaing kailangang asikasuhin may kinalaman sa pelikula na ginawa ng Samahan. Sabihin pa, ang teokratikong kasaysayan ay bahagi ng kurso sa Gilead, subalit ngayon ay iba’t ibang proyekto ang isinagawa upang higit na bigyang kaalaman ang bayan ni Jehova tungkol sa mga detalye ng kasaysayang iyan ng makabagong-panahong teokratikong organisasyon at upang ipaabot din ito sa madla. Ang isa pang aspekto ng pagsasanay sa Gilead ay may kinalaman sa pagsasalita sa madla, at kailangang asikasuhin ang mga gawain upang ang mga saligang kaalaman tungkol sa pagsasalita sa madla ay higit na maipaabot sa mga kapatid sa mga kongregasyon. Kaya napakaraming dapat gawin.

Pagiging Regular sa Gilead

Noong 1961, nang malapit nang sanayin ang mga naglalakbay na tagapangasiwa at ang mga tauhan sa sangay, inilipat ang Paaralang Gilead sa Brooklyn, kung saan matatagpuan ang mga pangunahing tanggapan ng Samahang Watch Tower. Muli na naman akong bumalik sa silid-aralan​—sa pagkakataong ito ay hindi bilang kahaliling instruktor kundi bilang isang regular na miyembro ng mga guro. Kay laking pribilehiyo! Ako ay talagang kumbinsido na ang Paaralang Gilead ay isang kaloob mula kay Jehova, isang kaloob na nagbigay ng kapakinabangan sa kaniyang buong nakikitang organisasyon.

Sa Brooklyn, ang mga klase sa Gilead ay may mga oportunidad na wala noon sa mga estudyante sa nakaraang mga klase. Mas marami ang inanyayahang tagapagpanayam at malapit ang pakikipagsamahan sa Lupong Tagapamahala at malawak ang pakikisalamuha sa pamilyang Bethel sa punong-tanggapan. Posible rin sa mga estudyante na masanay sa mga pamamaraan sa tanggapan, sa pagpapatakbo sa tahanang Bethel, at sa iba’t ibang aspekto ng gawain sa pabrika.

Pabagu-bago ang bilang ng mga estudyante sa nagdaang mga taon, gayundin naman ang bilang ng mga instruktor. Ilang beses ding nagbago ang lugar ng paaralan. Ito ngayon ay nasa isang magandang kapaligiran sa Patterson, New York.

Paggawang Kasama ng mga Estudyante

Talagang malaking kagalakan ang magturo sa mga klaseng ito! Narito ang mga kabataan na hindi interesado sa gawain ng matandang sistemang ito. Iniwan nila ang kanilang pamilya, mga kaibigan, ang kanilang tahanan, at ang mga tao na kawika nila. Ang klima, ang pagkain​—lahat ay magiging iba. Ni hindi nila alam kung saang bansa sila pupunta, subalit tunguhin nila na maging mga misyonero. Hindi na ninyo kailangang ganyakin pa ang gayong uri ng mga tao.

Kapag ako ay pumapasok sa silid-aralan, ang lagi kong tunguhin ay ang maging komportable ang mga estudyante. Sinuman ay hindi madaling matututo kapag siya ay tensiyonado at nababahala. Totoo, ako nga ang instruktor, subalit alam ko kung paano maging isang estudyante. Minsan ay naupo na rin ako sa mga upuang iyon. Sabihin pa, sila’y puspusang nag-aral at natuto nang marami sa Gilead, subalit gusto ko rin naman na masiyahan sila.

Alam ko na kapag pumunta na sila sa kanilang mga atas, may ilang bagay na kakailanganin nila upang magtagumpay. Kailangan nila ang matibay na pananampalataya. Kailangan nila ang pagpapakumbaba​—nang marami nito. Kailangan nilang matutong makitungo nang mabuti sa ibang tao, tanggapin ang mga situwasyon, at malayang magpatawad. Kailangang patuloy nilang linangin ang mga bunga ng espiritu. Kailangan din nilang ibigin ang mga tao at ibigin ang gawain na iniatas sa kanila. Ito ang mga bagay na sinisikap kong ikintal sa mga estudyante samantalang sila ay nasa Gilead.

