Mga Kabataan—Sanayin ang Inyong mga Kakayahan sa Pang-unawa!
“Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, doon sa mga sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” —HEBREO 5:14.
1, 2. (a) Paano maihahambing ang ating situwasyon ngayon sa kalagayan ng mga sinaunang Kristiyano sa Efeso? (b) Anong mga kakayahan ang magsasanggalang sa inyo mula sa panganib, at paano ninyo malilinang ito?
“MANATILI kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng mga taong marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong mga sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efeso 5:15, 16) Mula nang isulat ni apostol Pablo ang mga salitang ito dalawang libong taon na ang nakalipas, ‘ang mga taong balakyot at mga impostor ay sumulong mula sa masama tungo sa lalong masama.’ Nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” o gaya ng sinasabi sa ibang salin, ang mga panahon ay “punô ng panganib.”—2 Timoteo 3:1-5,13; Phillips.
2 Gayunman, maiiwasan ninyong mapinsala ng mga panganib na nakaabang sa inyong landas kung kayo’y magkakaroon ng “katalinuhan, . . . kaalaman at kakayahang mag-isip.” (Kawikaan 1:4) Ganito ang sabi ng Kawikaan 2:10-12: “Kapag ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman ay naging kaiga-igaya sa iyo mismong kaluluwa, ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka mula sa masamang daan, mula sa taong nagsasalita ng mga pilipit na bagay.” Pero paano nga ba ninyo malilinang ang gayong mga kakayahan? Sabi ng Hebreo 5:14: “Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, doon sa mga sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” Gaya sa anumang kasanayan, nangangailangan ng pagsasanay ang pagiging eksperto sa paggamit ng kakayahan ng isa sa pang-unawa. Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo ay literal na nangangahulugang ‘nakapagsanay na kagaya ng isang gymnast.’ Paano ninyo sisimulan ang gayong pagsasanay?
Sanayin ang Inyong mga Kakayahan sa Pang-unawa
3. Paano ninyo magagamit ang inyong mga kakayahan sa pang-unawa kapag kailangan ninyong magpasiya?
3 Pansinin na ang inyong mga kakayahan sa pang-unawa—ang inyong kakayahan na makilala ang tama at mali—ay sinasanay sa “pamamagitan ng paggamit.” Kapag kailangan ninyong magpasiya, ang paghula, pagkilos ayon sa bugso ng damdamin, o ang basta pagsunod sa karamihan ay bihirang magbunga ng matalinong pasiya. Upang makagawa ng matatalinong pasiya, dapat ninyong gamitin ang inyong mga kakayahan sa pang-unawa. Paano? Una sa lahat, suriing mabuti ang situwasyon at alamin ang lahat ng detalye. Magtanong kung kinakailangan. Tiyakin kung ano ang inyong mapagpipilian. Ganito ang sabi ng Kawikaan 13:16: “Ang bawat matalino ay gagawi nang may kaalaman.” Sumunod, sikaping tiyakin kung aling mga batas o simulain sa Bibliya ang may kinalaman sa paksa. (Kawikaan 3:5) Sabihin pa, upang magawa ito, kailangang mayroon kayong kaalaman sa Bibliya. Kaya nga hinihimok tayo ni Pablo na kumain ng “matigas na pagkain”—alamin “ang lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan.—Efeso 3:18.
4. Bakit mahalaga ang kaalaman sa mga simulain ng Diyos?
4 Ang paggawa nito ay mahalaga, yamang tayo ay hindi sakdal, anupat nakahilig sa pagkakasala. (Genesis 8:21; Roma 5:12) “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib,” sabi ng Jeremias 17:9. Kung walang makadiyos na mga simulain na papatnubay sa atin, malilinlang natin ang ating sarili sa pag-iisip na ang isang bagay na masama ay mabuti—dahil lamang sa ninanasa iyon ng ating laman. (Ihambing ang Isaias 5:20.) Sumulat ang salmista: “Paano lilinisin ng isang kabataang lalaki ang kaniyang landas? Sa pananatiling mapagbantay ayon sa iyong salita. Dahil sa iyong mga pag-uutos ay gumagawi akong may unawa. Kaya naman kinapopootan ko ang bawat landas ng kabulaanan.”—Awit 119:9, 104.
