Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w00 9/1 p. 26-30
  • Laging Ginagantimpalaan ni Jehova ang Kaniyang mga Tapat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Laging Ginagantimpalaan ni Jehova ang Kaniyang mga Tapat
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Aking Kabataan
  • Pagkilala kay Jehova
  • Isang Panahon ng Malaking Pagbabago Para sa Amin
  • Higit Pang Musika!
  • Pagrerekord ng 1966 na Aklat Awitan
  • Karagdagang Kapaki-pakinabang na mga Pribilehiyo
  • “Hindi Ninyo Nalalaman Kung Ano ang Magiging Buhay Ninyo Bukas”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Mga Rekording na Nagdadala ng Papuri kay Jehova
    Gumising!—1989
  • ‘Ginanti Ako Nang Sagana ni Jehova’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Walang Lubay na Paghahayag ng Mabuting Balita (1942-1975)
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
w00 9/1 p. 26-30

Talambuhay

Laging Ginagantimpalaan ni Jehova ang Kaniyang mga Tapat

AYON SA SALAYSAY NI VERNON DUNCOMBE

Inubos ko ang aking meryenda sa gabi at gaya ng dati ay nagsindi ako ng isang sigarilyo. Pagkatapos ay tinanong ko ang aking maybahay, si Aileen: “Ano ang nangyari sa pulong ngayong gabi?”

HUMINTO siya sandali at nagsabi: “Binasa ang isang liham na nagpapatalastas ng mga bagong hirang, at nabanggit ang pangalan mo. Ikaw ang nahirang na maging lingkod na mangangalaga ng sound system. Ang huling pangungusap sa binasang liham ay: ‘Kung ang sinuman sa bagong hirang na mga kapatid na ito ay gumagamit ng tabako, sila’y obligadong sumulat sa Samahan upang magsabi na hindi nila matatanggap ang atas.’ ”a Tumugon ako ng isang mahaba at walang-dudang, “Ah-h-h! Ganiyan pala ang sinabi.”

Pinagtiim ko ang aking mga ngipin at pinatay ko ang sigarilyo sa abuhan na nasa tabi ko. “Hindi ko alam kung bakit ako napili sa tungkuling ito. Subalit kailanman ay hindi pa ako tumanggi sa isang tungkulin, at ayaw kong tumanggi.” Nagpasiya akong hinding-hindi na muling maninigarilyo. Ang pasiyang iyon ay lubhang nakaimpluwensiya sa aking buhay bilang isang Kristiyano at bilang isang musikero. Hayaan mong ikuwento ko ang ilang pangyayari na humantong sa aking pasiya.

Ang Aking Kabataan

Isinilang sa Toronto, Canada, noong Setyembre 21, 1914, ako ang panganay na lalaki ng maibigin at masisipag na mga magulang, sina Vernon at Lila, na naglalaan para sa pamilya na may apat na anak na lalaki at dalawang babae. Sumunod sa akin si Yorke, pagkatapos si Orlando, si Douglas, si Aileen, at si Coral. Nang ako’y siyam na taon pa lamang, ipinahawak sa akin ng aking nanay ang isang biyolin at isinaayos na ako’y mag-aral ng musika sa Harris School of Music. Mahirap ang buhay, subalit sina Nanay at Tatay ay nakagawa ng mga paraan upang mabayaran ang aking transportasyon at matrikula sa paaralan. Nang maglaon ay pinag-aralan ko ang tungkol sa teoriya at armoniya ng musika sa Royal Conservatory of Music sa Toronto, at sa gulang na 12, ako’y lumahok sa paligsahan ng recital sa buong lunsod sa Massey Hall, isang kilalang awditoryum na pangmusika sa kabayanan. Ako ang napiling magwagi at binigyan ng isang mahusay na biyolin na may lalagyang gawa sa balat ng buwaya.

Nang maglaon, natuto rin akong tumugtog ng piyano at doble bajo. Kadalasan ang aming grupo ay tumutugtog sa munting mga salu-salo kung Biyernes at Sabado ng gabi at sa mga sayawan ng fraternity. Sa isa sa mga sayawang ito una kong nakilala si Aileen. Noong huling taon ko sa haiskul, tumugtog ako na kasama ng maraming orkestra sa lunsod. Pagkatapos ng aking gradwasyon ako’y inanyayahang sumama sa Ferde Mowry Orchestra, at ito’y may magandang suweldo at permanenteng trabaho hanggang noong 1943.

