Mga Kabataan—Hindi Kalilimutan ni Jehova ang Inyong Gawa!
“Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, dahil kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”—HEBREO 6:10.
1. Paano ipinakikita ng mga aklat ng Bibliya na Mga Hebreo at Malakias na pinahahalagahan ni Jehova ang iyong paglilingkod?
MAY nagawa ka na bang kabaitan sa isang kaibigan at pagkatapos ay wala kang natanggap na anumang pasasalamat? Maaaring talagang masakit kapag binale-wala, o masahol pa rito, lubos na kinalimutan ang isang gawa ng pagbibigay. Gayunman, kaylaking kaibahan kapag buong-puso tayong naglingkod kay Jehova! Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, dahil kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.” (Hebreo 6:10) Isip-isipin kung ano ang ibig sabihin niyan. Aktuwal na ituturing ni Jehova na isang gawa ng kalikuan sa kaniyang bahagi—isang kasalanan—kung kalilimutan niya ang ginawa mo at ang patuloy mong ginagawa sa paglilingkod sa kaniya. Tunay na isang mapagpahalagang Diyos!—Malakias 3:10.
2. Paano nagiging tunay na katangi-tangi ang paglilingkod kay Jehova?
2 May pantangi kang pagkakataon na sambahin at paglingkuran ang mapagpasalamat na Diyos na ito. Palibhasa’y halos anim na milyon lamang ang iyong mga kapananampalataya kung ihahambing sa mga anim na bilyon katao sa buong daigdig, ang iyong pribilehiyo ay tunay na pambihira. Karagdagan pa, ang bagay na nakikinig at tumutugon ka sa mensahe ng mabuting balita ay patotoo na may personal na interes sa iyo si Jehova. Tutal, sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Oo, tinutulungan ni Jehova ang mga tao bilang indibiduwal upang samantalahin nila ang mga kapakinabangan ng hain ni Kristo.
Pagpapahalaga sa Iyong Dakilang Pribilehiyo
3. Paano ipinahayag ng mga anak ni Kora ang pagpapahalaga sa pribilehiyo na maglingkod kay Jehova?
3 Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, ikaw ay may pantanging pagkakataon na pasayahin ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Ito ay isang bagay na hinding-hindi mo dapat maliitin. Sa isa sa kanilang kinasihang mga awit, ipinahayag ng mga anak ni Kora ang pagpapahalaga nila sa pribilehiyo na maglingkod kay Jehova. Mababasa natin: “Ang isang araw sa iyong mga looban ay mas mabuti kaysa sa isang libo sa ibang dako. Pinili kong tumayo sa pintuan ng bahay ng aking Diyos sa halip na maglibot sa mga tolda ng kabalakyutan.”—Awit 84:10.
4. (a) Bakit maaaring ituring ng iba na mahigpit ang pagsamba kay Jehova? (b) Sa anong paraan ipinakikita ni Jehova ang kaniyang pananabik na bigyang-pansin at gantimpalaan ang kaniyang mga lingkod?
4 Ganiyan ba ang nadarama mo hinggil sa iyong pribilehiyo na maglingkod sa iyong makalangit na Ama? Sabihin pa, kung minsan, waring hinihigpitan ng pagsamba kay Jehova ang iyong kalayaan. Totoo na ang pamumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya ay humihiling ng isang antas ng pagsasakripisyo sa sarili. Gayunman, sa dakong huli, anumang hinihiling sa iyo ni Jehova ay para sa kapakinabangan mo. (Awit 1:1-3) Karagdagan pa, nakikita ni Jehova ang iyong mga pagsisikap at ipinamamalas niya ang kaniyang pagpapahalaga sa katapatan mo. Sa katunayan, sumulat si Pablo na si Jehova ay “nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Naghahanap si Jehova ng mga pagkakataon na gawin iyan. Isang matuwid na propeta sa sinaunang Israel ang nagsabi: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.”—2 Cronica 16:9.
5. (a) Ano ang isa sa pinakamainam na paraan upang maipakita mo na sakdal ang iyong puso kay Jehova? (b) Bakit maaaring maging mahirap na ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa iyong pananampalataya?
