Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 10/1 p. 28-31
  • Pinatatag Upang Tanggihan ang Masamang Gawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinatatag Upang Tanggihan ang Masamang Gawa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Lalo Nang Mahalagang Tumanggi Ngayon
  • Matuto Mula sa Isang Binatang Tumanggi
  • Pagtanggi sa Panggigipit ng mga Kasamahan
  • Pagtanggi​—Nangangahulugan ng Buhay at Kamatayan
  • “Paano Ko Magagawa ang Malaking Kasamaang Ito?”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Isang Maka-Diyos na Pangmalas sa Moral na Kalinisan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Ang Pakikipagpunyagi Upang Magawa ang Tama
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Huwag Sumangkot sa mga Kasalanan ng Iba
    Gumising!—1986
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 10/1 p. 28-31

Pinatatag Upang Tanggihan ang Masamang Gawa

“NANG ako’y tin-edyer pa at nagtatrabaho sa isang groseri,” ang sabi ni Timothy, “niyaya ako ng isang kasama ko sa trabaho na pumunta sa kaniyang bahay. Sinabi niyang aalis ang kaniyang mga magulang, may mga babae roon, at may pagkakataong makipagtalik sa mga ito.” Maraming kabataan ang agad na papayag sa gayong paanyaya. Subalit ano ba ang sagot ni Timothy? “Sinabi ko agad sa kaniya na hindi ako pupunta at dahil sa aking Kristiyanong budhi, ayaw kong makipagtalik sa isa na hindi ko naman asawa.”

Samantalang ipinaliliwanag ang kaniyang pagtanggi, hindi alam ni Timothy na nakikinig ang isang kabataang empleadong babae. Naintriga ang babae sa kaniyang kalinisan sa moral, at di-nagtagal ay kailangan din niyang tanggihan ang babae​—sa maraming pagkakataon, gaya ng makikita natin mamaya.

Sabihin pa, pangkaraniwan na lamang sa ating panahon na paulanan ng tukso. Mga 3,000 taon na ang nakalipas, sumulat si Haring Solomon: “Anak ko, kung hihikayatin ka ng mga makasalanan, huwag kang pumayag. . . . Pigilan mo ang iyong paa mula sa kanilang landas.” (Kawikaan 1:10, 15) Si Jehova mismo ay nag-utos sa bansang Israel: “Huwag kang sumunod sa karamihan ukol sa masasamang pakay.” (Exodo 23:2) Oo, kung minsan ay dapat tayong tumanggi, labanan ang tuksong gumawa ng masama, kahit na hindi ito ang popular na ginagawa.

Lalo Nang Mahalagang Tumanggi Ngayon

Ang pagtangging gumawa ng masama ay hindi kailanman madali, at lalo na itong mahirap sa ngayon, sapagkat tayo’y nabubuhay sa tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. Totoo sa hula ng Bibliya, ang mga tao sa pangkalahatan ay naging mga maibigin sa kaluguran at karahasan, walang espirituwalidad at moralidad. (2 Timoteo 3:1-5) Ganito ang sinabi ng isang Jesuitang presidente ng pamantasan: “Mayroon tayong tradisyonal na mga pamantayan na hinamon at nasumpungang kulang o hindi na uso. Waring wala nang anumang moral na mga tuntunin sa ngayon.” Sa katulad na kaisipan, isang hukom sa nakatataas na hukuman ang nagsabi: “Ang mga bagay-bagay ay hindi na malinaw na tama o mali. Ang lahat ng bagay ay alanganin. . . . Mas kaunting tao ang nakakakilala sa pagkakaiba ng tama at mali. Kasalanan ngayon ang mahuli, hindi ang lumabag.”

Si apostol Pablo ay sumulat tungkol sa mga taong may gayong saloobin: “Sila ay nasa kadiliman sa kaisipan, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos, dahil sa kawalang-alam na nasa kanila, dahil sa pagkamanhid ng kanilang mga puso. Palibhasa’y nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal, ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng kawalang-kalinisan na may kasakiman.” (Efeso 4:18, 19) Subalit naghihintay sa kanila ang kabagabagan. Sinabi ni Isaias: “Sa aba ng mga nagsasabi na ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti, silang nagtuturing na ang kadiliman ay liwanag at ang liwanag ay kadiliman.” (Isaias 5:20) Hindi lamang nila aanihin ang kanilang inihasik ngayon kundi mararanasan nila sa malapit na hinaharap ang pinakamalaking ‘kaabahan’​—ang di-kaayaayang kahatulan mula kay Jehova.​—Galacia 6:7.

