Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 12/1 p. 3-7
  • Inaatake ang Kalayaan ng Relihiyon sa Gresya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Inaatake ang Kalayaan ng Relihiyon sa Gresya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sinisiraan ang Kalayaan at Karangalan
  • Mga Pag-atake at Pag-aresto
  • Kaisipan sa Panahon ng Kadiliman
  • “Lihim”?
  • Sino ang mga Kristiyano?
  • Sila ba’y mga “Antikristo”?
  • ‘Ang Itinataguyod ba’y Pamamahalang Judio sa Lupa’?
  • Mga Turo na Wala sa Bibliya
  • Ipagtanggol ang Demokrasya sa Gresya
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1987
  • Ang Simbahang Griego ay Nagbanta ng Karahasan at Hinadlangan ang Kombensiyon
    Gumising!—1988
  • Ang Iglesya Griego Ortodokso—Isang Nababahaging Relihiyon
    Gumising!—1996
  • Napawalang-sala ang mga Saksi ni Jehova sa Gresya
    Gumising!—1997
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 12/1 p. 3-7

Inaatake ang Kalayaan ng Relihiyon sa Gresya

MINAMAHALAGA mo ba ang kalayaan? Minamahalaga iyan ng karamihan ng mga tao. Ibig nila na magkaroon ng kalayaan sa iba’t ibang opinyon tungkol sa mga bagay na gaya ng pulitika, ekonomiya, at relihiyon, sa nasasakupan ng batas at kaayusan, mangyari pa. Sa kabilang panig, ang pag-uusig ng dahil sa mga opinyon ng isa ay nagpapagunita ng Inkisisyon noong Edad Medya.

Ano ba ang kinalaman nito sa Gresya, isang magandang bansa na nasa silangang Mediteraneo? Sa bansang iyan, umiiral ang isang kakatwang situwasyon na di-kasuwato ng demokratikong kalayaan.

Sinisiraan ang Kalayaan at Karangalan

Ang Gresya ay malaon nang kilala bilang “ang sinilangan ng demokrasya.” Oo, noong 1975 pinagtibay ng Gresya ang isang demokratikong Konstitusyon na gagarantiya sa mga kalayaan na minamahalaga ng mga mamamayan. At ang gobyerno ng Gresya ay gumagawa upang itaguyod ang mga garantiyang iyon.

Gayunman, may mga tao sa Gresya na nagsisikap na sirain ang mga kalayaang iyan at kanilang malubhang pinipinsala ang marangal na pagkakilala sa Gresya sa buong daigdig. Ang mga manggugulong ito ay pumukaw at nangunguna sa mga magugulong mang-uumog upang atakihin ang mapayapang mga mamamayang Griego, kanilang inudyukan ang mga opisyales na arestuhin at ibilanggo ang mga ito, at sinikap nila na ipagkait sa masunurin-sa-batas na Griegong ito ang kanilang kalayaan. Ito ay nagaganap sa loob ng marami nang taon ngayon, sa kabila ng mga garantiya ng konstitusyon.

Bakit nga nangyayari ang lahat ng ito? Sino ang mga biktima? Sino ang mga pasimuno rito? Hayaan ninyong ang mga pahayagan sa Gresya ang magbalita sa inyo ng tungkol sa situwasyon doon.

Mga Pag-atake at Pag-aresto

Ang Konstitusyon ng Gresya ay nagsasabi na “ang Griego ay magkakaroon ng karapatan na mapayapa na magtipon nang walang anumang armas.” Sinasabi rin nito na “ang kalayaan ng budhi sa relihiyon ay hindi maaaring labagin,” at isinusog pa: “Lahat ng kilalang relihiyon ay malaya at ang kanilang mga ritwal sa pagsamba ay maisasagawa nila nang walang hadlang at sa ilalim ng proteksiyon ng batas.”

