Makasusumpong Ka ng Tulong
‘APATNAPU’T SIYAM na pildoras na pampatulog sa isang tasa. Lulunukin ko ba ang mga ito o hindi?’ ang tanong sa kaniyang sarili ng isang 28-anyos na lalaki sa Switzerland. Iniwan siya ng kaniyang asawa at mga anak, at nakaranas siya ng matinding panlulumo. Gayunman, pagkatapos lunukin ang mga pildoras, sinabi niya sa kaniyang sarili: ‘Hindi. Ayaw kong mamatay!’ Mabuti na lamang, nabuhay siya upang ikuwento ito. Ang mga simbuyong magpatiwakal ay hindi laging humahantong sa kamatayan.
Ganito ang sinabi ni Alex Crosby ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention hinggil sa mga tangkang pagpapatiwakal ng mga tin-edyer: “Kung mapipigilan mo ito kahit na sa loob lamang ng ilang oras, maihihinto mo ito. Kung mamamagitan ka, marami ang mahahadlangan mong magpatiwakal. Maililigtas mo ang kanilang buhay.”
Samantalang nagtatrabaho sa Lifesaving and Emergency Center sa Japan Medical College, natulungan ni Propesor Hisashi Kurosawa ang daan-daang taong gustong magpatiwakal na muling naisin ang mabuhay. Oo, dahil sa isang uri ng pamamagitan, maililigtas ang mga buhay. Ano ang kinakailangang tulong?
Pagharap sa Pangunahing mga Problema
Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, sinasabi ng mga mananaliksik na 90 porsiyento ng mga nagpatiwakal ay may mga sakit sa isip o mga problema may kaugnayan sa pag-abuso sa droga o inuming de-alkohol. Kaya naman, si Eve K. Mościcki, ng U.S. National Institute of Mental Health, ay nagsasabi: “Ang pinakamalaking pag-asa upang mahadlangan ang pagpapatiwakal sa lahat ng gulang ay ang paghadlang sa mga sakit sa isip at pagkasugapa.”
Nakalulungkot, maraming dumaranas ng gayong mga sakit ay hindi humihingi ng tulong. Bakit hindi? “Sapagkat may matinding pagtatangi sa lipunan,” ang komento ni Yoshitomo Takahashi ng Tokyo Metropolitan Institute of Psychiatry. Sinabi pa niya na bunga nito, kahit na ang mga taong may bahagyang kabatiran na sila’y may sakit ay nag-aatubiling humingi ng kagyat na lunas.
Subalit, hindi hinahayaan ng ilan na pigilin sila ng kahihiyan. Hayagang kinilala ni Hiroshi Ogawa, isang tanyag na tagapagbalita sa telebisyon na may sariling palabas sa Hapón sa loob ng 17 taon, na siya’y dumaranas ng panlulumo at muntik pa ngang magpatiwakal. “Ang panlulumo ay inihahalintulad sa karaniwang sipon ng isip,” sabi ni Ogawa. Maaaring magkaroon nito ang sinuman, paliwanag niya, ngunit posible ang paggaling.
Makipag-usap sa Isang Tao
“Kapag sinasarili ng isa ang kaniyang problema, karaniwang nakikita niya ito na talagang napakalaki at hindi malulutas,” ang sabi ni Béla Buda, ang opisyal sa kalusugan na taga-Hungary na sinipi kanina. Idiniriin ng obserbasyong ito ang karunungan ng sinaunang kawikaan sa Bibliya: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.”—Kawikaan 18:1.
Pakinggan ang matatalinong pananalitang ito. Huwag hayaan ang iyong sarili na mag-isang nakikipagpunyagi sa napakaraming personal na mga problema. Humanap ka ng isang tao na mapagkakatiwalaan mo at mapagtatapatan mo. ‘Subalit,’ baka sabihin mo, ‘wala akong mapagtatapatan.’ Ayon sa propesyonal sa kalusugan ng isip na si Dr. Naoki Sato, gayon ang nadarama ng marami. Sinabi ni Sato na maaaring iwasan ng mga pasyente na magtapat sa iba sapagkat ayaw nilang isiwalat ang kanilang mga kahinaan.