5. (a) Bakit ang ilang kabataan ay sumusunod sa mga landas ng kabulaanan? (b) Paano dinibdib ng isang kabataan ang katotohanan?
5 Bakit sumunod sa landas ng kabulaanan ang ilang kabataan na lumaki sa mga sambahayang Kristiyano? Maaari kayang hindi nila kailanman ‘napatunayan sa kanilang mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos’? (Roma 12:2) Ang ilan ay maaaring dumadalo ng mga pulong kasama ng kanilang mga magulang at nakapagsasalita ng ilan sa mga saligang turo ng Bibliya. Ngunit kapag hiniling na patunayan ang kanilang mga paniniwala o ipaliwanag ang ilang mas malalalim na bagay sa Salita ng Diyos, nakalulungkot na ang kanilang kaalaman ay napatutunayang mababaw. Madaling madaya ang gayong mga kabataan. (Efeso 4:14) Kung totoo ito sa inyo, bakit hindi ipasiyang magbago? Ganito ang nagunita ng isang kabataang sister: “Nagsaliksik ako. Tinanong ko ang aking sarili, ‘Paano ko nalalaman na ito nga ang tamang relihiyon? Paano ko nalalaman na may isang Diyos na nagngangalang Jehova?’ ”a Ang maingat na pagsusuri sa Kasulatan ay nakakumbinsi sa kaniya na ang mga bagay na natutuhan niya mula sa kaniyang mga magulang ay talagang gayon nga!—Ihambing ang Gawa 17:11.
6. Paano ninyo ‘matitiyak kung ano ang kaayaaya sa Panginoon,’ si Jehova?
6 Palibhasa’y nasasangkapan ng kaalaman sa mga simulain ni Jehova, mas madali ninyong ‘matitiyak kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.’ (Efeso 5:10) Ngunit paano kung hindi ninyo natitiyak kung ano ang matalinong hakbang na dapat gawin sa isang partikular na situwasyon? Manalangin kay Jehova ukol sa patnubay. (Awit 119:144) Subukang ipakipag-usap ang bagay na iyon sa inyong mga magulang o sa isang maygulang na Kristiyano. (Kawikaan 15:22; 27:17) Masusumpungan din ang nakatutulong na patnubay sa pamamagitan ng pananaliksik sa Bibliya at sa mga publikasyon ng Watch Tower. (Kawikaan 2:3-5) Habang lalo ninyong ginagamit ang inyong mga kakayahan sa pang-unawa, lalong tatalas ang mga ito.
Magpakita ng Kaunawaan sa Paglilibang
7, 8. (a) Paano ninyo magagamit ang inyong mga kakayahan sa pang-unawa upang matiyak kung dapat kayong dumalo sa isang pagtitipon o hindi? (b) Ano ang pangmalas ng Bibliya sa paglilibang?
7 Tingnan natin ngayon kung paano ninyo magagamit ang inyong mga kakayahan sa pang-unawa sa ilang espesipikong situwasyon. Halimbawa, ipagpalagay nang inanyayahan kayo sa isang pagtitipon. Baka nakatanggap pa nga kayo ng isang nakalimbag na imbitasyon na nag-aanunsiyo ng salu-salong iyon. Sinabihan kayo na maraming kabataang Saksi ang pupunta roon. Ngunit may halagang sisingilin para mabayaran ang mga gastusin. Dapat ba kayong dumalo?