Kaya naman, noong Linggo, Hunyo 15, ng taon na ito, daan-daang mga Saksi ni Jehova ang nagtipong tahimik sa isang teatro sa Larisa, Gresya. Sila’y naroon upang mag-aral ng Bibliya at pag-usapan ang mga paraan kung paano lalong mapahuhusay nila ang pagkakapit sa kanilang araw-araw na pamumuhay ng mga simulaing Kristiyano.

Gayunman, ganito ang nangyari. Ang lokal na pahayagang I Larisa ay nag-ulat: “Daan-daan katao, lalo na mga miyembro ng [Greek Orthodox Church] mga organisasyon sa ating bayan, at may ilang pari na nangunguna, ang nagsimulang nagkatipon, at sinimulan nilang magpahayag ng kanilang di-pagsang-ayon sa gayong ginawa ng mga nasa sinehan​—mahigit na 700 na mga Saksi ni Jehova, at ang karamihang iyon ay para bagang papasok na sa sinehan upang pahintuin ang asamblea.”

Ganiyan ang nangyari sa loob ng mga tatlong oras. Sa wakas ay nasugpo ng maraming pulis ang pangkat na iyon ng mga mang-uumog. Ang klero na siyang nagsulsol sa mga mang-uumog ay binanggit ng pahayagan ng Larisa na Eleftheria nang sipiin nito ang mga salitang ito ng isang paring Greek Orthodox: “Sa susunod na pagkakataong ibigay ng alkalde ang sinehan sa [mga Saksi], dadalhin namin ang aming mga pala at dudurugin ang lahat ng bagay!” At isang obispo ang nagpahayag sa madla ng kaniyang pagsang-ayon sa ginawa ng mga mang-uumog.

Sa pahayagan ng Larisa na I Alithia, ang manunulat na si Sarantos Vounatsos ay nagpahayag ng galit sa ginawa ng mga pari. Kaniyang binanggit na ang kaisipan ng mga mang-uumog ay katulad niyaong sa pulutong na humiling na patayin si Jesus, at nagsigawan: “Ibayubay siya!” Tungkol sa mga mang-uumog ng Larisa ay sumulat siya: “Ang kanilang ‘lider’ ay isang nagsisisigaw . . . na pari! Siya’y nagbabanta, namumusong, nagpapasikat ng pangangaral, at sa isang punto . . . kanilang binigyan ang lahat ng nasa loob ng limang minuto upang makalabas sa sinehan . . . ‘sapagkat kung hindi ay papasok kami at liligisin ang kanilang mga ulo.’”

Sa artikulo sa pahayagan ay tinawagan-pansin ang pari at ang sabi: “Ibig mo bang gawin din ang ginawa ng mga fariseo? Bueno, pakaingat ka, sapagkat kung ikaw ay magpapatuloy hindi na sasa-iyo ang awa o grasya [ng Diyos], at ni sa atin man.”

Ang ganiyang pag-uusig ay hindi isang nag-iisang pangyayari. Nagkaroon ng daan-daang mga pag-aresto sa mga di-kabilang sa relihiyong Orthodox noong nakalipas na mga ilang taon, “kasali na ang 890 mga Saksi ni Jehova noong 1983 lamang,” ang sabi ng The Wall Street Journal. At nang taon na ito, iniulat ng pahayagan sa Atenas na Eleftherotipia, na isang pari ang umatake sa isang 76-anyos na Saksi, si Vasili Kapeleri, na humantong sa kamatayan ni Kapeleri.

Kaisipan sa Panahon ng Kadiliman

Ang ugat ng suliranin ay nasa klero ng Greek Orthodox Church. Yamang ito ang dominanteng relihiyon sa Gresya, inaakala ng klero na walang karapatang umiral ang mga Saksi ni Jehova. Kaya sinisikap nilang ipagkait sa mga Saksi ang kanilang kalayaan sa pamamagitan ng pang-uumog, pandarahas, pagbibilanggo, at panggigipit sa mga hukuman. Maaga nang taon na ito dahil sa pananalansang ng klero ay isang hukuman sa Creta ang nagkait sa mga Saksi ng pagkilala sa kanila bilang isang legal na organisasyon.

