Malapit Na—Isang Daigdig na Walang Pagkasiphayo
ANG buhay ay nagiging lalong mapaghanap, at marami ang mga dahilan sa pagkasiphayo. Kapag nasisiphayo, masusumpungan nating mas mahirap pigilin ang ating mga emosyon. Aba, kahit na ang mga taong gustung-gusto ang buhay ay maaaring maging labis-labis na malungkot! Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Noong sinaunang mga panahon, labis na nasiraan ng loob si propeta Moises anupat sinabi niya sa Diyos: “Pakisuyong patayin mo na lamang ako, kung nakasumpong ako ng lingap sa iyong paningin, at huwag ko nang makita ang aking kapahamakan.” (Bilang 11:15) Sa pagtakas sa kaniyang mga kaaway, si propeta Elias ay bumulalas: “Sapat na! Ngayon, O Jehova, kunin mo ang aking kaluluwa [buhay].” (1 Hari 19:4) At ang propetang si Jonas ay nagsabi: “O Jehova, pakisuyo, kunin mo sa akin ang aking kaluluwa, sapagkat ang aking kamatayan ay mas mabuti kaysa sa aking pagiging buháy.” (Jonas 4:3) Ngunit wala kina Moises, Elias, ni si Jonas man ang nagpatiwakal. Alam nilang lahat ang utos ng Diyos: “Huwag kang papaslang.” (Exodo 20:13) Sa pagtataglay ng matibay na pananampalataya sa Diyos, batid nila na walang kalagayan ang walang pag-asa at na ang buhay ay isang kaloob mula sa Diyos.
Kumusta naman ang mga suliranin na kinakaharap natin ngayon? Karagdagan pa sa kabagabagan sa emosyon o mga sakit sa pisikal, kung minsan ay kailangan nating pagtiisan ang pagmamaltrato mula sa mga miyembro ng pamilya, kapitbahay, o mga katrabaho. Binabanggit ng Bibliya ang mga taong puspos “ng lahat ng kalikuan, kabalakyutan, kaimbutan, kasamaan, punô ng inggit, pagpaslang, alitan, panlilinlang, mapaminsalang disposisyon, na mga mapagbulong, mga mapanira sa talikuran, mga napopoot sa Diyos, mga walang-pakundangan, mga palalo, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga mangangatha ng nakapipinsalang mga bagay, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang unawa, mga bulaan sa mga kasunduan, mga walang likas na pagmamahal, mga walang-awa.” (Roma 1:28-31) Ang pagiging napalilibutan ng gayong mga tao sa araw-araw ay magpapangyaring waring isang pabigat ang buhay. Paano natin matutulungan yaong mga nangangailangan ng kaaliwan at ginhawa?
Pagiging Handang Makinig
Ang mga kagipitan at pagdurusa ay magpapangyaring maiwala ng isang indibiduwal ang kaniyang timbang na kaisipan. Ang matalinong lalaki ay nagsabi: “Dahil sa paniniil ay napakikilos na parang baliw ang marunong.” (Eclesiastes 7:7) Kaya ang isang taong nagsasalita tungkol sa pagpapatiwakal ay dapat na seryosohin. Ang mga suliranin na kaniyang tinataglay, ito man ay emosyonal, pisikal, mental, o espirituwal, ay nangangailangan ng karaka-rakang pansin. Sabihin pa, ang propesyonal na mga paggamot at mga terapi ay nag-iiba-iba, at kailangang gumawa ng personal na pagpapasiya hinggil sa mga anyo ng paggamot.—Galacia 6:5.
Anuman ang dahilan sa mga damdamin ng pagpapatiwakal, ang pagkakaroon ng taong may kaunawaan, may pakikiramay, at matiisin na mapaghihingahan ay malaki ang maitutulong. Ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan na handang makinig ay maaaring makatulong. Karagdagan pa sa damdaming pakikipagkapuwa at kabaitan, ang nakapagpapatibay na mga kaisipan mula sa Salita ng Diyos ay makatutulong nang malaki sa mga nawalan ng pag-asa.
