Ano ang Kanilang Natuklasan sa Jezreel?
NAGING tiwangwang ang lugar ng sinaunang lunsod ng Jezreel sa loob ng mga siglo. Minsan ay naging bantog ito sa kasaysayan ng Bibliya. Ngayon, palibhasa wala na ang dating kaluwalhatian nito at natabunan na ng mga suson ng lupa, ito ay naging isang bunton, o burol. Sinimulang suriin ng mga arkeologo nitong nakalipas na mga taon ang mga labí ng Jezreel. Ano ang isinisiwalat ng mga kagibaan na ito tungkol sa mga salaysay ng Bibliya?
Ang Jezreel sa Bibliya
Matatagpuan sa gawing silangang bahagi ng Libis ng Jezreel, ang Jezreel ay nasa isa sa mas matatabang lugar ng sinaunang lupain ng Israel. Matatagpuan sa mismong ibayo ng libis sa hilaga ang burol ng Moreh kung saan nagkampo ang mga Midianita habang naghahanda sa paglusob kay Hukom Gideon at sa kaniyang mga kawal. Sa medyo gawing silangan ay ang balon ni Harod, na nasa paanan ng Bundok Gilboa. Dito binawasan ni Jehova ang libu-libong hukbo ni Gideon tungo sa 300 katao lamang upang ipakita ang kaniyang kakayahang iligtas ang kaniyang bayan nang walang makapangyarihang puwersang militar. (Hukom 7:1-25; Zacarias 4:6) Sa kalapit na Bundok Gilboa, tinalo ng mga Filisteo si Saul, ang unang hari ng Israel, sa isang madulang digmaan, kung saan napatay si Jonathan at dalawa pa sa ibang anak na lalaki ni Saul at kung saan nagpatiwakal mismo si Saul.—1 Samuel 31:1-5.
Ang pagtukoy ng Bibliya sa sinaunang lunsod ng Jezreel ay nagbibigay ng kapansin-pansing mga pagkakaiba. Isinasalaysay ng mga ito ang tungkol sa pag-abuso sa kapangyarihan at sa apostasya ng mga tagapamahala ng Israel at tungkol din sa katapatan at sigasig sa bahagi naman ng mga lingkod ni Jehova. Sa Jezreel itinayo ni Haring Ahab—tagapamahala ng sampung tribo ng kaharian ng Israel sa hilaga sa huling kakalahatian ng ikasampung siglo B.C.E.—ang kaniyang maharlikang tahanan, bagaman ang opisyal na kapital ay ang Samaria. (1 Hari 21:1) Sa Jezreel tumanggap ang propeta ni Jehova na si Elias ng mga banta ng pagpatay mula sa dayuhang asawa ni Ahab na si Jezebel. Nagalit siya dahil sa walang takot na pinatay ni Elias ang mga propeta ni Baal kasunod ng isinagawa ni Elias na pagsubok sa tunay na pagka-Diyos sa Bundok Carmel.—1 Hari 18:36–19:2.
Pagkatapos ay naganap ang isang krimen sa Jezreel. Pinaslang ang Jezreelita na si Nabot. Inimbot ni Haring Ahab ang ubasan ni Nabot. Nang hiniling ng hari na kunin ang lupa, buong katapatang tumugon si Nabot: “Malayong mangyari sa ganang akin, mula sa pangmalas ni Jehova, na ibigay ko sa iyo ang minanang pag-aari ng aking mga ninuno.” Ang may simulaing sagot na ito ay labis na di-nakalugod kay Ahab. Sa pagkakita sa naninimdim na kalooban ng hari, nagsaayos si Reyna Jezebel ng isang pakunwaring paglilitis, anupat pinagbibintangan si Nabot ng pamumusong. Nasumpungang maysala ang inosenteng si Nabot at binato hanggang mamatay, at kinuha ng hari ang kaniyang ubasan.—1 Hari 21:1-16.
