Kinaugaliang Panggagamot sa Aprika—Katugma ba ng Pagka-Kristiyano?
Para sa angaw-angaw na mga Aprikano, wala silang anumang kaugnayan sa anumang uri ng panggagamot kundi sa pamamagitan ng kinaugaliang mga manggagamot. Ito’y lalo nang totoo sa mga lugar na kabukiran kung saan kakaunti ang mga ospital at kakaunti ang mga doktor. Subalit, ang kinaugaliang panggagamot ay karaniwan nang nag-uugat nang malalim sa pamahiin at espiritismo. Ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano sa ilalim ng mga kalagayang ito?
“‘ITONG “agbo” na ito ang malamang na ikamatay niya at wakasan nito ang lahat ng kaniyang paghihirap at pati ng sa atin.’ Kaya naman, sa palagay na ang bagong remedyo ay magbibigay-daan upang mapaligpit na ako, ang gamot na iyon ay ibinuhos sa aking lalamunan.”
Ito ay isinulat ng isang doktor ng medisina sa isang artikulo sa Sunday Times sa Lagos, Nigeria, na pinamagatang “Huwag Hamakin ang Tradisyonal na Manggagamot.” Kaniyang inilalarawan kung paano ang kaniyang mga magulang ay nawalan na ng pag-asa na siya’y gagaling sa isang malubhang karamdaman nang siya’y iisang taong gulang. Ang gamot, na ipinadala sa kanila ng isang tradisyonal na manggagamot, ang inaakalang nagligtas sa kaniyang buhay.
Maraming Aprikano na sang-ayong gumamit ng tradisyonal na medisina ang nagsasabi tungkol sa kataka-takang mga paggaling na kung saan bigo ang pagpapagamot sa ospital. Tinatanggihan ito ng iba bilang isang marumi, na paraan ng paggamot ng mapamahiing albularyo. Nasa pagitan nito yaong mga humihiling na lakipan ng siyentipikong pananaliksik ang lokal na mga remedyong herbal at ng lalong malawak na pagkilala at pagtanggap sa tradisyonal na mga manggagamot. Marami ang may ibig na pagsamahin ang tradisyonal at modernong medisina, at binabanggit nila ang kooperasyon sa pagitan ng mga praktikante ng magkapuwa grupo sa Tsina at India.
Kahit na kung ikaw ay hindi sa Aprika nakatira, marahil ay interesado kang malaman kung ang kinaugaliang panggagamot sa Aprika ay talaga bang epektibo at kapaki-pakinabang. Kumusta naman ang rituwal na bahagi nito at uso sa mga Aprikano? Ang sobrenatural ba ay isang mahalagang sangkap o isang nakapipinsalang bahagi nito na dapat tanggihan? Ano ba ang dapat na panindigan ng Kristiyano sa gayong tradisyonal na panggagamot sa Aprika?
Mga Gamot na Herbal
Kung sa bagay, ang mga halaman ang pangunahing pinagkukunan natin ng pagkain at kailangan upang tayo’y mabuhay. Mayroon din namang mga halaman na makukunan ng mga gamot o mga lason na nakamatay ng napakaraming mga tao na gumamit nito sa maling paraan. Subalit alam mo ba na ang iba sa mga gamot ding ito ay ginagamit sa modernong medisina? Ang mga siyentipiko ay nakadiskubre ng ilan sa mga gamot na ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga halaman na ginagamit sa panggagamot ng mga albularyo o sa mga tinitimpla ng mga taong gumagamot. Sila’y kumuha ng mga sampol, sinuri ang mga kemikal na bumubuo ng mga ito, at pinurbahan upang malaman nila ang epekto sa katawan at sa mga mikroorganismo na sanhi ng pagkakasakit. Ang resulta ay ang produksiyon ng mga ilang importanteng gamot, tulad halimbawa ng kinina, reserpine, digitalis, at codeine.
Ang mga tao noong sinaunang panahon ay nakatuklas ng maraming gamot na herbal sa di sinasadyang paraan, sa pamamagitan ng pagsubok at pagkakamali, o sa pamamagitan ng obserbasyon sa mga nangyayari sa hayop pagka sila’y kumakain ng ganoo’t ganitong mga halaman. Kadalasan yaong mga nakakatuklas at naging mga manggagamot ay nagsisikap na huwag lumabas sa kanilang pamilya ang kaalaman tungkol doon. Ang kaalaman sa mga herbs o halamang gamot ay nagpasalin-salin buhat sa ama hanggang sa anak o sa mga ibang tao na nagsilbing mga aprendis. Karamihan ng tradisyonal na mga manggagamot ay totoong malihim pa rin, malimit na sila’y ayaw na ayaw magsiwalat ng tungkol sa mga halaman na pinagkukunan nila ng kanilang mga gamot. Subalit higit pa ang kasangkot sa tradisyonal na panggagamot ng mga Aprikano at hindi lamang yaong mga herbal na gamot.
