Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 8/15 p. 10-13
  • Pilosopiyang Griego—Pinaunlad ba Nito ang Kristiyanismo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pilosopiyang Griego—Pinaunlad ba Nito ang Kristiyanismo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Judaismong Ginawang Heleniko”
  • “Helenismong Itinulad sa Kristiyanismo”
  • “Kristiyanismong Ginawang Heleniko” at“Pilosopiyang Kristiyano”
  • Nakasásamáng mga Bagay na Marumi
  • Ang Katotohanan
  • Ang Ideya ay Pumasok sa Judaismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam
    Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay?
  • Ang mga Ama ng Simbahan—Mga Tagapagtaguyod ba ng Katotohanan ng Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Plato
    Gumising!—2013
  • Buhay Pagkatapos ng Kamatayan—Ano ang Paniniwala ng mga Tao?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 8/15 p. 10-13

Pilosopiyang Griego​—Pinaunlad ba Nito ang Kristiyanismo?

“Bagaman salansang sa paganong kultura na Griego at Romano, ang totoo ay tinanggap ng Kristiyanismo ang maraming pilosopiya ng sinaunang Griego at Romano.”​—The Encyclopedia Americana.

SA MGA may tiyak na impluwensiya sa kaisipang “Kristiyano,” si “San” Agustin ang may di-matututulang posisyon. Ayon sa The New Encyclopædia Britannica, ang “isip [ni Agustin] ang dako na doo’y lubusang nagsanib ang relihiyon ng Bagong Tipan at ang Platonikong tradisyon ng pilosopiyang Griego; at ito rin ang paraan kung saan ang resulta ng pagsasanib na ito ay nailipat sa Sangkakristiyanuhan ng Katolisismong Romano noong Edad Medya at ng Protestantismo noong panahon ng Renaissance.”

Tunay na namamalagi ang pamana ni Agustin. Sa pagbanggit sa lawak ng impluwensiya ng pilosopiyang Griego sa Sangkakristiyanuhan, ganito ang sabi ni Douglas T. Holden: “Lubhang napasanib ang pilosopiyang Griego sa teolohiyang Kristiyano anupat ito’y nagpalaki ng mga indibiduwal na may siyamnapung porsiyentong kaisipang Griego at sampung porsiyentong kaisipang Kristiyano.”

Matibay ang paniniwala ng ilang iskolar na ang impluwensiyang ito ng pilosopiya ay nakatulong sa Kristiyanismo sa pagsisimula nito, nagpaunlad sa turo nito, at ginawa itong higit na kapani-paniwala. Gayon nga ba? Paano at kailan nangyari ang impluwensiya ng pilosopiyang Griego? Sa katunayan, napaunlad o nadumhan ba nito ang Kristiyanismo?

Nagdudulot ng kaliwanagan na tuntunin ang maraming pangyayari mula noong ikatlong siglo B.C.E. hanggang noong ikalimang siglo C.E. sa pamamagitan ng pagsusuri sa apat na di-karaniwang termino: (1) “Judaismong ginawang Heleniko,” (2) “Helenismong itinulad sa Kristiyanismo,” (3) “Kristiyanismong ginawang Heleniko,” at (4) “pilosopiyang Kristiyano.”

“Judaismong Ginawang Heleniko”

Ang una, ang “Judaismong ginawang Heleniko,” ay talagang isang pagkakasalungatan. Ang orihinal na relihiyon ng mga Hebreo, na pinasimulan ng tunay na Diyos, si Jehova, ay hindi dapat mabahiran ng huwad na mga relihiyosong ideya. (Deuteronomio 12:32; Kawikaan 30:5, 6) Gayunman, mula sa simula, ang kadalisayan ng pagsamba ay nanganib na mahawa sa huwad na mga relihiyosong gawain at kaisipan na nakapaligid dito​—gaya ng impluwensiya mula sa Ehipto, Canaan, at Babilonya. Nakalulungkot sabihin, pinahintulutan ng Israel na lubhang sumamá ang tunay na pagsamba nito.​—Hukom 2:11-13.