5 Ang isa sa pinakamainam na paraan upang maipakita mo na sakdal ang iyong puso kay Jehova ay ang makipag-usap sa iba tungkol sa kaniya. Nagkaroon ka na ba ng pagkakataong ipakipag-usap sa ilan sa mga kaeskuwela mo ang tungkol sa iyong pananampalataya? Sa simula, ang paggawa nito ay waring nakapanghihina ng loob, at ang mismong ideya ay maaaring magdulot ng kaunting takot. ‘Paano kung pagtawanan nila ako?’ ang maaaring itanong mo. ‘Paano kung isipin nilang kakatwa ang relihiyon ko?’ Kinilala ni Jesus na hindi lahat ay makikinig sa mensahe ng Kaharian. (Juan 15:20) Subalit hindi ito nangangahulugan na tutuyain at itatakwil ka na sa buong buhay mo. Sa kabaligtaran, maraming kabataang Saksi ang nakasumpong ng mga taong nakikinig at natamo pa nga nila ang higit na paggalang ng kanilang mga kasamahan dahil sa paninindigan nila sa kanilang mga paniniwala.
“Tutulungan Ka ni Jehova”
6, 7. (a) Paano nakapagpapatotoo ang isang 17-taóng-gulang na babae sa kaniyang mga kaklase? (b) Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Jennifer?
6 Ngunit paano ka magkakaroon ng lakas ng loob na magsalita hinggil sa iyong pananampalataya? Bakit hindi magpasiyang maging tapat sa mga tao kapag tinatanong ka nila hinggil sa iyong relihiyon? Isaalang-alang ang karanasan ng 17-taóng-gulang na si Jennifer. “Nanananghalian ako noon sa paaralan. Nagkataon na pinag-uusapan ng mga katabi kong babae ang hinggil sa relihiyon, at tinanong ako ng isa sa mga babae kung ano ang relihiyon ko,” ang sabi niya. Kinabahan ba si Jennifer sa pagsagot niya? “Oo,” ang pag-amin niya, “dahil hindi ko tiyak kung ano ang magiging reaksiyon nila.” Kaya ano ang ginawa ni Jennifer? “Sinabi ko sa mga babae na isa akong Saksi ni Jehova,” ang patuloy niya. “Waring nagulat sila sa simula. Maliwanag na inakala nilang kakatwang mga tao ang mga Saksi ni Jehova. Ito ang nag-udyok sa kanila na magtanong sa akin, at nagkaroon ako ng pagkakataon na linawin ang ilang maling palagay nila. Kahit na pagkatapos ng araw na iyon, paminsan-minsan ay nilalapitan pa rin ako ng ilan sa mga babaing iyon upang magtanong.”
7 Nagsisi ba si Jennifer na sinamantala niya ang pagkakataon upang magsalita hinggil sa kaniyang mga paniniwala? Hinding-hindi! “Ang sarap nang pakiramdam ko nang matapos ang oras ng tanghalian,” ang sabi niya. “Ngayon ay may mas mabuting ideya ang mga babaing iyon hinggil sa kung sino talaga ang mga Saksi ni Jehova.” Simple lamang ang payo ni Jennifer: “Kung nahihirapan kang magpatotoo sa mga kaklase o mga guro, saglit na manalangin. Tutulungan ka ni Jehova. Matutuwa ka na sinamantala mo ang iyong pagkakataong magpatotoo.”—1 Pedro 3:15.
8. (a) Paano nakatulong kay Nehemias ang pananalangin nang mapaharap siya sa isang di-inaasahang situwasyon? (b) Anu-ano ang ilang situwasyon sa paaralan kung kailan maaaring kailangan mong manalangin kay Jehova nang maikli at tahimik?
8 Pansinin na iminumungkahi ni Jennifer na “saglit na manalangin” kay Jehova kapag nagkaroon ng pagkakataon na makapagpatotoo hinggil sa iyong pananampalataya. Ganiyang-ganiyan ang ginawa ni Nehemias, ang katiwala ng kopa ng Persianong hari na si Artajerjes, nang mapaharap siya sa isang di-inaasahang situwasyon. Kitang-kita ang pagkabagabag ni Nehemias dahil nalaman niya ang kalagayan ng mga Judio at na guho ang pader at mga pintuang-daan ng Jerusalem. Napansin ng hari na waring balisa si Nehemias, kaya itinanong niya kay Nehemias kung ano ang problema. Bago siya sumagot, nanalangin si Nehemias ukol sa patnubay. Pagkatapos ay lakas-loob siyang humingi ng permiso na bumalik sa Jerusalem at tumulong sa muling pagtatayo ng bumagsak na lunsod. Ipinagkaloob ni Artajerjes ang kahilingan ni Nehemias. (Nehemias 2:1-8) Ano ang aral? Kung kinakabahan ka kapag dumarating ang pagkakataon na magpatotoo hinggil sa iyong pananampalataya, huwag kaliligtaan ang pagkakataon mong manalangin nang tahimik. ‘Ihagis mo kay Jehova ang lahat ng iyong kabalisahan,’ ang sulat ni Pedro, ‘sapagkat siya ay nagmamalasakit sa iyo.’—1 Pedro 5:7; Awit 55:22.