Ang Malakas na Impluwensiya ng Espiritismo
Ang malaking bahagi ng kinaugaliang sistema ng panggagamot sa Aprika ay may malaking kaugnayan sa sobrenatural. Marami ang naniniwala na ang mga halaman ay may damdamin, naaaring makipagtalastasan, at may pandama sa mga bagay na di karaniwan. May mga manggagamot na nag-aangkin na nakakaintindi ng wika ng mga halaman at sila raw ay naaaring makipag-usap sa mga ito. Para sa mga iba hindi nila nakikita na ang komunikasyon ay nanggagaling sa mga halaman, sapagkat sinasabi nila na mga di nakikitang espiritu ang umakay sa kanila upang makilala ang mga halaman na nagpapagaling.
Sa gayon ang espiritismo ay may malaking bahaging ginagampanan sa kinaugaliang panggagamot sa Aprika. Halimbawa, maraming taga-Nigeria ang naniniwala na ang mga sakit at kamatayan ay likha ng nagagalit na mga diyos (o mga espiritu ng ninuno) o ng mga kaaway na gumagamit ng pangkukulam. Kaya sila’y gumagawa ng mga pagsasakripisyo para sa pakikipagpayapaan, at gumagamit ng mga rituwal at pamamaraan ng mga espiritista.
Si Asuquo, isang manggagamot na Nigerio, ay may matinding paniniwala rito. Ang sabi niya: “Natuto ako ng paggamit ng mga halamang gamot sa aking ama at dati nagsasakripisyo ako sa mga diyos at sa mga espiritu ng aming mga ninuno sa paghahanda ng aking mga gamot. May paniwala ako na sila ang may kagagawan ng paggaling at ang hindi pagsasakripisyo sa kanila ay magdudulot ng sakit at kamatayan.”
Ang totoo, malimit na ito’y gumagana sa kabaligtad na paraan. Ang gayong mga paniwala ay humila sa milyun-milyong mga tao sa mapamahiing pagkatakot at sa pagkaalipin sa di nakikitang mga espiritu. Marami ang dumanas ng panliligalig at panggugulo ng mga espiritu. Ito ay sapat nang dahilan upang tanggihan ang panggagamot na mayroong kahalong mga sakripisyo o iba pang mga rituwal ng espiritismo. At ang mga espiritu na nanliligalig at gumugulo sa mga tao o dumaraya sa kanila sa pag-iisip na buháy pa rin ang kanilang mga ninuno o ang mga halama’y naaaring makipagtalastasan ay malinaw na isang pandaraya at kasamaan. Ang Bibliya ay nagbababala: “Ang mga bagay na inihahandog na hain ng mga bansa ay kanilang inihahandog sa mga demonyo, at hindi sa Diyos; at hindi ko ibig na kayo’y maging kabahagi ng mga demonyo.”—1 Corinto 10:20.
Ang mga demonyo na hinatulan ng Diyos na mapuksa sa hinaharap, ay disidido na ihiwalay ang mga tao sa pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova. (2 Pedro 2:4; Judas 6) Sa mga ilang pagkakataon nagpapanggap sila na mga diyos na mapagkawanggawa. (2 Corinto 11:14) Upang palawakin pa ang kanilang pandaraya, kanilang ginagaya ang mga kaugalian ng mga namatay na tao at inaakay ang mga tao na maniwala na buháy ang kanilang mga ninuno sa isang daigdig ng mga espiritu. Subalit, malinaw na sinasabi ng Bibliya: “Ang mga patay . . . ay wala nang kamalayan sa anupaman, . . . sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong pupuntahan.”—Eclesiastes 9:5, 10.
Kaya’t mali para sa mga sumasamba sa tunay na Diyos na gumamit ng mga halamang gamot na may kaagapay na gawain ng espiritismo. At, ang mga gayong herbalista na nagnanasang makalugod sa pagsamba sa Diyos ay kailangang huminto sa paggamit ng anumang anyo ng espiritismo. Oo, silang gumagamit ng espiritismo ay nagwawala ng pabor at proteksiyon ni Jehova at sila’y walang dako sa kongregasyong Kristiyano. (Galacia 5:19-21; Apocalipsis 21:8) Marami na ang tumanggi sa espiritismo, at kanilang natuklasan na mayroon ding mga halamang gamot na epektibong gamitin kahit walang kahalong espiritismo.
Ang Pagbabago Tungo sa Pagka-Kristiyano
Tungkol sa kaniyang sariling mga karanasan, si Erhabor, isang opisyal na kinikilalang manggagamot na nagpapalakad ng isang herbal hospital, ay nagsasabi: “Dati’y naniniwala ako na kailangang haluan ng mga sakripisyo ang panggagamot upang ilaban sa espiritu na lumilikha ng sakit. Subalit pagkatapos na makipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at maging isang Kristiyano, iniwan ko na ang mga kinaugaliang ito at ngayo’y sumusunod ako sa mga prinsipyo ng Bibliya. Natuklasan ko na ang mga halaman mismo ang nagpapagaling.”