Talagang hindi ko alam kung gaano karaming estudyante na ang naturuan ko. Subalit alam ko ang nadarama ko para sa kanila. Pagkatapos gumugol ng limang buwan kasama nila sa silid-aralan, hindi ko mapigil na mapamahal sila sa akin. Pagkatapos, kapag nakikita ko silang naglalakad sa entablado at tumatanggap ng kanilang mga diploma sa araw ng gradwasyon, batid ko na matagumpay nilang natapos ang kurso at di-magtatagal ay aalis na sila. Para bang ang umaalis ay bahagi ng aking pamilya. Paanong hindi mapapamahal sa iyo ang mga taong handang ibigay ang kanilang sarili at gawin ang gawaing isasagawa ng mga kabataang ito?

Paglipas ng mga taon, kapag sila’y bumabalik upang dumalaw, naririnig kong ikinukuwento nila ang kanilang kagalakan sa paglilingkod, at alam ko na sila ay nananatili pa rin sa kanilang mga atas, na ginagawa ang mga bagay na doo’y sinanay sila. Ano ang naipadarama niyaon sa akin? Maniwala kayo, napakasarap ng pakiramdam ko.

Pagtingin sa Hinaharap

Malabo na ngayon ang aking paningin, at nararanasan ko ang pagkasiphayo na dulot nito. Hindi ko na kayang magturo sa silid-aralan ng Gilead. Sa simula, napakahirap tanggapin ang pagbabagong iyon, subalit sa buong buhay ko ay natutuhan ko nang tanggapin ang mga situwasyon at mamuhay ayon sa mga ito. Madalas kong naiisip si apostol Pablo at ang kaniyang “tinik sa laman.” Tatlong beses na idinalangin ni Pablo na alisin sa kaniya ang pasakit na iyon, subalit sinabi sa kaniya ng Panginoon: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” (2 Corinto 12:7-10) Si Pablo ay patuloy na namuhay na taglay ito. Kung nagawa niya ito, kailangang gawin ko rin. Bagaman hindi na ako nagtuturo, nagpapasalamat ako at nakikita ko pa ring pumapasok at lumalabas ang mga estudyante bawat araw. Kung minsan nagagawa kong makipag-usap sa kanila, at nagdudulot ng kagalakan sa aking puso kapag naaalaala ko ang mainam na espiritu na ipinakita nila.

Napakagandang nilay-nilayin ang kinabukasang darating. Inilalatag na ngayon ang saligan. May malaking bahaging ginagampanan dito ang Gilead. Pagkatapos ng malaking kapighatian, kapag ang mga balumbon na tinukoy sa Apocalipsis 20:12 ay binuksan na, magkakaroon ng higit pang puspusang pagtuturo tungkol sa mga daan ni Jehova sa loob ng sanlibong taon. (Isaias 11:9) Subalit hindi pa rin iyon ang wakas. Iyon pa lamang ang talagang pasimula. Hanggang sa magpakailanman, napakarami pang matututuhan tungkol kay Jehova at napakarami rin ang gagawin habang nakikita nating natutupad ang kaniyang mga layunin. Ako ay lubusang nagtitiwala na isasakatuparan ni Jehova ang lahat ng dakilang pangako na kaniyang ginawa, at gusto kong naroon ako upang tanggapin ang patnubay na ibibigay sa atin ni Jehova sa panahong iyon.

[Larawan sa pahina 26]

Ang gradwasyon sa Gilead sa Yankee Stadium ng New York noong 1953

[Larawan sa pahina 26]

Si Gertrude, ako, si Kathryn, at si Russell

[Larawan sa pahina 26]

Gumagawang kasama nina N. H. Knorr (sa dulong kaliwa) at M. G. Henschel sa pag-oorganisa ng kombensiyon

[Larawan sa pahina 26]

Sa loob ng istudyo sa pagsasahimpapawid na WBBR

[Larawan sa pahina 29]

Sa loob ng silid-aralan ng Gilead

[Larawan sa pahina 31]

Kasama si Ann, hindi pa natatagalan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share