Talagang may Nagmamalasakit
LIBU-LIBONG tao ang nagpapakita na sila’y talagang nagmamalasakit. Hindi sila nagtataglay ng manhid at makasariling pangmalas na wala silang pakialam sa mga problema ng iba. Sa halip, ginagawa nila ang lahat ng kanilang magagawa—kung minsan ay isinasapanganib pa nga ang kanila mismong buhay—upang maibsan ang pagdurusa. Napakalaking trabaho nito, isa na pinahihirap pa ng makapangyarihang mga puwersa na hindi nila kaya.
Maaaring biguin ng mga salik na gaya ng kasakiman, pulitikal na intriga, mga digmaan, at likas na mga kasakunaan kahit na “ang pinakamaliwanag at determinadong mga pagsisikap na pawiin ang gutom,” ang sabi ng isang manggagawang tumutulong. Ang pagpawi sa gutom ay isa lamang sa maraming problema na kinakaharap ng mga taong nagmamalasakit. Nakikipagbaka rin sila sa mga bagay na gaya ng karamdaman, karalitaan, kawalang-katarungan, at matinding paghihirap na dulot ng digmaan. Subalit nagwawagi ba sila?
Isang punong ehekutibo ng isang ahensiya na tumutulong ang nagsabi na yaong gumagawa ng gayong “maliwanag at determinadong mga pagsisikap” upang mabawasan ang gutom at paghihirap ay katulad ng madamaying Samaritano na inilarawan sa ilustrasyon ni Jesu-Kristo. (Lucas 10:29-37) Subalit anuman ang gawin nila, aniya, patuloy na dumarami ang mga biktima. Kaya nagtanong siya: “Ano ang dapat gawin ng mabuting Samaritano kung maglalakbay siya sa ruta ring iyon araw-araw sa loob ng ilang taon at masumpungan niya bawat linggo ang isa pang biktima ng mga mang-uumog sa tabi ng daan?”
Madaling padala sa inilarawan bilang ‘ang nakamamatay na karamdaman ng pagkapagod ng tagapangalaga’ at basta sumuko dahil sa kabiguan. Sa kanilang kapurihan, hindi sumusuko yaong mga talagang nagmamalasakit. (Galacia 6:9, 10) Halimbawa, pinuri ng isang lalaki na sumulat sa Jewish Telegraph ng Britanya ang mga Saksi ni Jehova, na noong panahon ng Nazing Alemanya ay “tumulong sa libu-libong Judio na makaligtas sa mga kahapisan ng Auschwitz.” “Kapag kaunti ang pagkain,” ang sabi ng manunulat, “ibinahagi nila ang kanilang tinapay sa aming mga kapatid [na Judio]!” Patuloy na ginawa ng mga Saksi ang lahat ng magagawa nila sa kung ano ang taglay nila.
Gayunman, ang totoo ay na hindi lubusang mawawakasan ng gaano man karaming pagbabahagi ng tinapay ang pagdurusa ng tao. Hindi naman ito nangangahulugan na minamaliit ang pakikiramay na ginawa ng mga tao. Kapaki-pakinabang ang anumang gawain na wastong nakababawas sa pagdurusa. Sa paano man ay binawasan ng mga Saksi ang paghihirap ng kapuwa mga bilanggo, at sa wakas ay bumagsak ang Nazismo. Gayunman, narito pa ang sistema ng daigdig na nagdudulot ng paniniil na ito, at marami pa rin ang mga taong walang malasakit. Tunay, “may salinlahing ang mga ngipin ay mga tabak at ang mga panga ay mga kutsilyong pangkatay, upang lamunin ang mga napipighati mula sa lupa at ang mga dukha mula sa sangkatauhan.” (Kawikaan 30:14) Malamang, nagtatanong ka kung bakit ganito ang kalagayan.
Bakit May Karalitaan at Paniniil?