Pagkalipas ng mga dantaon, nang ang sinaunang Palestina ay naging bahagi ng Imperyong Griego sa ilalim ni Alejandrong Dakila noong ikaapat na siglo B.C.E., ang pagsamáng ito ay lumala pa at nag-iwan ng namamalagi at unti-unting nakasisirang pamana. Kinalap ni Alejandro sa kaniyang hukbo ang mga Judio. Lubhang nakaimpluwensiya sa relihiyosong kaisipan ng mga Judio ang pakikisalamuha ng mga Judio sa kanilang bagong mananakop. Ang edukasyon sa Juda ay napasok ng kaisipang Helenistiko. Ang Mataas na Saserdoteng si Jason ay kinikilalang siyang nagtatag ng isang akademyang Griego sa Jerusalem noong 175 B.C.E. upang itaguyod ang pag-aaral tungkol kay Homer.

Kapansin-pansin, sinikap ng isang Samaritano, na sumulat noong ikalawang kalahatian ng ikalawang siglo B.C.E., na iharap ang kasaysayan ng Bibliya bilang pagsulat ng kasaysayan na ginawang Heleniko. Ang Apokripang mga aklat ng Judio, gaya ng Judith at Tobit, ay aktuwal na nagpapahiwatig ng erotikong mga alamat na Griego. Lumitaw ang maraming pilosopong Judio na nagtangkang pagtugmain ang kaisipang Griego sa relihiyong Judio at sa Bibliya.

Ang taong lubhang kinikilala rito ay si Philo, isang Judio noong unang siglo C.E. Walang pahintulot na ginamit niya ang mga doktrina ni Plato (ikaapat na siglo B.C.E.), ng mga Pythagorean, at mga Estoico. Lubhang naimpluwensiyahan ng pangmalas ni Philo ang mga Judio. Binubuod ang intelektuwal na pagpasok na ito ng kaisipang Griego sa kulturang Judio, ganito ang sabi ng Judiong awtor na si Max Dimont: “Palibhasa’y napaunlad ng kaisipan ni Plato, lohika ni Aristotle, at siyensiya ni Euclid, pinasimulang ayusin ng mga iskolar na Judio ang Torah taglay ang bagong mga ideya. . . . Sinimulan nilang idagdag ang pangangatuwirang Griego sa pagsisiwalat na Judio.”

Nang maglaon, hinalinhan ng mga Romano ang Imperyong Griego, anupat sinakop ang Jerusalem. Binuksan nito ang daan para sa higit pang malalaking pagbabago. Noong ikatlong siglo C.E., lumitaw ang pilosopiko at relihiyosong mga doktrina ng mga intelektuwal na nagsikap na paunlarin at pagsamahin ang mga ideya ni Plato, na kilala ngayon bilang Neoplatonismo. Ang pangkat na ito ng mga intelektuwal na tao ay magkakaroon ng malaking impluwensiya sa apostatang Kristiyanismo.

“Helenismong Itinulad sa Kristiyanismo”

Noong unang limang siglo ng ating karaniwang panahon, sinikap ng ilang intelektuwal na ipakita ang kaugnayan sa pagitan ng pilosopiyang Griego at nahayag na katotohanan ng Bibliya. Ganito ang binabanggit ng aklat na A History of Christianity: “Inilalarawan ng mga Kristiyanong dalubhasa sa metapisiko ang mga Griego noong mga ilang dekada bago si Kristo na puspusan subalit walang direksiyong nagpupunyaging marating ang kaalaman ng Diyos, nagsisikap, wika nga, na ilarawan sa isip si Jesus mula sa walang-saysay na pilosopiya ng mga taga-Atenas, imbentuhin ang Kristiyanismo mula sa kanilang di-sapat na kaisipang pagano.”

Si Plotinus (205-​270 C.E.), nauna sa mga intelektuwal na ito, ay gumawa ng isang sistema na pangunahin nang nasasalig sa teoriya ng mga ideya ni Plato. Ipinakilala ni Plotinus ang ideya ng isang kaluluwang hiwalay sa katawan. Ganito ang sabi ni Propesor E. W. Hopkins tungkol kay Plotinus: “Malaki ang impluwensiya ng kaniyang teolohiya . . . sa mga lider ng Kristiyanong kuru-kuro.”

“Kristiyanismong Ginawang Heleniko” at“Pilosopiyang Kristiyano”

Simula noong ikalawang siglo C.E., nagsumikap ang “Kristiyanong” mga intelektuwal na abutin ang paganong mga intelektuwal. Sa kabila ng maliwanag na babala ni apostol Pablo laban sa “walang-laman na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal” at “mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman,’ ” isinama ng mga gurong ito sa kanilang mga turo ang pilosopikong mga elemento mula sa nakapaligid na kulturang Helenistiko. (1 Timoteo 6:20) Waring ipinahihiwatig ng halimbawa ni Philo na posibleng pagtugmain ang Bibliya at ang mga ideya ni Plato.​—Ihambing ang 2 Pedro 1:16.

