Pinagkakasakit ba Tayo ng Diyablo?
HINDI SANA NAGKAROON KAILANMAN NG PAGKAKASAKIT. Nilalang tayo ng Diyos upang mabuhay magpakailanman taglay ang sakdal na kalusugan. Isang espiritung nilalang, si Satanas, ang may kagagawan ng sakit, kirot, 3,at kamatayan na sumalot sa pamilya ng tao nang akayin niya tungo sa pagkakasala ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva.—GENESIS 3:1-5, 17-19; ROMA 5:12.
NANGANGAHULUGAN ba ito na lahat ng pagkakasakit ay tuwirang bunga ng pakikialam mula sa daigdig ng mga espiritu? Gaya ng sinabi sa naunang artikulo, marami sa ngayon ang nag-aakalang gayon nga. Iyan ang paniniwala ng lola ng batang si Owmadji. Subalit ang diarrhea ba ni Owmadji—na kung minsan ay ikinamamatay ng mga bata sa tropiko—ay talagang kagagawan ng mga di-nakikitang espiritu?
Ang Papel ni Satanas
Napakaliwanag na sinasagot ng Bibliya ang tanong na ito. Una, ipinakikita nito na hindi naaapektuhan ng mga espiritu ng ating mga ninuno ang mga buháy. Kapag namatay ang mga tao, “sila ay walang anumang kabatiran.” Wala silang mga espiritu na nakaliligtas sa kamatayan. Sila’y natutulog sa libingan, kung saan “walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man.” (Eclesiastes 9:5, 10) Talagang walang magagawang anuman ang mga patay upang papagkasakitin ang mga buháy!
Magkagayunman, isinisiwalat ng Bibliya na talagang may umiiral na mga balakyot na espiritu. Ang unang rebelde sa buong sansinukob ay ang espiritung nilalang na kilala ngayon bilang Satanas. Ang iba pa ay sumunod sa kaniya at tinawag na mga demonyo. Kaya ba ni Satanas at ng mga demonyo na magdulot ng pagkakasakit? Nangyari na ito. Ang ilan sa mga himala ni Jesus ng pagpapagaling ay nagsangkot sa pagpapalayas sa mga demonyo. (Lucas 9:37-43; 13:10-16) Gayunman, karamihan sa mga pinagaling ni Jesus ay mga sakit na hindi tuwirang kagagawan ng mga demonyo. (Mateo 12:15; 14:14; 19:2) Gayundin sa ngayon, sa pangkalahatan, ang pagkakasakit ay mula sa likas, hindi makahimalang mga kadahilanan.
Kumusta naman ang pangkukulam? Tinitiyak sa atin ng Kawikaan 18:10: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at naipagsasanggalang.” Sabi sa Santiago 4:7: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” Oo, kayang ipagsanggalang ng Diyos ang mga tapat sa kaniya mula sa pangkukulam at iba pang mahihiwagang kapangyarihan. Iyan ang isang implikasyon ng mga salita ni Jesus: “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:32.
‘Kumusta naman si Job?’ marahil ay itatanong ng ilan. ‘Hindi ba isang balakyot na espiritu ang may kagagawan ng kaniyang pagkakasakit?’ Oo, sinasabi ng Bibliya na ang pagkakasakit ni Job ay kagagawan ni Satanas. Subalit ang kaso ni Job ay hindi pangkaraniwan. Si Job ay malaon nang ipinagsasanggalang ng Diyos mula sa tuwirang pagsalakay ng demonyo. Pagkatapos ay hinamon ni Satanas si Jehova na saktan niya si Job, at dahil sa malalaking isyu ang nasasangkot, bahagyang inalis ni Jehova ang kaniyang proteksiyon sa kaniyang mananamba sa pagkakataong ito lamang.
Gayunman, nagtakda ang Diyos ng hangganan. Nang pahintulutan niyang saktan ni Satanas si Job, maaaring pansamantalang papagkasakitin ni Satanas si Job, ngunit hindi niya ito maaaring patayin. (Job 2:5, 6) Sa wakas ay natapos din ang pagdurusa ni Job, at siya’y saganang ginantimpalaan ni Jehova dahil sa kaniyang katapatan. (Job 42:10-17) Ang mga simulaing pinatunayan ng katapatan ni Job ay malaon nang nakaulat sa Bibliya at naging maliwanag sa lahat. Hindi na kailangang sumubok pang muli ng iba pa.