Minsa’y sinabi ni Jesu-Kristo: “Laging kasama ninyo ang mga dukha, at kailanman na nais ninyo ay lagi ninyong magagawan sila ng mabuti.” (Marcos 14:7) Ibig bang sabihin ni Jesus na ang karalitaan at paniniil ay hindi kailanman magwawakas? Tulad ng ilang tao, naniniwala ba siya na ang gayong pagdurusa ay bahagi ng plano ng Diyos upang bigyan ng pagkakataon ang mga mahabagin na ipakita kung gaano sila nagmamalasakit? Hindi! Hindi ganiyan ang paniniwala ni Jesus. Sinasabi niya lamang na ang karalitaan ay magiging bahagi ng buhay habang umiiral ang sistemang ito ng mga bagay. Subalit alam din ito ni Jesus: Hindi orihinal na layunin ng kaniyang makalangit na Ama na magkaroon ng ganitong mga kalagayan sa lupa.
Nilalang ng Diyos na Jehova ang lupa upang maging isang paraiso, hindi isang dakong sinasalot ng karalitaan, kawalang-katarungan, at paniniil. Ipinakita niya kung gaano niya kamahal ang sambahayan ng tao sa pamamagitan ng paggawa ng kamangha-manghang mga paglalaan na makadaragdag sa kasiyahan ng buhay. Aba, isaalang-alang ang pangalan mismo ng halamanan na tinirhan ng ating unang mga magulang, sina Adan at Eva! Tinawag itong Eden, na nangangahulugang “Kaluguran.” (Genesis 2:8, 9) Hindi basta itinakda ni Jehova sa mga tao ang mga pangangailangan lamang upang mabuhay sa isang mapanglaw at mapaniil na kapaligiran. Sa pagtatapos ng kaniyang gawang paglalang, pinagmasdan ni Jehova ang ginawa niya at ipinahayag na ito’y “napakabuti.”—Genesis 1:31.
Buweno, kung gayon, bakit laganap sa buong lupa ngayon ang karalitaan, paniniil, at iba pang sanhi ng pagdurusa? Ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ay umiiral sapagkat pinili ng ating unang mga magulang na maghimagsik laban sa Diyos. (Genesis 3:1-5) Nagbangon ito ng katanungan kung matuwid ba para sa Diyos na humiling ng pagsunod mula sa kaniyang mga nilalang. Kaya pinahintulutan ni Jehova ang mga inapo ni Adan ng limitadong panahon ng pagsasarili. Nababahala pa rin ang Diyos sa nangyayari sa sambahayan ng tao. Gumawa siya ng paglalaan upang alisin ang lahat ng pinsalang ibubunga ng paghihimagsik na iyon laban sa kaniya. At hindi na magtatagal, wawakasan ni Jehova ang karalitaan at paniniil—sa katunayan, lahat ng pagdurusa.—Efeso 1:8-10.
Isang Problemang Hindi Kayang Lutasin ng Tao
Sa nakalipas na mga dantaon mula sa paglalang ng tao, lalong lumayo sa mga pamantayan ni Jehova ang sangkatauhan. (Deuteronomio 32:4, 5) Sa kanilang patuloy na pagtanggi sa mga batas at simulain ng Diyos, naglaban-laban ang mga tao, at “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Lahat ng mga pagsisikap upang magkaroon ng isang tunay na makatarungang lipunan, na malaya sa lahat ng sumasalot sa nagdurusang mga tao, ay hinadlangan ng kasakiman niyaong mga gustong gawin ang mga bagay-bagay sa kanilang sariling paraan sa halip na pasakop sa soberanya ng Diyos.
May isa pang problema—isa na maaaring ituring lamang na walang-kabuluhang pamahiin. Inuudyukan pa rin ng tagasulsol ng paghihimagsik laban sa Diyos ang mga tao sa kasamaan at kasakiman. Siya si Satanas na Diyablo, at tinawag siya ni Jesu-Kristo na “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31; 14:30; 2 Corinto 4:4; 1 Juan 5:19) Sa pagsisiwalat na ibinigay kay apostol Juan, ipinakilala si Satanas bilang ang pangunahing pinagmumulan ng kaabahan—ang may pangunahing pananagutan na siyang “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.”—Apocalipsis 12:9-12.
