Ang Bundok Athos—Isa Bang “Banal na Bundok”?
SA MAHIGIT na 220 milyong miyembro ng Simbahang Ortodokso, ang Bundok Athos, isang matarik na lungos sa hilagang Gresya, ang “pinakabanal na bundok sa daigdig ng Kristiyanong Ortodokso.” Para sa marami sa kanila, ang paglalakbay sa “banal na bundok” ng Athos ay isang minimithing pangarap. Ano ba ang “banal na bundok” na ito? Paano ito naging mahalaga? At ito ba ang “bundok” na dapat hanapin ng mga taong may takot sa Diyos para sa espirituwal na patnubay at tunay na pagsamba?
Ang pananalitang “banal na bundok” ay lumilitaw sa Bibliya. Ito ay may kaugnayan sa banal, dalisay, at mataas na pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova. Ang Bundok ng Sion sa sinaunang Jerusalem ay naging isang “banal na bundok” nang dalhin dito ni Haring David ang kaban ng tipan. (Awit 15:1; 43:3; 2 Samuel 6:12, 17) Pagkatapos maitayo ang templo ni Solomon sa Bundok Moria, napalakip sa “Sion” ang lugar ng templo; kaya naman, ang Sion ay nanatiling “banal na bundok” ng Diyos. (Awit 2:6; Joel 3:17) Yamang ang templo ng Diyos ay nasa Jerusalem, kung minsan ang lunsod ay tinatawag din na “banal na bundok” ng Diyos.—Isaias 66:20; Daniel 9:16, 20.
Kumusta naman ngayon? Ang Bundok Athos ba—o ang iba pang matataas na dako—ang “banal na bundok” kung saan dapat dumagsa ang mga tao upang sambahin ang Diyos sa kaayaayang paraan?
Isang “Banal na Bundok” na Monasteryo
Matatagpuan ang Bundok Athos sa dulong silangan ng Chalcidice Peninsula sa dulo ng isang makipot na hanay ng lupa na nakausli sa Dagat Aegeano na nasa silangan lamang ng modernong panahong Thessaloníki. Ito ay isang kahanga-hangang bundok na marmol na nakatayong matarik mula sa dagat na may taas na 2,032 metro.
Matagal nang itinuturing na banal na dako ang Athos. Ito ang tahanan ng mga diyos sa Griegong mitolohiya bago nila naging tahanan ang Bundok Olympus. Ilang panahon pagkamatay ni Constantino na Dakila (ikaapat na siglo C.E.), ang Athos ay naging isang banal na dako sa mga simbahang Kristiyano. Ayon sa isang alamat, ang “birheng” Maria, kasama ang Ebanghelisador na si Juan patungong Ciprus upang dalawin si Lazaro, ay napadpad sa Athos bunga ng isang biglaang malakas na bagyo. Palibhasa’y humanga sa ganda ng bundok, hiningi niya ito kay Jesus. Kaya naman, nakilala rin ang Athos bilang “ang Hardin ng Banal na Birhen.” Sa kalagitnaan ng panahong Byzantine, ang buong mabatong tangway na iyon ay nakilala bilang ang Banal na Bundok. Ang katawagang ito ay opisyal na tinanggap at pinagtibay noong kalagitnaan ng ika-11 siglo sa pamamagitan ng dekreto ni Emperador Constantino IX Monomachus.
Dahilan sa katangian nitong matarik at nabubukod, ang Athos ang angkop na lugar sa pagsasagawa ng buhay na nagkakait sa sarili. Sa paglipas ng mga siglo, nakaakit ito sa relihiyosong mga tao saanman sa daigdig ng Ortodokso—mga Griego, mga Serbiano, mga Romaniano, mga taga-Bulgaria, mga Ruso, at iba pa—na nagtayo ng maraming monasteryo, na may kani-kanilang mga simbahan at mga komunidad. Mga 20 nito ang nananatili pa rin.
Ang Bundok Athos Ngayon
Sa ngayon, ang Athos ay isang rehiyong may kasarinlan, at may karta na pinagtibay noong 1926. Pagkalipas ng mga taon ng paghina, ang bilang ng mga mongheng residente ay tumaas sa mahigit na 2,000.
