Ang Simbahang Griego ay Nagbanta ng Karahasan at Hinadlangan ang Kombensiyon
MALAPIT sa Piraeus, ang daungang lunsod ng Atenas, Gresya, ay ang “Istadyum ng Kapayapaan at Pagkakaibigan.” Gayunman, sabi ng pahayagan sa Atenas na Ta Nea, “isang kapaligiran ng digmaan ang umiral kahapon sa Piraeus, kung saan ang kilalang obispong si Callinicos . . . ay nag-utos na patunugin ang lahat ng kampana ng simbahan. Nagkaroon ng kaguluhan anupa’t maraming mamamayan ng daungang lunsod ay nag-akala na mayroong masamang nangyari; inakala pa nga nila na ito ay isang digmaan!”
Bakit nangyari ito may kaugnayan sa isang isports istadyum na sinasabing inalay sa “Kapayapaan at Pagkakaibigan”? Ang kaguluhan ay dahilan sa isang maling silakbo ng galit sa bahagi ng mga klerigo ng Simbahang Griego Orthodoxo. Isang obispo ang nanguna sa pagbabanta na pagtitipun-tipunin ang mga tao sa kaniyang parokya upang magmartsa sa istadyum at puwersahang sakupin ito upang hadlangan ang iba sa paggamit nito.
Ang obispo ay ipinalalagay na kumakatawan sa Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo. Gayunman, siya ay nagbanta ng marahas na kaguluhan bilang paglaban sa batas at kautusan, na tuwirang salungat sa mga turo ni Kristo. Bakit? Sapagkat ang mga opisyal ng istadyum ay nagbigay ng permiso sa mapayapa at masunurin-sa-batas na mga Kristiyano, mga Saksi ni Jehova, na magdaos ng isang kombensiyon doon noong dakong huli ng tag-araw. Ang mga kontrata ay nilagdaan, at ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol na ng mga 6,000 oras sa paglilinis sa istadyum bilang paghahanda sa kanilang kombensiyon.
Gaya ng komento ng isang editor sa Ta Nea: “Pinagbantaan pa nga ni Callinicos na sakupin ang Istadyum kung ang permiso ay hindi babawiin; siya ay nagbabalak ng mga Misa, pangangaral, mga litanya, at katulad nito, subalit inaamin ko na hindi ko maunawaan ang karamihan nito. . . . Nagtataka lamang ako sa kalagayan sapagkat tayo ay nasa taóng 1988 na, mga 12 taon na lamang bago ang ika-21 siglo, at ang Konstitusyon ng bansa ay nagtatanggol sa relihiyosong pagpaparaya.”
Hinadlangan ang Kombensiyon
Sa kabila ng bagay na iginagarantiya ng Konstitusyon ang kalayaan ng pagsamba at pagtitipon, hiniling ng mga klero na bawiin ang permiso. Ang mga opisyal ay napadala sa mga banta. Pinili nilang huwag garantiyahan ang batas at kautusan, at na hindi nila ipagtatanggol ang Konstitusyon ng Gresya. Bunga nito, ang kontrata sa pag-upa ay hindi pinagtibay.
Kaya tatlong araw na lamang bago ang kombensiyon, ang karapatan ng mga Saksi na magtipon sa istadyum ay ipinagkait. Ang mga walang kasalanan ay nabiktima, samantalang ang may kasalanan na nagbantang lalabagin ang batas at manggugulo ay ipinagtanggol. Isa ngang pagpilipit sa katarungan!
Ang gayong pagsalansang ay hindi bago. Sa loob ng maraming mga taon panatikong sinalansang ng Simbahang Orthodoxo sa Gresya ang mga Saksi ni Jehova, na hindi kailanman gumanti ng anumang labag sa batas na pagkilos. Kahit na kamakailan, sinalakay ng mga mang-uumog na pinangungunahan ng pari ang mga Saksi ni Jehova habang sila ay mapayapang nagtitipon. Nilait, niligalig, at sinalakay ng mga klerigo at ng mga membro ng kani-kanilang simbahan ang mga Saksi ni Jehova, at ginipit nila ang mga hukuman na dakpin at ipiit ang mga Saksi dahil sa kanilang gawaing pangangaral. Gayunman, ang Gresya ay isang demokrasya, at iginagarantiya ng Konstitusyon nito ang kalayaan ng pagsamba.