“Handang Gumawa ng Pagtatanggol”
9. Paano nakapagpasakamay ang 13-taóng-gulang na si Leah ng 23 kopya ng aklat na Tanong ng mga Kabataan?
9 Isaalang-alang ang isa pang karanasan. Si Leah, 13 taóng gulang, ay nagbabasa ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutasa noong oras ng kaniyang pananghalian sa paaralan. “Pinagmamasdan ako ng ibang tao,” ang sabi niya, “at di-nagtagal, isang grupo ang umaali-aligid sa likod ko. Nagsimula silang magtanong kung ano ang nilalaman ng aklat.” Sa pagtatapos ng araw, apat na babae ang humiling kay Leah ng isang kopya ng aklat na Tanong ng mga Kabataan. Di-nagtagal, ibinahagi ng mga babaing ito ang aklat sa iba, at nang maglaon, sila rin ay nagnais na kumuha ng kopya. Pagkalipas ng ilang linggo, nakapagpasakamay si Leah ng 23 kopya ng aklat na Tanong ng mga Kabataan sa kaniyang mga kaeskuwela at sa kanilang mga kaibigan. Naging madali ba para kay Leah na magsalita nang una siyang tanungin hinggil sa aklat na kaniyang binabasa? Tiyak na hindi! “Sa simula, kinakabahan ako,” ang pag-amin niya. “Pero, nanalangin ako, at alam kong kasama ko si Jehova.”
10, 11. Paano natulungan ng isang kabataang Israelitang babae ang isang pinuno ng hukbo ng Sirya na malaman ang tungkol kay Jehova, at anong mga pagbabago ang ginawa ng pinuno ng hukbo pagkatapos nito?
10 Maaaring maalaala mo sa karanasan ni Leah ang isang katulad na situwasyong napaharap sa isang kabataang Israelitang babae na dinalang bihag sa Sirya. Si Naaman, isang pinuno ng hukbo ng Sirya, ay isang ketongin. Marahil ang kaniyang asawa ang nagpasimula ng usapan na nag-udyok sa dalagitang ito na magsalita hinggil sa kaniyang pananampalataya. “Kung ang panginoon ko lamang ay nasa harap ng propetang nasa Samaria!” ang sabi niya. “Kung magkagayon ay pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.”—2 Hari 5:1-3.
11 Bilang resulta ng katapangan ng batang babaing ito, nalaman ni Naaman na “walang Diyos saanmang dako sa lupa kundi sa Israel.” Nagpasiya pa nga siya na “hindi na [siya] mag-uukol pa ng handog na sinusunog o ng hain sa alinmang iba pang diyos kundi kay Jehova.” (2 Hari 5:15, 17) Tiyak na pinagpala ni Jehova ang lakas ng loob ng dalagitang iyon. Magagawa Niya at gayundin ang gagawin Niya para sa mga kabataan sa ngayon. Ganiyan ang naranasan ni Leah. Nang maglaon, nilapitan siya ng ilan sa kaniyang mga kaeskuwela at sinabi sa kaniya na ang aklat na Tanong ng mga Kabataan ay nakatutulong sa paggawi nila. “Masaya ako,” ang sabi ni Leah, “dahil alam ko na natutulungan ko ang iba na malaman ang higit tungkol kay Jehova at natutulungan silang baguhin ang kanilang buhay.”
12. Paano ka mapalalakas na ipagtanggol ang iyong pananampalataya?
12 Maaari kang magkaroon ng karanasang kagaya niyaong kina Jennifer at Leah. Sundin ang payo ni Pedro, na sumulat, na bilang isang Kristiyano, dapat na palagi kang “handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa [iyo] ng katuwiran para sa pag-asa na nasa [iyo], ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Paano mo magagawa iyan? Tularan ang ginawa ng unang-siglong mga Kristiyano na nanalangin kay Jehova na tulungan silang mangaral “nang buong katapangan.” (Gawa 4:29) Pagkatapos ay maging malakas ang loob sa pakikipag-usap sa iba hinggil sa iyong mga paniniwala. Baka magulat ka sa mga resulta. Karagdagan pa, mapasasaya mo ang puso ni Jehova.
Mga Video at mga Special Project
13. Anu-anong pagkakataon ang sinamantala ng ilang kabataan upang makapagpatotoo? (Tingnan ang mga kahon sa pahina 20 at 21.)