Dahil sa balakyot na gawang ito, si Elias ay humula: “Ang mga aso ang uubos kay Jezebel sa lote ng lupa ng Jezreel.” Patuloy na nagpahayag ang propeta: “Ang sinumang mula kay Ahab na mamamatay sa lunsod ay uubusin ng mga aso . . . Maliban sa kaniya ay walang sinumang naging tulad ni Ahab, na ipinagbili ang kaniyang sarili upang gawin ang masama sa paningin ni Jehova, na ibinuyo ni Jezebel na kaniyang asawa.” Gayunman, dahil nagpakumbaba si Ahab nang sabihin ni Elias ang kahatulan ni Jehova, ipinahayag ni Jehova na ang parusang ito ay hindi sasapit sa buong buhay ni Ahab. (1 Hari 21:23-29) Ang ulat ng Bibliya ay nagpatuloy sa paglalahad na noong kaarawan ng kahalili ni Elias, na si Eliseo, si Jehu ay pinahiran na maging hari ng Israel. Habang siya ay nakasakay patungo sa Jezreel, nag-utos si Jehu na ihulog si Jezebel sa bintana ng kaniyang palasyo, at siya’y niyurakan ng mga kabayo. Nang maglaon, natagpuan na ang tinira lamang ng mga asong kumakain ng basura ay ang kaniyang bungo, ang kaniyang mga paa, at ang palad ng kaniyang mga kamay. (2 Hari 9:30-37) Ang huling pangyayari sa Bibliya na tuwirang may kaugnayan sa Jezreel ay makalipas ang pagpatay sa 70 anak na lalaki ni Ahab. Pinagpatung-patong ni Jehu ang kanilang mga ulo sa dalawang malalaking bunton sa pintuang-daan ng lunsod ng Jezreel, pagkatapos nito ay pinatay niya ang iba pang pinunong lalaki at mga saserdote na kasangkot sa apostatang pamamahala ni Ahab.—2 Hari 10:6-11.
Ano ang Natagpuan ng mga Arkeologo?
Pinasimulan noong 1990 ang isang pinagsamang proyekto ng paghuhukay sa lugar ng Jezreel. Nakibahagi ang Institute of Archaeology ng Tel Aviv University (na kinatawanan ni David Ussishkin) at ang British School of Archaeology sa Jerusalem (na kinatawanan ni John Woodhead). Sa loob ng pitong panahon (bawat panahon ay tumatagal ng anim na linggo) noong mga taon ng 1990-96, nasa pagitan ng 80 at 100 manggagawa ang nagtrabaho sa lugar.
Ang makabagong pamamaraan sa arkeolohiya ay ang suriin ang ebidensiya sa isang lugar mula sa sarili nitong kahalagahan, na hindi pinagbabatayan ang patiunang mga ideya at mga teoriya. Kaya naman, para sa arkeologo na nag-aaral ng mga lupain ng Bibliya, ang maka-Kasulatang ulat ay hindi siyang panghuling awtoridad sa paksa. Ang lahat ng iba pang pinagmumulan ng impormasyon at pisikal na ebidensiya ay dapat na isaalang-alang at maingat na tayahin ang kahalagahan. Gayunman, gaya ng inilahad ni John Woodhead, walang sinaunang nasusulat na patotoo tungkol sa Jezreel maliban sa ilang mga kabanata sa Bibliya. Kaya ang mga ulat at kronolohiya ng Bibliya ay dapat na maging bahagi ng anumang imbestigasyon. Ano ang isiniwalat ng mga pagsisikap ng mga arkeologo?
Habang nahuhukay ang mga bakod at mga palayok, naging maliwanag mula sa simula na ang kagibaan ay mula pa noong tinatawag na Iron Age, anupat eksaktong itinatapat ang mga ito sa loob ng yugto ng panahon ng Jezreel sa Bibliya. Ngunit habang patuloy ang mga paghuhukay, may ilang di-inaasahan. Ang una ay ang sukat ng lugar at ang malalaking bakod nito. Ang inaasahan ng mga arkeologo ay isang lugar na may mga bakod na katulad niyaong sa sinaunang Samaria, ang kabiserang lunsod ng kaharian ng Israel. Gayunman, habang patuloy ang paghuhukay, naging maliwanag na ang Jezreel ay mas malaki. May sukat na 300 metro por 150 metro sa kahabaan ng pader nito, ang kabuuang sukat sa loob ng mga bakod nito ay mahigit na tatlong beses ang laki kaysa anumang iba pang lunsod na natagpuan sa Israel mula sa yugtong iyan. Ito’y napalilibutan ng tuyong bambang, na dumalisdis ng 11 metro mula sa mga bakod. Ayon kay Propesor Ussishkin, ang bambang na ito ay walang katulad sa kayarian sa panahon ng Bibliya. “Hindi kami nakakita ng anumang katulad nito sa Israel hanggang sa panahon ng mga Krusada,” sabi niya.