8 Buweno, gamitin ang inyong mga kakayahan sa pang-unawa. Una, alamin ang mga detalye. Gaano kalaki ang pagtitipong ito? Sinu-sino ang pupunta roon? Kailan ito magsisimula? Kailan ito matatapos? Anong mga gawain ang isinaplano? Paano pangangasiwaan iyon? Pagkatapos, magsaliksik kayo, na tinitingnan ang “Social Gatherings,” at “Entertainment” sa Watch Tower Publications Index.b Ano kaya ang isisiwalat ng inyong pananaliksik? Una, na hindi hinahatulan ni Jehova ang pagsasama-sama upang magkasayahan. Sa katunayan, sinasabi ng Eclesiastes 8:15 na kasabay ng pagpapagal, “walang mas mabuti sa mga tao sa ilalim ng araw kundi ang kumain at uminom at magsaya.” Aba, si Jesu-Kristo mismo ay dumalo sa mga pantanging kainan at sa isang kasalan. (Lucas 5:27-29; Juan 2:1-10) Kung pananatilihing timbang, ang pakikipagsalu-salo ay maaaring maging kapaki-pakinabang.
9, 10. (a) Anong mga panganib ang maaaring iharap ng ilang pagtitipon? (b) Ano ang maaari ninyong itanong sa inyong sarili bago magpasiya kung dadalo o hindi sa isang pagtitipon?
9 Gayunpaman, ang di-organisadong mga pagtitipon ay maaaring mangahulugan ng gulo. Sa 1 Corinto 10:8, mababasa natin kung paanong ang di-matalinong pakikisama ay humantong sa pakikiapid at pagpuksa sa “dalawampu’t tatlong libo[ng di-tapat na mga Israelita] sa isang araw.” Isa pang seryosong babala ang masusumpungan sa Roma 13:13: “Gaya ng sa araw ay lumakad tayo nang disente, hindi sa maiingay na pagsasaya at paglalasingan, hindi sa bawal na pakikipagtalik at mahalay na paggawi, hindi sa alitan at paninibugho.” (Ihambing ang 1 Pedro 4:3.) Totoo, walang espesipikong bilang ang maaaring itakda sa dami ng maaaring dumalo sa isang pagtitipon. Subalit ipinakikita ng karanasan na kapag mas malaki ang pagtitipon, mas mahirap itong pangasiwaan. Ang mas maliliit at maayos na mga pagtitipon ay malayong maging “magugulong parti.”—Galacia 5:21, Byington.
10 Ang inyong pananaliksik ay tiyak na magbabangon ng higit pang karagdagang mga tanong, gaya ng: Mayroon kayang ilang maygulang na adultong Kristiyano na dadalo sa pagtitipon? Ang totoo, sino ang nagtataguyod nito? Ang layunin ba ng pagtitipon ay upang itaguyod ang mabuting pagsasamahan o para makinabang lamang ang isang tao? Mayroon bang restriksiyon tungkol sa kung sino ang maaaring dumalo? Kung ang pagtitipon ay sa dulo ng sanlinggo, matatapos kaya ito sa makatuwirang oras upang yaong mga dumalo ay maaari pang makibahagi sa ministeryong Kristiyano sa kinabukasan? Kung magkakaroon ng musika at sayawan, magiging kaayon kaya iyon ng mga pamantayang Kristiyano? (2 Corinto 6:3) Hindi madali na magbangon ng gayong mga tanong. Ngunit nagbababala ang Kawikaan 22:3: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.” Oo, maiiwasan ninyo ang mapanganib na mga situwasyon sa pamamagitan ng paggamit sa inyong mga kakayahan sa pang-unawa.
Kaunawaan sa Pagpaplano ng Inyong Edukasyon
11. Paano magagamit ng mga kabataan ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa kung tungkol sa pagpaplano sa kanilang kinabukasan?