Sabihin pa, ang tunay na biktima ay ang katotohanan ng Bibliya. Sinikap ng mga gurong “Kristiyano” na ipakita na ang Kristiyanismo ay kasuwato ng Griego-Romanong karunungan tungkol sa kapakanan ng tao. Ginawa ni Clement ng Alexandria at ni Origen (ikalawa at ikatlong siglo C.E.) ang Neoplatonismo na pundasyon ng naging “pilosopiyang Kristiyano.” “Tinanggap naman [ni Ambrose (339-​397 C.E.), obispo ng Milan], ang pinakabagong kaalamang Griego, kapuwa Kristiyano at pagano​—lalo na ang mga akda . . . ng paganong Neoplatonikong si Plotinus.” Sinikap niyang bigyan ang edukadong mga Romano ng sinaunang Griego at Romanong bersiyon ng Kristiyanismo. Tumulad din sa kaniya si Agustin.

Pagkalipas ng isang siglo, sinubok ni Dionisio na Areopagita (tinatawag ding huwad na Dionisio), marahil ay isang mongheng taga-Sirya, na pag-isahin ang pilosopiyang Neoplatoniko at ang teolohiyang “Kristiyano.” Ayon sa isang ensayklopidiya, ang kaniyang “mga akda ay tuwirang kumiling sa pilosopiyang Neoplatoniko na umimpluwensiya sa malaking bahagi ng doktrina at espirituwalidad ng Kristiyano noong Edad Medya . . . anupat lumikha ito ng maraming aspekto sa relihiyoso at pandebosyon na katangian nito sa kasalukuyang panahon.” Anong laking paghamak nga sa babala ni apostol Pablo laban sa “pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao”!​—Colosas 2:8.

Nakasásamáng mga Bagay na Marumi

Napansin na “inuna ng mga Kristiyanong naniniwala kay Plato ang pagsisiwalat at itinuring ang pilosopiya ni Plato bilang ang pinakamagaling na instrumentong magagamit upang maunawaan at maipagtanggol ang mga turo ng Kasulatan at ang tradisyon ng simbahan.”

Si Plato mismo ay nakumbinsing may umiiral na kaluluwang imortal. Kapansin-pansin, ang isa sa pinakalitaw na huwad na turo na pumasok sa teolohiyang “Kristiyano” ay ang imortalidad ng kaluluwa. Hindi mabibigyang-katuwiran ang pagtanggap sa turong ito dahil lamang sa ginawa nitong mas kaakit-akit sa masa ang Kristiyanismo. Nang nangangaral sa Atenas, ang mismong sentro ng kulturang Griego, hindi itinuro ni apostol Pablo ang doktrina ni Plato tungkol sa kaluluwa. Bagkus, ipinangaral niya ang Kristiyanong doktrina ng pagkabuhay-muli, bagaman hindi matanggap ng marami sa mga tagapakinig niyang Griego ang kaniyang sinasabi.​—Gawa 17:22-32.

Salungat sa pilosopiyang Griego, maliwanag na ipinakikita ng Kasulatan na ang kaluluwa ay hindi taglay ng tao kundi ang tao mismo. (Genesis 2:7) Sa kamatayan, ang kaluluwa ay hindi umiiral. (Ezekiel 18:4) Sinasabi sa atin ng Eclesiastes 9:5: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran, ni mayroon pa man silang kabayaran, sapagkat ang alaala sa kanila ay nalimutan.” Hindi itinuturo sa Bibliya ang doktrina ng imortalidad ng kaluluwa.

Ang isa pang turong mapanlinlang ay may kinalaman sa mataas na katungkulan ni Jesus bago siya naging tao, ang ideya na siya’y kapantay ng kaniyang Ama. Ganito ang paliwanag ng aklat na The Church of the First Three Centuries: “Ang pinagmulan ng doktrina ng Trinidad . . . ay lubhang walang kaugnayan sa Judio at Kristiyanong Kasulatan.” Ano ang pinagmulan nito? Ang doktrina ay “nabuo, at inilakip sa Kristiyanismo, sa pamamagitan ng mga Ama ng simbahan na nagtataguyod sa ideya ni Plato.”

