Ugarit—Sinaunang Lunsod na Napangingibabawan ng Pagsamba kay Baal
NOONG taóng 1928, tinamaan ng araro ng isang magsasakang Siryano ang isang bato na nakatakip sa isang libingan na naglalaman ng sinaunang mga seramik. Wala siyang malay sa kahalagahan ng kaniyang natuklasan. Nang mabalitaan ang di-sinasadyang pagkatuklas na ito, isang pangkat ng arkeologong Pranses na pinangunahan ni Claude Schaeffer ang nagtungo sa lugar na iyon nang sumunod na taon.
Di-nagtagal, isang inskripsiyon ang nahukay na nakatulong sa mga arkeologo upang malaman kung ano ang guho na kanilang nahukay sa pamamagitan ng kanilang mga dulos. Ito ang Ugarit, “isa sa pinakamahahalagang sinaunang lunsod sa Malapit na Silangan.” Sinabi pa nga ng manunulat na si Barry Hoberman: “Walang ibang tuklas sa arkeolohiya, maging yaong Dead Sea Scrolls, ang may mas malaking epekto sa ating kaunawaan sa Bibliya kaysa rito.”—The Atlantic Monthly.
Kung Saan Nagtatagpo ang mga Landas
Ang Ugarit, na nasa isang mataas na lugar na kilala bilang Ras Shamra sa Baybayin ng Mediteraneo na ngayo’y hilagang Sirya, ay isang maunlad na kosmopolitang lunsod noong ikalawang milenyo B.C.E. Ang teritoryo nito ay may lawak na mga 60 kilometro mula sa Mt. Casius sa hilaga hanggang sa Tell Sukas sa timog at 30 hanggang 50 kilometro mula sa Mediteraneo sa kanluran hanggang sa Libis ng Orontes sa silangan.
Ang mga alagang hayop ay dumami dahil sa katamtamang klima ng Ugarit. Makukuha sa rehiyon ang mga binutil, langis ng olibo, alak, at troso—produkto na wala sa Mesopotamia at Ehipto. Bukod diyan, dahil nagtatagpo sa lunsod ang estratehikong mga ruta ng kalakal, naging isa ito sa unang malalaking internasyonal na mga daungan. Sa Ugarit, ang mga mangangalakal mula sa Aegean, Anatolia, Babilonya, Ehipto, at iba pang bahagi ng Gitnang Silangan ay nakipagkalakalan ng mga metal, agrikultural na mga produkto, at napakaraming lokal na mga paninda.
Sa kabila ng materyal na kasaganaan nito, ang Ugarit ay nanatiling isang basalyong kaharian. Ang lunsod ay naging himpilan ng Imperyo ng Ehipto sa dulong hilaga hanggang sa mailakip ito sa sekular na Imperyo ng mga Hiteo noong ika-14 na siglo B.C.E. Ang Ugarit ay pinuwersang magbayad ng tributo at magpadala ng mga sundalo sa namamahalang kapangyarihan. Nang magpasimulang salantain ang Anatolia (sentral Turkey) at ang hilagang Sirya ng sumasalakay na “Mga Taong-Dagat,”a hiniling ng mga Hiteo na ipadala sa kanila ng Ugarit ang mga sundalo at plota nito. Bilang resulta, nawalan tuloy ng depensa ang Ugarit anupat lubusang nawasak ito noong mga 1200 B.C.E.
Pagbabalik sa Nakaraan
Ang kagibaan ng Ugarit ay nag-iwan ng malaking bunton na halos 20 metro ang taas at sumakop sa mahigit na 25 ektarya. Ang ikaanim na bahagi lamang nito ang nahukay. Kabilang sa mga kagibaang natuklasan ng mga arkeologo ang mga labí ng isang pagkalaki-laking palasyo na may halos isang daang silid at mga looban at sumasaklaw ng mga 10,000 metro kuwadrado. Ang gusali ay may mga tubo at gripo para sa tubig, mga paliguan at palikuran, at isang sistema ng imburnal. Ang mga muwebles ay nakakalupkupan ng ginto, lapis lazuli, at garing. Natuklasan ang mga garing na mga panel na buong-ingat ang pagkakalilok. Lalong naging kaakit-akit ang palasyo dahil sa napapaderang hardin at nakalubog na lawa-lawaan nito.
Ang lunsod at ang kapatagan sa palibot ay napangingibabawan ng mga templo ni Baal at Dagan.b Ang mga tore ng mga templong ito, na marahil ay 20 metro ang taas, ay may isang maliit na pasilyong papasok sa pinakaloob na silid na kinaroroonan ng imahen ng isang diyos. May hagdang patungo sa isang beranda kung saan nangangasiwa ang hari sa iba’t ibang seremonya. Sa gabi o kung may mga bagyo, malamang na pinaiilaw ang mga parola sa taluktok ng mga templo upang magiyahan ang mga bapor patungo sa daungan nang ligtas. Ang mga magdaragat na nag-akalang ang kanilang ligtas na pagbabalik ay dahil sa diyos ng bagyo na si Baal-Hadad ang walang pagsalang naghandog ng 17 batong angkla na nasumpungan sa kaniyang santuwaryo bilang pasasalamat.
Ang Mahahalagang Inskripsiyon na Natuklasan
Libu-libong tabletang putik ang natuklasan sa buong kagibaan ng Ugarit. Ang mga teksto sa ekonomiya, batas, diplomasya, at administrasyon ay nasumpungan sa walong wika na nakasulat sa limang iskrip. Nakasumpong ng mga inskripsiyon ang pangkat ni Schaeffer na nakasulat sa wikang hindi kilala hanggang sa ngayon—na tinawag na Ugaritiko—na gumagamit ng 30 markang cuneiform, na siyang bumubuo sa isa sa pinakamatatandang alpabeto na natuklasan kailanman.