‘Isang Kilala, Relihiyong Kristiyano’
Ang mga hukuman sa Gresya ay nagpasiya na ang mga Saksi ni Jehova ay isang ‘kilala, relihiyong Kristiyano’ na karapat-dapat sa proteksiyon na ipinagkakaloob ng Konstitusyon ng Gresya. Halimbawa, noong 1987 ang Hukuman ng Mahistrado sa Hania, Creta (isang lalawigan sa Gresya), ay nagpahayag: “Ang mga Saksi ni Jehova . . . ay bumubuo ng isang kilalang relihiyon at isang sinang-ayunang sekta.” Sinasabi rin na ang kanilang gawaing pangangaral ay hindi isang uri ng pangungumberte na ipinagbabawal ng Konstitusyon. Gaya ng sabi ng hukuman: “Ang pangungumberte ay hindi ang basta pagbibili ng [Saksi] ng literatura sa bahay-bahay, o ang pag-aanyaya sa isang teolohikal na pag-uusap.”
Kinikilala ng hukuman na ang mga Saksi ni Jehova ay sakop ng mga probisyon ng Artikulo 13, parapo 1, ng Konstitusyong Griego. Ang artikulong iyon ay nangangako ng kalayaan ng relihiyosong budhi para sa lahat sa Gresya. Binanggit ng hukuman na kasali rito ang “kalayaan [ng indibiduwal] na maniwala sa relihiyong nagugustuhan niya,” gayundin ang “karapatang magbago, kahit na paulit-ulit,” ng relihiyon ng isa. Ipinaalaala rin ng hukuman na “ang kalayaan ng pagpapahayag ng relihiyosong paniniwala ng isa ay lalo pang ipinagtatanggol ng Artikulo 9, parapo 2, ng Kasunduan ng Roma na may petsang Abril 11, 1950, ‘tungkol sa pangangalaga sa mga karapatang pantao.’”
Ganito pa ang sabi ng hukuman sa Hania: “Ang kalayaan ng pagpapahayag ng relihiyosong paniniwala ng isa ay pinangangalagaan din ng Artikulo 14, parapo 1, ng Konstitusyon ng 1975: ‘Ang lahat ay maaaring magpahayag at magpalaganap nang bibigan, sa mga sulat, sa mga lathala, ng kaniyang mga binubulaybulay.’” Pagkatapos ang hukuman ay naghinuha: “Ang bagay tungkol sa pag-iingat sa Kristiyanong pananampalatayang Orthodoxo ay hindi lamang pananagutan ng mga klerigo at ng mga teologo, kundi ng sinumang tapat na mananampalataya.” At binanggit din nito na ang “mga magasing ‘Bantayan’ at ‘Gumising!’ ay naaayon sa batas ang pagpapalaganap.”
Sa gayunding paraan, sinabi ng isang Griegong hukuman sa pag-apela sa pasiya nitong 354/1987 na ang mga Saksi ni Jehova “ay binubuo ng isang ‘kilalang relihiyon’ sa diwa ng Artikulo 13, parapo 2, ng Konstitusyon.” Napansin ng hukuman na ang “pagkakaiba ng mga doktrina ng mga Saksi ni Jehova sa pangunahing mga simulain . . . ng [Griego] Orthodoxong kredo ay hindi sapat upang ipalagay ng isa na ang mga turo [ng Saksi] ay salungat sa kaayusan ng madla.” Binanggit din nito na ang mga Saksi ni Jehova ay mga Kristiyano, “yamang si Jesu-Kristo ang pangunahing persona sa kanilang mga doktrina.”
Kaisipan ng Panahon ng Kadiliman
Gayunman, sa kabila ng lahat ng mga pasiyang iyon ng hukuman, sa kabila ng lahat ng mga pagtatanggol ng Konstitusyon, ang kalayaan ng mga Griego ay minsan pang niyurakan dahil sa kaisipan ng Panahon ng Kadiliman ng mga klero. Masahol pa, ang mga opisyal na dapat sana’y magtatanggol sa batas ay sumuko sa inkisisyonal na hilig ng herarkiya ng Griego Orthodoxo. Anong lungkot na makita ang gayong paghamak sa demokrasya sa “duyan ng demokrasya.”
