Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w00 2/15 p. 26-29
  • Cyril Lucaris—Isang Taong Nagpahalaga sa Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Cyril Lucaris—Isang Taong Nagpahalaga sa Bibliya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nabahala sa Kakulangan ng Edukasyon
  • Ipinagbibili ang Trono ng Patriyarka
  • Isang Salin ng Kristiyanong Kasulatan
  • Ang Confession of Faith
  • Mga Aral Para sa Atin
  • Ang Pakikipagpunyagi Upang Magkaroon ng Bibliya sa Makabagong Griego
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Nananatili Bang Gising ang mga Klero ng Ortodokso?
    Gumising!—1996
  • Ang mga Ama ng Simbahan—Mga Tagapagtaguyod ba ng Katotohanan ng Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Ang Iglesya Griego Ortodokso—Isang Nababahaging Relihiyon
    Gumising!—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
w00 2/15 p. 26-29

Cyril Lucaris​—Isang Taong Nagpahalaga sa Bibliya

Isang araw ng tag-init noon ng 1638. Nagulantang ang mga mangingisda sa Dagat ng Marmara na malapit sa Constantinople (makabagong-panahong Istanbul), ang kabisera ng Imperyong Ottoman, na makita ang isang bangkay na lumulutang sa tubig. Nang suriing mabuti, natalos nila taglay ang pagkagimbal na ang binigting bangkay ay yaong sa ekumenikal na patriyarka ng Constantinople, ang pinuno ng Simbahang Ortodokso. Ito ang kalunus-lunos na wakas ni Cyril Lucaris, isang prominenteng relihiyosong tao noong ika-17 siglo.

SI Lucaris ay hindi nabuhay nang matagal upang makita ang katuparan ng kaniyang pangarap​—ang paglalabas ng isang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa karaniwang wikang Griego. Ang isa pang pangarap ni Lucaris ay hindi rin kailanman natupad​—yaong makita ang Simbahang Ortodokso na bumalik sa “simpleng ebanghelyo.” Sino ba ang taong ito? Anu-anong balakid ang napaharap sa kaniya sa mga pagsisikap niyang ito?

Nabahala sa Kakulangan ng Edukasyon

Si Cyril Lucaris ay isinilang noong 1572, sa nasakop ng Venice na Candia (Iráklion ngayon), Creta. Palibhasa’y matalino, nag-aral siya sa Venice at Padua sa Italya at pagkatapos ay naglakbay nang malawakan sa bansang ito at sa iba pa. Sumamâ ang loob dahil sa paglalaban-laban ng grupo sa loob ng simbahan at naakit ng mga kilusan ng repormasyon sa Europa, malamang na dumalaw siya sa Geneva, na noo’y nasa ilalim ng impluwensiya ng Calvinismo.

Samantalang dumadalaw sa Poland, nakita ni Lucaris na ang Ortodokso roon, ang mga pari at mga karaniwang tao, ay nasa napakasamang espirituwal na kalagayan bunga ng kanilang kakulangan ng edukasyon. Doon sa Alexandria at Constantinople, nabahala siya na masumpungan na kahit na ang mga pulpito​—kung saan binabasa ang Kasulatan​—ay inalis sa ilang simbahan!

Noong 1602, si Lucaris ay nagtungo sa Alexandria, kung saan hinalinhan niya ang kaniyang kamag-anak, si Patriyarka Meletios, sa tungkulin bilang obispo. Pagkatapos ay nagsimula siyang makipagsulatan sa iba’t ibang teologo na palaisip tungkol sa reporma sa Europa. Sa isa sa mga liham na ito, binanggit niya na pinanatili ng Simbahang Ortodokso ang maraming maling gawain. Sa iba pang liham, idiniin niya ang pangangailangan ng simbahan na palitan ang pamahiin ng “simpleng ebanghelyo” at dumepende lamang sa awtoridad ng Kasulatan.