Pagkilala kay Jehova

Unang nakaalam ng katotohanan sa Bibliya ang aking mga magulang bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, nang si Itay ay nagtatrabaho bilang isang tagaayos ng mga idinidispley sa eskaparate para sa isang malaking tindahan sa kabayanan ng Toronto. Sa silid kung saan sila nanananghali, siya’y nakikinig sa mga pag-uusap ng dalawang manggagawa na mga Estudyante ng Bibliya (gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova), at ibabahagi naman niya ang narinig niya kay Inay pag-uwi niya sa gabi. Pagkalipas ng ilang taon, noong 1927, ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagdaos ng isang malaking kombensiyon sa Toronto sa Coliseum sa Canadian National Exhibition Grounds. Ang aming bahay, dalawang bloke lamang ang layo mula sa lugar ng pasukan sa gawing kanluran, ay ginamit upang tuluyan ng 25 katao mula sa Ohio, E.U.A.

Magmula noon, isa sa mga Estudyante ng Bibliya, si Ada Bletsoe, ang malimit na dumadalaw kay Inay, na nag-iiwan sa kaniya ng pinakabagong literatura. Isang araw ay sinabi niya: “Mrs. Duncombe, matagal-tagal na rin akong nag-iiwan sa inyo ng mga literatura. Nabasa na ba ninyo ang alinman dito?” Bagaman nagpapalaki ng anim na mga anak, nagpasiya si Inay na basahin ang mga magasin mula noon, at hindi siya kailanman huminto. Gayunman, hindi ako gaanong nagbigay-pansin sa literatura. Nagsumikap akong makapagtapos sa pag-aaral, at ako’y lubhang abalang-abala sa musika.

Noong Hunyo 1935, kami ni Aileen ay nagpakasal sa isang simbahang Anglikano. Mula nang umalis ako sa United Church sa gulang na 13, hindi na ako umugnay sa iba pang relihiyon; kaya ako’y lumagda sa rehistro ng kasal bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, bagaman hindi pa ako isang Saksi.

Nagbabalak kaming magpamilya sa hinaharap at gusto naming maging mabubuting magulang. Sa gayon, sinimulan naming basahin nang magkasama ang Bagong Tipan. Gayunman, sa kabila ng aming mabubuting intensiyon, nakahadlang ang ibang mga bagay. Sinikap naming muling magbasa nang magkasama at di-nagtagal ay gayundin ang naging mga resulta. Pagkatapos para sa Pasko noong 1935, tumanggap kami ng isang nakabalot na regalong aklat na pinamagatang The Harp of God. Sinabi ng aking asawa: “Aba, pambihirang Pamaskong regalo ito na ipinadala sa atin ng iyong ina.” Gayunpaman, kapag pumasok na ako sa trabaho, pasisimulan niyang basahin ito, at nagustuhan niya ang nabasa niya. Sa loob ng ilang panahon, wala akong nalalaman tungkol dito. Kung tungkol sa aming planong magpamilya, hindi ito natupad. Ang aming sanggol na anak na babae, na isinilang noong Pebrero 1, 1937, ay namatay. Gayon na lamang ang aming pagdadalamhati!

Noong panahong ito, ang aking pamilya ay aktibong nakikibahagi sa gawaing pangangaral, at nalaman kong si Itay ang tanging mamamahayag ng Kaharian sa pamilya na hindi pa nakapagpasakamay ng isang suskrisyon para sa magasing Consolation (Gumising! ngayon). Ito ang tunguhin sa ministeryo sa larangan ng buwang iyon. Bagaman hindi pa ako nakabasa ng anumang publikasyon ng Samahan, naaawa ako sa kaniya at sinabi ko: “O sige, Itay, bigyan ninyo ako ng isang suskrisyon; at sa gayo’y magiging katulad na kayo ng iba.” Dumating ang tag-init, at ang orkestra ay umalis sa lunsod upang tumugtog sa isang resort (bakasyunan). Ang Consolation ay dumating sa pamamagitan ng koreo. Dumating ang taglagas, at ang orkestra ay muling bumalik sa Toronto. Ang mga magasin ay patuloy na dumarating sa aming bagong direksiyon, at hindi ko man lamang naalis ang isa sa mga ito mula sa balot nito.