Gaano man ang pagmamalasakit ng ilang tao sa kanilang kapuwa-tao, hindi nila kailanman maaalis si Satanas na Diyablo o mababago ang sistemang ito na lumilikha ng lumalaking bilang ng mga biktima. Ano, kung gayon, ang kinakailangan upang malutas ang mga problema ng sangkatauhan? Ang lunas ay hindi basta may isa lamang na nagmamalasakit. May pangangailangan para sa isa na may kalooban at kapangyarihan na alisin si Satanas at ang kaniyang buong walang-katarungang sistema.
“Mangyari Nawa ang Iyong Kalooban . . . sa Lupa”
Nangangako ang Diyos na pupuksain ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Mayroon siya kapuwa ng kalooban at kapangyarihan na kinakailangan upang gawin ito. (Awit 147:5, 6; Isaias 40:25-31) Sa makahulang aklat ng Bibliya na Daniel, ito’y inihula: “Ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda”—oo, magpakailanman. (Daniel 2:44) Nasa isip ni Jesu-Kristo ang namamalagi at mapagpalang makalangit na pamahalaang ito nang turuan niya ang kaniyang mga alagad na hilingin sa Diyos sa panalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Sasagutin ni Jehova ang gayong mga panalangin sapagkat talagang nagmamalasakit siya sa sambahayan ng tao. Ayon sa makahulang pananalita ng Awit 72, binigyan ng kapangyarihan ng Diyos ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na magdala ng namamalaging ginhawa sa mga dukha, napipighati, at nasisiil na sumusuporta sa pamamahala ni Jesus. Kaya, umawit ang kinasihang salmista: “Hatulan niya [ng Mesiyanikong Hari ng Diyos] nawa ang mga napipighati sa bayan, iligtas niya nawa ang mga anak ng dukha, at durugin niya nawa ang mandaraya. . . . Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”—Awit 72:4, 12-14.
Sa isang pangitain tungkol sa ating panahon, nakita ni apostol Juan ang “isang bagong langit at isang bagong lupa,” isang ganap na bagong sistema ng mga bagay na itinatag ng Diyos. Anong laking pagpapala para sa nagdurusang sangkatauhan! Inihuhula kung ano ang gagawin ni Jehova, sumulat si Juan: “Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ At ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Gayundin, sinabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ ”—Apocalipsis 21:1-5.
Oo, makapaniniwala tayo sa mga salitang ito, sapagkat ito’y tapat at totoo. Malapit nang kumilos si Jehova upang alisin sa lupa ang karalitaan, gutom, paniniil, sakit at lahat ng kawalang-katarungan. Gaya ng madalas banggitin ng magasing ito mula sa Kasulatan, ipinakikita ng maraming katibayan na tayo’y nabubuhay na sa panahon na matutupad na ang mga pangakong ito. Malapit na ang ipinangako ng Diyos na isang bagong sanlibutan! (2 Pedro 3:13) Hindi na magtatagal, “lalamunin [ni Jehova] ang kamatayan magpakailanman” at “papahirin ang mga luha mula sa lahat ng mukha.”—Isaias 25:8.
Hanggang sa mangyari ito, maaari tayong magalak na kahit na sa ngayon ay may mga taong tunay na nagmamalasakit. Isa pang dahilan ng higit na kagalakan ay na talagang nagmamalasakit ang Diyos na Jehova mismo. Malapit na niyang alisin ang lahat ng paniniil at pagdurusa.
Makapagtitiwala ka nang lubos sa mga pangako ni Jehova. Tiyak na nagtiwala ang kaniyang lingkod na si Josue. Taglay ang lubusang pagtitiwala, sinabi niya sa sinaunang bayan ng Diyos: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.” (Josue 23:14) Samakatuwid, samantalang nananatili pa ang kasalukuyang sistema ng mga bagay, huwag hayaang madaig ka ng mga pagsubok na maaaring makaharap mo. Ihagis mo ang lahat ng iyong kabalisahan kay Jehova, sapagkat talagang nagmamalasakit siya.—1 Pedro 5:7.
[Mga larawan sa pahina 7]
Sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, mapalalaya na ang lupa mula sa karalitaan, paniniil, sakit, at kawalang-katarungan