Nangamba rin si Lucaris na ang espirituwal na awtoridad ng mga Ama ng Simbahan ay itinuturing na kasinghalaga ng mga salita ni Jesus at ng mga apostol. “Hindi ko na matiis na marinig ang mga taong nagsasabi na ang mga tradisyon ng tao ay katumbas niyaong sa Kasulatan,” ang sulat niya. (Mateo 15:6) Sinabi pa niya na, sa kaniyang palagay, ang pagsamba sa imahen ay kapaha-pahamak. Sinabi niya, ang pagdalangin sa “mga santo” ay isang insulto sa Tagapamagitan, si Jesus.​—1 Timoteo 2:5.

Ipinagbibili ang Trono ng Patriyarka

Lumikha ang mga ideyang iyon, pati na ang kaniyang pagkamuhi sa Simbahang Romano Katoliko, ng pagkapoot at pag-uusig kay Lucaris ng mga Jesuita at niyaong nasa Simbahang Ortodokso na payag makipagkaisa sa mga Katoliko. Sa kabila ng pagsalansang na iyon, nahalal si Lucaris na patriyarka ng Constantinople noong 1620. Ang tanggapan ng patriyarka ng Simbahang Ortodokso noong panahong iyon ay nasa ilalim ng pananakop ng Imperyong Ottoman. Agad na inaalis sa tungkulin ng pamahalaang Ottoman ang isang patriyarka at tinatanggap ang isang bagong patriyarka kapalit ng kabayarang salapi.

Ang mga kaaway ni Lucaris, pangunahin na ang mga Jesuita at ang labis na makapangyarihan at nakatatakot na Congregatio de Propaganda Fide (Kongregasyon Para sa Pagpapalaganap ng Pananampalataya) ng papa, ay patuloy sa paninirang-puri at pakikipagsabuwatan laban sa kaniya. “Upang maisagawa ang layuning ito, ginamit ng mga Jesuita ang lahat ng paraan​—panlilinlang, paninirang-puri, labis na papuri at, higit sa lahat, panunuhol, na siyang pinakamabisang sandata upang makamit ang pagsang-ayon ng mga estadista [na Ottoman],” ang sabi ng akdang Kyrillos Loukaris. Bunga nito, noong 1622, si Lucaris ay ipinatapon sa isla ng Rhodes, at binili ni Gregorio ng Amasya ang tungkulin sa halagang 20,000 baryang pilak. Gayunman, hindi nakapagpalabas ng ipinangakong halaga si Gregorio, kaya si Anthimus ng Adrianople ang bumili sa tungkulin, at nang maglaon ay nagbitiw rin naman. Nakapagtataka, si Lucaris ay naibalik sa trono ng patriyarka.

Determinado si Lucaris na gamitin ang bagong pagkakataong ito upang turuan ang mga klerong Ortodokso at mga karaniwang tao sa pamamagitan ng paglalathala ng isang salin ng Bibliya at mga pulyetong panteolohiya. Upang magawa ito, isinaayos niya na ipadala ang isang palimbagan sa Constantinople sa ilalim ng proteksiyon ng embahador ng Inglatera. Gayunman, nang dumating ang palimbagan noong Hunyo 1627, nagparatang ang mga kaaway ni Lucaris na kaniyang gagamitin ito para sa pulitikal na mga layunin, at sa dakong huli ay ipinasira ito. Kinailangang gamitin ngayon ni Lucaris ang mga palimbagan sa Geneva.

