Banal na mga Palaisipan at ang Layunin ng Diyos
KAPAG hindi nalalaman ng isa ang kasagutan, iyon ay isang hamon; ngunit kapag alam niya, wala na iyong saysay. Ano iyon? Isang palaisipan.
Sa napakapraktikal na lipunan ngayon, malamang na malasin ng mga tao ang mga palaisipan bilang laro ng mga bata, subalit noong sinaunang mga panahon ang palaisipan “ay isang pagsubok ng karunungan,” ang sabi ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible.—Ihambing ang Kawikaan 1:5, 6.
Sa halip na basta lamang sabihin nang tahasan ang kaniyang kalooban o layunin, sinasadya kung minsan ni Jehova na palabuin ang kaniyang mga makahulang kapahayagan sa pamamagitan ng paggamit ng mga analogo, mahiwagang “mga malabong sabi,” o mga palaisipan na nakalilito. (Awit 78:2, King James Version; Bilang 12:8, The Emphasized Bible) Sa katunayan, bagaman ang Hebreong salita para sa palaisipan ay ginagamit ng 17 ulit lamang sa Bibliya, ang Kasulatan ay literal na punung-puno ng mga palaisipan at kawikaan.
Maraming mga Palaisipan sa Bibliya
Naiulat na kayang sagutin ni Haring Solomon maging ang mga pinakanakalilitong katanungan, o mga palaisipan, na inihaharap sa kaniya. (1 Hari 10:1, talababa sa Ingles) Ito’y tiyak na dahil sa bigay-diyos na karunungan. Kung totoo man ang mga naiulat ng sinaunang mga istoryador na minsa’y natalo si Solomon sa isang paligsahan ng palaisipan kay Haring Hiram ng Tiro, marahil ito’y nangyari pagkatapos na mawala sa kaniya ang espiritu ni Jehova dahil sa kaniyang apostasya. Si Hukom Samson ay mahilig din sa mga palaisipan. Sa isang pangyayari, sa tulong ng banal na espiritu, nagkaroon siya ng pagkakataon na takutin ang puso ng mga kaaway ng Diyos sa pamamagitan ng isang palaisipan.—Hukom 14:12-19.
Gayunman, maraming palaisipan sa Bibliya ang direktang kaugnay sa mga layunin ni Jehova. Halimbawa, isaalang-alang ang Genesis 3:15. Ang hulang ito, na siyang saligan ng tema ng Bibliya, ay isang hiwaga sa ganang sarili, isang “banal na lihim.” (Roma 16:25, 26) Bukod sa kahima-himalang mga pangitain at kapahayagan, nakita rin ni apostol Pablo ang ilang aspekto ng layunin ng Diyos sa “malabong balangkas,” o sa literal na pakahulugan ay “nakalilitong kapahayagan.” (1 Corinto 13:12; 2 Corinto 12:1-4) At kumusta naman ang walang-patid na pagsasapantaha hinggil sa mahiwagang bilang ng mabangis na hayop—“anim na raan at animnapu’t anim”—na bigla na lamang binanggit nang walang paliwanag sa Apocalipsis 13:18? Sino ang maaaring lumutas sa mga banal na palaisipang ito, at ano ba ang layunin ng mga ito?
Pag-unawa sa mga Banal na Lihim
Para sa karamihan sa atin, ang paningin ang pinakamahalaga sa ating limang pandamdam. Ngunit kung walang liwanag, halos walang silbi ang paningin ng tao. Magiging halos bulag tayo. Gayundin ang isip ng tao. May kamangha-mangha itong kakayahan na pagtugma-tugmain ang mga impormasyon, gumamit ng lohika, at sa gayo’y makalutas ng mga suliranin. Gayunman, higit pa ang kailangan upang maunawaan ang banal na mga lihim. Samantalang ang iba’y maaaring magbigay ng paliwanag sa mga palaisipang nasa Bibliya, tanging ang Awtor ng mga ito, si Jehova, ang Diyos ng liwanag, ang maaaring magsiwalat ng tamang kahulugan ng mga ito.—1 Juan 1:5.
Nakalulungkot, masyadong mapagmataas at makasarili ang mga tao anupat hindi sila naghihintay kay Jehova para sa mga kasagutan. Palibhasa’y naiintriga sa mga hiwaga at naghahanap ng intelektuwal na hamon, at hindi talaga ng katotohanan, mayroong ilan na nagsasaliksik ng mga kasagutan nang hindi sa Salita ng Diyos. Halimbawa, sa Judiong mistisismo at sa Cabala nito, pinag-iisipan ang mahiwagang kahulugan ng mga bilang at titik ng Hebreong alpabeto. Sa kabilang dako, sinikap ng mga Gnostiko ng ikalawang siglo na makabasa ng lihim na mga kahulugan mula sa Hebreo at Griegong Kasulatan.