Saan makasusumpong ang isa ng isang taong makikinig? Sa maraming lugar, maaari siyang humingi ng tulong sa isang sentro sa pag-iwas sa pagpapatiwakal o sa isang crisis hot line o humanap ng isang kilaláng doktor sa medisina na tumutulong sa paglutas ng mga emosyonal na problema. Subalit kinikilala rin ng ilang dalubhasa ang isa pang pinagmumulan ng tulong—ang relihiyon. Paano makatutulong ito?
Pagkasumpong sa Kinakailangang Tulong
Si Marin, isang baldado sa Bulgaria, ay nagkaroon ng matinding pagnanais na magpakamatay. Isang araw, di-sinasadyang natagpuan niya ang relihiyosong babasahin na Ang Bantayan, isang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Tumugon siya sa paanyaya na nasa magasin na personal na dalawin ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag ni Marin ang naging resulta: “Natutuhan ko mula sa kanila na ang buhay ay isang kaloob mula sa ating makalangit na Ama at na wala tayong karapatang saktan ang ating mga sarili o kusang wakasan ang ating buhay. Kaya, binago ko ang aking pagnanais na magpatiwakal at muli kong pinahalagahan ang buhay!” Tumanggap din si Marin ng maibiging tulong mula sa kongregasyong Kristiyano. Bagaman baldado pa rin, sinabi niya: “Ang mga araw ko ngayon ay nakagagalak at tahimik, at ang mga ito’y punô ng kaayaayang mga bagay na gagawin—higit pa sa panahong mayroon ako sa paggawa nito! Utang ko ang lahat ng ito kay Jehova at sa kaniyang mga Saksi.”
Ang lalaking Swiso na nabanggit sa pasimula ay tumanggap din ng tulong mula sa mga Saksi ni Jehova. Binabanggit niya ngayon “ang kabaitan ng isang pamilyang Kristiyano” na kumupkop sa kaniya sa kanilang tahanan. Sabi pa niya: “Nang maglaon, naghali-halili ang mga miyembro ng kongregasyon [ng mga Saksi ni Jehova] sa pag-anyaya sa akin sa pagkain araw-araw. Ang nakatulong ay hindi lamang ang mapagpatuloy na pakikitungo sa akin kundi ang pakikipag-usap din naman sa iba.”
Lubhang napatibay-loob ang lalaking ito ng natutuhan niya sa Bibliya, lalo na nang malaman niya ang tungkol sa pag-ibig na nadarama ng tunay na Diyos, si Jehova, para sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Oo, si Jehova ay talagang nakikinig sa iyo kapag ‘ibinubuhos mo ang iyong puso’ sa harap niya. (Awit 62:8) “Ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa,” hindi upang hanapan ng pagkakamali ang mga tao, kundi “upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Tinitiyak sa atin ni Jehova: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.”—Isaias 41:10.
May kinalaman sa pangako ng Diyos na isang bagong sanlibutan, ganito ang sinabi ng lalaking Swiso: “Malaki ang naitulong nito sa akin upang gumaan ang pasan ng aking kabiguan.” Kasama sa pag-asang ito na inilarawan bilang “angkla para sa kaluluwa,” ang pangako ng buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa.—Hebreo 6:19; Awit 37:10, 11, 29.