11 Sinasabi ng Bibliya na isang katalinuhan ang magplano para sa kinabukasan. (Kawikaan 21:5) Napag-usapan na ba ninyo ng inyong mga magulang ang tungkol sa inyong kinabukasan? Marahil ay binabalak ninyong pumasok sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir. Ang totoo, wala nang iba pang mapipiling karera ang makapagdudulot ng higit na kasiyahan kaysa rito. Kung nililinang ninyo ang mabubuting kaugalian sa pag-aaral at pinasusulong ang inyong kasanayan sa ministeryo, naghahanda na kayo para sa kapana-panabik na karerang ito. Napag-isipan na ba ninyo kung paano ninyo tutustusan ang inyong sarili sa ministeryo? Kung, sa hinaharap, ay ipasiya ninyong magpamilya, makakaya ba ninyong balikatin ang dagdag na pananagutang iyon? Kailangang gamitin ang mga kakayahan sa pang-unawa para makagawa ng timbang at makatotohanang mga pasiya hinggil sa mga bagay na ito.
12. (a) Paano pinili ng ilang pamilya na harapin ang nagbabagong situwasyon sa ekonomiya? (b) Talaga bang hadlang sa tunguhing pagpapayunir ang pagkuha ng karagdagang edukasyon? Ipaliwanag.
12 Sa ilang lugar, posible pa rin na makakuha ng pagsasanay sa isang kapaki-pakinabang na kasanayan o propesyon habang kayo ay nagtatrabaho. May mga kabataan na natuto ng negosyo ng pamilya o sinanay ng mga kaibigang nasa hustong gulang na may mga negosyo. Ang iba naman ay kumuha ng mga kurso sa paaralan na magagamit sa paghahanapbuhay sa dakong huli. Kung walang gayong mga pagkakataon, pagkatapos ng maingat na pagsasaalang-alang ay maaaring isaayos ng mga magulang na makakuha ng karagdagang edukasyon ang kanilang mga anak pagkatapos ng haiskul. Ang patiunang pagpaplano sa ganitong paraan upang balikatin ang mga pananagutan kapag nasa hustong gulang na at lalo na upang makapagpayunir nang mahabang panahon ay kasuwato ng pag-una sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:33) Hindi naman hinahadlangan ng karagdagang edukasyon ang pagpapayunir. Halimbawa, isang kabataang Saksi ang matagal nang nagnanais na magpayunir. Pagkatapos niya ng haiskul, isinaayos ng kaniyang mga magulang—na mga regular pioneer din—na siya ay makakuha ng karagdagang edukasyon. Nakapagpapayunir siya habang nag-aaral, at ngayon ay may kasanayan na siya na kaniyang nagagamit upang matustusan ang kaniyang sarili habang siya’y nagpapayunir.
13. Paano dapat tayahin ng mga pamilya ang halaga ng karagdagang edukasyon?
13 Kung tungkol sa karagdagang edukasyon, bawat pamilya ay may karapatan at pananagutan na gumawa ng sarili nitong pasiya. Kapag mahusay ang pagkakapili sa gayong edukasyon, maaari itong makatulong. Gayunman, maaari itong maging isang silo. Kung nagbabalak kayong kumuha ng gayong edukasyon, ano ba ang inyong tunguhin? Iyon ba ay upang ihanda ang inyong sarili para harapin sa marangal na paraan ang mga pananagutan bilang isa na nasa hustong gulang? O kayo ba’y ‘naghahanap ng mga dakilang bagay para sa inyong sarili’? (Jeremias 45:5; 2 Tesalonica 3:10; 1 Timoteo 5:8; 6:9) Paano naman ang pagkuha ng karagdagang edukasyon nang malayo sa tahanan, marahil ay pagtira sa loob ng kampus? Magiging isang katalinuhan kaya iyon kung isasaalang-alang ang babala ni Pablo na “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian”? (1 Corinto 15:33; 2 Timoteo 2:22) Tandaan din na “ang panahong natitira ay pinaikli.” (1 Corinto 7:29) Gaano kalaking panahon ang gugugulin ninyo sa gayong pag-aaral? Uubusin kaya nito ang malaking bahagi ng mga taon ng inyong kabataan? Kung gayon, paano ninyo maikakapit ang pampatibay-loob ng Bibliya na “alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan”? (Eclesiastes 12:1) Isa pa, sa mga kurso bang kukunin ninyo ay magkakaroon pa ng panahon para sa mahahalagang gawain bilang Kristiyano gaya ng pagdalo sa mga pulong, paglilingkod sa larangan, at personal na pag-aaral? (Mateo 24:14; Hebreo 10:24, 25) Kung matalas ang inyong mga kakayahan sa pang-unawa, hindi ninyo kailanman kaliligtaan ang mga espirituwal na tunguhin habang ipinaplano ninyo at ng inyong mga magulang ang inyong kinabukasan.