Isang Salin ng Kristiyanong Kasulatan

Ang matinding paggalang ni Lucaris sa Bibliya at sa kapangyarihan nitong magturo ang nagpasidhi sa kaniyang pagnanais na gawin ang mga salita nito na mas mababasa ng karaniwang tao. Batid niya na ang wikang ginamit sa orihinal at kinasihang mga manuskrito ng Bibliyang Griego ay hindi na nauunawaan ng karaniwang tao. Kaya ang unang aklat na iniatas ni Lucaris ay ang pagsasalin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Griego noong panahon niya. Si Maximus Callipolites, isang matalinong monghe, ay nagsimulang gumawa nito noong Marso 1629. Itinuturing ng maraming Ortodokso ang pagsasalin ng Kasulatan na kapangahasan, kahit na may kalabuan ang sinaunang tekstong Griego para sa mga makababasa nito. Upang paglubagin sila, ipinalimbag ni Lucaris ang orihinal na teksto at ang makabagong salin sa magkahanay na mga tudling, na nagdaragdag lamang ng ilang nota. Yamang si Callipolites ay namatay karaka-raka pagkatapos maihatid ang manuskrito, si Lucaris mismo ang bumasa sa mga kopya para sa pagwawasto. Ang salin ay inilimbag nang sandaling panahon pagkamatay ni Lucaris noong 1638.

Sa kabila ng mga pag-iingat ni Lucaris, ang salin na iyon ay pumukaw ng matinding pagtutol mula sa maraming obispo. Ang pag-ibig ni Lucaris sa Salita ng Diyos ay makikita lalo na sa paunang-salita ng saling iyon ng Bibliya. Isinulat niya na ang Kasulatan, na mababasa sa wika na sinasalita ng mga tao, ay “isang nakasisiyang mensahe, na ibinigay sa atin mula sa langit.” Pinayuhan niya ang mga tao na “alamin at magkaroon ng kabatiran sa lahat ng nilalaman [ng Bibliya]” at sinabi niya na wala nang iba pang paraan upang matuto tungkol sa “mga bagay na may kinalaman sa tamang pananampalataya . . . maliban sa pamamagitan ng banal at sagradong Ebanghelyo.”​—Filipos 1:9, 10.

Lubhang tinuligsa ni Lucaris yaong mga nagbabawal sa pag-aaral ng Bibliya, gayundin yaong tumatanggi sa pagsasalin ng orihinal na teksto: “Kung tayo’y nagsasalita o nagbabasa nang hindi nauunawaan, para tayong nagsasalita sa hangin.” (Ihambing ang 1 Corinto 14:7-9.) Sa pagtatapos ng paunang-salita, siya’y sumulat: “Habang binabasa ninyong lahat ang banal at sagradong Ebanghelyo na ito sa inyong sariling wika, kamtin ang mga pakinabang na nakukuha mula sa pagbabasa nito, . . . at lagi nawang tanglawan ng Diyos ang inyong daan sa kung ano ang mabuti.”​—Kawikaan 4:18.

Ang Confession of Faith

Pagkatapos niyang simulan ang pagsasalin na ito ng Bibliya, si Lucaris ay nagsagawa pa ng isang matapang na hakbang. Noong 1629 ay inilathala niya sa Geneva ang Confession of Faith. Isa itong personal na kapahayagan ng mga paniniwala na inaasahan niyang pagtitibayin ng Simbahang Ortodokso. Ayon sa aklat na The Orthodox Church, “inaalisan [ng Confession] ng lahat ng kabuluhan ang doktrinang Ortodokso tungkol sa pagkasaserdote at banal na mga orden, at hinatulan niya bilang mga anyo ng idolatriya ang pagsamba sa mga imahen at ang pananalangin sa mga santo.”

Ang Confession ay binubuo ng 18 artikulo. Ang ikalawang artikulo nito ay nagsasabi na ang Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at na ang awtoridad nito ay nakahihigit doon sa simbahan. Sabi nito: “Naniniwala kami na ang Banal na Kasulatan ay ibinigay ng Diyos . . . Naniniwala kami na ang Banal na Kasulatan ay nakahihigit sa awtoridad ng Simbahan. Ang pagiging naturuan ng Banal na Espiritu ay makapupung higit na naiiba kaysa sa pagiging naturuan ng isang tao.”​—2 Timoteo 3:16.

Pinaninindigan ng ikawalo at ikasampung mga artikulo na si Jesu-Kristo ang tanging Tagapamagitan, Mataas na Saserdote, at Ulo ng kongregasyon. Si Lucaris ay sumulat: “Naniniwala kami na ang ating Panginoong Jesu-Kristo ay nakaupo sa kanang kamay ng Kaniyang Ama at doon Siya ay namamagitan para sa atin, siya lamang ang gumaganap sa tungkulin ng isang tunay at naaayon sa batas na mataas na saserdote at tagapamagitan.”​—Mateo 23:10.

