Ang Iglesya Griego Ortodokso—Isang Nababahaging Relihiyon
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GRESYA
PARA sa taimtim na mga tao na umiibig sa Diyos at sa katotohanan at may taos na paggalang sa kaniyang pagsamba, ang kasalukuyang kalagayan ng Iglesya Griego Ortodokso sa Gresya ay, hindi sa pagmamalabis, nakapanghihilakbot. Ang nakahahapis na kawalan ng pagkakaisa, ang marahas na mga sagupaan sa pagitan ng naglalabanang pangkat-pangkat sa iglesya, ang pagdaluhong ng nakahihiyang mga moral na iskandalo, at ang kawalang-kakayahan ng isang relihiyon—na inilalarawan ang sarili mismo nito bilang “ang tanging tunay na iglesya ng Diyos”—na maglaan ng espirituwal na patnubay ay nagpapangyari sa maraming Griego na masiraan ng loob at masuklam.
Ang karaniwang mga tao ay nasisiphayo, nagsisiklab pa nga sa galit, dahil sa kalagayang ito. Isang propesor sa pamantasan, na sumusulat sa isang pangunahing pahayagang Griego, ang naghihinagpis nang ganito: “Ang Iglesya ng Gresya ay nahahati ng isang krisis na di-mapapantayan sa katindihan at katagalan, na nagbabangon ng pag-aalinlangan sa awtoridad [ng simbahan] at sumisira sa likas na kahalagahan ng institusyon. Nakalulungkot naman ang pinsala ay nagpapatuloy.”
Paano lumitaw ang kalagayang ito? Ang malapít na ugnayan ba na tinatamasa ng Iglesya Griego Ortodokso sa Estado ay tunay na naging kapaki-pakinabang? Ano ang mangyayari sa hinaharap na kaugnayan ng Iglesya at Estado? Anong mapagpipiliang bagay ang umiiral para sa mga taong naghahanap ng tunay, nagkakaisang kongregasyon ni Kristo? Ating suriin ang mga totoong bagay at suriin kung ano ang sinasabi ng Bibliya may kinalaman sa bagay na ito.
Ang Pakikipagpunyagi sa Kapangyarihan
Nang mamuno ang militar na diktadura sa Gresya noong mga taóng 1967-74, ito’y aktibong nakialam sa mga gawain ng Iglesya Griego Ortodokso upang mapagsanib nito ang kapangyarihan mismo nito. Sa pagsisikap nito na lubusang mamahala, binuwag ng military junta ang dating hinirang na Santo Sinodo—ang pinakamataas na ehekutibong lupon ng Iglesya Griego Ortodokso—at nag-atas ng sarili nitong sinodo, “ayon sa merito,” gaya ng tawag dito. Nang maibalik ang demokrasya noong 1974, ang namumunong lupon ng iglesya ay inihalal muli ayon sa kanonikal na karta nito. Gayunman, ang mga obispo na siyang bumuo ng bahagi ng sinodo na hinirang ng junta ay inalis at pinalitan ng iba.
Gayunman, isang panukalang-batas ng pamahalaan na ipinatupad noong 1990 ang nagbigay sa mga naalis na obispo ng karapatan na bawiin ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pag-apela sa sekular na mga korte at sa wakas sa pinakamataas na korte ng administrasyon, ang Konseho ng Estado. Gayon nga ang ginawa ng tatlo sa mga klerigong ito, at sa wakas ay naipanalo nila ang mga kaso. Sa ngayon, bilang resulta, ang tatlong magkakahiwalay na Ortodoksong arsodiyosesis sa Gresya ay may tigalawang obispo bawat isa—ang isa ay opisyal na kinikilala lamang ng Iglesya Griego Ortodokso at ang isa naman ay opisyal na tinatanggap ng Konseho ng Estado.
