Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w00 10/15 p. 30-31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Pagliligtas sa Buhay sa Pamamagitan ng Dugo—Papaano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Pahalagahan Nang Wasto ang Kaloob sa Iyo na Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Dugo—Mahalaga sa Buhay
    Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
w00 10/15 p. 30-31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa liwanag ng mga utos ng Bibliya hinggil sa tamang paggamit ng dugo, paano minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang mga pamamaraang medikal na ginagamit ang sariling dugo ng isa?

Sa halip na magpasiya lamang salig sa personal na kagustuhan o sa mga rekomendasyong medikal, ang bawat Kristiyano ay dapat na seryosong magsaalang-alang sa sinasabi ng Bibliya. Ito’y isang bagay sa pagitan niya at ni Jehova.

Si Jehova, na siyang pinagkakautangan natin ng ating buhay, ay nag-utos na ang dugo ay hindi dapat kainin. (Genesis 9:3, 4) Sa Kautusan sa sinaunang Israel, ipinagbawal ng Diyos ang paggamit ng dugo sapagkat kinakatawan nito ang buhay. Iniutos niya: “Ang kaluluwa [o buhay] ng laman ay nasa dugo, at ako mismo ang naglagay niyaon sa ibabaw ng altar upang maipambayad-sala ninyo para sa inyong mga kaluluwa.” Paano kung kinatay ng isang tao ang hayop upang kainin? Sinabi ng Diyos: “Ibubuhos nga niya ang dugo niyaon at tatakpan niya iyon ng alabok.”a (Levitico 17:11, 13) Muli’t muling inulit ni Jehova ang utos na ito. (Deuteronomio 12:16, 24; 15:23) Ganito ang sabi ng Judiong Soncino Chumash: “Ang dugo ay hindi dapat imbakin kundi dapat ituring ito na di-angkop kainin sa pamamagitan ng pagbubuhos nito sa lupa.” Walang Israelita ang kukuha, mag-iimbak, at gagamit ng dugo ng ibang nilalang, na ang buhay ay pag-aari ng Diyos.

Ang pananagutan na sundin ang Kautusang Mosaiko ay nagwakas nang mamatay ang Mesiyas. Gayunman, ang pangmalas ng Diyos sa kabanalan ng dugo ay nananatili. Palibhasa’y pinakilos ng banal na espiritu ng Diyos, ipinag-utos ng mga apostol sa mga Kristiyano na ‘umiwas sa dugo.’ Ang utos na iyan ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Ito’y kasinghalaga ng pag-iwas mula sa seksuwal na imoralidad o sa idolatriya. (Gawa 15:28, 29; 21:25) Nang maging pangkaraniwan noong ika-20 siglo ang pag-aabuloy at pagsasalin ng dugo, nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova na ang gawaing ito ay salungat sa Salita ng Diyos.b

Sa pana-panahon, hihimukin ng isang doktor ang isang pasyente na magdeposito ng kaniyang sariling dugo mga ilang linggo bago ang operasyon (preoperative autologous blood donation, o PAD) upang kapag nangailangan, maaari niyang salinan ang pasyente ng sariling dugo nito na nakaimbak. Gayunman, ang gayong pagtitipon, pag-iimbak, at pagsasalin ng dugo ay tuwirang sumasalungat sa sinasabi sa Levitico at sa Deuteronomio. Ang dugo ay hindi dapat imbakin; ito’y dapat na ibuhos​—ibalik sa Diyos, wika nga. Totoo, wala nang bisa ngayon ang Kautusang Mosaiko. Sa kabila nito, iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang mga simulaing inilakip ng Diyos dito, at sila’y determinado na ‘umiwas sa dugo.’ Kaya, hindi tayo nag-aabuloy ng dugo, ni nag-iimbak tayo para sa pagsasalin ng ating dugo na dapat na ‘ibuhos.’ Ang gawaing iyan ay sumasalungat sa kautusan ng Diyos.

Ang ibang mga pamamaraan o mga pagsusuri may kaugnayan sa sariling dugo ng isang indibiduwal ay hindi lubos na maliwanag na salungat sa binigkas na mga simulain ng Diyos. Halimbawa, pumayag ang ilang Kristiyano na kunan sila ng dugo para sa pagsusuri o pag-aanalisa at pagkatapos nito ay itinatapon ang sampol. Ang iba pang mas masalimuot na mga pamamaraan na nagsasangkot sa dugo ng isa ay maaari ring irekomenda ng mga manggagamot.