Paano Kumikilos si Satanas?
Sa halos lahat ng pagkakataon, ang tanging koneksiyon sa pagitan ni Satanas at ng pagkakasakit ng mga tao ay ang bagay na tinukso ni Satanas ang unang mag-asawa, at sila’y nahulog sa pagkakasala. Hindi siya at ang kaniyang mga demonyo ang tuwirang dahilan ng bawat pagkakasakit. Gayunpaman, talagang sinisikap ni Satanas na maimpluwensiyahan tayo na gumawa ng maling desisyon at ikompromiso ang ating pananampalataya, na maaaring magpahamak sa ating kalusugan. Hindi naman niya kinulam, pinaslang, o pinagkasakit sina Adan at Eva. Hinikayat niya si Eva na suwayin ang Diyos, at sumunod naman si Adan sa kaniyang landas ng pagsuway. Ang pagkakasakit at kamatayan ay bahagi lamang ng naging bunga nito.—Roma 5:19.
Isang taksil na propeta na nagngangalang Balaam ang minsa’y binayaran ng hari ng Moab upang sumpain ang bansang Israel, na ang pagkakampo sa mga hangganan ng Moab ay isang banta. Sinubok ni Balaam na sumpain ang Israel, subalit nabigo siya sapagkat ang bansa’y nasa ilalim noon ng proteksiyon ni Jehova. Kaya inakit ng mga Moabita ang Israel na gumawa ng idolatriya at seksuwal na imoralidad. Nagtagumpay ang taktikang ito, at naiwala ng Israel ang proteksiyon ni Jehova.—Bilang 22:5, 6, 12, 35; 24:10; 25:1-9; Apocalipsis 2:14.
May matututuhan tayong mahalagang aral mula sa sinaunang pangyayaring iyan. Ang banal na tulong ay nagbibigay ng proteksiyon sa tapat na mga mananamba ng Diyos laban sa tuwirang pag-atake ng balakyot na mga espiritu. Magkagayunman, baka udyukan ni Satanas ang mga indibiduwal na ikompromiso ang kanilang pananampalataya. Baka hikayatin niya silang gumawa ng imoralidad. O, gaya ng isang umuungal na leon, baka takutin niya sila upang gumawi sa paraang maiwawala nila ang proteksiyon ng Diyos. (1 Pedro 5:8) Kaya naman tinawag ni apostol Pablo si Satanas na “ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan.”—Hebreo 2:14.
Sinikap ng lola ni Owmadji na hikayatin si Hawa na gumamit ng mga anting-anting at agimat bilang pangontra sa sakit. Ano kaya ang nangyari kung napapayag si Hawa? Kung gayon ay ipinakita niyang wala siyang lubos na pananalig sa Diyos na Jehova, at hindi na siya makaaasa pa ng kaniyang proteksiyon. —Exodo 20:5; Mateo 4:10;1 Corinto 10:21.
Sinubok din ni Satanas na hikayatin si Job. Hindi pa naging sapat ang pagkawala ng kaniyang pamilya, ng kaniyang kayamanan, at ng kaniyang kalusugan. Si Job ay binigyan pa ng kaniyang asawa ng napakasamang payo nang sabihin nito: “Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!” (Job 2:9) Pagkatapos ay dinalaw siya ng tatlong “kaibigan” na nagtulung-tulong upang ipamukha sa kaniya na siya ang dapat sisihin sa kaniyang karamdaman. (Job 19:1-3) Sa paraang ito ay sinamantala ni Satanas ang mahinang kalagayan ni Job upang sikaping sirain ang kaniyang loob at pabuwayin ang kaniyang pagtitiwala sa pagkamatuwid ni Jehova. Gayunman, patuloy na nanalig si Job kay Jehova bilang kaniyang tanging pag-asa. —Ihambing ang Awit 55:22.
Kapag tayo’y nagkakasakit, maaaring tayo man ay manlumo. Kapag ganito ang kalagayan, nagmamadali si Satanas na udyukan tayong gumawa ng isang bagay na magkokompromiso sa ating pananampalataya. Kaya nga, kapag nagkasakit, mahalagang tandaan na ang saligang dahilan ng ating pagdurusa ay malamang na dahil sa minanang di-kasakdalan sa halip na dahil sa anumang mahiwagang impluwensiya. Tandaan, ang tapat na si Isaac ay nabulag sa loob ng maraming taon bago siya namatay. (Genesis 27:1) Ito’y hindi dahil sa balakyot na mga espiritu kundi dahil sa katandaan. Namatay si Raquel sa panganganak, hindi dahil kay Satanas, kundi dahil sa kahinaan ng katawan ng tao. (Genesis 35:17-19) Nang maglaon, lahat ng tapat na lingkod noon ay namatay—hindi dahil sa mga kulam o sumpa kundi dahil sa minanang di-kasakdalan.