Ipinahahayag ng ika-12 artikulo na ang simbahan ay maaaring magkamali, mapagkamalang tama ang mali, subalit maaaring masagip ito ng liwanag ng banal na espiritu sa pamamagitan ng mga pagpapagal ng tapat na mga ministro. Sa artikulo 18, pinaninindigan ni Lucaris na ang purgatoryo ay isa lamang guniguni: “Maliwanag na ang kathang-isip ng Purgatoryo ay hindi dapat tanggapin.”

Ang apendise ng Confession ay naglalaman ng maraming katanungan at mga kasagutan. Idiniin doon ni Lucaris na ang Kasulatan ay dapat na basahin ng bawat isa na mananampalataya at na nakapipinsala sa isang Kristiyano ang hindi bumasa ng Salita ng Diyos. Pagkatapos ay idinagdag pa niya na ang mga aklat na Apokripa ay dapat iwasan.​—Apocalipsis 22:18, 19.

Ganito ang ikaapat na katanungan: “Paano natin dapat malasin ang mga Imahen?” Ganito ang sagot ni Lucaris: “Tayo’y naturuan sa pamamagitan ng Banal at Sagradong Kasulatan, na maliwanag na nagsasabi, ‘Huwag kang gagawa para sa iyo ng isang idolo, o isa na kawangis ng anumang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa; huwag kang labis na magpipitagan sa kanila, ni sasamba sa kanila; [Exodo 20:4, 5]’ yamang dapat nating sambahin, hindi ang nilalang, kundi tanging ang Maylalang at Maygawa ng langit at ng lupa, at Siya lamang ang dapat sambahin. . . . Ang pagsamba at paglilingkod [sa mga imahen], na gaya ng ipinagbabawal . . . sa Sagradong Kasulatan, ay ating itinatakwil, ang sinasamba ay ang mga kulay, at sining, at mga nilalang sa halip na ang Maylalang at ang Maygawa.”​—Gawa 17:29.

Bagaman hindi lubusang naunawaan ni Lucaris ang lahat ng bagay na mali nang siya’y nabubuhay noong panahon ng espirituwal na kadiliman,a gumawa siya ng kapuri-puring mga pagsisikap upang ang Bibliya ay maging awtoridad sa doktrina ng simbahan at turuan ang mga tao tungkol sa mga turo nito.

Karaka-raka pagkatapos mailabas ang Confession na ito, bumangon muli ang isang bagong daluyong ng pag-uusig kay Lucaris. Noong 1633, sinikap ni Cyril Contari, ang arsobispo ng Berea (Aleppo ngayon), isang personal na kaaway ni Lucaris at suportado ng mga Jesuita, na makipagtawaran sa mga Ottoman para sa luklukan ng awtoridad ng patriyarka. Gayunman, nabigo ang pakana nang hindi makapagbigay ng salapi si Contari. Napanatili ni Lucaris ang tungkulin. Nang sumunod na taon ay nagbayad si Athanasio ng Tesalonica ng mga 60,000 baryang pilak para sa tungkulin. Muling napaalis sa tungkulin si Lucaris. Subalit sa loob ng isang buwan, siya ay naisauli at pinanumbalik sa tungkulin. Nang panahong iyon ay naipangilak na ni Cyril Contari ang kaniyang 50,000 baryang pilak. Sa pagkakataong ito si Lucaris ay ipinatapon sa Rhodes. Pagkaraan ng anim na buwan, nagawa ng kaniyang mga kaibigan na siya’y maibalik.