Panatilihing Marangal ang Pagliligawan
14. (a) Anong mga simulain ang dapat pumatnubay sa mga magkasintahan habang nagpapakita sila ng pagmamahal sa isa’t isa? (b) Paano hindi naging maingat ang ilang magkasintahan sa bagay na ito?
14 Ang pagliligawan ay isa pang larangan na doo’y kailangan ang inyong mga kakayahan sa pang-unawa. Natural lamang na naisin ninyong ipakita ang inyong pagmamahal sa isa na malapit sa inyong puso. Ang malinis na magkasintahan sa Awit ni Solomon ay maliwanag na nagpamalas ng ilang kapahayagan ng pagmamahal bago sila nagpakasal. (Awit ni Solomon 1:2; 2:6; 8:5) Sa ngayon, maaari ring madama ng ilang magkasintahan na angkop naman ang paghahawakan ng kamay, paghahalikan, at pagyayakapan, lalo na kapag waring napipinto na ang pag-aasawa. Ngunit tandaan: “Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal.” (Kawikaan 28:26) Nakalulungkot, maraming magkasintahan ang hindi naging maingat anupat sumuong sa mga alanganing situwasyon. Naging matindi at walang pagpipigil ang pagpapakita ng pagmamahal; nagbunga ito ng di-malinis na paggawi at umabot pa nga sa seksuwal na imoralidad.
15, 16. Anong makatuwirang mga pag-iingat ang maaaring gawin ng magkasintahan upang matiyak na ang kanilang pagliligawan ay mananatiling marangal?
15 Kung kayo ay nakikipag-date, isang katalinuhan na iwasang mapag-isa kasama ng inyong mapapangasawa sa di-angkop na mga kalagayan. Kaya pinakamabuti na masiyahan sa isa’t isa kasama ng isang grupo o sa mga pampublikong lugar. Isinaayos ng ilang magkasintahan na magkaroon ng tsaperon. Gayundin, alalahanin ang mga salita sa Oseas 4:11: “Alak at matamis na alak ang siyang nag-aalis ng mabuting motibo.” Baka maapektuhan ng alkohol ang kakayahan sa mabuting pagpapasiya at akayin ang magkasintahan na kumilos sa paraang pagsisisihan nila sa bandang huli.
16 Sinasabi ng Kawikaan 13:10: “Dahil sa kapangahasan ang isa ay lumilikha lamang ng pagtatalo, ngunit sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.” Oo, ‘magsanggunian’ at pag-usapan kung paano kayo gagawi. Magtakda ng limitasyon sa pagpapakita ng pagmamahal, na iginagalang ang damdamin at budhi ng bawat isa. (1 Corinto 13:5; 1 Tesalonica 4:3-7; 1 Pedro 3:16) Maaaring mahirap sa simula na pag-usapan ang maselan na paksang ito, ngunit mahahadlangan nito ang pagbangon ng malulubhang suliranin sa dakong huli.
Naturuan ‘Mula Pa sa Pagkabata’
17. Paano ‘pinagtiwalaan ni David si Jehova mula pa sa kaniyang pagkabata,’ at ano ang aral dito para sa mga kabataan sa ngayon?