Halimbawa, sa panahon ng ilang mga pamamaraan sa pag-oopera, ang ilang dugo ay maaaring paraanin palabas mula sa katawan sa isang proseso na tinatawag na hemodilution. Ang natitirang dugo sa pasyente ay pinalalabnaw. Pagkatapos, ang kaniyang dugo na pinadaan sa tubo palabas sa kaniyang katawan ay muling ipinapasok sa kaniya, sa gayon ay nanunumbalik sa halos normal ang dami ng kaniyang dugo. Sa katulad na paraan, ang dugo na tumatagas sa isang sugat ay maaaring sahurin at salain upang ang mga pulang selula ay maibalik sa pasyente; ito ay tinatawag na cell salvage (hindi pagsasayang ng selula). Sa ibang proseso, ang dugo ay pinadaraan sa isang makina na pansamantalang humahalili sa isang tungkulin na karaniwang ginagampanan ng mga sangkap ng katawan (halimbawa, ang puso, mga baga, o bato). Pagkatapos ay ipinapasok muli ang dugo mula sa makina patungo sa pasyente. Sa ibang pamamaraan, ang dugo ay pinadaraan sa isang centrifuge (tagapaghiwalay) upang ang mga bahagi nito na nakapipinsala o may depekto ay maaaring alisin. O maaaring ang tunguhin ay upang ihiwalay ang ilan sa mga sangkap ng dugo at gamitin iyon sa ibang bahagi ng katawan. May mga pagsusuri rin kung saan kumukuha ng partikular na dami ng dugo upang mauri ito o haluan ito ng gamot, at pagkatapos ay ipinapasok muli sa pasyente.

Maaaring magkaiba-iba ang mga detalye, at tiyak na magkakaroon pa ng bagong mga pamamaraan, panggagamot, at mga pagsusuri. Hindi namin pananagutan na analisahin ang bawat pagkakaiba at magbigay ng pasiya. Ang isang Kristiyano ay dapat na magpasiya para sa kaniyang sarili kung ano ang gagawin sa kaniyang dugo sa panahon ng isang pamamaraan sa pag-oopera, pagsusuring medikal, o kasalukuyang paggamot. Patiuna na, dapat niyang alamin mula sa doktor o teknisyan ang mga impormasyon hinggil sa maaaring gawin sa kaniyang dugo sa panahon ng pamamaraang iyon. Pagkatapos ay kailangan niyang magpasiya ayon sa ipinahihintulot ng kaniyang budhi. (Tingnan ang kahon.)

Dapat isaisip ng mga Kristiyano ang kanilang pag-aalay sa Diyos at pananagutan na ‘ibigin siya nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip.’ (Lucas 10:27) Hindi tulad ng karamihan sa sanlibutan, lubos na pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mabuting kaugnayan sa Diyos. Hinihimok ng Tagapagkaloob-ng-Buhay ang lahat na magtiwala sa itinigis na dugo ni Jesus. Mababasa natin: “Sa pamamagitan niya [ni Jesu-Kristo] ay taglay natin ang paglaya sa pamamagitan ng pantubos dahil sa dugo ng isang iyon, oo, ang kapatawaran ng ating mga pagkakamali.”​—Efeso 1:7.

[Mga talababa]

a Si Propesor Frank H. Gorman ay sumulat: “Ang pagbubuhos ng dugo ay madaling maunawaan bilang isang gawa ng pagpipitagan na nagpapakita ng paggalang sa buhay ng hayop at, sa gayon, paggalang sa Diyos, na lumikha at patuloy na nagmamalasakit sa buhay na iyan.”

b Sinasagot ng The Watchtower ng Hulyo 1, 1951 ang pangunahing mga katanungan hinggil sa paksang ito, na nagpapakita kung bakit ang pagsasalin ng iniabuloy na dugo ay hindi angkop.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 31]

MGA KATANUNGAN PARA SA IYONG SARILI

Kung ang ilan sa aking dugo ay pararaanin palabas sa aking katawan at ang daloy ay maaari pa ngang pigilin sa loob ng isang panahon, ipahihintulot kaya ng aking budhi na malasin ko ang dugong ito bilang bahagi pa rin ng aking katawan, sa gayo’y hindi na kailangang ‘ibuhos pa [ito] sa lupa’?

Mababagabag kaya ang aking budhi na sinanay sa Bibliya kung sa panahon ng pagsusuri o ng panggagamot ayon sa isang pamamaraan ang ilan sa aking sariling dugo ay kinuha, binago, at muling ipinasok sa aking katawan?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share