Mahalaga ang Buhay Mo sa Iba
Totoo, maaaring makaharap mo ang mga kalagayan na magpapadama sa iyo na ikaw ay lubhang nag-iisa at na ang kamatayan mo ay hindi mahalaga sa sinuman. Subalit tandaan: May malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagkadama na nag-iisa at sa pagiging nag-iisa. Noong panahon ng Bibliya, ang propetang si Elias ay dumanas ng panlulumo sa kaniyang buhay. Sinabi niya kay Jehova: “Ang iyong mga propeta ay pinatay nila sa pamamagitan ng tabak, anupat ako lamang ang natira.” Oo, ang akala ni Elias ay ganap na siyang nag-iisa—at may dahilan naman. Marami sa kaniyang mga kapuwa propeta ay pinatay. Siya mismo ay pinagbabantaan ng kamatayan, at tumatakas siya para mailigtas ang kaniyang buhay. Ngunit talaga bang nag-iisa siya? Hindi. Ipinaalam sa kaniya ni Jehova na may mga 7,000 matapat na tao na, katulad niya, may katapatang nagsisikap na maglingkod sa tunay na Diyos noong madidilim na panahong iyon. (1 Hari 19:1-18) Ngunit, kumusta ka naman? Posible kayang hindi ka nag-iisa na gaya ng nadarama mo?
May mga taong nagmamalasakit sa iyo. Maaaring isipin mo ang iyong mga magulang, ang iyong kabiyak, ang iyong mga anak, at ang iyong mga kaibigan. Subalit marami pang iba. Sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, makasusumpong ka ng may-gulang na mga Kristiyanong interesado sa iyo, na makikinig sa iyo, at mananalangin na kasama mo at para sa iyo. (Santiago 5:14, 15) At kahit na biguin ka man ng lahat ng di-sakdal na tao, may Isa na hindi ka kailanman iiwan. Sinabi ni Haring David noong una: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Oo, si Jehova ay ‘nagmamalasakit sa iyo.’ (1 Pedro 5:7) Huwag kailanman kaligtaan na mahalaga ka sa mga mata ni Jehova.
Ang buhay ay isang kaloob mula sa Diyos. Sabihin pa, kung minsan ang buhay ay waring isang pabigat kaysa isang kaloob. Gayunman, maguguniguni mo ba kung ano ang madarama mo kung pinagkalooban mo ng isang mahalagang regalo ang isang tao na pagkatapos ay itinapon ito bago pa man gamitin ito nang lubusan? Tayong mga di-sakdal na tao ay halos nagsisimula pa lamang sa paggamit sa kaloob na buhay. Sa katunayan, ipinakikita ng Bibliya na ang buhay na tinatamasa natin ngayon ay hindi pa nga ang “tunay na buhay” sa paningin ng Diyos. (1 Timoteo 6:19) Oo, sa malapit na hinaharap ang ating buhay ay di-hamak na magiging higit na ganap, mas makabuluhan, at mas maligaya. Paano?
Sinasabi ng Bibliya: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Sikaping ilarawan ang buhay na tatamasahin mo kapag natupad na ang mga salitang ito. Huwag kang magmadali. Sikapin mong lumikha ng isang buo at makulay na larawan sa isipan. Ang larawang iyan ay hindi isang walang-saysay na guniguni. Habang binubulay-bulay mo kung paano nakitungo si Jehova sa kaniyang bayan noon, lalakí ang pagtitiwala mo sa kaniya at ang larawang iyan ay maaaring maging higit na totoo sa iyo.—Awit 136:1-26.
Maaaring mangailangan ng ilang panahon bago ka lubusang makabawi sa iyong pagnanais na mabuhay. Patuloy na manalangin sa ‘Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.’ (2 Corinto 1:3, 4; Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:17) Bibigyan ka ni Jehova ng lakas na kailangan mo. Tuturuan ka niya na sulit ang mabuhay.—Isaias 40:29.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Paano Mo Matutulungan ang Isa na Waring Gustong Magpatiwakal?