Ang pag-iisip na may tuwirang impluwensiya ang mga di-nakikitang espiritu sa bawat pagkakasakit na nangyayari sa atin ay isang silo. Baka pumukaw ito ng isang malagim na pagkatakot sa mga espiritu. Pagkatapos, kapag tayo’y nagkakasakit, baka matukso tayong subukin na payapain ang mga demonyo sa halip na manatiling malayo sa kanila. Kung magagawa ni Satanas na takutin tayo upang bumaling sa espiritismo, iyan ay magiging isang pagtataksil sa tunay na Diyos, si Jehova. (2 Corinto 6:15) Dapat na magabayan tayo ng isang magalang na pagkatakot sa Diyos, hindi ng isang mapamahiing pagkatakot sa kaniyang Kaaway.—Apocalipsis 14:7.
Taglay na ng batang si Owmadji ang pinakamagaling na posibleng proteksiyon laban sa balakyot na mga espiritu. Ayon kay apostol Pablo, siya’y itinuturing ng Diyos na “banal” sapagkat siya’y may sumasampalatayang ina, at makapananalangin ang kaniyang ina na sana’y sumakaniyang anak ang Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu. (1 Corinto 7:14) Palibhasa’y pinagpala ng gayong tumpak na kaalaman, nakasumpong si Hawa ng mabisang panggagamot para kay Owmadji sa halip na umasa sa mga anting-anting.
Iba’t Ibang Dahilan ng Pagkakasakit
Karamihan sa mga tao ay hindi naniniwala sa mga espiritu. Kapag sila’y nagkakasakit, nagpapadoktor sila—kung may panggastos sila. Mangyari pa, maaaring magpadoktor ang isang maysakit ngunit hindi pa rin mapagaling. Hindi makagagawa ng mga himala ang mga doktor. Ngunit maraming mapamahiing indibiduwal na maaari pa sanang mapagaling ang nagpapadoktor lamang kapag huli na ang lahat. Sinusubukan muna nila ang mga paraan ng pagpapagaling ng mga espiritista, at kapag nabigo ang mga ito ay saka lamang sila magpapadoktor bilang huling pag-asa. Marami ang hindi sana namatay.
Ang iba naman ay namamatay nang maaga dahil sa kawalang-alam. Hindi nila alam ang mga sintomas at hindi alam ang praktikal na mga dapat gawin upang maiwasan ang pagkakasakit. Nakatutulong ang kaalaman upang maiwasan ang di-kinakailangang pagdurusa. Kapansin-pansin na ang mga inang nakapag-aral ay hindi gaanong namamatayan ng anak dahil sa pagkakasakit kung ihahambing doon sa mga hindi nakapag-aral. Oo, nakamamatay ang kawalang-alam.
Ang pagpapabaya ay isa pang dahilan ng pagkakasakit. Halimbawa, marami ang nagkakasakit dahil pinababayaan nilang gapangan ng mga insekto ang pagkain bago nila ito kainin o dahil sa ang mga naghahanda ng pagkain ay hindi muna naghuhugas ng mga kamay. Mapanganib din ang hindi paggamit ng kulambo kapag natutulog sa mga lugar na laganap ang malarya.a Kung tungkol sa kalusugan, kadalasa’y totoo na “ang isang onsa ng pag-iwas ay mas mahalaga kaysa sa isang libra ng paggamot.”
Ang isang di-matalinong istilo ng pamumuhay ay naging dahilan ng pagkakasakit at maagang pagkamatay ng milyun-milyon. Pininsala ng paglalasing, seksuwal na imoralidad, pag-abuso ng droga, at paggamit ng tabako ang kalusugan ng marami. Kapag ang isang tao’y nalulong sa mga bisyong ito at pagkatapos ay nagkasakit, iyon ba’y dahil sa may nangkulam sa kaniya o sinalakay siya ng isang espiritu? Hindi. Siya ang dapat sisihin sa kaniyang pagkakasakit. Ang paninisi sa mga espiritu ay isang pagtanggi na akuin ang pananagutan sa di-matalinong istilo ng pamumuhay.
