Ang Apocalipsis—Dapat Bang Katakutan o Kasabikan?
“Ang Apocalipsis ngayon ay hindi lamang isang biblikong paglalarawan kundi ito’y naging isang tunay na tunay na posibilidad.”—Javier Pérez de Cuéllar, dating panlahat na kalihim ng United Nations.
ANG paggamit na ito sa salitang “apocalipsis” ng isang kilalang tao sa daigdig ay nagpapaaninaw kung paano ito nauunawaan ng karamihan ng mga tao at nakikita sa pelikula at sa mga titulo ng aklat, mga artikulo sa magasin, at sa mga ulat ng pahayagan. Ipinagugunita nito ang mga pangitain tungkol sa isang pansansinukob na kapahamakan. Ngunit ano bang talaga ang kahulugan ng salitang “apocalipsis”? At mas mahalaga pa, anong mensahe ang nasa aklat ng Bibliya na pinanganlang Apocalipsis, o Pagsisiwalat?
Ang salitang “apocalipsis” ay galing sa salitang Griego na nangangahulugang “paghahayag,” o “pagbubunyag.” Ano ba ang ibinunyag, o isiniwalat, sa Apocalipsis ng Bibliya? Ito ba’y tanging mensahe lamang ng katapusan ng mundo, isang tagapagbalita ng pagkalipol na walang makaliligtas? Nang tanungin kung ano ang palagay niya tungkol sa Apocalipsis, ang mananalaysay na si Jean Delumeau, miyembro ng Institut de France, ay nagpahayag: “Ito’y isang aklat ng kaaliwan at pag-asa. Isinadula ng mga tao ang nilalaman nito sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa kapaha-pahamak na mga pangyayari.”
Ang Sinaunang Simbahan at ang Apocalipsis
Paano minalas ng unang “mga Kristiyano” ang Apocalipsis at ang pag-asang binabanggit nito tungkol sa Sanlibong Taon na Paghahari (Milenyo) ni Kristo sa lupa? Sinabi ng mananalaysay ring ito: “Sa pakiwari ko, ang mga Kristiyano noong unang mga siglo, sa pangkalahatan, ay naniniwala sa milenyalismo. . . . Kabilang sa mga Kristiyano noong unang mga siglo na kapansin-pansing naniwala sa Milenyo ay si Papias, ang obispo ng Hierapolis sa Asia Minor, . . . si San Justin, isinilang sa Palestina, na dumanas ng pagkamartir sa Roma noong mga 165, si San Ireneo, obispo ng Lyons, na namatay noong 202, si Tertullian, na namatay noong 222, at . . . ang dakilang manunulat na si Lactantio.”
Tungkol kay Papias, na iniulat na dumanas ng pagkamartir sa Pergamo noong 161 o 165 C.E., ganito ang sabi ng The Catholic Encyclopedia: “Si Obispo Papias ng Hierapolis, isang alagad ni Sn.Juan, ay lumilitaw na isang tagapagtaguyod na milenarianismo. Inangkin niyang tinanggap niya ang kaniyang doktrina mula sa mga kapanahon ng mga Apostol, at isinaysay ni Ireneo na ang iba pang ‘Presbitero’, na nakakita at nakarinig sa alagad na si Juan, ay natuto mula sa kaniya ng paniniwala sa milenarianismo bilang bahagi ng doktrina ng Panginoon. Ayon kay Eusebio . . . iginiit ni Papias sa kaniyang aklat na ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay susundan ng sanlibong taon ng nakikita at maluwalhating makalupang kaharian ni Kristo.”
Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa epekto ng aklat ng Apocalipsis, o Pagsisiwalat, sa sinaunang mga mananampalataya? Ito ba’y pumukaw ng takot o ng pag-asa? Kapansin-pansin, tinatawag ng mga mananalaysay ang sinaunang mga Kristiyano na mga chiliast, mula sa mga salitang Griego na khiʹli·a eʹte (sanlibong taon). Oo, marami sa kanila ang kilala bilang mananampalataya sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, na siyang magdadala ng paraisong mga kalagayan sa lupa. Ang tanging dako sa Bibliya kung saan espesipikong binabanggit ang milenyong pag-asa ay sa Apocalipsis, o Pagsisiwalat. (Apo 20:1-7) Kaya, sa halip na takutin ang mga mananampalataya, ang Apocalipsis ay nagbigay sa kanila ng isang kamangha-manghang pag-asa. Sa kaniyang aklat na The Early Church and the World, ganito ang isinulat ng propesor ng kasaysayan ng simbahan sa Oxford na si Cecil Cadoux: “Ang mga pangmalas na chiliastic, bagaman tinanggihan noong dakong huli, ay lubhang pinaniniwalaan sa Simbahan sa loob ng mahaba-habang panahon, na itinuro ng ilan sa lubhang iginagalang na mga awtor.”