“Nang sumibol ang mga balakyot na gaya ng pananim at namukadkad ang lahat ng nagsasagawa ng bagay na nakasasakit, iyon ay upang malipol sila magpakailanman,” ang sabi ng Awit 92:7. Sa ibang pananalita, ang saganang ani ng kabalakyutan ay hindi magpapatuloy nang walang takda, anupat nagpapahirap sa buhay ng lahat. Sa katunayan, sinabi ni Jesus na ang “salinlahi” na nagtataguyod ng kabalakyutang ito ang siya mismong aalisin ng Diyos sa “malaking kapighatian.” (Mateo 24:3, 21, 34) Kaya kung ibig nating makaligtas sa kapighatiang iyon, kailangang malaman natin ang tama sa mali ayon sa mga pamantayan ng Diyos; at, sabihin pa, kailangan din natin ng moral na lakas upang tumanggi sa lahat ng anyo ng masamang gawa. Bagaman hindi ito madali, binigyan tayo ni Jehova ng ilang nakapagpapatibay na mga halimbawa noong panahon ng Bibliya at sa ngayon.

Matuto Mula sa Isang Binatang Tumanggi

Waring lalo nang mahirap na tumanggi sa pakikiapid at pangangalunya, kahit na sa ilan sa Kristiyanong kongregasyon. Isinapuso ni Timothy, na nabanggit sa panimulang parapo, ang halimbawa ng kabataang si Jose, na nakaulat sa Kasulatan sa Genesis 39:1-12. Si Jose ay nagpakita ng katatagan sa moral nang paulit-ulit siyang anyayahan ng asawa ng Ehipsiyong opisyal na si Potipar na sumiping sa kaniya. Sabi ng ulat, “tumatanggi [si Jose] at sinasabi niya. . . ‘Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at talagang magkasala laban sa Diyos?’ ”

Paano nagkaroon si Jose ng moral na lakas na tumanggi sa asawa ni Potipar sa araw-araw? Una sa lahat, higit niyang pinahalagahan ang kaugnayan niya kay Jehova kaysa sa pansamantalang kaluguran. Bukod pa riyan, kahit na wala siya sa ilalim ng isang kodigong kautusan ng Diyos (wala pa ang Kautusan ni Moises), maliwanag ang pagkaunawa ni Jose sa moral na mga simulain; alam niya na ang pakikiapid sa nahahaling na asawa ni Potipar ay magiging isang kasalanan hindi lamang laban sa asawa nito kundi rin naman sa Diyos.​—Genesis 39:8, 9.

Maliwanag na naunawaan ni Jose ang kahalagahan ng hindi pagpukaw sa pagnanasa na maaaring magpaliyab ng di-masupil na pita. Makabubuting sundin ng isang Kristiyano ang halimbawa ni Jose. Ganito ang sabi ng Hulyo 1, 1957 na Watchtower: “Dapat niyang kilalanin ang kaniyang mga kahinaan sa laman at huwag isipin na masusunod niya ang makalamang mga pagnanais hanggang sa maka-Kasulatang hangganan at huminto roon. Kahit na magtagumpay siya sa paggawa nito sumandali, sa wakas ay mahihila siya nito sa hangganan tungo sa kasalanan. Tiyak na mangyayari ito, yamang ang kahalayan na pinasisidhi ay tumitindi at humihigpit ang kapit sa isang tao. Kaya mas mahirap niyang alisin ito sa kaniyang isip. Ang pinakamabuting depensa niya ay labanan ang mga ito sa simula pa lamang.”

Ang paglaban dito sa pasimula pa lamang ay nagiging mas madali habang nililinang natin ang pag-ibig sa kung ano ang tama at pagkapoot sa kung ano ang mali. (Awit 37:27) Subalit kailangang patuloy nating gawin ito, maging matiyaga. Kung gagawin natin ito, sa tulong ni Jehova lalong lalakas ang ating pag-ibig sa tama at pagkamuhi sa mali. Samantala, sabihin pa, dapat tayong manatiling mapagbantay tulad ng iniutos ni Jesus, na palaging nananalanging ilayo tayo sa tukso at iligtas tayo mula sa isa na balakyot.​—Mateo 6:13; 1 Tesalonica 5:17.

Pagtanggi sa Panggigipit ng mga Kasamahan

Isa pang impluwensiya sa paggawa ng masama ay ang panggigipit ng mga kasamahan. Isang kabataan ang nagsabi: “Ako’y may dobleng pamumuhay​—isa sa paaralan at isa sa bahay. Sa paaralan, nakikipagbarkada ako sa mga kabataan na nagmumura sa tuwing nagsasalita sila. At ako’y nahahawa sa kanila. Ano ang dapat kong gawin?” Ang kailangan ay ang lakas ng loob na maging iba, at ang isang paraan upang magkaroon nito ay sa pamamagitan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga ulat ng Bibliya na nagsasabi sa atin tungkol sa matapat na mga lingkod ng Diyos na gaya ni Jose. Ang iba pang mahuhusay na halimbawa ay sina Daniel, Sadrac, Mesac, at Abednego​—apat na kabataang lalaki na may lakas ng loob na maging iba sa kanilang mga kasamahan.

