Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 1/02 p. 3-5
  • Pasulungin ang Inyong mga Kakayahan sa Pang-unawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pasulungin ang Inyong mga Kakayahan sa Pang-unawa
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2002
  • Kaparehong Materyal
  • Bagong Programa ng Pantanging Araw ng Asamblea
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
  • Mga Kabataan—Sanayin ang Inyong mga Kakayahan sa Pang-unawa!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Kaya Mo Bang “Makilala Kapuwa ang Tama at ang Mali”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Patuloy na Sanayin ang Iyong Kakayahan sa Pang-unawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2002
km 1/02 p. 3-5

Pasulungin ang Inyong mga Kakayahan sa Pang-unawa

1 Ang mapanganib na mga huling araw, na kinaroroonan natin, ay nagdulot ng matinding panggigipit at maraming uri ng malulubhang pagsubok sa bayan ng Diyos sa lahat ng dako. (2 Tim. 3:1-5) Tayong lahat ay nangangailangan ng pampatibay-loob upang makatayong matatag sa pananampalataya. (1 Cor. 16:13) Magagawa natin ito sa tulong ni Jehova habang patuloy tayong regular na kumakain sa kaniyang Salita, umaasa sa kaniyang espiritu, at nanatiling malapít sa kaniyang organisasyon.​—Awit 37:28; Roma 8:​38, 39; Apoc. 2:10.

2 Taglay ang makatuwirang dahilan, binuo ang temang “Maging Hustong-Gulang sa mga Kakayahan ng Pang-unawa” sa programa ng pantanging araw ng asamblea noong nakaraang taon. Ito ay salig sa 1 Corinto 14:​20, na doo’y mababasa natin ang mga salita ni apostol Pablo: “Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata sa mga kakayahan ng pang-unawa, kundi maging mga sanggol kayo kung tungkol sa kasamaan; gayunma’y maging hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa.” Ano ang masasabi ninyo sa programa?

3 “Tunay na nakapagpapatibay!” “Ito ang talagang kailangan namin!” Dalawa lamang ito sa mga naging katugunan. Kahit na ang isang di-Saksi na dumalo sa pantanging araw ng asamblea upang makita ang bautismo ng kaniyang 12-anyos na anak na babae ang nagsabi na siya ay lubhang humanga sa programa at nakikita niya kung paano ito magiging kapaki-pakinabang sa kaniyang pamilya. Ganiyan ba ang inyong nadarama? Ating repasuhin ang ilan sa mga tampok na bahagi ng programa.

4 Kailangan ang Tumpak na Kaalaman Upang Malinang ang mga Kakayahan sa Pang-unawa: Sa pambukas na pahayag na, “Pasulungin ang Inyong mga Kakayahan ng Pang-unawa Ngayon,” ano ang idiniin ng tagapagsalita na kailangan upang maharap ang mga hamon sa ngayon? Higit pa kaysa sa kakayahan ng pag-iisip ang kinakailangan. Dapat nating pasulungin at palalimin ang ating mga kakayahan ng pang-unawa sa Bibliya, dahil kung hindi ay madaraig tayo ng lahat ng kasamaan na doo’y nakalantad tayo. Ang kaunawaang ito ay nangangailangan ng patnubay ng Diyos. Kagaya ng salmista, dapat nating hilingin kay Jehova sa panalangin na maunawaan natin ang kaniyang mga kautusan at mga paalaala upang tayo ay makapaglingkod sa kaniya nang buong puso.​—Awit 119:​1, 2, 34.

5 Sa sumunod na bahagi, ipinakita ng tagapangasiwa ng sirkito na si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon, ay naglalaan sa atin ng “Mga Pantulong Upang Maging Hustong-Gulang sa Pag-unawa sa Bibliya.” Ang pag-unawa ay binigyan ng katuturan bilang “ang kakayahang tumingin sa isang bagay at maunawaan ang kayarian nito sa pamamagitan ng pag-alam sa kaugnayan ng mga bahagi at ng kabuuan nito, anupat nakukuha ang diwa nito.” Sino ang makatutulong sa atin sa paglinang ng kakayahang ito? Si Jehova ay naglaan ng mga kaloob na mga tao upang tulungan tayong makagawa ng espirituwal na pagsulong. (Efe. 4:​11, 12) Hinihimok tayo ng kaniyang makalupang organisasyon na magbasa ng Salita ng Diyos araw-araw at dumalo nang regular sa lahat ng pulong ng kongregasyon. (Awit 1:2) Tayo ay tinuturuan kung paano gagamitin ang Bibliya at ang ating mga publikasyong Kristiyano sa personal at pampamilyang pag-aaral at gayundin sa paghahanda para sa mga pulong at paglilingkod sa larangan. Sinasamantala ba ninyo ang lahat ng mga paglalaang ito? Napananatili ba ninyo ang isang regular at personal na programa sa pagbabasa ng Bibliya? Ito’y mahalaga upang maipagsanggalang tayo laban sa makasanlibutang mga kalakaran, uso, pilosopiya, at mapandayang mga impluwensiya.​—Col. 2:6-8.