13 Ipinaliwanag ng maraming kabataan ang kanilang pananampalataya sa mga kaeskuwela o mga guro sa pamamagitan ng mga video. Kung minsan, ang mga project sa paaralan ay nagbubukas din ng pagkakataon upang purihin si Jehova. Halimbawa, dalawang 15-taóng-gulang na kabataang lalaki, kapuwa mga Saksi ni Jehova, ang binigyan ng takdang-aralin na sumulat ng isang report hinggil sa isa sa mga relihiyon sa daigdig bilang bahagi ng kanilang klase sa pandaigdig na kasaysayan. Nagsama ang dalawang Saksing ito upang isulat ang kanilang report hinggil sa mga Saksi ni Jehova, na ginagamit ang aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos bilang reperensiya nila.b Kailangan din silang magharap ng limang-minutong berbal na report. Pagkatapos nito, napakaraming tanong ng guro at ng mga estudyante anupat ang mga kabataang ito ay nanatili sa harapan ng klase nang 20 minuto pa. Sa loob ng ilang linggo pagkalipas nito, nagtatanong pa rin ang kanilang mga kaklase hinggil sa mga Saksi ni Jehova!
14, 15. (a) Bakit isang silo ang takot sa tao? (b) Bakit dapat kang makadama ng kumpiyansa sa sarili hinggil sa pagbabahagi sa iba ng iyong mga paniniwala?
14 Gaya ng inilalarawan ng binanggit na mga karanasan, makakamit mo ang malalaking pagpapala kung ipakikipag-usap mo sa iba ang iyong mga paniniwala at paninindigan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Huwag mong hayaang ipagkait sa iyo ng takot sa tao ang pribilehiyo at kagalakan ng pagtulong sa iba na makilala si Jehova. Sinasabi ng Bibliya: “Ang panginginig sa harap ng mga tao ang siyang nag-uumang ng silo, ngunit siyang nagtitiwala kay Jehova ay ipagsasanggalang.”—Kawikaan 29:25.
15 Tandaan, bilang isang kabataang Kristiyano, taglay mo ang isang bagay na kailangang-kailangan ng iyong mga kasamahan—ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay sa ngayon at ang pangako na walang-hanggang buhay sa hinaharap. (1 Timoteo 4:8) Kapansin-pansin, isiniwalat ng isang surbey sa Estados Unidos—kung saan baka isipin mong ang mga tao sa pangkalahatan ay mapagwalang-bahala o palaisip lamang sa sekular na mga bagay—na lubhang dinidibdib ng di-kukulangin sa kalahati ng bilang ng mga kabataan ang relihiyon, at sangkatlo sa mga ito ang nagsasabi na ang pananampalataya sa relihiyon “ang pinakamahalagang impluwensiya” sa kanilang buhay. Malamang na ang situwasyon ay katulad sa maraming iba pang bahagi ng daigdig. Kung gayon, malamang na ang iyong mga kasamahan sa paaralan ay magagalak na makinig sa sasabihin mo hinggil sa Bibliya.
Bilang Kabataan, Maging Malapít kay Jehova
16. Ano ang nasasangkot upang mapaluguran si Jehova bukod pa sa pakikipag-usap sa iba hinggil sa kaniya?
16 Siyempre pa, hindi sapat ang basta ipakipag-usap ang hinggil kay Jehova upang mapasaya natin ang kaniyang puso. Kailangan mo ring iayon ang iyong paggawi sa kaniyang mga pamantayan. Sumulat si apostol Juan: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Masusumpungan mong totoo ito kung magiging malapít ka kay Jehova. Paano mo magagawa iyan?
17. Paano ka magiging malapít kay Jehova?
17 Maglaan ng panahon upang basahin ang Bibliya at ang mga publikasyong salig sa Bibliya. Kapag mas marami kang nalalaman hinggil kay Jehova, magiging mas madaling sundin siya at ipakipag-usap sa iba ang hinggil sa kaniya. “Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.” (Lucas 6:45) Kaya punuin ang iyong puso ng mabubuting bagay. Bakit hindi magtakda ng mga tunguhin hinggil dito? Marahil ay mapasusulong mo ang paghahanda sa mga pulong ng kongregasyon sa darating na linggong ito. Maaaring ang susunod mong tunguhin ay ang makibahagi sa pulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng maikli ngunit taos-pusong komento. Sabihin pa, mahalaga na isagawa mo rin ang mga bagay na iyong natututuhan.—Filipos 4:9.