Isa sa bakasyon namin noong panahon ng Kapaskuhan, tiningnan ko ang salansan ng mga magasin at napag-isip-isip ko na kung binayaran ko ang mga ito, dapat kong basahin kahit ilan man lamang sa mga ito upang alamin kung ano ang sinasabi nito. Ang unang binuksan ko ay nakagulat sa akin. Ito’y isang pagbubunyag sa pulitikal na intriga at katiwalian noong panahong iyon. Sinimulan kong ipakipag-usap sa mga kapuwa ko musikero ang nababasa ko. Gayunman, hinamon nila ang pagiging totoo ng sinasabi ko, at kailangan kong patuloy na magbasa upang maipagtanggol ko ang aking sarili. Hindi ko namamalayan, nagpapatotoo na pala ako tungkol kay Jehova. At mula noon, hindi na ako kailanman huminto sa pagbabasa ng kamangha-manghang mga publikasyon sa Bibliya ng “tapat at maingat na alipin.”​—Mateo 24:45.

Bagaman naging abala ako sa trabaho sa loob ng sanlinggo, di-nagtagal at ako’y dumadalo na sa mga pulong kung Linggo kasama si Aileen. Pagdating namin sa pulong isang Linggo noong 1938, binati kami ng dalawang may edad nang mga sister, at ang sabi ng isa: “Kabataang Brother, ikaw ba’y nanindigan na para kay Jehova? Alam mo, malapit na ang Armagedon!” Alam ko na si Jehova ang tanging Diyos na totoo, at kumbinsido ako na ito ang kaniyang organisasyon. Gusto kong maging bahagi nito, kaya noong Oktubre 15, 1938, ako’y nabautismuhan. Si Aileen ay nabautismuhan pagkalipas ng mga anim na buwan. Naliligayahan akong sabihin na lahat sa aking pamilya ay naging nag-alay na mga lingkod ni Jehova.

Anong laking kaluguran ang naranasan ko sa pakikisama sa bayan ng Diyos! Di-nagtagal, naging palagay na ang loob ko sa kanila. Kapag hindi ako makadalo, lagi akong nasasabik na malaman kung ano ang nangyari sa mga pulong. Ang partikular na gabi na nabanggit sa pasimula ay naging isang malaking pagbabago sa aking paglilingkod kay Jehova.

Isang Panahon ng Malaking Pagbabago Para sa Amin

Isa pang mahalagang pagbabago ang nangyari para sa amin noong Mayo 1, 1943. Nadaluhan namin ang aming unang malaking kombensiyon, ang Bagong Sanlibutang Teokratikong Asamblea noong Setyembre 1942 sa Cleveland, Ohio. Doon, sa gitna mismo ng isang kakila-kilabot na digmaang pandaigdig, isang digmaan na walang natatanaw na wakas, narinig namin si Brother Knorr, presidente noon ng Samahang Watch Tower, taglay ang lakas ng loob na nagbigay ng kawili-wiling pahayag pangmadla, “Kapayapaan​—Magtatagal ba Ito?” Tandang-tanda pa namin kung paano niya ipinakita, mula sa Apocalipsis kabanata 17, na magkakaroon ng isang panahon ng kapayapaan pagkatapos ng digmaan na doo’y magaganap ang isang malaking gawaing pangangaral.

Lubos na nakaapekto sa amin ang naunang pahayag ni Brother Knorr, “Si Jepte at ang Kaniyang Panata.” Saka lumabas ang panawagan para sa higit pang mga payunir! Nagkatinginan kami ni Aileen at sabay kaming nagsabi (kasama ng marami pang iba nang panahong iyon): “Tayo iyon!” Karaka-raka ay nagplano kaming gawin ang isang mas mahalagang gawain.