Ano ang dapat mong gawin kung may nagtapat sa iyo na gusto niyang magpatiwakal? “Maging isang mabuting tagapakinig,” ang payo ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC). Hayaan mong ipahayag niya kung ano ang kaniyang nadarama. Subalit, sa maraming kalagayan, ang isang taong may balak na magpatiwakal ay walang kibo at hindi nakikipag-usap. Tanggaping totoo ang kirot o kawalang-pag-asa na nararanasan niya. Kung mahinahon mong babanggitin ang ilang partikular na mga pagbabagong napapansin mo sa kaniyang paggawi, maaaring maudyukan mo siyang magsalita at magtapat sa iyo.
Habang nakikinig, magpakita ng empatiya. “Mahalagang idiin na ang buhay ng taong iyon ay mahalaga sa iyo at sa iba,” sabi ng CDC. Ipaalam mo sa kaniya na ang kaniyang kamatayan ay malaking kawalan sa iyo at gayundin sa iba. Tulungan ang taong iyon na maunawaang ang kaniyang Maylalang ay nagmamalasakit sa kaniya.—1 Pedro 5:7.
Iminumungkahi rin ng mga dalubhasa ang pag-aalis ng anumang bagay na maaaring gamitin ng taong iyon upang magpatiwakal— lalo na ang mga baril. Kung waring malubha ang kalagayan, baka naisin mong himukin ang taong iyon na magpatingin sa doktor. Sa sukdulang mga kaso, maaaring wala ka nang magagawa kundi ang tumawag mismo ng isang uri ng medikal na serbisyong pangkagipitan.
[Kahon sa pahina 11]
‘Patatawarin Kaya Ako ng Diyos sa Nadarama Kong Ito?’
Ang pakikisama sa mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa marami na madaig ang mga kaisipang magpatiwakal. Subalit, lahat ay apektado ngayon ng maiigting na pangyayari sa buhay o panlulumo. Ang mga Kristiyanong nakapag-isip na magpakamatay ay karaniwang lubhang nakokonsiyensiya sa pagkakaroon ng gayong mga kaisipan. Ang pagkadama ng pagkakasala ay makadaragdag lamang sa kanilang pasanin. Kaya paano haharapin ang gayong mga damdamin?
Makabubuting pansinin na ang ilang tapat na mga lalaki’t babae noong panahon ng Bibliya ay nagpahayag ng matitinding negatibong damdamin tungkol sa buhay. Si Rebeka, ang asawa ng patriyarkang si Isaac, ay lubhang nabagabag minsan may kinalaman sa isang problema ng pamilya anupat nasabi niya: “Namumuhi na ako sa buhay kong ito.” (Genesis 27:46) Si Job, na nagdusa sa pagkawala ng kaniyang mga anak, ng kaniyang kalusugan, ng kaniyang kayamanan, at ng kaniyang katayuan sa lipunan, ay nagsabi: “Ang aking kaluluwa ay talagang naririmarim sa aking buhay.” (Job 10:1) Si Moises ay minsang humiyaw sa Diyos: “Pakisuyong patayin mo na lamang ako.” (Bilang 11:15) Si Elias, isang propeta ng Diyos, ay nagsabi minsan: “Sapat na! Ngayon, O Jehova, kunin mo ang aking kaluluwa.” (1 Hari 19:4) At paulit-ulit na sinabi ni propeta Jonas: “Ang aking kamatayan ay mas mabuti kaysa sa aking pagiging buháy.”—Jonas 4:8.
Hinatulan ba ni Jehova ang mga indibiduwal na ito dahil sa nadama nila? Hindi. Iningatan pa nga niya ang kanilang mga sinabi sa Bibliya. Gayunman, mahalagang pansinin na hindi hinayaan ng sinuman sa mga tapat na iyon na udyukan sila ng kanilang damdamin na magpatiwakal. Pinahalagahan sila ni Jehova; nais niya silang mabuhay. Ang totoo, nababahala ang Diyos kahit sa buhay ng mga balakyot. Hinihimok niya silang baguhin ang kanilang mga lakad upang ‘patuloy nga silang mabuhay.’ (Ezekiel 33:11) Gaano pa ngang nanaisin niyang patuloy na mabuhay yaong mga nababahala na matamo ang kaniyang pagsang-ayon!