Espirituwal na Tulong Para sa mga Napipighati
Magtataka kang malaman kung gaanong nakapagpapatibay-loob ang pagbabasa ng Bibliya. Bagaman hindi ito isang manwal para sa kalusugan-ng-isip, matutulungan tayo ng Bibliya na pahalagahan ang buhay. Ganito ang sabi ni Haring Solomon: “Nalaman ko na walang mas mabuti sa kanila kundi ang magsaya at gumawa ng mabuti habang ang isa ay nabubuhay; at na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.” (Eclesiastes 3:12, 13) Maliban sa nakasisiyang gawain na nagbibigay kabuluhan sa buhay, ang payak na mga bagay—gaya ng sariwang hangin, liwanag ng araw, mga bulaklak, mga puno, at mga ibon—ay mga bigay-Diyos na mga kaloob na maaari nating tamasahin.
Ang lalo pang nakapagpapasigla ay ang pagtiyak ng Bibliya na ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nagmamalasakit sa atin. (Juan 3:16; 1 Pedro 5:6, 7) Angkop naman, ang salmista ay nagsabi: “Pagpalain nawa si Jehova, na sa araw-araw ay siyang nagdadala ng pasan para sa atin, ang tunay na Diyos ng ating kaligtasan.” (Awit 68:19) Bagaman nadarama nating tayo ay di-mahalaga at di-karapat-dapat, inaanyayahan tayo ng Diyos na dumalangin sa kaniya. Makatitiyak tayo na walang sinuman na hihingi ng kaniyang tulong nang may kapakumbabaan at may kataimtiman ang hahamakin.
Walang sinuman ang dapat umasa ng isang walang-suliraning buhay sa ngayon. (Job 14:1) Gayunman, ipinakita ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos sa maraming tao na ang pagpapatiwakal ay hindi siyang tamang paraan upang lutasin ang kanilang mga suliranin. Isaalang-alang na lamang kung paano tinulungan ni apostol Pablo ang isang desperadong tagapagbilanggo na, “palibhasa’y nagising sa pagkakatulog at nakitang bukas ang mga pintuan ng bilangguan, ay naghugot ng kaniyang tabak at papatayin na sana ang kaniyang sarili, sa pag-aakalang nakatakas ang mga bilanggo.” Sa isang iglap, ang tagapagbilanggong iyon ay nanghinuha na mas mabuti pa ang magpatiwakal kaysa sa isang nakahihiya at marahil ay pinatagal na kamatayan dahil sa kaniyang pagpapabaya. Sumigaw si apostol Pablo: “Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat narito kaming lahat!” Hindi tumigil si Pablo sa mga pananalita lamang na iyon. Sa katunayan, inaliw niya at ni Silas ang tagapagbilanggo at tumugon sa katanungan nitong: “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” Sumagot sila: “Maniwala ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” Pagkatapos ay sinalita nila sa kaniya at sa kaniyang sambahayan ang salita ni Jehova, taglay ang resulta na “siya at ang mga sa kaniya ay binautismuhan nang walang pagpapaliban.” Ang tagapagbilanggong iyon at ang kaniyang buong sambahayan ay labis na nagsaya at nakasumpong ng bagong kahulugan sa buhay.—Gawa 16:27-35.
Sa ngayon, tunay na isang kaginhawahang malaman na ang Diyos ay hindi siyang responsable sa kabalakyutan! Tinutukoy ng kaniyang Salita ang isang balakyot na espiritu, “ang tinatawag na Diyablo at Satanas,” bilang siyang “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” Ngunit paubos na ang kaniyang panahon. (Apocalipsis 12:9, 12) Di-magtatagal, ang lahat ng kabagabagan na idinulot ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo sa mga naninirahan sa lupa ay magwawakas sa pamamagitan ng pakikialam ng Diyos. Pagkatapos ay pasasapitin ng ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan ng katuwiran ang isang namamalaging wakas sa mga kadahilanan na nasa likod ng kawalang-pag-asa at pagpapatiwakal.—2 Pedro 3:13.
