Isang “Special Territory”
MARAMING Kristiyanong kabataan ang may paniwala na kanilang “special territory” ang paaralan, kaya’t listo sila sa mga pagkakataon na magpatotoo sa mga guro at mga kaklase. Narito ang napakainam na ibinunga ng pagpapatotoo ni Susan, 13-anyos na dalagita sa Canada.
“Disyembre noon nang pasulatin kami ng titser ko ng kuwentong pam-Pasko para sa ‘creative writing.’ Ang pinili kong paksa ay ‘Report sa Pinagmulan ng Pasko.’ Ginamit ko ang mga ensayklopedia sa paaralan at mga artikulo sa Awake! bilang reperensiya, at ako’y nakasulat ng isang report na nakapagtuturo.” Ano ang palagay ng guro?
“Sa katapusan ng aking report ay ganito ang sabi ng titser: ‘Napakainam ang pagkasulat, Susan! Hanga ako sa pagka-matapat mo at iginagalang ko ang iyong mga paniwala. Sa iyong pagkamaalalahanin at pagkamaunawain, ikaw ay laging igagalang. Inaasahan kong sa hinaharap ay tataglayin mo pa rin ang kahanga-hangang mga katangian na taglay mo ngayon. Bilang pagtatapos, nakagagalak at kasiya-siya na makausap ang isang katulad mo na nakapagpaunlad at nakapagpapanatili ng tibay-ng-loob sa kaniyang mga paniwala.’
“Pagkatapos na basahin niya mismo ang report, ipinabasa niya sa lahat ng titser sa staff room. Kaya’t silang lahat ay nakarinig ng patotoo! Nagbigay ito sa akin ng tibay-ng-loob at determinasyon na magsalita sa mga iba pa ng mga katotohanan sa Bibliya.
“Siempre pa, lahat ng aking mga kamag-aral ay nakakaalam na ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova, at, nang malaman nila ang tungkol sa aking isinulat, ibig nilang basahin din ang aking report. Waring sila’y totoong interesado kaya’t binanggit ko na bawa’t isa sa kanila ay dadalhan ko ng labas ng Awake!, na may artikulo tungkol sa Pasko. Iyon ay ang labas ng Disyembre 22, 1979 at may artikulo pa rin tungkol sa ‘disco.’
“Nang magdala ako sa paaralan ng mga sipi ng labas na iyon ng Awake!, nakita iyon ng marami pang mga kaklase ko at sila man ay humingi ng kani-kanilang kopya. Ganiyan na lamang ang pagkawili nila sa artikulo sa ‘disco’ kaya’t minagaling kong dalhan ang bawa’t isa sa kanila ng kopya ng Marso 22, 1979, Awake!, na may sunud-sunod na mga artikulo sa paksang iyan. Ang resulta, ako’y nakapagpasa-kamay ng 26 na mga magasin sa aking mga kamag-aral.
“At minsan naman pagkatapos, nang ang aming school nars ay magpalabas ng sine tungkol sa pagpapaunlad ng sarili, ako’y nagdala para sa ilang mga kamag-aral ko ng tig-i-tig-isang kopya ng aklat na Your Youth—Getting the Best out of It. Sinabi ko sa kanila na talagang natulungan ako ng aklat na ito na maunawaan ang mga pagbabago at mga problema na kaugnay sa paglaki.
“Minsan pa, nang makita ng mga iba pang kaklase ko na ang aklat na iyon ay binabasa at pinag-uusap-usapan ng mga dalagitang ito, kanilang itinanong sa akin kung puede rin silang magkaroon ng kani-kanilang kopya—nagtanong din pati ang ilang binatilyo. Kaya, lahat-lahat, ako’y nakapagpasa-kamay ng 17 mga aklat na Youth nang okasyong iyon. . . .
“Minsan naman, sinabi sa akin ng isang dalagita na siya’y dumadalo sa Sunday school at nagbabasa ng Bibliya, nguni’t hindi niya nauunawaan iyon. Sinabi ko sa kaniya na ako’y may Bibliya na madaling basahin at nagagalak akong dalhan ko siya ng isa. Dinalhan ko siya ng isang New World Translation at sinamahan ko pa ng isang My Book of Bible Stories at ipinakita ko sa kaniya kung paano talagang makatutulong ang aklat na ito upang maunawaan niya ang Bibliya. Sabik na sabik siyang mabasa iyon.”
Ano ba ang nadarama ni Susan tungkol sa pagpapatotoo sa paaralan? “Talagang enjoy ako sa pagpapatotoo sa aking mga kaibigan sa paaralan at itinuturing kong isang pribilehiyo na magkaroon ng ganitong special territory.”
Ikaw ba’y nag-aaral? Bakit hindi samantalahin ang iyong “special territory”?