Sang-ayon sa alegato ng hukuman, ang Iglesia Orthodox ay nag-aangkin na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang “kilalang-kilala at kinikilalang relihiyon,” at na sila ay “hindi matuwid na matatawag na mga Kristiyano.” Kaya’t sinasabi ng Iglesya na ang mga Saksi ay walang karapatan na magtayo ng kanilang sariling mga gusali para sa pagsamba o may karapatan man sila na magsalita sa iba tungkol sa relihiyon. Subalit ang gayong kaisipan ay uso noon edad medya. Mababanaag dito ang espiritu ng Inkisisyon, hindi yaong sa ‘duyan ng demokrasya.’

Hindi sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na ipagkait sa Iglesia Orthodox ang karapatan na magkaroon ng mga simbahan at mangaral ng kung ano man ang ibig niya. Subalit sa modernong panahong ito, dapat bang ipilit ng Iglesyang iyan ang kaniyang relihiyosong mga paniwala sa kanino pa man? At lalo na sa isang demokratikong lipunan na kung saan napakarami ang iba’t ibang opinyon? Saanman sa demokrasya sa Kanluran ay hindi ito ginagawa.

Sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay kinikilala ng batas na isang relihiyong Kristiyano. Iba’t ibang mga pulitikal na pamahalaan ay nagbigay sa kanila ng legal na karapatan na magtayo ng mga dakong sambahan at maghawakan sa kanilang mga paniwala. Na sila ay isang kilalang-kilalang internasyonal na relihiyong Kristiyano ay makikita sa bagay na sila’y mayroong mahigit na tatlong milyong aktibong mga ministro, at limang milyong mga iba pa ang dumadalo sa kanilang mga pulong. At sila’y organisado sa 50,000 mga kongregasyon sa mahigit na 200 mga bansa.

Kaya’t tiwali na sabihin ng klero na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang ‘kilalang relihiyong Kristiyano.’ Ang saloobin ng klero ay nakasisira sa pagkakilala sa demokratikong gobyerno ng Gresya. Isa rin itong insulto sa milyun-milyong mga Saksi sa buong daigdig na debotadong mga Kristiyano at mga nakakaalam na marami sa kanilang mga kapananampalataya ang naging martir dahil sa kanilang pananampalataya.

“Lihim”?

Tiwali rin ang sinasabi ng Iglesia sa hukuman ng Creta na ang mga Saksi ni Jehova ay isang “lihim” na organisasyon. Sinabi ng Iglesia: “Ang mismong mga paniwala ng mga Saksi ni Jehova ay hindi lubusang nakikilala ni hayagan mang isiniwalat . . . Sila’y walang mga ‘bahay na dalanginan’ ni iba pang mga pampublikong dako na sambahan kung saan maaaring malayang pumasok ang sinuman. Ang kanilang mga ritwal sa pagsamba ay hindi lubusang hayag.”

Sinuman na kahit may bahagyang pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova ay nakababatid na ang ganiyang mga bintang ay lubusang walang katotohanan. Ang kanilang mga turo ay nakalimbag para sa kaninuman na suriin, at ang kanilang mga pulong ay bukás sa lahat ng mga taong sumusunod sa kaayusan, ang mga ito ay walang bayad. Sa katunayan, ang mga Saksi ay nagtuturo ng Bibliya sa milyun-milyong mga tao sa kanilang mga tahanan sa buong daigdig upang malaman nila ang mga paniwalang iyon! At ang mga tanggapang sangay ng Watch Tower sa buong daigdig ay malugod na tumatanggap ng libu-libong mga bisita linggu-linggo.

