Ang Hiwaga ng Paghina ng Katawan
NAGKASAKIT NG DIARRHEA ANG BATANG SI OWMADJI. Nangangamba naman si Hawa, nanay nito, na maubusan ito ng tubig sa katawan (dehydration); nabalitaan niya kasing ito ang ikinamatay kamakailan ng sanggol ng kaniyang pinsan doon sa nayon. Nais ng lola ni Owmadji, biyenan ni Hawa, na dalhin si Owmadji sa isang albularyo. “Pinagkakasakit ng isang masamang espiritu ang bata,” sabi niya. “Ayaw mo kasing ipasuot sa kaniya ang isang anting-anting na pangontra, kaya hayan, nagkakaproblema na tuloy ngayon!”
PALASAK na ang kalagayang ito sa maraming lugar sa daigdig. Daan-daang milyon ang naniniwalang masasamang espiritu ang lihim na dahilan ng pagkakasakit. Totoo kaya ito?
Kung Paano Nalikha ang Hiwaga
Marahil ay hindi ka personal na naniniwalang ang mga di-nakikitang espiritu ang may kagagawan ng pagkakasakit. Sa katunayan, baka ipinagtataka mo pa nga kung bakit may mga nag-aakalang gayon nga, samantalang ipinakita na ng mga siyentipiko na karamihan sa mga pagkakasakit ay sanhi ng mga virus at baktirya. Ngunit tandaan na noon ay hindi alam ng sangkatauhan ang tungkol sa pagkaliliit na mga mikrobyong ito. Nakita lamang ang pagkaliit-liit na daigdig na ito nang maimbento ni Antonie van Leeuwenhoek ang mikroskopyo noong ika-17 siglo. Magkagayunman, dahil lamang sa mga natuklasan ni Louis Pasteur noong ika-19 na siglo kung kaya naunawaan ng siyensiya ang kaugnayan ng mga mikrobyo at ng pagkakasakit.
Yamang hindi alam sa halos buong kasaysayan ng tao ang mga sanhi ng pagkakasakit, nagkaroon ng maraming pamahiin, pati na ang teoriya na lahat ng pagkakasakit ay gawa ng masasamang espiritu. Ipinahihiwatig ng The New Encyclopædia Britannica ang isang paraan kung paano nagkaroon nito. Sinasabi nito na ang mga tagapagpagaling noon ay nagsisikap na gamutin ang maysakit sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng ugat, dahon, at anumang magagamit nila. Kung minsan, nakagagaling naman ang ilan sa mga ito. Pagkatapos ay idaragdag ng tagapagpagaling sa kaniyang paraan ng pagpapagaling ang napakaraming mapamahiing seremonya at mga gawain, upang itago ang tunay na gamot. Sa gayon ay tinitiyak ng tagapagpagaling na patuloy na magpapagamot ang mga tao sa kaniya. Sa ganitong paraan, ang medisina ay nabalutan ng hiwaga, at ang mga tao ay hinikayat na umasa sa tulong ng himala.
Ang tradisyunal na pagpapagaling na ito ay uso pa rin sa maraming lupain. Marami ang nagsasabi na ang pagkakasakit ay gawa ng mga espiritu ng namatay na mga ninuno. Sinasabi naman ng iba na pinagkakasakit tayo ng Diyos at na ang sakit ay parusa sa ating mga kasalanan. Kahit alam na ng mga may-kabatirang tao ang tungkol sa biyolohikal na sanhi ng pagkakasakit, maaaring natatakot pa rin sila sa mahihiwagang impluwensiya.
Ginagamit ng mga manggagaway at mga tradisyunal na tagapagpagaling ang pagkatakot na ito upang mapagsamantalahan ang mga tao. Ano kung gayon ang dapat nating paniwalaan? Makatutulong kaya kung umasa tayo sa mga espiritu para mapangalagaan ang ating kalusugan? Ano ang sinasabi ng Bibliya?