Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 11/1 p. 28-29
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Pagsaludo sa Bandila, Pagboto, at Serbisyong Pangkomunidad
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Bakit Neutral sa Politika ang mga Saksi ni Jehova?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
  • “Hindi Sila Bahagi ng Sanlibutan”
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
  • Ang Relihiyon sa Pulitika—Ito Ba ang Kalooban ng Diyos?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 11/1 p. 28-29

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Paano minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang pagboto?

May maliliwanag na simulaing inilalahad sa Bibliya na nagpapangyari sa mga lingkod ng Diyos na magkaroon ng tamang pangmalas hinggil sa bagay na ito. Gayunman, waring walang simulain laban sa pagboto mismo. Halimbawa, walang dahilan kung bakit hindi dapat magbotohan ang isang lupon ng mga direktor sa paggawa ng mga pasiyang nakaaapekto sa kanilang korporasyon. Kadalasang nagpapasiya ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa mga oras ng pulong at sa paggamit ng mga pondo ng kongregasyon sa pamamagitan ng pagboto nang nagtataas ng kamay.

Kumusta naman ang tungkol sa pagboto sa pulitikal na mga eleksiyon? Sabihin pa, sa ilang demokratikong bansa, kasindami ng 50 porsiyento ng populasyon ang hindi bumoboto sa araw ng eleksiyon. Kung tungkol sa mga Saksi ni Jehova, hindi sila nakikialam sa karapatan ng iba na bumoto; ni sa anumang paraan ay nangangampanya sila laban sa pulitikal na mga eleksiyon. Sila’y gumagalang at nakikipagtulungan sa mga awtoridad na naihahalal sa gayong mga eleksiyon. (Roma 13:1-7) May kaugnayan sa kung sila’y personal na boboto sa isa na kumakandidato sa eleksiyon, bawat isa sa mga Saksi ni Jehova ay magpapasiya ayon sa kaniyang sinanay-sa-Bibliya na budhi at sa kaniyang pagkaunawa sa kaniyang pananagutan sa Diyos at sa Estado. (Mateo 22:21; 1 Pedro 3:16) Sa paggawa ng personal na pasiyang ito, isinasaalang-alang ng mga Saksi ang ilang salik.

Una, sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Sila ay hindi bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova ang simulaing ito. Palibhasa’y “hindi bahagi ng sanlibutan,” neutral sila sa pulitikal na mga bagay sa sanlibutan.​—Juan 18:36.

Ikalawa, tinukoy ni apostol Pablo ang kaniyang sarili bilang isang “embahador” na kumakatawan kay Kristo sa mga tao noong kaniyang kaarawan. (Efeso 6:20; 2 Corinto 5:20) Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na si Kristo Jesus ay nakaluklok na ngayon bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos, at tulad ng mga embahador, dapat nilang ihayag ito sa mga bansa. (Mateo 24:14; Apocalipsis 11:15) Inaasahan na ang mga embahador ay magiging neutral at hindi makikialam sa mga ugnayang panloob ng bansang pinagsuguan sa kanila. Bilang mga kinatawan ng makalangit na Kaharian ng Diyos, nadarama ng mga Saksi ni Jehova ang gayunding obligasyon na huwag makialam sa pulitika ng mga bansang kanilang tinitirhan.

Ang ikatlong salik na isasaalang-alang ay na yaong nakikibahagi sa pagboto sa isang tao sa tungkulin ay maaaring maging responsable sa gagawin nito. (Ihambing ang 1 Timoteo 5:22, The New English Bible.) Dapat na maingat na isaalang-alang ng mga Kristiyano kung nais nilang balikatin ang pananagutang ito.

Ikaapat, lubhang pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang Kristiyanong pagkakaisa. (Colosas 3:14) Kapag nasangkot sa pulitika ang mga relihiyon, kadalasan nang nagbubunga ito ng pagkakabaha-bahagi ng kanilang mga miyembro. Bilang pagtulad kay Jesu-Kristo, iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova na masangkot sa pulitika at sa gayon ay napananatili ang kanilang Kristiyanong pagkakaisa.​—Mateo 12:25; Juan 6:15; 18:36, 37.