Gayunman noong 1638, inakusahan ng mga Jesuita at ng kanilang mga katulong na Ortodokso si Lucaris ng matinding kataksilan laban sa Imperyong Ottoman. Sa pagkakataong ito ay ipinag-utos ng sultan ang kaniyang kamatayan. Si Lucaris ay dinakip, at noong Hulyo 27, 1638, siya’y isinakay sa isang maliit na barko na parang ipatatapon. Nang nasa laot na ang barko, siya ay binigti. Ang kaniyang bangkay ay inilibing malapit sa baybayin, nang malaon ay muling hinukay at inihagis sa dagat. Nasumpungan ito ng mga mangingisda at pagkatapos ay inilibing ng kaniyang mga kaibigan.

Mga Aral Para sa Atin

“Hindi dapat kaligtaan na ang isa sa pangunahing layunin [ni Lucaris] ay ipaliwanag at itaas ang antas ng edukasyon ng kaniyang klero at kawan, na noong ikalabing-anim at noong mga unang taon ng ikalabimpitong siglo ay lubhang bumagsak sa pinakamababang antas,” sabi ng isang iskolar. Maraming balakid ang humadlang kay Lucaris upang maabot ang kaniyang tunguhin. Limang ulit siyang inalis sa kaniyang patriyarkang trono. Tatlumpu’t apat na taon pagkamatay niya, isinumpa at itinuring ng isang sinodo sa Jerusalem ang kaniyang mga paniniwala bilang mga erehiya. Ipinahayag nila na ang Kasulatan ay “dapat basahin, hindi ng kahit sino, kundi niyaon lamang sumusuri sa malalalim na bagay ng espiritu pagkatapos gumawa ng angkop na pananaliksik”​—yaon ay, tanging ang umano’y mga edukadong klerigo.

Minsan pa, sinupil ng namumunong eklesyastikong uri ang mga pagsisikap na mabasa ng kanilang kawan ang Salita ng Diyos. May kalupitan nilang pinatahimik ang isang tinig na tumukoy sa ilang kamalian ng kanilang mga paniniwalang wala sa Bibliya. Sila’y napatunayang kabilang sa pinakamalupit na mga kaaway ng kalayaan sa relihiyon at katotohanan. Nakalulungkot, ito ang saloobin na sa iba’t ibang paraan ay umiiral pa rin hanggang sa ating panahon. Isa itong seryosong paalaala ng kung ano ang nangyayari kapag hinahadlangan ng mga intriga na sinulsulan ng mga klero ang kalayaan ng pag-iisip at pagpapahayag.

[Talababa]

a Sa kaniyang Confession, itinataguyod niya ang Trinidad at ang mga doktrina ng predestinasyon at ang imortal na kaluluwa​—pawang mga turo na wala sa Bibliya.

[Blurb sa pahina 29]

Si Lucaris ay gumawa ng kapuri-puring mga pagsisikap upang ang Bibliya ang maging awtoridad sa doktrina ng simbahan at upang turuan ang mga tao tungkol sa mga turo nito

[Kahon/Larawan sa pahina 28]

Si Lucaris at ang Codex Alexandrinus

Isa sa mga hiyas ng Aklatang Britano ay ang Codex Alexandrinus, isang manuskrito ng Bibliya noong ikalimang-siglo C.E. Sa marahil ay 820 orihinal na mga pahina nito, 773 ang naingatan.

Samantalang si Lucaris ang patriyarka ng Alexandria, Ehipto, nagkaroon siya ng maraming koleksiyon ng mga aklat. Nang maging patriyarka siya sa Constantinople, dinala niya ang Codex Alexandrinus. Noong 1624 ay inalok niya ito sa embahador ng Britanya sa Turkey bilang isang kaloob para kay Haring James I ng Inglatera. Pagkalipas ng tatlong taon, ibinigay ito sa kaniyang kahalili, si Charles I.

Noong 1757 ang Royal Library ng Hari ay ibinigay sa bansang Britanya, at ang ekselenteng codex na ito ay nakatanghal ngayon sa John Ritblat Gallery sa bagong Aklatang Britano.

[Credit Lines]

Gewerbehalle, Tomo 10

Mula sa The Codex Alexandrinus in Reduced Photographic Facsimile, 1909

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Bib. Publ. Univ. de Genève

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share