6 Dapat na Sanayin ang Ating mga Kakayahan sa Pang-unawa: Sa kaniyang unang pahayag na pinamagatang “Pangalagaan ang Espirituwalidad sa Pamamagitan ng Pagsasanay sa Inyong mga Kakayahan sa Pang-unawa,” ipinaliwanag ng dumadalaw na tagapagsalita na hindi nakikilala niyaong mga nasa sanlibutan ang tama at mali. (Isa. 5:​20, 21) Ito’y dahilan sa pagtanggi nilang kilalanin at sundin ang matutuwid na pamantayan ng Diyos. Sa kabaligtaran, tayo na tumatanggap ng espirituwal na pagsasanay sa organisasyon ni Jehova ay kumikilala sa mga pamantayan ng Diyos, na nagsisilbing giya sa ating mga gawain at pag-uugali. Kung gayon, tayo ay nasa kalagayan upang patunayan sa ating mga sarili kung ano ang mabuti at kalugud-lugod sa mga mata ni Jehova at kung ano ang kasuwato ng kaniyang sakdal na kalooban.​—Roma 12:2.

7 Upang maiwasan ang litóng kaisipan ng sanlibutan at ang masasamang bunga nito, dapat nating patuloy na sanayin ang ating mga kakayahan sa pang-unawa. Paano maisasakatuparan ito? Kagaya ng iniulat sa Hebreo 5:12-14, idiniin ni apostol Pablo ang pangangailangang kumain nang higit pa kaysa “gatas” ng salita. Kailangan natin ang matigas na pagkaing espirituwal, gaya ng ating natatanggap sa pagtalakay ng hula ni Isaias sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Pagkatapos ay dapat nating ikapit kaagad sa ating buhay kung ano ang natutuhan natin. Kapag ginagawa natin ito, kumbinsido tayo sa pagiging tama ng mga simulain at mga pamantayan ni Jehova. Sinasanay nito ang ating mga kakayahan sa pang-unawa na makilala nang malinaw kapuwa ang tama at mali.

8 Nakalulungkot sabihin, ang ilan ay mabuway sa espirituwal. Bakit? Hindi nila itinuon ang kanilang pansin sa kung ano ang mabuti at matuwid sa mga mata ni Jehova. Bilang resulta, naging biktima sila ng mga talk show sa radyo at telebisyon na nagtataglay ng mga bagay na salungat sa Kasulatan, ng nakasasamang musika, o ng masasamang impluwensiya mula sa mga chat room ng computer. Sa pagkilos nang may katalinuhan, maiiwasan natin na maimpluwensiyahan ng imoral, hangal, o balakyot na mga tao.​—Kaw. 13:20; Gal. 5:7; 1 Tim. 6:​20, 21.

9 Ang mga Kabataan ay Dapat na ‘Maging mga Sanggol Kung Tungkol sa Kasamaan’: Ang programa ay may dalawang bahagi na espesipikong nagpasigla sa mga kabataan upang malinang ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa. Ipinakita ng mga tagapagsalita na ang pagiging ‘mga sanggol kung tungkol sa kasamaan’ ay nangangahulugan ng pananatiling walang karanasan, wika nga, inosente gaya ng mga sanggol, may kinalaman sa mga bagay na marumi sa paningin ni Jehova. (1 Cor. 14:20) Pinasigla tayong lahat na maging mahigpit na nagbabantay kung paano natin ginagamit ang ating panahon upang labanan ang pagkakalantad sa lahat ng uri ng kasamaan at maiwasan na mahawa rito. (Efe. 5:15-17) Tayo ay pinatibay na tuusin kung gaano kalaking panahon ang ginugugol natin sa pagbabasa ng materyal na walang tuwirang maitutulong sa ating pagsulong sa kaunawaan sa espirituwal na mga bagay. Ginawa ba ninyo iyon? Ano ang isiniwalat ng mga resulta nito? Bukod pa sa pagbabasa ng Bibliya araw-araw, maging determinadong umalinsabay sa babasahing inilalaan ng organisasyon. Ang paggawa nito ay tutulong sa ating lahat, lakip na sa mga kabataan, na ‘magtamo ng pagkaunawa.’​—Kaw. 4:7-9.