Ang isa pang di-inaasahang kayarian ay ang kawalan ng malalaking gusali sa loob ng sentro ng lunsod. Gumamit ng maraming mamula-mulang kulay kape na lupa na ipinasok sa panahon ng pagtatayo ng lunsod upang lumikha ng isang pinataas na patag ng lupa—isang uri ng malaking pinataas na podium, o plataporma—sa loob ng bakod. Nagkomento ang Second Preliminary Report sa mga paghuhukay sa Tel Jezreel na ang kapansin-pansing plataporma ay maaaring patotoo na ang Jezreel ay higit pa sa isang maharlikang tirahan. Sinabi nito: “Nais naming ibangon ang posibilidad na ang Jezreel ay isang sentrong base militar para sa maharlikang hukbong Israelita nang panahon ng mga haring Omride [si Omri at ang kaniyang mga inapo] . . . kung saan minamantini at sinasanay ang maharlikang mga karuwahe at kabalyeriya.” Ipinagpapalagay ni Woodhead batay sa laki ng pinataas na plataporma, at gayundin ng bakod mismo, na ito ay isang uri ng lugar kung saan nagpaparada upang ipakita ang kapangyarihang militar ng pinakamalaking puwersang nakakaruwahe sa Gitnang Silangan nang panahong iyon.
Ang nahukay na mga labí ng pintuang-daan ng lunsod ay nagtatampok ng pantanging interes sa mga arkeologo. Ipinakikita ng mga ito ang isang pasukan na di-kukulangin sa apat ang silid na pintuang-daan. Gayunman, yamang maraming bato sa lugar ang dinambong sa nakalipas na mga siglo, ang mga natuklasan ay wala pang tiyak na resulta. Ipinalalagay ni Woodhead na ang mga labí ay tumutukoy sa isang anim ang silid na pintuang-daan na katulad ang laki niyaong natuklasan sa Megido, Hazor, at Gezer.a
Ang mga tuklas ng arkeolohiya ay tumutukoy sa kapansin-pansing maikling panahong pag-iral para sa isang lunsod na tamang-tama ang lugar, kapuwa sa pangmalas na pangmilitar at pangheograpiya. Idiniin ni Woodhead na bilang isang dakilang lunsod na nababakuran, ang Jezreel ay umiral lamang sa loob ng isang partikular na yugto ng panahon—na nagamit lamang sa loob ng ilang dekada. Ito ay ibang-iba sa maraming iba pang pangunahing mga lugar ng Bibliya sa Israel, tulad ng Megido, Hazor, at ang kabiserang lunsod ng Samaria, na paulit-ulit na itinayo, pinalawak, at tinirhan sa loob ng iba’t ibang yugto ng panahon. Bakit napakabilis na nawalang-silbi ang tamang-tamang lugar na ito? Naghihinuha si Woodhead na si Ahab at ang kaniyang dinastiya ay kamuntik nang naging dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa kanilang paglustay sa kayamanan ng bansa. Ito ay makikita sa labis na sukat at tibay ng Jezreel. Malamang na ang bagong rehimen sa ilalim ni Jehu ay ayaw masangkot sa alaala ni Ahab at sa gayo’y iniwan ang lunsod.
Ang lahat ng ebidensiya na nahukay hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatunay na ang lugar ng Jezreel ay isang pangunahing sentro ng Israel noong panahon ng Iron Age. Ang sukat at mga bakod nito ay katulad ng pagkakalarawan nito sa Bibliya bilang isang bantog na maharlikang tirahan para kina Ahab at Jezebel. Ang mga palatandaan ng limitadong paninirahan dito nang panahong ito ay sumasang-ayon sa mga ulat ng Bibliya tungkol sa lunsod: Mabilis itong naging prominente noong panahon ng pamamahala ni Ahab at pagkatapos, sa utos ni Jehova, sa malas ay dinusta nang “pinabagsak [ni Jehu] ang lahat ng natirang buháy sa sambahayan ni Ahab sa Jezreel at ang lahat ng kaniyang bantog na tao at ang kaniyang mga kakilala at ang kaniyang mga saserdote, hanggang sa wala siyang natirang buháy na tauhan niya.”—2 Hari 10:11.
Ang Kronolohiya ng Jezreel
“Napakahirap makakuha ng maaasahang pamamaraan ng pagpepetsa sa arkeolohiya,” pag-amin ni John Woodhead. Kaya naman habang sinusuri ng mga arkeologo ang mga resulta ng pitong taong paghuhukay, inihahambing nila ang mga ito sa mga natuklasan sa ibang arkeolohikal na mga lugar. Ito ang naging dahilan ng muling pagtaya at pagdedebate. Bakit? Sapagkat magmula noong panahon ng paghuhukay ng arkeologong taga-Israel na si Yigael Yadin sa Megido noong dekada ng 1960 at noong unang mga taon ng dekada ng 1970, itinuturing ng marami na nasa larangan ng arkeolohiya na talagang natuklasan niya ang mga bakod at pintuang-daan ng lunsod na may petsang mula pa sa panahon ni Haring Solomon. Ngayon, ang mga bakod, palayok, at pintuang-daan na nasumpungan sa Jezreel ay naging dahilan upang pag-alinlanganan ng ilan ang mga palagay na ito.