“Naglalabang mga Kristiyano”
Nabawi ng dating inalis sa tungkulin na mga obispo ang kanilang kapangyarihan, at lubusan nilang tinanggihan na kilalanin ang pag-iral ng ibang obispo na hinirang ng opisyal ng iglesya. Karagdagan pa, ang bawat isa sa kanila ay may napakaraming tagasunod na “mga relihiyosong panatiko”—gaya ng paglalarawan sa kanila ng isang pahayagan—na marubdob na nagsasalita bilang pagsuporta sa ipinaglalaban ng kanilang obispo. Kaya ang kalagayang ito ang nagpasiklab ng mainit at matinding reaksiyon habang ipinakikita ng telebisyon sa buong bansa ang mga tagpo ng karahasan, ipinakikita ang napakaraming “naglalabang mga Kristiyano” na sapilitang nilolooban ang mga simbahan, nagbabasag ng relihiyosong mga istatuwa, at sinasalakay ang mga klerigo at mga karaniwang tao sa magkabilang pangkat. Sa karamihan ng mga kasong ito, ang mga pulis na umaawat ng mga kaguluhan ay kailangang makialam upang mapanauli ang katahimikan. Ang mga pangyayari ay humantong sa sukdulan noong Oktubre at Nobyembre 1993 sa mga simbahan na matatagpuan sa mayayamang arabal ng Kifisia, at ng dakong huli noong Hulyo at Disyembre 1994 sa lungsod ng Larissa, habang ang magulong mga pangyayari ng bulag na relihiyosong pagkapanatiko ang sumindak sa publiko sa Gresya.
Ang pinakamarahas na pagsasagupaan ay naganap noong Hulyo 28, 1994, sa panahon ng pagkaluklok ni Ignatius, ang obispo sa Larissa na hinirang ng Santo Sinodo. Makikita sa unang pahina ng baner ang ulong-balita na, “Naging Larangan ng Digmaan ang Larissa Para sa Bagong Obispo—Naisauli ang Edad Medya,” ang pahayagang Ethnos ay nag-uulat: “Isang kataga lamang ang angkop: ang Edad Medya. Paano pa nga ba ilalarawan ng isa ang lahat ng bagay na naganap kahapon sa Larissa, . . . awayan sa kalye, magulong pagsasagupaan, mga pagsasakitan?”
Pagkalipas ng ilang linggo, sinalakay ng mga kaaway ang kotse ni Obispo Ignatius na “ginamitan ng mga bareta ng bakal at mga bat, pagkatapos na may kalupitang habulin.” Ganito ang napag-isip-isip ng isang manunulat: “Matatanggap ba ng isa na ang nasangkot na mga maygawa ng masama ay puspos ng Kristiyanong damdamin nang, kasabay nito, ang kanilang pagkapanatiko ay umakay sa kanila sa paggawa ng mga bagay na tulad ng ginagawa ng mga gangster, paggawa ng karahasan na sanhi ng kamatayan? . . . At ang mga gawang ito’y hinihimok at kinukunsinti ng prominenteng mga lider ng simbahan.”
Ang kalagayan ay naging lalong malala noong panahon ng Kapaskuhan. Tinutukoy ang malungkot na pangyayari noong Disyembre 23-26, 1994, sa Larissa, ganito ang sulat ng pahayagang Eleftherotipia: “Ito’y isang nakahihiyang Pasko sa Larissa, kung saan, minsan pa, ang mahaba, nagtatagal na alitan ang sumira sa [pagdiriwang]. . . . Samantalang inihudyat ng mga kampana ang kapanganakan ni Kristo, ang mga pambambo ng mga pulis ay dumapo sa mga ulo ng mga ‘matuwid at di-matuwid.’ Ang mga gulo, pagsasagupaan, mga pagbatikos, at mga pag-aresto ang humalili sa pagpapalitan ng mga pagbati at pagbasbas sa Pasko sa bakuran ng Simbahan ng Santo Constantino sa Larissa. . . . Ang mga demonstrasyon [laban kay Ignatius] ay mabilis na nauwi sa pang-iinsulto at pagkatapos ay pakikipagsagupaan sa mga pulis. . . . Ginawa nilang larangan ng digmaan ang bakuran ng simbahan.”
Paano tumugon ang mga tao rito? Isang lalaking Ortodokso ang may ganitong komento: “Hindi ko maintindihan kung paanong ang nag-aangking mga Kristiyano ang magpapasimuno sa gayong mga karahasan sa panahon ng sagradong relihiyosong kapistahan. Paano ako magsisimba kung ako’y nanganganib na mabugbog doon?” At isang debotong babaing Ortodokso ang nagsabi: “Takot ako ngayong magsimba pagkatapos na maganap ang lahat ng ito.”