Subalit ang lahat ng gayong pagsasaliksik ay umakay sa kanila sa mga paganong ritwal at pamahiin at sila’y lumayo sa banal na katotohanan. ‘Aba, kung ang daigdig ay punô ng kasamaan,’ ang pangangatuwiran ng mga Gnostiko, ‘ang Maylikha nito, si Yahweh, ay hindi maaaring isang mabuting Diyos.’ Ito ba ang pinakamahusay na konklusyon na maibibigay nila? Anong babaw nga ng pangangatuwiran ng tao! Hindi kataka-taka na si apostol Pablo, sa kaniyang pagsalungat sa mga apostatang ideya na nang malaunan ay pinaunlad ng Gnostikong mga sekta, ay matinding nagbabala sa kaniyang mga liham: “Huwag ninyong higitan ang mga bagay na nasusulat”!—1 Corinto 4:6.
Pagsisiwalat ng “mga Malabong Sabi”
Gayunman, bakit pa magsasalita ang isang Diyos ng kaliwanagan ng “mga malabong sabi”? Ang kayarian ng isang palaisipan ay nagpapangyari sa isa na gamitin ang kaniyang imahinasyon at kakayahang mangatuwiran. Kaya, katulad ng mga malasang sangkap na ibinudbod sa isang masarap na pagkain, ang mga ito ay ginagamit minsan sa buong Kasulatan upang pukawin lamang ang interes ng nakikinig o upang patingkarin ang mensahe. Sa ganitong mga pagkakataon, kadalasang ibinibigay ang paliwanag karaka-raka pagkatapos.—Ezekiel 17:1-18; Mateo 18:23-35.
Bukas-palad na ipinagkaloob ni Jehova ang karunungan subalit hindi nang walang pasubali. (Santiago 1:5-8) Isaalang-alang ang aklat ng Kawikaan, isang kinasihang koleksiyon ng nakalilitong mga kasabihan na maaaring malasin ng iba bilang mga palaisipan. Kinakailangan ang panahon at pagbubulay-bulay upang maunawaan ang mga iyon. Ngunit ilan ba ang handang gumawa ng pagsisikap na ito? Ang karunungang nilalaman ng mga iyon ay makukuha lamang ng mga handang maghukay para dito.—Kawikaan 2:1-5.
Si Jesus din ay gumamit ng mga ilustrasyon upang ihayag ang kalagayan ng puso ng kaniyang mga tagapakinig. Pulu-pulutong ang dumagsa sa kaniya. Kinagiliwan nila ang kaniyang mga kuwento. Naibigan nila ang kaniyang mga himala. Ngunit ilan ba sa kanila ang handang magbago ng kanilang istilo ng pamumuhay at sumunod sa kaniya? Anong laking pagkakaiba sa mga alagad ni Jesus, na paulit-ulit na nagsikap na unawain ang mga turo ni Jesus at kusang-loob na nagtatwa ng kanilang mga sarili upang maging kaniyang mga tagasunod!—Mateo 13:10-23, 34, 35; 16:24; Juan 16:25, 29.
Pagtingin sa Liwanag
“Ang interes sa mga palaisipan,” sabi ng isang reperensiya, “ay waring napapataon sa mga panahon ng intelektuwal na kaliwanagan.” Isang malaking pribilehiyo na mabuhay ngayon sa panahon na ang espirituwal na “liwanag ay suminag” para sa bayan ng Diyos. (Awit 97:11; Daniel 12:4, 9) Maghihintay ba tayo nang may pagtitiis kay Jehova na isiwalat ang kaniyang mga layunin ayon sa kaniyang talaorasan? Higit na mahalaga, handa ba tayong kumilos agad upang baguhin ang ating buhay kapag nalaman natin kung paano lubusang gagawin ang isiniwalat na kalooban ng Diyos? (Awit 1:1-3; Santiago 1:22-25) Kung gagawin natin ang mga ito, pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap, upang sa gayon, kung paanong naitutuwid ng mga salamin sa mata ang malabong paningin, ang banal na espiritu ang magpapalinaw sa magandang larawan ng layunin ng Diyos sa mata ng ating isip, sa gayo’y tumatalas ang ating espirituwal na paningin.—1 Corinto 2:7, 9, 10.
Oo, dinadakila ng maka-Kasulatang mga palaisipan si Jehova bilang ang “Tagapagsiwalat ng mga lihim.” (Daniel 2:28, 29) Bukod dito, siya rin ay Mananaliksik ng mga puso. (1 Cronica 28:9) Hindi natin dapat pagtakhan na malaman na ang pagsisiwalat ng liwanag ng banal na katotohanan ay laging baitang-baitang. (Kawikaan 4:18; Roma 16:25, 26) Sa halip na unawain ang malalalim na bagay ng Diyos sa pamamagitan ng mistisismo o ng mababaw na karunungan ng tao na walang anumang saysay, may-pagtitiwala tayong tumingin sa Diyos na Jehova para sa pagpapasikat ng liwanag sa kaniyang “malabong mga sabi,” sa gayo’y naihahayag ang kaniyang kagila-gilalas na mga layunin para sa tapat niyang mga lingkod sa kaniyang takdang panahon.—Amos 3:7; Mateo 24:25-27.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Biblia Hebraica Stuttgartensia, Deutsche Bibelgesellschaft Stuttgart