Kung Bakit Tinanggihan ang Pag-asa na Nasa Apocalipsis
Yamang isang hindi matututulang katotohanan sa kasaysayan na marami, kung hindi man ang karamihan, sa sinaunang mga Kristiyano ay umasa sa Milenyong Paghahari ni Kristo sa isang paraisong lupa, paanong nangyari na ang gayong “mga pangmalas na chiliastic” ay “tinanggihan noong dakong huli”? Gaya ng binanggit ng iskolar na si Robert Mounce, nangyari ang ilang mabibigyang-katuwiran na pagpuna sapagkat “nakalulungkot, pinahintulutan ng maraming chiliast na maging labis-labis ang kanilang imahinasyon at binigyan-kahulugan ang yugto ng sanlibong taon ng lahat ng uri ng pagmamalabis sa materyal at kalayawan.” Subalit ang mga pangmalas na ito ng mga nagpakalabis ay maaari sanang naituwid nang hindi tinatanggihan ang tunay na pag-asa ng Milenyo.
Nakagugulat nga ang mga paraang ginamit ng mga kaaway nito upang sugpuin ang milenyalismo. Ganito ang sabi ng Dictionnaire de Théologie Catholique tungkol sa klerigong Romano na si Cayo (pagtatapos ng ikalawang siglo, pasimula ng ikatlo) na “upang madaig ang milenyalismo, maliwanag na ipinagkait niya ang pagiging tunay ng Apocalipsis [Pagsisiwalat] at ng Ebanghelyo ni Sn. Juan.” Sinabi pa ng Dictionnaire na si Dionisio, obispo ng Alejandria noong ikatlong siglo, ay sumulat ng isang pormal na artikulo laban sa milenyalismo na “upang mahadlangan yaong mga naninindigan sa opinyong ito na ibatay ang kanilang paniniwala sa Apocalipsis ni San Juan, hindi siya nag-atubiling ipagkait ang pagiging tunay nito.” Ang gayong matinding pagsalansang sa pag-asa ng mga pagpapala ng milenyo sa lupa ay nagpapatunay na isang tusong impluwensiya ang nagpapakilos sa mga teologo noong panahong iyon.
Sa kaniyang aklat na The Pursuit of the Millennium, si Propesor Norman Cohn ay sumulat: “Nasaksihan ng ikatlong siglo ang unang pagtatangka na siraan ang milenarianismo, nang simulan ni Origen, marahil ang pinakamaimpluwensiya sa lahat ng mga teologo ng sinaunang Simbahan, na iharap ang Kaharian bilang isang pangyayari na magaganap hindi sa isang literal na lugar o panahon kundi sa mga kaluluwa lamang ng mga mananampalataya.” Palibhasa’y nananalig sa pilosopiyang Griego sa halip na sa Bibliya, binantuan ni Origen ang kamangha-manghang pag-asa ng makalupang mga pagpapala sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian ng isang mahirap maintindihang “pangyayari . . . sa mga kaluluwa ng mga mananampalataya.” Ang Katolikong awtor na si Léon Gry ay sumulat: “Ang umiiral na impluwensiya ng pilosopiyang Griego . . . ay dahan-dahang nagpabagsak sa mga ideyang Chiliastic.”
“Naiwala ng Simbahan ang Mensahe Nito ng Pag-asa”
Walang alinlangang si Agustin ang Ama ng Simbahan na may pinakamalaking nagawa upang pagsamahin ang pilosopiyang Griego sa kahawig lamang na Kristiyanismo noong kaniyang panahon. Sa pasimula ay isa siyang marubdob na tagapagtaguyod ng milenarianismo, unti-unti niyang tinanggihan ang anumang ideya tungkol sa isang panghinaharap na Milenyong Paghahari ni Kristo sa lupa. Sa patalinghagang paraan niya pinilipit ang kahulugan ng Apocalipsis kabanatang 20.