Subalit narito ang isang kabalighuan. Bakit ang mga Saksi ni Jehova sa Gresya ay hindi makapagtipon sa “mga bahay dalanginan”? Sapagkat ipinagkait sa kanila ang karapatan na magtayo ng mga ito! Yamang sila’y pinagkakaitan ng mga bulwagang ito, sila’y sa mga pribadong tahanan nagtitipon. Ngayon naman ay sinasabi ng Iglesya na sila’y may lihim na mga pulong! Subalit, sa buong daigdig ang mga Saksi ni Jehova ay nagtayo ng libu-libong malalaking gusali para sa pagsamba. Subalit hindi nila magawa iyan sa Gresya.

Kung gayon, lalong mauunawaan mo kung bakit ang sinasabi ng Iglesya ay, gaya ng pagkasabi ng Propesor ng Penal Law sa University of Thessalonica sa Gresya na si John Manoledakis, “hindi katugma ng kapuwa layunin ng Iglesya [Griego Orthodox] o ng talino ng kaniyang kawan.”

Sino ang mga Kristiyano?

Noong unang siglo, si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod ay biktima ng pag-uusig , pang-uumog, pagbibilanggo at kamatayan. Sino ang pangunahing nang-uusig sa kanila? Ang klero noon.

Halimbawa, pansinin ang nangyari nang buhayin ni Jesus si Lazaro buhat sa mga patay: “Ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo . . . ay nagsanggunian upang patayin [si Jesus].” Palibhasa’y hindi pa sila nasisiyahan diyan, “ang mga pangulong saserdote ngayon ay nagsanggunian upang patayin din si Lazaro, sapagkat dahil sa kaniya marami sa mga Judio ang nagpupunta roon at naglalagak ng pananampalataya kay Jesus.” At sa wakas, “ang mga pangulong saserdote at ang nakatatandang [relihiyosong] mga lalaki ay nakahikayat sa karamihan na palayain si Barabas, ngunit ipapatay si Jesus.”​—Juan 11:47, 53; 12:10, 11; Mateo 27:20.

Hindi nga kataka-taka na sabihin sa kanila ni Jesus: “Sa aba ninyo, mga escriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwat sa loob ay punô ng mga buto ng mga patay na tao at ng lahat ng karumal-dumal. Gayundin naman kayo, sa labas ay nag-aanyong matuwid sa harap ng mga tao, datapuwat sa loob ay punô kayo ng pagpapaimbabaw at katampalasanan.” (Mateo 23:27, 28) Gayundin, malimit na sinusulsulan ng klero ang mga iba laban sa mga alagad ni Jesus.

Saanman ay hindi inutusan ni Jesus ang mga Kristiyano na mag-usig, magbilanggo, manakit, o mang-umog sa mga taong hindi nila kaiisa sa paniniwala. Kaya naman, noong unang siglo ang mga tunay na Kristiyano ang pinag-uusig, hindi sila ang umuusig. Ang mga mang-uusig ay ang klero at yaong mga sinusulsulan nila. Ganiyan din ngayon sa Gresya.

Sila ba’y mga “Antikristo”?

Ang Iglesyang Griego Orthodox ay nag-aangkin din: “Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi matuwid na matatawag na mga Kristiyano, na ang ibig sabihin, mga alagad ni Kristo, kundi sa kabaligtaran pa nga, sila ay . . . mga antikristo.”

Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa “antikristo”? Sa 1 Juan 2:22 ay sinasabi: “Sino ang sinungaling kundi ang tumatanggi na si Jesus ay siyang Kristo? Ito ang antikristo, ang tumatanggi sa Ama at sa Anak.”