Tunay, habang lumilipas ang panahon at ang mga Ama ng Simbahan ay lubhang naimpluwensiyahan ng Neoplatonismo, dumami ang mga tagasunod ng mga Trinitaryo. Waring napagtugma ng pilosopiyang Neoplatoniko noong ikatlong siglo ang hindi mapagtugma​—upang magtinging isang Diyos ang tatluhang Diyos. Sa pamamagitan ng pangangatuwirang pilosopiko ay sinasabi nilang ang tatlong persona ay maaaring maging isang Diyos samantalang pinananatili ang kanilang pagkapersona!

Gayunman, malinaw na ipinakikita ng katotohanan sa Bibliya na si Jehova lamang ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jesu-Kristo ang Kaniyang nakabababang nilalang na Anak, at ang banal na espiritu ang Kaniyang aktibong puwersa. (Deuteronomio 6:4; Isaias 45:5; Gawa 2:4; Colosas 1:15; Apocalipsis 3:14) Ang doktrina ng Trinidad ay lumalapastangan sa tanging Diyos na totoo at lumilito sa mga tao, anupat inilalayo sila sa isang Diyos na hindi nila maunawaan.

Isa pang biktima ng impluwensiyang Neoplatoniko sa kaisipang Kristiyano ang salig-Bibliyang pag-asa sa milenyo. (Apocalipsis 20:4-6) Kilala si Origen sa paghatol niya sa mga milenyalista. Bakit gayon na lamang ang pagsalansang niya sa doktrinang ito na lubhang nakasalig sa Bibliya may kinalaman sa pamamahala ni Kristo sa loob ng sanlibong taon? Ganito ang sagot ng The Catholic Encyclopedia: “Dahil sa Neo-Platonismo na doo’y nakasalig ang kaniyang mga doktrina . . . , hindi makapanindigan [si Origen] sa panig ng mga milenaryo.”

Ang Katotohanan

Wala sa mga pag-unlad na nabanggit sa itaas ang may kaugnayan sa katotohanan. Ang katotohanang ito ay ang buong kalipunan ng mga turong Kristiyano na masusumpungan sa Bibliya. (2 Corinto 4:2; Tito 1:1, 14; 2 Juan 1-4) Ang Bibliya ang isa at tanging pinagmumulan ng katotohanan.​—Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16.

Gayunman, ang kaaway ni Jehova, ng katotohanan, ng sangkatauhan, at ng buhay na walang hanggan​—si Satanas na Diyablo, ang “mamamatay-tao” at ang “ama ng kasinungalingan”​—ay gumamit ng iba’t ibang mapanlinlang na mga paraan upang bantuan ang katotohanang ito. (Juan 8:44; ihambing ang 2 Corinto 11:3.) Kabilang sa pinakamabibisang kasangkapang ginagamit niya ay ang mga turo ng paganong mga pilosopong Griego​—sa katunayan ay nagpapaaninaw ng kaniya mismong kaisipan​—sa pagsisikap na baguhin ang nilalaman at katangian ng mga turong Kristiyano.

Ang di-likas na pagsasamang ito ng turong Kristiyano at pilosopiyang Griego ay isang pagtatangkang bantuan ang katotohanan ng Bibliya, pahinain ang puwersa at ang pang-akit nito sa maaamo, taimtim, at madaling-turuang mga naghahanap ng katotohanan. (1 Corinto 3:1, 2, 19, 20) Dinurungisan din nito ang kadalisayan ng sinlinaw-kristal na doktrina ng Bibliya, anupat pinalalabo ang pagkakaiba ng katotohanan sa kasinungalingan.

Ngayon, sa ilalim ng patnubay ng Ulo ng kongregasyon, si Jesu-Kristo, naisauli ang tunay na turong Kristiyano. Gayundin, madaling makikilala ng taimtim na humahanap ng katotohanan ang tunay na Kristiyanong kongregasyon sa pamamagitan ng mga bunga nito. (Mateo 7:16, 20) Ang mga Saksi ni Jehova ay nalulugod at sabik na tumulong sa mga ito na masumpungan ang di-nabantuang tubig ng katotohanan at tulungan silang manghawakang matatag sa pamanang buhay na walang hanggan na iniaalok ng ating Ama, si Jehova.​—Juan 4:14; 1 Timoteo 6:19.

[Larawan sa pahina 11]

Agustin

[Picture Credit Lines sa pahina 10]

Griegong teksto: Mula sa aklat na Ancient Greek Writers: Plato’s Phaedo, 1957, Ioannis N. Zacharopoulos, Atenas; Plato: Musei Capitolini, Roma

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share