Gayunman, iniulat ng The New York Times na sa iba pang bagay, “tinanggihan ng Gobyerno [ng Gresya] . . . ang kahilingan ng Simbahang Griego Orthodoxo na ang pelikula ni Martin Scorsese na ‘The Last Temptation of Christ’ ay ipagbawal sa Gresya. Ang paggawa ng gayon, sabi ng Gobyerno, ay magiging salungat sa mga simulain ng Sosyalismo at sa kalayaan ng sining.’ Ang pelikulang ito ay ipinalalagay ng marami ng lubhang nakakainsulto kay Jesus, gayunman tinanggihan ng gobyerno ang kahilingan ng simbahan na ipagbawal ang pelikula. Subalit hindi nila tinanggihan ang kahilingan ng simbahan na ipagkait sa mga Saksi ni Jehova ang kanilang legal na karapatan na gamitin ang isang istadyum na pampubliko para sa isang pulong Kristiyano.
Balintuna nga na ang arenang ito ay tinatawag na Istadyum ng Kapayapaan at Pagkakaibigan! Ang mga Saksi ni Jehova ay mayroong internasyonal na reputasyon bilang mga tagapagtaguyod ng kapayapaan at pagkakaibigan sa gitna ng mga tao ng lahat ng lahi at nasyonalidad. Subalit sa kahuli-hulihang sandali, dahil lamang sa tumutol ang mga klero, sila ay hinadlangan sa pagsasagawa ng kanilang konstitusyonal na karapatang magtipon.
Ang mga Saksi ay Nakasumpong ng Lunas
Gayunman, ang pagtanggi ay hindi nakahadlang sa mga Saksi ni Jehova sa pagdaraos ng kanilang kombensiyon. Sa kabila ng maraming komplikasyon, karaka-rakang gumawa ng mga kaayusan na ilipat ito sa isang baitang-baitang na burol sa Malakasa, sa labas ng Atenas, sa likod ng Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova.
Ang mga pulong ay ginanap gaya ng nakaiskedyul at taglay ang mabubuting resulta. Gayunman, marami sa tagapakinig ay kailangang maupo sa ilalim ng mainit na araw ng tag-araw sa halip na sa isang air-conditioned na istadyum.
Ang pangyayari ay malawakang iniulat sa buong Gresya. Marami ang nagpahayag ng pagkadismaya sa mga ikinilos ng mga klero at sinita sila sa kanilang balakyot, mapandayang mga gawa. Sabihin pa, tiyak na ang kanilang mga banta ng karahasan ay hindi maka-Kristiyano.
Ang apat-na-araw na kombensiyon sa Malakasa ay ikinabit sa pamamagitan ng telepono sa mga tagapakinig sa Cyprus at Creta, at mahigit na 30,000 masiglang mga Griego, gayundin ng iba pang mga delagado mula sa iba’t ibang bansa, ay labis na nasiyahan at napatibay ng kanilang napakinggan at nakita.
Mga Tanong na Ibinangon
Ang paggawi ng mga klero at ng ilang opisyal ay nagbangon ng maraming katanungan. Halimbawa, binanggit ng isang editoryal sa Athens News na ang “Gresya ay gumagawa ng lahat ng pagsisikap na magtagumpay sa alok nito na itanghal ang 1996 Olympic Games sa Atenas.” Pagkatapos ay sinabi nito: “Ang implikasyon na maaaring impluwensiyahan ng simbahan [ang isports secretariat ng ministri ng kultura] na kanselahin ang ganitong uri ng mga pangyayari ay nagbabangon ng ilang pag-aalinlangan na kailangang alisin ng gobyerno, lalo na dahil sa kampaniya nito na magwagi sa 1996 na Olympiad.”
Binanggit din ng editoryal: “‘Magsisidating ang mga manlalaro at mga panauhin ng lahat ng pananampalataya para sa Laro—mga Muslim, Budista, Protestante, Katoliko at iba pa—at darating din ang mga ateista buhat sa East Bloc. Kung ang mga pasilidad sa isports ay hindi puwede sa mga membro ng isang espisipikong sekta, tatanggapin kaya ang iba?’ tanong ng isang tagamasid kahapon. Sabi pa niya, ‘Malibang magkaroon ng ilang klaripikasyon, ang kasong ito ay gaya ng isang labis na hindi pagpaparaya at pagkapanatiko—isang pagkakilala na hindi maaatim ng Gresya.’” Lahat ng taong mabait, maibigin-sa-kalayaan ay sumasang-ayon.
[Blurb sa pahina 10]
Ipinahahayag ng hukuman na ang bawat indibiduwal ay ‘malayang maniwala sa relihiyon na kaniyang pinipili, at mayroon siyang karapatang baguhin ang kaniyang relihiyon’
[Blurb sa pahina 11]
Anong lungkot na makita ang gayong paghamak sa demokrasya sa “duyan ng demokrasya”