Kaaliwan Para sa mga Humihingi ng Tulong
Kahit ngayon, yaong mga nawawalan ng pag-asa ay makakakuha ng kaaliwan mula sa Kasulatan. (Roma 15:4) Ang salmistang si David ay umawit: “Ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.” (Awit 51:17) Totoo, hindi maiiwasang mapaharap tayo sa ilang pagsubok at madama ang mga epekto ng di-kasakdalan. Ngunit ang pagkuha ng tumpak na kaalaman hinggil sa ating mabait, maibigin, at makatuwirang makalangit na Ama ay magbibigay sa atin ng katiyakan na tayo ay mahalaga sa kaniyang paningin. Ang Diyos ay maaari nating maging pangunahing Kaibigan at Instruktor. Kung lilinangin natin ang isang malapit na kaugnayan sa Diyos na Jehova, hindi niya tayo kailanman bibiguin. “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos,” sabi ng ating Maylalang “ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.”—Isaias 48:17.
Ang pagtitiwala sa Diyos ay nakatulong sa maraming tao. Upang ilarawan: Si Mara ay mahina na dahil sa matagal na panlulumo nang mamatay ang kaniyang nag-iisang anak na lalaki sa isang aksidente sa sasakyan.a Siya ay nataranta at tinangkang magpakamatay. Gayunman, ngayon ay gumigising na siya nang maaga araw-araw upang asikasuhin ang kaniyang gawaing-bahay. Nasisiyahan siya sa pakikinig sa musika at sa pagtulong sa iba. Ang pag-asa na “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid” ay nag-alis ng ilan sa kirot ng malungkot na pagkamatay ng kaniyang minamahal na anak na lalaki at nagpatibay sa kaniyang pananampalataya sa Diyos. (Gawa 24:15) Yamang hindi kailanman ninais ni Mara na maging tulad ng isang anghel sa langit, ang mga salita ng Awit 37:11 ay nakaantig sa kaniyang puso: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”
Isa pang babaing taga-Brazil, si Sandra, ang lubhang nagpagal sa pagiging huwarang ina sa kaniyang tatlong anak. Inamin niya: “Labis-labis akong abala anupat nang biglang mamatay ang aking ama at kasabay nito, natuklasan ko, na ang aking asawa ay may relasyon sa ibang babae, hindi ko man lang naisip na manalangin sa Diyos para sa tulong.” Sa pagkasiphayo ay tinangka ni Sandra na magpakamatay. Ano ang nakatulong sa kaniya na makabawi? Ang kaniyang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. “Gabi-gabi bago ako matulog, binabasa ko ang Bibliya, at ginuguni-guni ko ang aking sarili na nasa kalagayan ng mga taong nababasa ko. Binabasa ko rin ang mga magasing Bantayan at Gumising!, at gustong-gusto ko ang mga talambuhay sapagkat tinutulungan ako ng mga ito na maging kontento sa aking kalagayan sa buhay.” Sa pagkaalam na si Jehova ang kaniyang pinakamatalik na kaibigan, natutuhan niyang maging espesipiko sa kaniyang mga panalangin.
Isang Kinabukasan na Walang Pagkasiphayo
Ano ngang kaaliwan na malaman na ang pagdurusa ng tao ay pansamantala lamang! Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang mga bata at mga adulto na mga biktima ngayon ng krimen, kawalang-katarungan, o pagtatangi ay magagalak. Gaya ng inihula sa makahulang awit, ang hinirang na Hari ni Jehova, si Jesu-Kristo, ay ‘magliligtas sa dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong.’ Isa pa, “maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya.” Tunay, “tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”—Awit 72:12-14.
Ang panahon para sa katuparan ng makahulang mga salitang iyon ay malapit na. Ang ideya ba ng pagtatamasa ng walang-hanggang buhay sa lupa sa ilalim ng gayong mga kalagayan ay nakaaakit sa iyo? Kung oo, may dahilan ka upang magalak at upang mahalin ang buhay bilang isang kaloob mula sa Diyos. At kung ibabahagi mo ang nakaaaliw na maka-Kasulatang mga pangakong ito sa iba, makapagdudulot ka ng malaking kaligayahan sa buhay niyaong mga humihingi ng tulong na nasa manhid at walang pag-ibig na daigdig na ito.
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
[Larawan sa pahina 6]
Maraming pagkakataon para sa kaligayahan sa ngayon
[Larawan sa pahina 7]
Umaasa ka ba sa isang daigdig na walang pagkasiphayo?