Sa katulad na paraan, sinasabi ni Asuquo: “Ang mga bagay na natutuhan ko tungkol kay Jehova ay nagdulot ng bagong kahulugan sa aking buhay. Naalis na ang aking takot tungkol sa mga ninuno, at nakilala ko ang tunay na Diyos. Nakita ko rin na hindi na pala kailangan ang mga sakripisyo at na ang katas ng mga balat at mga dahon ng kahoy ang nagpapagaling sa mga tao. Maraming mga tao ang nagpupunta sa akin ngayon para pagamot sapagkat hindi ko sinasamantala ang kanilang mga pamahiin sa pamamagitan ng paghiling sa kanila na magsakripisyo. Hindi nila ginagastusan ng malaki ang pagpapagamot sa akin di gaya kung sila’y sa mga manggagamot na juju kumukunsulta.”
Dahil sa si Okon, na isa ring manggagamot na gumagamit ng halamang gamot, ay hindi gumagamit ng mga orasyon o mga sakripisyo sa kaniyang paggamot, siya’y binibintangan ng mga ibang herbalista ng “pagpapahamak sa kanilang panggagamot.” “Ang iba sa aking mga pasyente,” aniya, “ay pumupunta sa akin upang mag-espiya lamang at patunayan na ako’y lihim na gumagamit pa ng mga sakripisyo. Pagkatapos na magamot ko sila nang matagumpay sa loob ng dalawang linggo, kanilang inaamin na hindi na ako gumagamit ng anumang anyo ng juju. Sila ay nakikinabang din sa mga pag-uusap namin tungkol sa Kasulatan. Ako’y nagulat nang makita ko ang apat na mga dating pasyente ko na naroon sa ‘Banal na Pag-ibig’ na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong Disyembre 1980. Kanilang niyakap ako at ang sabi nila: ‘Kami’y kumunsulta sa iyo para pagalingin kami sa pisikal na sakit. Kami’y pinagaling mo rin sa espirituwal na sakit.’ ”
Ang mga Kristiyanong katulad ng mga ito ay lumaban sa mga naghahangad na sila’y bumalik sa gawaing espiritismo. Batid nila na kung ang kanilang paraan ng panggagamot ay hahaluan ng anumang anyo ng espiritismo, sila’y hindi na magiging karapat-dapat manatili sa kongregasyong Kristiyano. Kaya’t hindi sila naghahandog ng mga sakripisyo o gumagamit ng mga orasyon. Hindi nila inaangkin na sila’y nakapagpapagaling ng lahat ng uring sakit, ni sinisikap man nila na magbigay ng impresyon na sila’y may pantanging mga kapangyarihan. Kanilang iniiwasan kahit na ang anyo ng espiritismo.
Ang Tunay na Pagpapagaling Buhat sa Diyos
Sa maraming nagpapaunlad na mga bansa, karamihan ng mga tao ay dumidepende sa pagpapagamot sa pamamagitan ng kinaugaliang panggagamot, na pinagtitiwalaan ng malaki ng karamihan. Isa pa, totoong kakaunti ang mga ospital at mga doktor ng medisina upang masapatan ang dami ng mga ibig magpagamot. Kung gayon, karamihan ng mga tao sa mga lupaing ito ay malamang na patuloy kukunsulta sa gayong mga manggagamot na karamihan ay gumagamit ng espiritismo. Subalit ano ba ang gagawin mo?
“Ang katotohanan,” ang sabi ni Jesus, “ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Sa pagkaalam na minamasama ng Bibliya ang gayong mga gawain, ang Kristiyano ay tatanggi na sumuway sa Diyos sa pamamagitan ng pagkunsulta sa mga orakulo o sa isang herbalista na gumagamot sa tulong ng espiritismo. (Deuteronomio 18:10-13; ihambing ang Bilang 23:21, 23.) At kung may sakit, hindi mabuti na ipagpalagay ng isang Kristiyano na ang sakit ay dahil sa pangkukulam. Ang isa’y hindi dapat matakot na siya’y magkakasakit dahil sa pagkakulam kung siya’y mananatiling matatag na nasa panig ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggi sa anuman na may kinalaman sa espiritismo. Kung, dahilan sa lahat tayo’y di sakdal, tayo’y nagkakasakit, isang personal na desisyon ang kailangang gawin tungkol sa kung anong klase ng panggagamot ang ating gagamitin.a
Ang haing pantubos na inihandog ni Jesus ang tanging paraan ng pagkatubos sa kasalanan at sa resulta nito na sakit at kamatayan. (Juan 3:16; Gawa 4:12) Ito lamang ang magbubukas ng daan upang ang may pananampalatayang tao ay magtamo ng buhay na walang hanggan sa isang lupang paraiso na kung saan “walang mananahan doon ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ”—Isaias 33:24.
Hangga’t hindi dumadating ang maligayang araw na iyan, ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na kaniyang bibigyan ng proteksiyon yaong mga nagtitiwala sa kaniya. Kung gayon lahat ng Kristiyano ay kailangang tumiwala kay Jehova, laging lumalapit sa kaniya sa panalangin at pagsusumamo. Ang resulta nito ay isang lalong malusog na buhay ngayon, dahil dito’y tiyak na tatanggapin natin ang sakdal na buhay sa ipinangakong lupang Paraiso.—2 Pedro 3:10-14; 1 Juan 2:17.
[Talababa]
a Tingnan ang The Watchtower ng Hunyo 15, 1982, pahina 22-9.