Samantalang tinuturuan na kasama ng ibang kabataang lalaki sa maharlikang palasyo sa Babilonya, ang apat na kabataang Israelitang ito ay hiniling na kumain ng “pang-araw-araw na panustos mula sa masasarap na pagkain ng hari.” Palibhasa’y ayaw nilang labagin ang mga bahagi ng Kautusan ni Moises may kinalaman sa pagkain, tinanggihan nila ang pagkain na ito. Nangangailangan iyan ng katatagan​—lalo na nga’t ang mga pagkain, palibhasa’y “masasarap na pagkain ng hari,” ay malamang na totoong nakatutukso. Anong inam na halimbawa ang ibinigay ng mga kabataang lalaki na ito para sa mga Kristiyano sa ngayon na maaaring tuksuhin, gipitin pa nga, na magpakalabis sa alak o gumamit ng droga at tabako!​—Daniel 1:3-17.

Ipinakita rin nina Sadrac, Mesac, at Abednego ang katotohanan ng sinabi ni Jesus nang dakong huli: “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami.” (Lucas 16:10) Ang kanilang matibay na paninindigan sa kung ihahambing ay maliit na bagay lamang na gaya ng pagkain at ang mainam na resulta ng ibinigay ni Jehova ay tiyak na nagpatatag sa kanila para sa mas mabigat na pagsubok sa dakong huli. (Daniel 1:18-20) Dumating ang pagsubok na ito nang sila’y pag-utusan, sa ilalim ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng apoy, na makilahok sa idolatriya. Buong tibay ng loob, ang tatlong kabataang lalaki ay nanatiling determinado na si Jehova lamang ang sasambahin, anupat lubusang nagtitiwala sa kaniya sa anumang maaaring mangyari. Minsan pang pinagpala sila ni Jehova dahil sa kanilang pananampalataya at lakas ng loob​—sa pagkakataong ito’y sa pamamagitan ng makahimalang pag-iingat sa kanila mula sa apoy nang sila’y ihagis sa isang napakainit na hurno.​—Daniel 3:1-30.

Ang Salita ng Diyos ay naglalaman ng maraming iba pang halimbawa niyaong mga tumanggi sa masamang gawa. Tumanggi si Moises na “tawaging anak ng anak na babae ni Faraon,” kahit na ito sana ay magbibigay sa kaniya ng sapat na pagkakataon upang magpakalayaw sa “pansamantalang kasiyahan sa kasalanan” sa Ehipto. (Hebreo 11:24-26) Tumanggi si propeta Samuel na abusuhin ang kaniyang awtoridad sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga suhol. (1 Samuel 12:3, 4) Buong tapang na tumanggi ang mga apostol ni Jesu-Kristo nang sila’y pag-utusang huminto sa pangangaral. (Gawa 5:27-29) May katatagang tinanggihan mismo ni Jesus ang lahat ng masamang gawa​—hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng kaniyang buhay nang alukin siya ng mga kawal ng “alak na hinaluan ng drogang mira.” Ang pagtanggap nito ay maaaring magpahina sa kaniyang pasiya sa kritikal na panahong iyon.​—Marcos 15:23; Mateo 4:1-10.

Pagtanggi​—Nangangahulugan ng Buhay at Kamatayan

Sinabi ni Jesus: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa at marami ang pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.”​—Mateo 7:13, 14.

Popular ang malapad na daan sapagkat madaling maglakbay rito. Ang mga naglalakbay rito ay mapagpalayaw-sa-sarili, mahilig sa makalamang pag-iisip at mga paraan, at gusto nila, hindi ang maging iba, kundi ang makiayon sa sanlibutan ni Satanas. Inaakala nilang sila’y hinihigpitan sa moral ng mga kautusan at simulain ng Diyos. (Efeso 4:17-19) Gayunman, espesipikong sinabi ni Jesus na ang malapad na daan ay umaakay patungo “sa pagkapuksa.”

Subalit bakit sinabi ni Jesus na kakaunti lamang ang pumipili sa masikip na daan? Pangunahin na, sapagkat kakaunti lamang ang may ibig na ugitan ang kanilang buhay ng mga kautusan at simulain ng Diyos at tulungan silang labanan ang maraming panghihikayat at pagkakataong gumawa ng masama sa palibot nila. Higit pa riyan, kakaunti lamang kung ihahambing ang handang labanan ang bawal na pagnanasa, panggigipit ng mga kasamahan, at ang takot sa pagtuya na maaaring dumating sa kanila dahil sa landasing pinili nila.​—1 Pedro 3:16; 4:4.