18. Kahit na dumanas ka ng pananalansang, sa ano ka makapagtitiwala?
18 Ang mga pagpapalang nagmumula sa paglilingkod kay Jehova ay namamalagi—sa katunayan, nananatili magpakailanman. Totoo, maaari mong maranasan paminsan-minsan ang isang antas ng pananalansang o panunuya dahil sa pagiging isang Saksi ni Jehova. Ngunit isipin mo si Moises. Sinasabi ng Bibliya na “tumingin siyang mabuti sa gantimpalang kabayaran.” (Hebreo 11:24-26) Makapagtitiwala ka rin na ikaw ay gagantimpalaan ni Jehova sa iyong mga pagsisikap na matuto hinggil sa kaniya at sa iyong pakikipag-usap sa iba tungkol sa kaniya. Sa katunayan, hindi niya kailanman ‘kalilimutan ang iyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita mo para sa kaniyang pangalan.’—Hebreo 6:10.
[Mga talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Naaalaala Mo ba?
• Bakit ka makatitiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang iyong paglilingkod?
• Anu-anong paraan ng pagpapatotoo sa paaralan ang nasumpungang matagumpay ng ilan?
• Paano ka mapalalakas na magpatotoo sa iyong mga kaklase?
• Paano ka magiging malapít kay Jehova?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 20]
Maging ang mga Musmos ay Pumupuri kay Jehova!
Maging ang mga hindi pa tin-edyer ay nakapagbibigay ng patotoo sa paaralan. Isaalang-alang ang mga karanasang ito.
Ang klase ng sampung-taóng-gulang na si Amber na nasa ikalimang baytang ay nagbabasa ng isang aklat hinggil sa pagsalakay ng mga Nazi sa mga Judio noong Digmaang Pandaigdig II. Nagpasiya si Amber na dalhin sa kaniyang guro ang video na Purple Triangles. Nagulat ang guro nang malaman niyang pinag-usig din pala ang mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng rehimeng Nazi. Ipinakita ng guro ang video sa buong klase.
Sa edad na walong taon, sumulat si Alexa ng isang liham sa kaniyang klase, na nagpapaliwanag kung bakit hindi siya maaaring makibahagi sa kanilang pagdiriwang ng Pasko. Hangang-hanga ang guro anupat ipinabasa niya nang malakas kay Alexa ang liham sa harap ng kaniyang sariling klase at sa dalawang iba pang klase! “Tinuruan akong igalang ang mga tao na iba ang paniniwala sa paniniwala ko,” ang sabi niya nang malapit na siya sa konklusyon, “at nagpapasalamat ako sa inyo sa paggalang sa aking pasiya na hindi magdiwang ng Pasko.”
Nang kasisimula pa lamang niya sa unang baytang, dinala ni Eric sa paaralan Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at humingi ng permiso na ipakita ito sa kaniyang mga kaklase. “May mas maganda akong ideya,” ang sabi ng kaniyang guro. “Bakit hindi mo basahin ang isang kuwento sa paaralan?” Gayon ang ginawa ni Eric. Pagkatapos, pinataas niya ang mga kamay ng mga nagnanais kumuha ng isang kopya ng aklat. Labingwalo katao—kasali ang guro—ang nagtaas ng kanilang kamay! Nadarama ngayon ni Eric na mayroon na siyang sariling espesyal na teritoryo upang makapagpatotoo sa paaralan.
Nagpapasalamat ang siyam-na-taóng-gulang na si Whitney dahil sa brosyur na Ang mga Saksi ni Jehova at ang Edukasyon.c “Karaniwan nang si Inay ang nagbibigay ng brosyur na ito sa aking mga guro taun-taon,” ang sabi niya, “ngunit sa taóng ito, ako mismo ang nagbigay nito. Sa tulong ng brosyur na ito, ninomina ako ng aking guro bilang ‘student of the week.’ ”
[Talababa]
c Lahat ng publikasyong binanggit ay ginawa ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]
Mga Pagkakataong Ginamit ng Ilan Upang Ipakipag-usap ang Kanilang Pananampalataya
Kapag naatasang gumawa ng isang report o project sa paaralan, ang ilan ay pumipili ng isang paksa na nagpapahintulot sa kanila na makapagpatotoo
Binigyan ng ilang kabataan ang kanilang guro ng isang video o publikasyon na nauugnay sa paksang tinatalakay sa klase
Sa pagbabasa ng ilang kabataan ng Bibliya o ng publikasyong salig sa Bibliya sa panahon ng recess, nilalapitan sila ng ibang kabataang nagtatanong
[Larawan sa pahina 18]
Makatutulong ang mga makaranasan sa pagsasanay sa mga kabataan na maglingkod kay Jehova