Ang ikalima at panghuli, ang pag-iwas nila sa pulitika ay nagbibigay sa mga Saksi ni Jehova ng kalayaang magsalita upang malapitan nila ang mga tao mula sa lahat ng pulitikal na paniniwala tungkol sa mahalagang mensahe ng Kaharian.​—Hebreo 10:35.

Dahil sa maka-Kasulatang mga simulain na ibinalangkas sa itaas, personal na nagpapasiya ang mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa na huwag bumoto sa pulitikal na mga eleksiyon, at ang kanilang kalayaang magpasiya nang gayon ay inaalalayan ng batas ng bansa. Subalit, kumusta kung hinihiling ng batas na bumoto ang mga mamamayan? Sa gayong kaso, ang bawat Saksi ay may pananagutang gumawa ng maingat at salig-sa-Bibliyang pasiya kung paano haharapin ang gayong situwasyon. Kung may magpasiyang magtungo sa presinto, desisyon niya iyon. Anuman ang gawin niya sa loob ng presinto ay sa pagitan niya at ng kaniyang Maylalang.

Sinabi ng Nobyembre 15, 1950, na labas ng The Watchtower, sa pahina 445 at 446: “Kung ginagawa ni Cesar na sapilitan para sa mga mamamayan ang bumoto . . . maaaring magtungo [ang mga Saksi] sa mga presinto at pumasok sa mga silid-botohan. Dito nila pinupunan ang balota o isinusulat ang kanilang paninindigan. Ginagawa ng mga botante ang ibig nila sa kanilang mga balota. Kaya dito sa presensiya ng Diyos, dapat kumilos ang kaniyang mga saksi na kasuwato ng kaniyang mga utos at ayon sa kanilang pananampalataya. Hindi namin pananagutan na turuan sila kung ano ang dapat gawin sa balota.”

Kumusta kung igiit ng di-sumasampalatayang asawa ng isang babaing Kristiyano na ito ay bumoto? Buweno, nagpapasakop siya sa kaniyang asawa, kung paanong ang mga Kristiyano ay nagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad. (Efeso 5:22; 1 Pedro 2:13-17) Kung susundin niya ang kaniyang asawa at magtutungo sa presinto, personal na desisyon niya na iyon. Walang sinuman ang dapat pumintas sa kaniya.​—Ihambing ang Roma 14:4.

Kumusta naman sa isang bansa na doo’y hindi ipinag-uutos ng batas ang pagboto subalit may matinding galit ang mga tao laban sa mga hindi nagtutungo sa presinto​—marahil ay nalalantad pa nga ang mga ito sa pisikal na panganib? O paano kung ang mga indibiduwal, bagaman hindi inoobliga ng batas na bumoto, ay lubhang pinarurusahan sa ilang paraan kung hindi sila pupunta sa presinto? Sa mga ito at sa katulad na mga kalagayan, dapat gumawa ng kaniyang sariling pasiya ang isang Kristiyano. “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”​—Galacia 6:5.

Baka may mga taong natitisod kapag nakita nila na sa panahon ng eleksiyon sa kanilang bansa, ang ilang Saksi ni Jehova ay nagtutungo sa presinto samantalang ang iba naman ay hindi. Maaaring sabihin nila, ‘Pabagu-bago ang mga Saksi ni Jehova.’ Subalit dapat kilalanin ng mga tao na sa mga bagay na may kaugnayan sa indibiduwal na budhi na gaya nito, ang bawat Kristiyano ay kailangang gumawa ng kaniyang sariling pasiya sa harap ng Diyos na Jehova.​—Roma 14:12.

Anumang personal na pagpapasiya ang gawin ng mga Saksi ni Jehova sa harap ng iba’t ibang kalagayan, iniingatan nila ang kanilang Kristiyanong neutralidad at kalayaan sa pananalita. Sa lahat ng bagay, nagtitiwala sila sa Diyos na Jehova upang palakasin sila, bigyan sila ng karunungan, at tulungan silang umiwas na ikompromiso ang kanilang pananampalataya sa anumang paraan. Sa gayon ay nagpapakita sila ng pagtitiwala sa mga salita ng salmista: “Ikaw ay aking malaking bato at aking moog; at alang-alang sa iyong pangalan ay aakayin mo ako at papatnubayan mo ako.”​—Awit 31:3.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share