Lubusang nauunawaan ng mga ito kung ano ang nadama ni apostol Pablo nang ilarawan niya ang pakikipagbakang ginawa niya sa pagtanggi sa kasalanan. Tulad ng daigdig sa ngayon, ang Romano at Griegong daigdig noong panahon ni Pablo ay naglaan ng malaking pagkakataon upang magpakalayaw sa paggawa ng masama. Ipinaliwanag ni Pablo na ang kaniyang isip, na nakababatid ng tama, ay nagsasagawa ng ‘pakikidigma’ sa kaniyang laman, na nakahilig sa paggawa ng masama. (Roma 7:21-24) Oo, batid ni Pablo na isang mabuting lingkod ang kaniyang katawan subalit isang masamang panginoon, kaya’t natutuhan niyang tanggihan ito. “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin,” ang sulat niya. (1 Corinto 9:27) Paano niya natamo ang kahusayang ito? Hindi sa kaniyang sariling lakas, na hindi sapat para sa atas, kundi sa pamamagitan ng tulong ng espiritu ng Diyos.​—Roma 8:9-11.

Bunga nito, bagaman di-sakdal, napanatili ni Pablo ang kaniyang integridad kay Jehova hanggang sa wakas. Sandaling panahon bago ang kaniyang kamatayan, isinulat niya: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya. Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran.”​—2 Timoteo 4:7, 8.

Habang nakikipagbaka tayo laban sa ating mga di-kasakdalan, anong nakapagpapasiglang mga halimbawa mayroon tayo, hindi lamang kay Pablo, kundi rin naman sa mga nagsilbing halimbawa sa kaniya​—sina Jose, Moises, Daniel, Sadrac, Mesac, Abednego, at marami pang iba. Bagaman sila’y mga di-sakdal na tao, bawat isa sa mga lalaking ito na may pananampalataya ay tumanggi sa masamang gawa, hindi lamang dahil sa sila’y nagmamatigas o mga sutil, kundi dahil sa katatagan sa moral sa tulong ng espiritu ni Jehova. (Galacia 5:22, 23) Mga espirituwal na tao sila. Uhaw sila sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova. (Deuteronomio 8:3) Ang kaniyang salita ay nangangahulugan ng buhay sa kanila. (Deuteronomio 32:47) Higit sa lahat, iniibig nila si Jehova at natatakot sa kaniya, at sa tulong niya, buong pagtitiyagang nililinang nila ang pagkapoot sa masamang gawa.​—Awit 97:10; Kawikaan 1:7.

Harinawang tayo’y maging tulad nila. Tunay, upang patuloy na tanggihan ang paggawa ng masama sa lahat ng anyo nito, kailangan natin ang espiritu ni Jehova na gaya nila. Bukas-palad na nagbibigay sa atin si Jehova ng kaniyang espiritu kung taimtim na humihingi tayo nito, nag-aaral ng kaniyang Salita, at regular na dumadalo sa mga pulong Kristiyano.​—Awit 119:105; Lucas 11:13; Hebreo 10:24, 25.

Natutuwa si Timothy, na nabanggit sa pasimula, na hindi niya kinaligtaan ang kaniyang espirituwal na mga pangangailangan. Ang kabataang empleadong babae, na naulinigan ang pakikipag-usap niya sa kaniyang katrabaho at may kamaliang naakit sa kalinisan sa moral ni Timothy, nang maglaon ay tahimik na nag-anyaya kay Timothy sa kaniyang bahay nang wala ang kaniyang asawa. Tumanggi si Timothy. Hindi agad nasiraan ng loob, inulit niya ang paanyaya sa maraming pagkakataon, tulad ng asawa ni Potipar. Matatag subalit may kabaitang tumanggi si Timothy sa bawat pagkakataon. Binigyan pa nga niya ng mainam na patotoo ang babaing ito mula sa Salita ng Diyos. Taimtim na nagpapasalamat kay Jehova sa pagbibigay sa kaniya ng moral na tibay ng loob na tumanggi, si Timothy ngayon ay maligayang nakapangasawa ng isang kalugud-lugod na kapuwa Kristiyano. Tunay, pagpapalain at patatatagin ni Jehova ang lahat ng nagnanais na panatilihin ang kanilang Kristiyanong integridad sa pamamagitan ng pagtanggi sa masamang gawa.​—Awit 1:1-3.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share