Kung gayon, ang payak na katotohanan ng kinasihang Salita ng Diyos ay nagsasabi na ang isang antikristo ay hindi tumatanggap kay Jesus. Ngunit ang mga Saksi ni Jehova ay tumatanggap sa kaniya! Taimtim na naniniwala sila kay Jesus at sinusunod ang kaniyang mga turo! Ang totoo, walang sinuman ang maaaring maging isa sa mga Saksi ni Jehova kung hindi niya tatanggapin si Jesus bilang ang makalangit na Anak ng Diyos, na naparito galing sa langit, ibinayubay sa tulos at binuhay-muli, at bumalik sa langit.

Kaya’t sinuman na nagsasabing ang mga Saksi ni Jehova ay “antikristo” ay alin sa may maling pagkakilala sa kanila, binubulag ng maling pagkakilala, o may masasamang motibo.

‘Ang Itinataguyod ba’y Pamamahalang Judio sa Lupa’?

Ang isa pang pag-aangkin ng Iglesya Orthodox ay na pamamahalang Judio raw sa lupa ang itinataguyod ng mga Saksi ni Jehova. Ang sabi ng Iglesyang iyan: “Ang kanilang tunay na balatkayong layunin, na lubusang inililihim sa lubhang karamihan ng mga miyembro, ay ang pagtatatag ng isang ‘Pandaigdig na Teokratikong Kahariang Judio’ na may pinakasentrong pangasiwaan sa Jerusalem.”

Tanungin ang angaw-angaw na mga Saksi kung sila’y naniniwala riyan! Walang isa man sa kanila ang naniniwala riyan. Bagama’t noong minsan may mga nag-aakala na ang ilang mga hula ay kapit sa literal na Palestina sa siglong ito, ang paniwalang iyan ay kanilang iniwaksi na mahigit na 50 taon na ngayon!

Ang Kawikaan 4:18 ay nagsasabi na ‘ang landas ng matuwid ay gaya ng maliyab na araw na paliwanag nang paliwanag.’ Ang patuloy na pagliliwanag na iyan, na pinatitibay ng katuparan ng hula sa Bibliya, ay malinaw na nagpapakita na ang modernong Republika ng Israel ay hindi kailanman tatanggap kay Jesu-Kristo bilang ang Mesiyas. Samakatuwid, ang pagsasabi na ang Kristiyanong mga Saksi ay nagtataguyod ng isang makalupang kahariang Judio na ang sentro ay nasa Jerusalem ay isa pang kabalighuan. Sa halip, ang kanilang itinataguyod ay ang makalangit na pamamahala ng Kaharian ng Diyos, gaya ng itinuro ni Jesus.​—Mateo 4:17; 6:10.

Mga Turo na Wala sa Bibliya

Kabilang sa mga bagay na ginagamit ng klero upang pukawin ang mga iba laban sa mga Saksi ni Jehova ay ang bagay na ang mga Saksi’y tumatanggi sa mga ilang turo ng Simbahan. Ang pangunahin dito ay ang Trinidad. Subalit bakit nga magkakaroon iyan ng anumang kaugnayan sa palakad ng demokrasya sa Gresya? Bakit lahat ay dapat maniwala sa Trinidad upang magtamasa ng mga kalayaan ng mga mamamayan doon?

Ang pagka-Diyos, o pagkadibino ni Jesus ay hindi itinatatwa ng mga Saksi ni Jehova. Kanilang tinatanggap ang sinasabi ng Juan 1:1 tungkol sa kaniya, na siya ay “isang diyos.” Gayunman, sinasabi ng Simbahan na si Jesus ay hindi lamang “isang diyos” kundi na siya ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, at bahagi ng tatlong personang pawang walang hanggan, magkakapantay sa kapangyarihan.

Ang Bibliya, ang kinasihang Salita ng Diyos, ay hindi nagtuturo ng ganiyan. Sa halip, malinaw na sinasabi nito: “Sapagkat ganiyan na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kung kaya ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak.” (Juan 3:16) Kailanman ay hindi nag-angkin si Jesus na siya ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. Sinabi niya na siya “ang bugtong na Anak ng Diyos.” Ang anumang walang pagkiling na pagbasa sa Kasulatan ay magpapatunay niyan.​—Juan 3:18; 10:34-36.

