Ginawa Nila ang Kalooban ni Jehova
Pinili ni Maria “ang Mabuting Bahagi”
NOONG panahon ni Jesus, natatakdaan ng rabinikong mga tradisyon ang mga babaing Judio. Kaya naman, sila’y pinipigilan na mag-aral ng Kautusan. Totoo, ganito ang sabi ng isang opinyon na sinipi sa Mishnah: “Kung bibigyan ng sinumang lalaki ang kaniyang anak na babae ng kaalaman sa Kautusan, para niya itong tinuruan ng pagkahandalapak.”—Sotah 3:4.
Bunga nito, maraming babae noong unang siglo sa Judea ang hindi gaanong edukado. “Walang katibayan na bago ang ministeryo ni Jesus ang mga babaing Judio ay pinahintulutan kailanman na maging mga alagad ng isang dakilang guro, gaano pa kaya ang sumama sa gurong ito, o magturo sa kaninuman maliban sa mga bata,” ang sabi ng The Anchor Bible Dictionary. Bilang paghamak pa sa mga babae, gumawa pa nga ng tuntunin ang ilang relihiyosong lider na nagtatakda na hindi dapat kausapin ng isang lalaki ang isang babae sa publiko!
Hindi pinansin ni Jesus ang gayong hindi makadiyos na mga saloobin. Tinuruan niya ang mga babae gayundin ang mga lalaki, at masusumpungan kapuwa ang mga lalaki’t babae sa kaniyang mga tagasunod. (Lucas 8:1-3) Minsan, si Jesus ay naanyayahan na maging bisita nina Marta at Maria. (Lucas 10:38) Ang dalawang babaing ito ay mga kapatid ni Lazaro, at ang tatlo ay pawang mga alagad at matatalik na kaibigan ni Jesus. (Juan 11:5) Maaaring prominente ang pamilyang ito, kung isasaalang-alang na marami ang pumunta upang aliwin sina Marta at Maria nang mamatay si Lazaro. Sa paano man, ang nangyari sa kanilang tahanan nang si Jesus ay isang bisita roon ay nagbigay ng isang mahalagang aral hindi lamang para sa kanila kundi para rin naman sa atin.
Pagkatuto sa Paanan ni Jesus
Walang alinlangan, sina Marta at Maria ay sabik na paglaanan si Jesus ng isang marangyang piging, at marahil ito ay kaya naman nila. (Ihambing ang Juan 12:1-3.) Gayunman, nang dumating na ang kanilang bisita, si Maria ay “nakaupo naman sa paanan ng Panginoon at patuloy na nakikinig sa kaniyang salita.” (Lucas 10:39) Ang tradisyon ng mga tao ay hindi makahahadlang kay Jesus para turuan ang taimtim na babaing sabik na sabik matuto! Maguguniguni natin si Maria na nakaupo sa harapan ni Jesus, inilalagay ang kaniyang sarili sa katayuan ng isang tinuturuan na matamang nakikinig sa pagtuturo ng kaniyang Panginoon.—Ihambing ang Deuteronomio 33:3; Gawa 22:3.
Di-tulad ni Maria, si Marta “ay nagagambala sa pag-aasikaso sa maraming tungkulin.” Sa paghahanda ng magarbong pagkain, abalang-abala siya sa kaniyang mga gawain sa bahay. Di-nagtagal, nainis si Marta dahil siya na lamang ang gumagawa ng lahat ng gawain samantalang ang kaniyang kapatid na babae ay nakaupo sa paanan ni Jesus! Kaya sumabad si Marta sa pakikipag-usap ni Jesus kay Maria, marahil nang di-inaasahan, anupat sinasabi: “Panginoon, hindi ka ba nababahala na ang aking kapatid na babae ay iniwan akong mag-isa upang mag-asikaso sa mga bagay-bagay? Sabihin mo sa kaniya, kung gayon, na tumulong sa akin.”—Lucas 10:40.