10 “Makinabang sa Pagkakapit ng mga Simulain sa Bibliya Taglay ang Kaunawaan”: Iyan ang tema ng pangwakas na pahayag sa programa ng pantanging araw ng asamblea. Ipinaliwanag ng panauhing tagapagsalita na si Jehova ang Pinagmumulan ng nagbibigay-buhay na kaunawaan, na walang hanggan ang kahigitan kung ihahambing sa buong sangkatauhan. Gunigunihin na lamang ang pagkakataong matuto mula sa kaunawaan ni Jehova! Siya’y bukas-palad na nagkakaloob nito sa mga taimtim na humahanap nito at humihiling nito taglay ang pananampalataya. (Kaw. 2:3-5, 9; 28:5) Lubos ba ninyong sinasamantala ang kaniyang alok?

11 Pinasisigla tayo na matutong kilalanin ang mga simulain habang tayo ay nagbabasa ng Bibliya. (2 Tim. 3:​16, 17) Maingat na pag-aralan ang mga ito upang magkaroon ng tumpak na kaunawaan hinggil sa kung ano ang sinasabi ni Jehova. Gumugol ng panahon upang bulay-bulayin ang mga simulaing ito at ikintal ang mga ito sa inyong isip at puso. Sasanayin nito ang inyong mga kakayahan sa pang-unawa upang kayo ay magtagumpay kapag gumagawa ng mga pagpapasiya sa buhay. (Jos. 1:8) Isaalang-alang natin ang ilang mga kalagayan na napapaharap sa marami at tingnan kung paanong ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay makatutulong sa atin upang magtagumpay.

12 ‘Dapat ko bang tularan ang isang istilo ng pananamit at pag-aayos?’ Ang kinahihiligang uso ng sanlibutan sa pananamit at pag-aayos ay kadalasang nagbabadya ng espiritu ng paghihimagsik. Ang gayong espiritu ay nakaiimpluwensiya sa mga tao upang manamit nang burara at di-kaakit-akit o ibilad ang kanilang katawan. Anong angkop na mga simulain sa Bibliya ang makatutulong sa atin upang labanan ang gayong mga hilig? Palibhasa’y sinanay ang ating mga kakayahan sa pang-unawa, isasaalang-alang natin ang simulaing masusumpungan sa 1 Timoteo 2:​9, 10, na manamit ‘nang may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip . . . , sa paraan na angkop sa [mga tao] na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos.’ Ang iba pang mga simulaing kumakapit dito ay yaong binanggit sa 2 Corinto 6:3 at Colosas 3:​18, 20.

13 ‘Ano ang maaari kong gawin upang maingatang matibay ang buklod ng aking pamilya?’ Ang mabuting komunikasyon sa gitna ng mga miyembro ng pamilya ay mahalaga. Ang Santiago 1:19 ay nagsasabi sa atin: “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” Ang mga miyembro ng pamilya ay kailangang makinig at makipag-usap sa isa’t isa sapagkat ang komunikasyon ng pamilya ay isang daan na may dalawang patunguhan. Kahit na ang sinasabi natin ay totoo, kung ito ay sinasabi sa isang malupit, mapagmataas, o walang-pakundangang paraan, malamang na ito ay higit na makasama kaysa sa makabuti. Kaya tayo man ay isang asawang lalaki o babae, isang magulang o anak, dapat na ang ating pananalita ay “laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin.”​—Col. 4:6.

14 ‘Ako ba ay naaapektuhan ng materyalismo?’ Ang materyalismo ay isang makasanlibutang panggigipit na nagpapangyaring maging masalimuot ang buhay ng isa. Hindi nito binubuksan ang pinto tungo sa kaligayahan. (Ecles. 5:10; Luc. 12:15; 1 Tim. 6:​9, 10) Upang matulungan tayong umiwas sa silo ng materyalismo, itinuro sa atin ni Jesus ang mahalagang simulaing ito: Manatiling simple ang mata. Ang pagkakaroon ng isang timbang, hindi gaanong masalimuot na buhay ay nagsasangkot ng pagtutuon ng ating mga mata sa mga kapakanan ng Kaharian, na ginagawang pangalawahin lamang ang lahat ng bagay.​—Mat. 6:​22, 23, 33.

15 Kung Ano ang Dapat na Maging Tunguhin Natin: Taglay natin sa Salita ng Diyos ang maaasahang bukal ng matutuwid na simulain upang pumatnubay sa atin sa paggawa ng mga pagpapasiya. Kailangan nating matutuhan ang mga simulaing ito, bulay-bulayin ang mga ito, at unawain kung paano ikakapit ang mga ito sa ating buhay. Kaya sa pamamagitan ng ‘pagsasanay sa ating mga kakayahan sa pang-unawa upang makilala ang tama at mali,’ makikinabang tayo sa ating ganang sarili at mapararangalan natin si Jehova.​—Heb. 5:14.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share