Halimbawa, ang mga palayok na natagpuan sa Jezreel ay katulad niyaong sa suson na kinakitaan ng arkeolohikal na mga bagay sa Megido na iniugnay ni Yadin sa paghahari ni Solomon. Ang kayarian ng pinto at ang sukat ng dalawang lugar ay pareho, kung hindi man magkatulad. Ganito ang sabi ni Woodhead: “Inilalagay ng lahat ng patotoo ang lugar ng Jezreel na alinman sa petsang pabalik sa panahon ni Solomon o ibaba ang pagpepetsa ng mga pagkakakilanlang ito sa iba pang lugar [Megido at Hazor] sa panahon ni Ahab.” Yamang maliwanag na iniuugnay ng Bibliya ang lugar ng Jezreel sa panahon ni Ahab, minamalas niyang mas makatuwirang tanggapin na ang mga suson na ito ng lupa na kinakitaan ng mga arkeolohikal na mga bagay ay nagpapaaninaw sa panahon ng pamamahala ni Ahab. Si David Ussishkin ay sumang-ayon: “Sinasabi ng Bibliya na si Solomon ang nagtayo ng Megido—hindi nito sinasabi na siya ang nagtayo ng mismong mga pintuang-daan na iyon.”
Matutuklasan ba ang Kasaysayan ng Jezreel?
Lumikha ba ng pag-aalinlangan ang arkeolohikal na mga tuklas at ang sumunod na pagdedebate sa ulat ng Bibliya tungkol sa Jezreel o kay Solomon? Sa katunayan, ang arkeolohikal na kontrobersiya ay kakaunti lamang ang tuwirang kaugnayan sa ulat ng Bibliya. Sinusuri ng arkeolohiya ang kasaysayan sa ibang saligan kaysa roon sa salaysay ng Bibliya. Nagbabangon ito ng ibang mga katanungan at may iba’t ibang pinagtutuunan ng pansin. Maaari mong ihambing ang estudyante ng Bibliya at ang arkeologo sa mga manlalakbay na nasa halos magkatulad na ruta. Ang isang manlalakbay ay nagmamaneho sa lansangan, ang isa naman ay naglalakad sa bangketa. Ang kanilang pokus at alalahanin ay magkaiba. Gayunman, ang kanilang pangmalas ay kadalasang kapupunan ng bawat isa sa halip na magkasalungat. Ang paghahambing sa pangmalas ng dalawang manlalakbay ay makapagbibigay ng nakabibighaning mga kaunawaan.
Ang Bibliya ay naglalaman ng nasusulat na ulat ng sinaunang mga pangyayari at mga tao; nagsisikap ang arkeolohiya na mabawi ang mga impormasyon hinggil sa mga pangyayaring ito at hinggil sa mga tao sa pamamagitan ng pagsusuri sa anumang mga bakas ng mga ito na masusumpungan pa sa lupa. Gayunman, ang mga labíng ito ay kadalasang kulang-kulang at bukás para sa iba’t ibang mga interpretasyon. Hinggil sa bagay na ito, sa kaniyang aklat na Archaeology of the Land of the Bible—10,000−586 B.C.E., si Amihai Mazar ay nagkomento: “Ang arkeolohikal na paggawa sa larangan . . . sa kalakhang bahagi ay isang kasanayan at gayundin isang kombinasyon ng pagsasanay at propesyonal na kasanayan. Walang partikular na pamamaraan ang makatitiyak ng tagumpay, at ang pagkabumabagay at malikhaing kaisipan ng mga direktor sa larangan ay napakahalaga. Ang pagkatao, talino, at sintido kumon ng arkeologo ay kasinghalaga rin ng kaniyang pagsasanay at ang mga tinatangkilik na magagamit niya.”
Pinatunayan ng arkeolohiya ang pag-iral ng isang pangunahing maharlika at pangmilitar na sentro sa Jezreel, isang sentro na umiral sa loob ng kapansin-pansing maikling panahon noong makasaysayang kapanahunan na kasabay ng pamamahala ni Ahab—gaya ng isinasalaysay ng Bibliya. Maraming iba pang nakapupukaw na mga tanong ang ibinangon na maaaring pag-aralan ng mga arkeologo sa darating na mga taon. Gayunman, patuloy na nagsasalita nang may linaw ang mga pahina ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, anupat naglalaan sa atin ng buong kuwento sa paraang hindi kailanman magagawa ng mga arkeologo.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang Misteryo ng mga Pintuang-daan” sa Ang Bantayan ng Agosto 15, 1988.
[Mga larawan sa pahina 26]
Arkeolohikal na mga paghuhukay sa Jezreel
[Larawan sa pahina 28]
Idolong Canaanita na natagpuan sa Jezreel