Para bang hindi pa sapat ang mga ito, mayroon ding isang daluhong ng pagsisiwalat tungkol sa moral na mga iskandalo na nagsasangkot sa Iglesya Griego Ortodokso. Paulit-ulit na isiniwalat ng media ang may kinalaman sa mababang moral ng ilang miyembro ng klero—mga paring homoseksuwal at pedophile, ang paglustay ng salapi, at ang bawal na pagnenegosyo ng mga antigong bagay. Ang huling nabanggit ay posibleng mangyari dahil sa maraming klerigo ang walang kontrol at malayang nakalalapit sa mga kayamanan ng mahahalagang istatuwa at iba pang mamahaling mga artifact.
Anong pagkasama-sama ng kalagayang ito na lumalabag sa matinding payo na ibinigay ni apostol Pablo sa mga Kristiyano na hindi sila dapat maging mga tagasunod ng tao sapagkat ito’y nagbubunga ng “pagkakawatak-watak” at “mga pagkakabaha-bahagi”!—1 Corinto 1:10-13; 3:1-4.
Iglesya-Estado na Ugnayan—Ano ang Kanilang Hinaharap?
Sapol ng pagpapasimula ng Pamahalaang Griego, ang Iglesya Griego Ortodokso ay nasisiyahan sa kalagayang may pribilehiyo ng pagiging nangungunang relihiyon. Sa Gresya, hanggang sa kasalukuyan, walang bagay na tinatawag na paghihiwalay ng Iglesya-Estado. Ang Konstitusyon mismo ang tumitiyak sa posisyon ng Iglesya Griego Ortodokso bilang “nananaig na relihiyon” sa Gresya. Ito’y nangangahulugan na ang Iglesya Griego Ortodokso ay nakapanghihimasok sa lahat ng sektor ng pampublikong buhay, lakip na ang pampublikong administrasyon, sistemang pangkatarungan, pulisya, pampublikong edukasyon, at sa halos lahat ng aspekto ng lipunan. Ang pagsaklaw-sa-lahat na pagkanaroroon ng iglesya ay nangahulugan ng pang-aapi at di-maipaliwanag na mga kahirapan para sa relihiyosong mga minorya sa Gresya. Bagaman ang Konstitusyon ay tumitiyak sa kalayaan ng relihiyon, kailanma’t nagtatangka ang relihiyosong minorya na hilingin ang mga karapatan nito, lagi nitong nasusumpungan ang sarili na nabibitag sa masalimuot na habi ng relihiyosong pagkiling, pagtatangi, at oposisyon na mayroon ang ugnayang Iglesya-Estado na ito.
Ang pagbabago ng Konstitusyon ay waring nakikitang posibilidad sa malapit na hinaharap, at kaya naman ang matinding paghahangad para sa paghihiwalay ng Iglesya at Estado ay dinirinig na ngayon. Itinatawag-pansin ng maimpluwensiyang Griegong mga dalubhasa sa konstitusyon at mga nag-aanalisa ang mga problema na nilikha ng malapít na pagsasamahan sa pagitan ng Iglesya at ng Estado. Ipinakita nila na ang tanging posibleng solusyon ay ang lubusang paghihiwalay ng dalawang magkaibang institusyon.
Samantala, ibinubulalas ng mga lider ng iglesya ang kanilang mga pagtutol sa gayong paghihiwalay sa kalaunan. Napag-uusapan ang isang mainit na usapin, na talagang makaaapekto sa gayong namumuong ugnayan ng Iglesya-Estado, isang obispong Ortodokso ang sumulat: “Bilang resulta, ihihinto na ba ng Estado ang pagpapasuweldo sa mga klerigo? . . . Ibig sabihin lamang niyan na maraming parokya ang mawawalan ng mga pari.”—Ihambing ang Mateo 6:33.
Ang isa pang resulta ng malapít na kaugnayan sa pagitan ng Iglesya at Estado sa Gresya ay na hinihiling ng Griegong batas—na may tuwirang pagkakasalungatan sa mga tuntunin ng European Union at sa Articles of the European Convention of Human Rights, na siyang bumubuklod sa Gresya—na ang personal na identity card ng lahat ng Griegong mamamayan ay dapat magpakita kung sa anong relihiyon nakaugnay ang bawat isa. Ang mga taong may bukas na isip ay tumutol dito sapagkat ang mga miyembro ng relihiyosong minorya ay kalimitang nagiging biktima ng pagtatangi. Ganito ang sabi ng peryodista: “Ang bagay na ito ay malamang na magkaroon ng negatibong mga resulta hangga’t nasasangkot ang mga karapatan ng isang relihiyosong minorya na isagawa ang kanilang relihiyosong kalayaan.” Nagkokomento tungkol dito, ang pahayagang Ta Nea ay sumulat: “Ang Estado ay dapat gumawa ng pagpapasiya nito at magpanukala ng mga batas nang ipinagwawalang-bahala ang anumang mapandominang mga paraan at mga reaksiyon ng iglesya sa gayong mga bagay gaya ng sapilitang pagpaparehistro ng relihiyon ng isa sa kaniyang personal na identity card.”