Bawat isa sa mga monasteryo ay may sariling sistema ng mga bukirin, mga kapilya, at mga tirahan. Ang pinakapangunahing santuwaryo ng mga ermitanyo ay matatagpuan sa pamayanan ng Karoúlia, na nasa itaas ng nakalululang mga dalisdis sa dulo ng Bundok Athos. Dito isang kumpol ng mga kubo ang mararating sa pamamagitan lamang ng masalimuot na mga daanan ng tao, mga baytang na bato, at mga kadenang hawakan. Sa Athos, ang mga monghe ay nagsasagawa pa rin ng kanilang sinaunang pang-araw-araw na liturhiya, na ginagamit ang orasang Byzantine (na ang araw ay nagsisimula sa paglubog ng araw) at ang kalendaryong Julian (nahuhuli ng 13 araw sa Gregorian).
Bagaman sinasabing utang ng relihiyosong lugar na ito ang kaniyang “kabanalan” sa isang babae, ipinagbawal ng mga monghe at mga ermitanyo sa buong peninsula sa loob ng 1,000 taon ang lahat ng anyo ng buhay na babae—tao man o hayop—kasama na ang sinumang bating o lalaking walang balbas. Kamakailan, ang desisyon hinggil sa walang balbas at ilang mga hayop na babae ay hindi na mahigpit na sinusunod, ngunit ang mga kababaihan ay mahigpit pa ring ipinagbabawal sa loob ng hanggang sa layong 500 metro mula sa baybayin ng Athos.
Isang “Banal na Bundok” Para sa Lahat
Ang Athos ba ang “banal na bundok” na dapat na puntahan ng mga Kristiyanong may takot sa Diyos upang sumamba? Sa pakikipag-usap sa isang Samaritana na naniniwalang ang Diyos ay dapat na sambahin sa Bundok Gerizim, niliwanag ni Jesus na wala nang literal na bundok ang itinalaga bilang isang dako para sa pagsamba sa Diyos. ‘Ang oras ay dumarating na hindi sa [Gerizim] ni sa Jerusalem man ninyo sasambahin ang Ama,’ ang sabi ni Jesus. Bakit? “Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:21, 24.
Tinutukoy ang ating panahon, si propeta Isaias ay humula na isang simbolikong “bundok ng bahay ni Jehova” ang “matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok” at ‘matataas pa sa mga burol,’ at ang mga tao ng lahat ng mga bansa ay makasagisag na daragsa rito.—Isaias 2:2, 3.
Ang mga lalaki at mga babae na nagnanais magtaglay ng sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos ay inaanyayahan na sumamba kay Jehova sa “espiritu at katotohanan.” Milyun-milyon sa palibot ng daigdig ang nagtungo sa ‘bundok ni Jehova.’ Sila, kasama ng iba pa, ay umuulit sa damdamin ng isang Griegong manananggol na nagsabi patungkol sa Athos: “Ako ay nag-aalinlangan kung ang espirituwalidad ay masusumpungan lamang sa ilang nababakurang mga lugar o sa mga monasteryo.”—Ihambing ang Gawa 17:24.
[Kahon sa pahina 31]
Isang Matagal Nang Natatagong Mamahaling Koleksiyon
Sa nakalipas na mga siglo, ang mga monghe sa Athos ay nakapagtipon ng isang mamahaling koleksiyon na kinabibilangan ng tinatayang 15,000 manuskrito, na ang ilan ay sinasabing mula pa noong ikaapat na siglo, na nagpapangyaring maging isa ito sa pinakamahalagang koleksiyon sa daigdig. May mga balumbon, kumpletong mga tomo at mga pahina ng mga Ebanghelyo, mga salmo at mga himno, maliban pa sa mga napakatanda nang mga ipinintang larawan, mga imahen, mga lilok, at mga bagay na gawa sa metal. Tinatayang nasa pag-iingat ng Bundok Athos ang sangkapat ng Griegong manuskrito sa daigdig, bagaman marami pa ang kailangang itala nang wasto. Noong 1997, sa kauna-unahang pagkakataon, pinahintulutan ng mga monghe ang ilan sa kanilang mga kayamanan na maitanghal sa Thessaloníki.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Telis/Greek National Tourist Organization