Ang The Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Si Agustin sa wakas ay nanghawakan sa kaniyang paniniwala na hindi magkakaroon ng milenyo. . . . Sinasabi niya sa atin na ang unang pagkabuhay-muli, na binabanggit ng kabanatang ito, ay tumutukoy sa espirituwal na muling pagsilang sa bautismo; ang sabbath ng sanlibong taon pagkatapos ng anim na libong taon ng kasaysayan, ay ang buong walang-hanggang buhay.” Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsabi: “Ang matalinghagang milenyalismo ni Agustin ay naging opisyal na doktrina ng simbahan . . . Ang Protestanteng mga Repormador ng mga tradisyong Lutherano, Calvinista, at Anglikano . . . ay nanatiling nanghawakang matatag sa mga pangmalas ni Agustin.” Kaya, ang mga miyembro ng mga simbahan sa Sangkakristiyanuhan ay napagkaitan ng milenyong pag-asa.
Bukod pa riyan, ayon sa Suisong teologo na si Frédéric de Rougemont, “sa pamamagitan ng pagtatakwil sa kaniyang naunang paniniwala sa sanlibong-taóng paghahari, [si Agustin] ay nakagawa ng napakalaking pinsala sa Simbahan. Taglay ang napakalaking impluwensiya ng kaniyang pangalan, sinang-ayunan niya ang isang pagkakamali na nagkait [sa Simbahan] ng makalupang mithiin nito.” Ang teologong Aleman na si Adolf Harnack ay sumang-ayon na ang pagtanggi sa paniniwala sa Milenyo ay nagkait sa mga karaniwang tao ng “relihiyon na kanilang nauunawaan,” na hinahalinhan “ang dating relihiyon at ang dating mga pag-asa” ng “isang relihiyon na hindi nila maunawaan.” Ang walang-laman na mga simbahan sa ngayon sa maraming lupain ay malinaw na patotoo na kailangan ng mga tao ang isang relihiyon at isang pag-asa na nauunawaan nila.
Sa kaniyang aklat na Highlights of the Book of Revelation, ang iskolar sa Bibliya na si George Beasley-Murray ay sumulat: “Dahil sa napakalakas na impluwensiya ni Agustin sa isang panig at ang pagtaguyod naman ng mga sekta sa milenarianismo sa kabilang panig, nagkaisa ang mga Katoliko at mga Protestante sa pagtanggi rito. Nang tanungin kung ano ang mapagpipiliang pag-asa para sa tao sa daigdig na ito, ang opisyal na sagot ay: Wala. Ang sanlibutan ay mapupuksa sa pagdating ng Kristo upang bigyan ng dako ang isang walang-hanggang langit at impiyerno kung saan mababaon sa limot ang kasaysayan. . . . Naiwala ng simbahan ang mensahe nito ng pag-asa.”
Buháy Pa ang Kamangha-manghang Pag-asa na Nasa Apocalipsis!
Sa kanilang bahagi, kumbinsido ang mga Saksi ni Jehova na matutupad ang kamangha-manghang mga pangako may kaugnayan sa Milenyo. Kinapanayam sa isang programa ng telebisyon sa Pransiya sa paksang “Taóng 2000: Pagkatakot sa Apocalipsis,” sinabi ng Pranses na mananalaysay na si Jean Delumeau: “Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang kaisipan ng milenarianismo nang tamang-tama, sapagkat sinasabi nila na malapit na . . . tayong pumasok—walang alinlangan, sa kabila ng mga kapahamakan—sa isang yugto ng 1,000 taon ng kaligayahan.”
Ito nga ang nakita ni apostol Juan sa isang pangitain at nailarawan sa kaniyang aklat na Apocalipsis, o Pagsisiwalat. Siya ay sumulat: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa . . . Pagkatapos nito ay narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ ”—Apocalipsis 21:1, 3, 4.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nakikibahagi sa pambuong daigdig na gawaing pagtuturo ng Bibliya upang mas marami pang tao hangga’t maaari ang yumakap sa pag-asang ito. Maliligayahan silang tulungan kang matuto nang higit pa tungkol dito.
[Larawan sa pahina 6]
Sinasabing tinanggap ni Papias ang doktrina ng Milenyo nang tuwiran mula sa mga kapanahon ng mga apostol
[Larawan sa pahina 7]
Naniwala si Tertullian sa Milenyong Paghahari ni Kristo
[Credit Line]
© Cliché Bibliothéque Nationale de France, Paris
[Larawan sa pahina 7]
“Sa pamamagitan ng pagtatakwil sa kaniyang naunang paniniwala sa sanlibong-taóng paghahari, [si Agustin] ay nakagawa ng napakalaking pinsala sa Simbahan”
[Larawan sa pahina 8]
Ang Paraisong lupa na ipinangako sa Apocalipsis ay isang bagay na dapat na lubhang panabikan