Mangyari pa, may mga bagay na hindi natin kayang makontrol. Halimbawa, maaari tayong mapahantad sa mga mikrobyong nagdudulot ng sakit o sa polusyon. Ito ang nangyari kay Owmadji. Hindi alam ng kaniyang ina kung ano ang naging sanhi ng diarrhea. Ang kaniyang mga anak ay hindi madalas na nagkakasakit na gaya ng ibang mga bata sapagkat palagi niyang nililinis ang kaniyang bahay at ang kaniyang bakuran at palagi niyang hinuhugasan muna ang kaniyang mga kamay bago maghanda ng pagkain. Subalit lahat ng bata ay nagkakasakit paminsan-minsan. Mga 25 iba’t ibang nakahahawang organismo ang maaaring maging dahilan ng diarrhea. Malamang na walang sinuman ang makaaalam kailanman kung ano talaga ang naging sanhi ng problema ni Owmadji.
Ang Pangmatagalang Solusyon
Ang pagkakasakit ay hindi kasalanan ng Diyos. “Sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni siya mismo ay nanunubok ng sinuman.” (Santiago 1:13) Kapag nagkasakit ang isa sa kaniyang mananamba, inaalalayan siya ni Jehova sa espirituwal. “Aalalayan siya ni Jehova sa himlayan ng karamdaman; ang buong higaan niya ay papalitan mo nga sa kaniyang pagkakasakit.” (Awit 41:3) Oo, ang Diyos ay madamayin. Gusto niya tayong tulungan, hindi saktan.
Sa katunayan, si Jehova ay may pangmatagalang solusyon sa karamdaman—ang kamatayan at ang pagkabuhay-muli ni Jesus. Sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus, ang lahat ng matuwid-pusong mga tao ay tinutubos mula sa kanilang makasalanang kalagayan at darating ang panahon na sila’y magkakaroon ng sakdal na kalusugan at walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. (Mateo 5:5; Juan 3:16) Ang mga himala ni Jesus ay isang pahapyaw na pagpapakita ng tunay na pagpapagaling na gagawin ng Kaharian ng Diyos. Aalisin din ng Diyos si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. (Roma 16:20) Oo, si Jehova ay may inilalaang kamangha-manghang mga bagay para sa mga nananampalataya sa kaniya. Kailangan lamang nating magtiis at magbata.
Samantala, ang Diyos ay nagbibigay ng praktikal na karunungan at espirituwal na patnubay sa pamamagitan ng Bibliya at ng pandaigdig na kapatiran ng mga tapat na mananamba. Ipinakikita niya sa atin kung paano iiwasan ang mga bisyo na nagdudulot ng problema sa kalusugan. At pinaglalaanan niya tayo ng tunay na mga kaibigan na siyang tutulong kapag bumangon ang mga problema.
Alalahaning muli si Job. Ang pagpunta sa isang albularyo ang pinakamasamang bagay na maaari sanang nagawa ni Job! Iyon ay mag-aalis ng proteksiyon ng Diyos sa kaniya, at naiwala sana niya ang lahat ng pagpapalang naghihintay sa kaniya pagkatapos ng kaniyang matinding paghihirap. Hindi kinalimutan ng Diyos si Job, at hindi rin niya tayo kalilimutan. “Narinig ninyo ang pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova,” sabi ng alagad na si Santiago. (Santiago 5:11) Kung hindi tayo susuko kailanman, tayo man ay tatanggap ng kahanga-hangang pagpapala sa itinakdang panahon ng Diyos.
Ano ang nangyari sa batang si Owmadji? Naalaala ng kaniyang ina ang isang artikulo sa kasamang magasin ng Ang Bantayan, ang Gumising!, tungkol sa oral rehydration therapy.b Sinunod niya ang mga instruksiyon nito at nagtimpla para inumin ni Owmadji. Ngayon ay maigi na at malusog ang batang babae.
[Mga talababa]
a Halos kalahating bilyon katao ang may malarya. Mga dalawang milyon taun-taon ang namamatay sa sakit na iyan, karamihan ay sa Aprika.
b Tingnan ang Gumising! ng Pebrero 22, 1986, pahina 23-4, “Isang Maalat na Inuming Nagliligtas ng Buhay!”
[Mga larawan sa pahina 7]
Si Jehova ay nagsaayos ng isang permanenteng solusyon sa problema ng pagkakasakit