Idiniriin ang kagyat na pangangailangan para sa gayong paghihiwalay, si Dimitris Tsatsos, propesor ng constitutional law at isang miyembro rin ng Europeong Parlamento, ay nagsabi nang ganito: “Ang Iglesya [ng Gresya] ay dapat huminto sa pagdodomina nito sa panlipunan, pulitikal, at pang-edukasyong buhay. Ang paraan ng pagpapatakbo ng Griegong Iglesya ay mapaniil. Ito’y may lubusang kapangyarihan na namamahala sa ating sistemang pang-edukasyon at sa ating lipunan.” Sa isa pang panayam ganito ang sabi ng propesor ding iyon: “Ang iglesya ay may nakatatakot na kapangyarihan sa Gresya, na nakalulungkot naman ay hindi lamang limitado sa likas na nasasakupan nito na walang-habag na mga konserbatibo, kundi nagawa pa rin nitong pasukin ang malayang sektor ng Griegong lipunan. Para sa akin, hinihiling ko ang paghihiwalay ng Iglesya at Estado. Hinihiling ko na ang mga Griego Ortodokso ay malagay sa gayunding antas gaya ng ibang relihiyon at maging walang kinikilingan sa mga tagasunod ng ibang relihiyon sa Gresya.”
Ang Tunay na mga Kristiyano ay Nagkakaisa
Totoong napakahirap na masumpungan ang tanda ng tunay na Kristiyanismo sa Iglesya Griego Ortodokso. Hindi nilayon ni Jesus ang pagkakabaha-bahagi at pagkakasalungatan na maganap sa loob ng Kristiyanismo. Sa pananalangin sa kaniyang Ama, hiniling niya na ang kaniyang mga tagasunod ay “maging isa.” (Juan 17:21) At ang mga alagad na ito ay ‘magkaroon ng pag-ibig sa isa’t isa,’ ang pag-ibig na ito ay mapagkikilanlang tanda ng tunay na mga tagasunod ni Kristo.—Juan 13:35.
Waring ang pagkakaisa ay malayo sa Iglesya Griego Ortodokso. Gayunman, ito’y hindi na naiibang kalagayan sa organisadong relihiyon sa ngayon. Sa halip, ito’y kinatawan ng pagkakabaha-bahagi na sumasalot sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.
Itinuturing ng taimtim na mga mangingibig ng Diyos ang malungkot na kalagayang ito na mahirap makasuwato ng mga sinabi ni apostol Pablo sa tunay na mga Kristiyano sa 1 Corinto 1:10: “Ngayon ay masidhi kong pinapayuhan kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay dapat magsalita nang magkakasuwato, at na hindi dapat na magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi na kayo ay lubos na magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.”
Oo, ang tunay na mga alagad ni Jesus ay nagtatamasa ng di-nawawasak na pagkakaisa sa gitna nila. Sapagkat sila’y nagkakaisa dahil sa bigkis ng Kristiyanong pag-ibig, wala silang pulitikal, pansekta, o doktrinal na mga pagkakaiba. Malinaw na ipinaliliwanag ni Jesus na makikilala ng bawat isa ang kaniyang mga tagasunod sa pamamagitan ng “kanilang mga bunga,” o mga gawa. (Mateo 7:16) Ang tagapaglathala ng magasing ito ay nag-aanyaya sa inyo na suriin ang “mga bunga” ng mga Saksi ni Jehova, na nagtatamasa ng tunay na pagkakaisang Kristiyano sa Gresya gayundin sa iba pang bahagi ng daigdig.
[Larawan sa pahina 18]
Mga pari na nakikipagsagupaan sa pulisya
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Mula sa aklat na The Pictorial History of the World