Nagkaroon ng pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Canada mula noong Hulyo 4, 1940. Nang magsimula kaming magpayunir noong Mayo 1, 1943, labag pa rin sa batas na magpatotoo tungkol kay Jehova at mag-alok ng literatura ng Samahan sa paglilingkod sa larangan. Sa paglilingkod bilang mga Kristiyano, ang aming personal na kopya ng King James na salin ng Bibliya ang dala lamang namin. Mga ilang araw lamang pagkatapos naming marating ang aming unang atas bilang payunir sa Parry Sound, Ontario, si Stewart Mann, isang makaranasang payunir, ay isinugo ng tanggapang pansangay upang makasama naming gumawa sa larangan. Anong maibiging paglalaan! Si Brother Mann ay may kaiga-igayang ugali at laging nakangiti. Natuto kami mula sa kaniya at masaya kaming nagkasama-sama. Nagdaraos kami ng maraming pag-aaral sa Bibliya nang muli kaming atasan ng Samahan sa lunsod ng Hamilton. Di-nagtagal, sa kabila ng bagay na ako’y may edad na para sa paglilingkod sa militar, ako’y kinalap. Ang pagtanggi kong sumama sa hukbo ay nagbunga ng pag-aresto sa akin noong Disyembre 31, 1943. Pagkaraan na maasikaso ang mga pormalidad sa hukuman, ako’y nasentensiyahan sa isang alternatibong kampong paglilingkod, kung saan ako nanatili hanggang noong Agosto 1945.

Paglabas ko, kami ni Aileen ay agad na tumanggap ng isang atas bilang payunir na nagdala sa amin sa Cornwall, Ontario. Di-nagtagal, nagtungo kami sa Quebec taglay ang isang pantanging permiso mula sa pulisya na ibinigay ng Legal Department ng Samahan. Ito’y noong panahon ni Duplessis sa Quebec nang ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova ay totoong matindi. Maraming araw sa bawat linggo, ako’y nasa apat na magkakaibang hukuman na tumutulong sa ating mga kapatid. Ito’y kapana-panabik at nakapagpapatibay-pananampalatayang mga panahon.

Kasunod ng kombensiyon sa Cleveland noong 1946, dumating ang mga atas sa pansirkito at pandistritong gawain na nagdala sa aming mag-asawa sa iba’t ibang lugar sa Canada. Naging mabilis ang mga pangyayari. Noong 1948 ay naanyayahan kami sa ika-11 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Sina Brother Albert Schroeder at Maxwell Friend ang dalawa sa aming mga instruktor, at ang aming klase ay binubuo ng 108 estudyante kabilang ang 40 pinahiran. Kasama ang napakaraming matagal nang panahong mga lingkod ni Jehova na naroroon, ito nga ay isang nakapagpapayaman at kapaki-pakinabang na karanasan!

Isang araw ay dinalaw kami ni Brother Knorr mula sa Brooklyn. Sa kaniyang pahayag, tumawag siya ng 25 boluntaryo para mag-aral ng wikang Hapones. Lahat ng 108 ay nagboluntaryo! Naging atas ng presidente na pumili kung sino ang tuturuan. Sa palagay ko ang pagpili ay may patnubay ni Jehova sapagkat ito’y nagkaroon ng magandang resulta. Karamihan sa 25 na napili at pagkatapos ay nagkapribilehiyo na magbukas ng gawain sa Hapón ay naroroon pa rin sa kanilang atas​—may edad na, oo, subalit naroon pa rin. Ang ilan, gaya nina Lloyd at Melba Barry, ay lumipat sa ibang mga atas. Si Lloyd ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala hanggang sa kaniyang kamatayan noong nakaraang taon. Kami’y nakikigalak sa kanilang lahat sa gantimpala na ibinigay ni Jehova.

Dumating ang araw ng pagtatapos, at kami’y naatasan sa Jamaica. Gayunman, dahil sa di-malutas na mga kaso sa hukuman sa Quebec, kami’y tinagubilinang bumalik sa Canada.

Higit Pang Musika!

Bagaman iniwan ko na ang musika para makapaglingkod bilang payunir, waring hindi ako iniwan ng musika. Nang sumunod na taon ang presidente ng Samahan, si Nathan Knorr, at ang kaniyang kalihim, si Milton Henschel, ay nagtungo sa Maple Leaf Gardens sa Toronto. Ang pahayag pangmadla ni Brother Knorr na pinamagatang “Mas Matagal Pa Kaysa sa Inyong Inaakala!” ay lubhang nakapagpasigla sa lahat. Sa kauna-unahang pagkakataon, ako’y inanyayahang mangasiwa sa orkestra ng kombensiyon. Naghanda kami ng mga tugtuging may tiyempong balse para sa ilang popular na mga awit sa Kingdom Service Song Book (1944). Tila nagustuhan ito ng mga kapatid. Nang matapos ang programa noong Sabado ng hapon, inensayo namin ang aming isinaplanong programa para sa Linggo. Nasulyapan ko si Brother Henschel na patungo sa aming lugar, at inihinto ko ang orkestra upang ako’y makaalis at masalubong siya. Siya’y nagtanong, “Ilang musikero ang nasa iyong orkestra rito?” “Kapag narito ang lahat, mga 35,” ang sagot ko. “Buweno, magkakaroon ka nang doble ng bilang na iyan sa New York sa darating na tag-init,” ang tugon niya.