Sa ganang sarili, wala namang masama sa kahilingan ni Marta. Tutal, ang paghahanda ng pagkain para sa isang grupo ay mahirap na gawain, at ang pananagutan ay hindi dapat na pasanin ng iisang tao. Subalit, nakita ni Jesus sa kaniyang pananalita ang isang pagkakataon upang magturo ng isang mahalagang aral. “Marta, Marta,” ang sabi niya, “ikaw ay nababalisa at naguguluhan tungkol sa maraming bagay. Gayunman, iilang bagay ang kinakailangan, o isa lamang. Sa ganang kaniya, pinili ni Maria ang mabuting bahagi, at ito ay hindi aalisin mula sa kaniya.”—Lucas 10:41, 42.
Hindi sinasabi ni Jesus na si Marta ay walang interes sa espirituwal na mga bagay. Sa kabaligtaran, kilala niya ito bilang isang babaing may matinding debosyon sa Diyos.a Tiyak na iyan ang nag-udyok sa kaniya na anyayahan si Jesus sa kaniyang tahanan. Gayunman, sa kaniyang mahinahong pagsaway, itinuturo ni Jesus na dahil sa kaniyang labis na pagkabalisa sa pagkain, pinalalampas ni Marta ang pambihirang pagkakataon na tumanggap ng personal na pagtuturo mula sa Anak ng Diyos.
Ipagpalagay na, maaaring itinataguyod ng kultura noong panahong iyon ang pangmalas na ang halaga ng isang babae ay pinakamabuting napatutunayan sa pamamagitan ng kaniyang kahusayan sa mga gawaing-bahay. Subalit ipinakita ng mga salita ni Jesus na ang mga babae, katulad ng mga lalaki, ay maaaring maupo sa paanan ng Anak ng Diyos at tumanggap ng mga salita ng buhay! (Juan 4:7-15; Gawa 5:14) Dahil dito, lalong makabubuti sana kay Marta na maghanda na lamang ng iilang pagkain—o kahit iisa —kung magbibigay ito sa kaniya ng pagkakataon na maupo sa paanan ng Panginoon at matuto mula sa kaniya.—Ihambing ang Mateo 6:25.
Aral Para sa Atin
Sa ngayon, kabilang sa mga tumugon sa paanyaya ni Jesus na “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad” kapuwa ang mga lalaki’t babae. (Apocalipsis 22:17) Udyok ng pag-ibig, ang ilan—gaya ni Marta—ay gumagawang lahat ng kanilang makakaya upang maglingkod sa mga pangangailangan ng mga kapananampalataya. Sila’y praktikal at mabilis kumilos, at si Jehova’y nangangako na gagantimpalaan ang kanilang mga pagpapagal sa pag-ibig. (Hebreo 6:10; 13:16) Ang iba marahil ay katulad ni Maria. Sila’y magiliw at palaisip sa espirituwal na mga bagay. Ang pananabik nilang magbulay-bulay sa Salita ng Diyos ay tumutulong sa kanila na manatiling matatag na nakaugat sa pananampalataya.—Efeso 3:17-19.
Tinutugunan kapuwa ng dalawang uri ng mga indibiduwal ang mahalagang pangangailangan sa Kristiyanong kongregasyon. Gayunman, sa katapusan, dapat ‘piliin [ng lahat] ang mabuting bahagi’ sa pamamagitan ng pangunahing pagdiriin sa espirituwal na mga bagay. Sa pamamagitan ng pagtiyak sa mas mahahalagang bagay, kakamtin natin ang pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova.—Filipos 1:9-11.
[Talababa]
a Na si Marta ay isang espirituwal na babaing may malaking pananampalataya ay maliwanag mula sa kaniyang pakikipag-usap kay Jesus pagkamatay ng kaniyang kapatid na si Lazaro. Sa okasyong ito, si Marta ang nagpakita ng mas matinding pananabik na salubungin ang kaniyang Panginoon.—Juan 11:19-29.