Ito ba ang Siglo ni Satanas?
“KUNG iisipin ang labis na kabuktutan nito, masasabi na talagang ito ang siglo ni Satanas. Walang ibang panahon ang nakitaan ng ganito katinding pagkahilig, at labis na paghahangad, na pumatay ng milyun-milyong tao dahil sa lahi, relihiyon o katayuan sa lipunan.”
Ang ika-50 anibersaryo ng pagpapalaya sa inosenteng mga biktima na ibinilanggo sa mga kampong bitayan ng Nazi ang nag-udyok upang isulat ang nabanggit na komento sa isang editoryal sa The New York Times noong Enero 26, 1995. Ang Holocaust—isa sa pinakakilalang paglipol ng lahi sa kasaysayan—ay pumaslang ng mga anim na milyong Judio. Halos tatlong milyong di-Judio na mga mamamayang Polako ang nasawi sa tinaguriang “Nalimutang Holocaust.”
“Tinataya na sa panahong mula 1900 hanggang 1989, ang digmaan ay pumaslang ng 86 na milyon katao,” ang sabi ni Jonathan Glover sa kaniyang aklat na Humanity—A Moral History of the Twentieth Century. Sinabi pa niya: “Hindi lubos maisip ang dami ng namatay sa digmaan noong ikadalawampung siglo. Hindi tumutugma sa totoong bilang ang anumang pagtantiya sa dami ng mga namatay, yamang halos dalawang-katlo (58 milyon) ang namatay sa dalawang digmaang pandaigdig. Subalit kung pantay-pantay na hahatiin ang bilang ng mga namatay na ito sa buong yugto ng ikadalawampung siglo, maaaring halos 2,500 katao araw-araw ang pinatay ng digmaan, Iyan ay mahigit na 100 katao bawat oras, nang walang patid, sa loob ng siyamnapung taon.”
Kaya naman, ang ika-20 siglo ay tinaguriang isa sa pinakamadugong siglo na nasaksihan ng sangkatauhan kailanman. Sa Hope Against Hope, sumulat si Nadezhda Mandelstam: “Nakita naming nagwagi ang kasamaan pagkatapos pasamain at sirain ang prinsipyo ng sangkatauhan.” Sa tunggalian ng mabuti at masama, talaga bang nagwagi na ang kasamaan?
[Picture Credit Line sa pahina 2]
COVER: Mother and daughter: J.R. Ripper/SocialPhotos
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Litratong kinuha ng U.S. Department of Energy