Gayunman, bago dumating ang tag-init, ako’y naanyayahan sa Brooklyn. Dahil sa mga kalagayan, si Aileen ay hindi nakasama sa akin noong una. Hindi pa tapos ang bagong gusali sa 124 Columbia Heights, kaya ako’y nabigyan ng isang kama sa orihinal na gusali ng Bethel, sa isang maliit na silid na kasama ang dalawang pinahirang kapatid​—ang may edad nang sina Brother Payne at Karl Klein, na makikilala ko ngayon sa unang pagkakataon. Masikip ba ito? Oo. Gayunpaman, nagkapalagayan kami ng loob. Ang nakatatandang mga kapatid ay may mahabang pagtitiis at matiyaga. Basta iniiwasan kong makasagabal! Mahalagang aral ito sa kung ano ang nagagawa ng espiritu ng Diyos. Ang makilala at makasama sa trabaho si Brother Klein ay nagdulot sa akin ng gayong mga pagpapala! Lagi siyang mabait at matulungin. Mahusay ang aming pagtatrabaho nang magkasama at nanatili kaming matalik na magkaibigan sa loob ng mahigit na 50 taon.

Nagkapribilehiyo ako na tumulong sa musika sa mga kombensiyon sa Yankee Stadium noong 1950, 1953, 1955, at 1958, gayundin ang makibahagi sa mga pananagutan may kinalaman sa orkestra na kasama ni Al Kavelin sa kombensiyong idinaos noong 1963 sa Rose Bowl sa Pasadena, California. Sa kombensiyon noong 1953 sa Yankee Stadium, isang programang musikal ang iniharap noong Linggo bago ang pahayag pangmadla. Ipinakilala ni Erich Frost si Edith Shemionik (nang maglao’y naging Weigand), isang soprano, na umawit ng komposisyon ni Frost na “Sulong, Kayong mga Saksi!” na sinaliwan ng aming orkestra. Pagkatapos, tuwang-tuwa kami na mapakinggan sa kauna-unahang pagkakataon, ang malamig at magagandang boses ng ating mga kapatid sa Aprika. Nagdala ang misyonerong si Harry Arnott ng isang mainam na tape recording mula sa Northern Rhodesia (ngayo’y Zambia) na nagdulot ng kasiyahan sa aming pakikinig. Pinuno ng himig ang buong istadyum.

Pagrerekord ng 1966 na Aklat Awitan

Naaalaala mo ba ang aklat awitan na may kulay rosas na pabalat, ang “Nag-aawitan at Sinasaliwan ang Inyong mga Sarili ng Musika sa Inyong mga Puso”? Nang ito’y malapit na sa huling paghahanda nito, sinabi ni Brother Knorr: “Gagawa tayo ng ilang rekording. Gusto kong bumuo ka ng isang maliit na orkestra, mga ilang biyolin lamang at dalawang plawta. Ayaw ko ng sinuman na ‘humihihip ng kaniyang torotot’!” Ang Kingdom Hall sa Bethel ang aming magiging studio, subalit may ilang problema sa paggamit nito. Ano ang mangyayari sa tunog na tatalbog sa mga dingding na walang kurtina, sa mga baldosang sahig, at sa tinitiklop na mga upuang yari sa metal? Sino ang tutulong sa amin upang malutas ang hindi kaayaayang mga problema sa tunog? May nagmungkahi: “Si Tommy Mitchell! Nagtatrabaho siya sa ABC Network Studios.” Nakipag-ugnayan kami kay Brother Mitchell, na natutuwang tumulong.