Ulit at ulit na sinabi ni Jesus: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa ganang sarili niya, kundi yaon lamang nakikita niyang ginagawa ng Ama.” “Ako’y pumanaog buhat sa langit upang gawin, hindi ang aking kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” “Ang turo ko ay hindi akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” At isinususog ng Salita ng Diyos: “Ang Anak ay magpapasakop din sa [Diyos].”​—Juan 5:19; 6:38; 7:16; 14:28; 1 Corinto 15:28.

Samakatuwid ang Trinidad ay di-maka-Kasulatan. Kung gayon, saan nanggaling ito? Ito’y pinagtibay sa Konsilyo Nicea noong 325 C.E. nang ang mga apostata ay magpasok ng isang paganong ideya na nagmula sa sinaunang Ehipto at Babilonya. Gaya ng sabi ng historyador na si Will Durant sa The Story of Civilization: Part III: “Hindi nilipol ng Kristiyanismo ang paganismo; yaon ay tinanggap pa nito. . . . Nanggaling sa Ehipto ang mga ideya tungkol sa isang banal na trinidad.” At ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang salitang Trinidad o ang mismong doktrina ay hindi makikita sa Bagong Tipan . . . Ang doktrina ay nabuong unti-unti sa loob ng maraming siglo at sa gitna ng maraming pagtatalu-talo.”

Gayunman, kung ibig ng Iglesya Orthodox na maniwala sa Trinidad, karapatan nila iyan. Subalit wala siyang karapatan sa isang demokratikong bansa na mang-usig, magsulsol sa mga mang-uumog at mag-aresto, at ipagkait sa mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga kalayaan dahil lamang sa sila’y hindi naniniwala sa Trinidad.

Ipagtanggol ang Demokrasya sa Gresya

Ang Konstitusyon ng Gresya ay malinaw: “Ang kalayaan ng relihiyosong budhi ay hindi maaaring labagin. . . . Lahat ng kilalang relihiyon ay malaya at ang kanilang mga ritwal ng pagsamba ay dapat ganapin nang walang hadlang at sa ilalim ng proteksiyon ng batas.”

Ang mga Saksi ni Jehova, na kilalang-kilala at kinikilalang legal sa buong daigdig, ay nagtataguyod ng demokratikong mga simulaing iyan. Ibig nila na itaguyod din ng ito ng Gresya, at huwag hayaang ang maka-Inkisisyong kaisipan ay ipilit sa iba ng anumang relihiyon sa pamamagitan ng pag-uusig sa mga hindi nakikiisa sa kanilang mga paniwala.

Makabubuti para sa klero ng Iglesya Greek Orthodox na dinggin ang payo ng isang guro ng batas noong unang siglo, si Gamaliel. Sa klero na nang-uusig sa mga tagasunod ni Kristo, sinabi niya: “Sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong makialam sa mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila; (sapagkat, kung ang pakanang ito o ang gawang ito ay sa mga tao, mawawasak ito; subalit kung sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak;) kung hindi, baka pa kayo masumpungang aktuwal na mga kalaban ng Diyos.”​—Gawa 5:34-39.

Nang okasyon ding iyon, sinabi ng Kristiyanong mga tagasunod ni Jesu-Kristo: “Kailangang sundin namin ang Diyos bilang pinuno bago ang mga tao.” Ganiyan din ang pagkakilala ng Kristiyanong mga Saksi ni Jehova sa mga bagay-bagay. Iyan ang patuloy na gagawin nila sa Gresya anuman ang hilingin ng klero.​—Gawa 5:29.

[Larawan sa pahina 7]

Sinabi ni Pedro at ng mga iba pang mga apostol sa klero noong kanilang kaarawan: “Kailangang sundin muna namin ang Diyos bilang pinuno bago ang mga tao”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share