Inilaan ng Diyos ang haing pantubos ng kaniyang Anak, ang kongregasyong Kristiyano, ang Bibliya, at ang pribilehiyo ng panalangin. Ang linyang ito ng pakikipagtalastasan sa Diyos—ang panalangin—ay hindi kailanman nagiging busy. Naririnig at diringgin ng Diyos ang lahat ng lumalapit sa kaniya taglay ang isang mapagpakumbaba at taimtim na puso. “Samakatuwid, lumapit tayo nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan, upang makapagtamo tayo ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.”—Hebreo 4:16.
[Kahon sa pahina 12]
Nagpatiwakal ba ang Isang Mahal Mo sa Buhay?
Kapag may nagpatiwakal, dumaranas ng matinding kaligaligan sa isipan ang mga miyembro ng pamilya at matatalik na kaibigan. Sinisisi ng marami ang kanilang sarili sa trahedya. Sinasabi nila ang mga bagay na gaya ng: ‘Kung gumugol lamang sana ako ng higit na panahong kasama niya noong araw na iyon,’ ‘Kung pinigil ko lamang sana ang dila ko nang panahong iyon,’ ‘Kung may nagawa pa sana ako upang tulungan siya.’ Ang implikasyon ay, ‘Kung nagawa ko lamang sana ito o iyon, marahil ay buháy pa ang aking minamahal.’ Subalit makatuwiran bang sisihin ang sarili dahil sa pagpapatiwakal ng iba?
Tandaan, napakadali lamang makilala ang mga palatandaan ng damdamin ng magpapatiwakal pagkatapos maganap ang trahedya. Sa kasalukuyan ay hindi gayon. Sinasabi ng Bibliya: “Ang puso lamang ang nakababatid sa kapaitan nito, at walang ibang tao ang nakikigalak dito.” (Kawikaan 14:10, Tanakh) Kung minsan ay talagang imposibleng mabatid ang iniisip o nadarama ng isang tao. Hindi masabi-sabi ng maraming taong gustong magpatiwakal ang kanilang niloloob sa iba, kahit sa malalapít na miyembro ng pamilya.
Ganito ang sinasabi ng aklat na Giving Sorrow Words tungkol sa mga palatandaan na ang isang tao ay maaaring may balak na magpatiwakal: “Ang totoo ay karaniwan nang hindi madaling mahalata ang mga palatandaang iyon.” Sinasabi pa ng aklat ding iyon na kahit na makilala mo ang ilang pahiwatig, hindi nito tinitiyak sa ganang sarili na mapipigilan mo ang pagpapatiwakal. Sa halip na usigin ang iyong sarili, makasusumpong ka ng kaaliwan sa mga salita ng matalinong si Haring Solomon: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Hindi pinahihirapan sa maapoy na impiyerno ang iyong minamahal. At natapos na ang mental at emosyonal na dalamhati na umakay sa kaniya na magpatiwakal. Hindi siya nagdurusa; nagpapahinga lamang siya.
Marahil ay pinakamainam na ituon ngayon ang pansin sa kapakanan ng mga buháy, pati na sa iyong sarili. Si Solomon ay nagpatuloy: “Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan” habang ikaw ay nabubuhay. (Eclesiastes 9:10) Makatitiyak ka na ang mga pag-asa sa buhay sa hinaharap niyaong mga nagpatiwakal ay nasa mga kamay ni Jehova, “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.”—2 Corinto 1:3.a
[Talababa]
a Masusumpungan mo ang isang timbang na pangmalas hinggil sa mga pag-asa sa hinaharap niyaong mga nagpatiwakal sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Pagpapatiwakal—May Pagkabuhay-Muli?” sa labas ng Setyembre 8, 1990, ng Gumising!
[Mga larawan sa pahina 8]
Makipag-usap sa isang tao
[Larawan sa pahina 10]
Mahalaga ang buhay mo sa iba