Dumating ang unang Sabado ng umaga para sa pagrerekord, at habang ipinakikilala ang mga musikero, isa sa mga brother ay may isang kaha na may lamang trombone (isang instrumento sa musika na hinihipan). Naalaala ko ang babala ni Brother Knorr: “Ayaw ko ng sinuman na ‘humihihip ng kaniyang torotot’!” Ngayon, ano ang magagawa ko? Nagmasid ako habang inilalabas ng brother ang kaniyang trombone sa kaha, ikinabit ang slide (hugis-U na itinutulak nang urong-sulong) sa lugar, at nagsimulang mag-ensayo ng tugtog. Ang brother ay si Tom Mitchell, at ang kaniyang unang mga nota ay maganda. Pinatunog niya ang kaniyang trombone na parang biyolin! Naisip ko, ‘kailangang manatili ang kapatid na ito!’ Hindi kailanman tumutol si Brother Knorr.

Sa orkestrang iyon, mayroon kaming grupo ng mahuhusay na musikero na maibigin ding mga kapatid na lalaki at babae. Walang mga sensitibo o hambog! Ang pagrerekord ay isang mahirap na trabaho, subalit walang mga reklamo. Nang matapos na ang trabaho, nag-iyakan kami sa aming paghihiwalay; at nanatili ang matibay na pagkakaibigan sa gitna niyaong mga nakibahagi rito. Bawat isa sa amin ay nasiyahan sa pribilehiyo, at salamat kay Jehova, natapos namin ang trabaho.

Karagdagang Kapaki-pakinabang na mga Pribilehiyo

Pagkatapos ng napakaraming taon, patuloy akong nasiyahan sa buong-panahong ministeryo. Mayroon nang 28 taon ng mga atas sa pansirkito at pandistritong gawain​—bawat isa sa mga ito ay kasiya-siya. Ito’y sinundan ng limang taon na pangangasiwa sa Norval Assembly Hall sa Ontario. Palibhasa’y may isang pansirkitong asamblea tuwing dulo ng sanlinggo gayundin ng mga pandistritong kombensiyon sa banyagang wika, kami ni Aileen ay abala. Noong 1979/80, ginamit ng mga arkitekto at mga inhinyero ang mga pasilidad sa Assembly Hall habang pinaplano nila ang sangay ng Samahan sa hinaharap sa Halton Hills. Kasunod ng aming trabaho sa Assembly Hall, isa pang atas ang humantong sa higit na pakikibahagi sa larangan ng musika sa Brooklyn, mula noong 1982 hanggang 1984.

Ang aking mahal na maybahay ay namatay noong Hunyo 17, 1994, pitong araw lamang pagkaraan ng aming ika-59 na anibersaryo ng kasal. Nakumpleto namin ang 51 taon ng nakatalagang paglilingkod bilang payunir na magkasama.

Habang ginugunita ko ang aking maraming karanasan sa buhay, naaalaala ko kung paanong ang Bibliya ay naging isang napakahalagang patnubay. Kung minsan, ginagamit ko ang personal na Bibliya ni Aileen at nagtatamo ako ng malaking kasiyahan na makita kung ano ang nakaantig sa kaniyang puso​—ang buong mga talata, espesipikong mga parirala, at indibiduwal na mga salita na minarkahan niya. Katulad ni Aileen, ako man ay may mga kasulatan na may pantanging kahulugan sa akin. Ang isang talata ay ang ika-137 ng Awit, na nagpapahayag ng magandang panalangin na ito kay Jehova: “Nawa’y hindi ko na kayang tumugtog muli ng alpa kung kalilimutan kita, Jerusalem! Nawa’y hindi ko na kayang umawit muli kung hindi kita aalalahanin, kung hindi kita iisipin bilang aking pinakamalaking kagalakan!” (Awit 137:5, 6, Today’s English Version) Bagaman mahilig ako sa musika, ang aking pinakamalaking kagalakan ay nagmumula sa matapat na paglilingkod kay Jehova, na naggantimpala sa akin ng isang ganap at kasiya-siyang buhay.

[Talababa]

a Ipinaliwanag ng Ang Bantayan ng Disyembre 1, 1973, kung bakit mula noon patuloy, ang isang tao ay kailangang huminto sa paninigarilyo bago siya maaaring mabautismuhan at maging isang Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 28]

Kasama si Aileen noong 1947

[Larawan sa pahina 30]

Sa isang sesyon sa pagrerekord noon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share