17 Ang pag-iwas sa mga silo ni Satanas ay mangangailangan ng palaging pagbabantay sa inyong bahagi—at kung minsan, matinding lakas ng loob. Aba, kung minsa’y madarama ninyong laban sa inyo, hindi lamang ang inyong mga kaedad, kundi pati ang buong mundo. Nanalangin ang salmistang si David: “Ikaw ang aking pag-asa, O Soberanong Panginoong Jehova, ang aking pinagtitiwalaan mula pa sa aking pagkabata. O Diyos, tinuruan mo ako mula pa sa aking pagkabata, at hanggang ngayon ay inihahayag ko ang tungkol sa iyong mga kamangha-manghang gawa.” (Awit 71:5, 17)c Kilala si David dahil sa kaniyang lakas ng loob. Ngunit kailan ba niya nalinang ito? Noong kaniyang kabataan! Bago pa man ang kaniyang bantog na pakikipaglaban kay Goliat, nagpakita na si David ng pambihirang lakas ng loob sa pagsasanggalang sa mga kawan ng kaniyang ama—anupat pumatay kapuwa ng isang leon at isang oso. (1 Samuel 17:34-37) Gayunman, iniukol ni David kay Jehova ang ganap na kapurihan sa anumang kabayanihan na ipinamalas niya, anupat tinawag Siyang “aking pinagtitiwalaan mula pa sa aking pagkabata.” Ang kakayahan ni David na manalig kay Jehova ay nagpangyari sa kaniya na makayanan ang anumang pagsubok na nakaharap niya. Masusumpungan din naman ninyo na kung mananalig kayo kay Jehova, bibigyan niya kayo ng tibay ng loob at lakas upang ‘daigin ang sanlibutan.’—1 Juan 5:4.
18. Ano ang ipinapayo sa mga makadiyos na kabataan sa ngayon?
18 Libu-libong kabataang gaya ninyo ang may lakas ng loob na nanindigan at ngayo’y naglilingkod bilang bautisadong mamamahayag ng mabuting balita. Nagpapasalamat kami sa Diyos dahil sa pananampalataya at lakas ng loob ninyong mga kabataan! Manatili kayong determinado na takasan ang kasiraan ng sanlibutan. (2 Pedro 1:4) Patuloy na gamitin ang inyong sinanay-sa-Bibliya na mga kakayahan sa pang-unawa. Ang paggawa nito ay magsasanggalang sa inyo mula sa kapahamakan ngayon at sa wakas ay titiyak ng inyong kaligtasan. Sa katunayan, gaya ng ipakikita ng ating huling artikulo, gagawin ninyong matagumpay ang inyong buhay.
[Mga talababa]
a Ang artikulong “Panlipunang Paglilibang—Tamasahin ang mga Pakinabang, Iwasan ang mga Silo” na lumabas sa Agosto 15, 1992 na isyu ng Ang Bantayan ay may maraming impormasyon sa paksang ito.
b Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Didibdibin ang Katotohanan?” sa Oktubre 22, 1998 na labas ng Gumising!
c Ang Awit 71 ay lumilitaw na karugtong ng Awit 70, na ipinakilala sa superskripsiyon bilang isang awit ni David.
[Mga Tanong sa Repaso]
◻ Paano sinasanay ng isang kabataan ang kaniyang mga kakayahan sa pang-unawa?
◻ Paano magagamit ng isang kabataan ang kaniyang mga kakayahan sa pang-unawa kung tungkol sa pagdalo sa mga Kristiyanong pagtitipon?
◻ Anong mga salik ang maaaring isaalang-alang sa pagpaplano ng edukasyon ng isa?
◻ Paano maiiwasan ng mga magkasintahan ang silo ng seksuwal na imoralidad?
[Larawan sa pahina 15]
Ang pagkatutong magsaliksik ay tutulong sa inyo na sanayin ang inyong mga kakayahan sa pang-unawa
[Larawan sa pahina 16]
Mas madaling pangasiwaan ang mas maliliit na pagtitipon at mas malayong humantong sa walang-habas na maiingay na pagsasaya
[Larawan sa pahina 16]
Dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagpaplano ng kanilang edukasyon
[Larawan sa pahina 17]
Isang proteksiyon ang pakikipag-date kasama ng isang grupo