Bilang karagdagan sa pagsaklaw sa pang-araw-araw na mga bagay, ang mga dokumentong Ugaritiko ay naglalaman ng pampanitikang mga teksto na nagbigay ng bagong kaunawaan sa relihiyosong mga ideya at mga kaugalian noong panahong iyon. Ang relihiyon ng Ugarit ay lumilitaw na may malaking pagkakatulad sa isinasagawa ng kalapit na mga Canaanita. Ayon kay Roland de Vaux, ang mga tekstong ito “ay maliwanag na siyang tamang paglalarawan ng sibilisasyon sa lupain ng Canaan bago naganap ang panlulupig ng mga Israelita.”
Relihiyon sa Lunsod ni Baal
Mahigit sa 200 diyos at diyosa ang binanggit sa mga tekstong Ras Shamra. Ang kataas-taasang diyos ay si El, na tinatawag na ama ng mga diyos at ng mga tao. At ang diyos ng bagyo na si Baal-Hadad ay “nakasakay sa mga ulap” at “panginoon ng lupa.” Si El ay inilalarawan bilang isang matalino at may maputing balbas na matandang lalaki na hiwalay sa sangkatauhan. Sa kabilang panig, si Baal ay isang malakas at ambisyosong diyos na gustong mamahala sa ibabaw ng mga diyos at ng sangkatauhan.
Ang natuklasang mga teksto ay malamang na binibigkas sa panahon ng mga kapistahang relihiyoso, tulad ng bagong taon o pag-aani. Gayunman, ang eksaktong interpretasyon ay hindi tiyak. Sa isang tula tungkol sa isang pagtatalo may kinalaman sa pamamahala, tinalo ni Baal ang paboritong anak ni El, ang diyos ng dagat na si Yamm. Marahil ang tagumpay na ito ay nagbigay ng pagtitiwala sa mga magdaragat ng Ugarit na ipagsasanggalang sila ni Baal sa dagat. Sa isang pakikipagduwelo kay Mot, natalo si Baal at bumaba sa daigdig ng mga patay. Sumunod ang tagtuyot, at huminto ang gawain ng mga tao. Ang asawa at kapatid na babae ni Baal na si Anat—ang diyosa ng pag-ibig at digmaan—ang pumatay kay Mot at bumuhay muli kay Baal. Minasaker ni Baal ang mga anak na lalaki ng asawa ni El na si Athirat (Asera), at binawi ang trono. Subalit nagbalik si Mot pagkalipas ng pitong taon.
Binigyang-kahulugan ng ilan ang tulang ito bilang sagisag ng taunang siklo ng mga panahon kung kailan ang nagbibigay-buhay na ulan ay nadaraig ng matinding init ng tag-araw at saka bumabalik sa taglagas. Iniisip naman ng iba na ang pitong-taóng siklo ay nauugnay sa takot sa taggutom at tagtuyot. Alinman dito, ang kahigitan ni Baal ay itinuturing na mahalaga para sa tagumpay ng mga pagsisikap ng mga tao. Ang iskolar na si Peter Craigie ay nagsabi: “Ang tunguhin ng relihiyon ni Baal ay ang pangalagaan ang kaniyang pagiging pinakamakapangyarihan; naniniwala ang kaniyang mga mananamba na habang nananatili siyang pinakamakapangyarihan, patuloy na iiral ang mga pananim at bakahan na napakahalaga sa pananatiling buháy ng mga tao.”
Isang Tanggulan Laban sa Paganismo
Maliwanag na ipinakita sa mga tekstong nahukay ang tungkol sa kabuktutan ng relihiyon ng Ugarit. Ang The Illustrated Bible Dictionary ay nagkomento: “Ipinakikita ng mga teksto ang masasamang resulta ng pagsamba sa mga diyos na ito; na nagdiriin sa digmaan, sagradong prostitusyon, erotikong pag-ibig at sa pagsamâ ng lipunan.” Sinabi ni De Vaux: “Sa pagbabasa sa mga tulang ito, mauunawaan ng isa ang pagkarimarim ng mga tunay na naniniwala sa Yahwismo at ng dakilang mga propeta sa pagsambang ito.” Ang Kautusan na ibinigay ng Diyos sa sinaunang bansang Israel ay isang tanggulan laban sa gayong huwad na relihiyon.
Ang panghuhula, astrolohiya, at salamangka ay palasak na isinasagawa sa Ugarit. Ang mga tanda at pangitain ay hinahanap hindi lamang sa mga bagay na nasa langit kundi maging sa dispormadong mga semilya at mga lamang-loob ng pinatay na mga hayop. “Pinaniniwalaan noon na ang hayop na inihain sa ritwal ay nagiging bahagi ng diyos na pinag-alayan nito at ang espiritu ng diyos ay sumasanib sa espiritu ng hayop,” ayon sa komento ng istoryador na si Jacqueline Gachet. “Bilang resulta, sa pagbabasa sa mga tandang nakikita sa mga sangkap na ito, posibleng maliwanag na malaman kung ano ang kalooban ng espiritu ng mga diyos na makapagbibigay ng positibo o negatibong sagot sa tanong hinggil sa panghinaharap na mga pangyayari o sa hakbang na gagawin sa isang espesipikong situwasyon.” (Le pays d’Ougarit autour de 1200 av.J.C.) Sa kabaligtaran, dapat iwasan ng mga Israelita ang gayong mga gawain.—Deuteronomio 18:9-14.
Maliwanag na ipinagbabawal ng Kautusang Mosaiko ang pagsiping sa hayop. (Levitico 18:23) Paano ba minamalas sa Ugarit ang gawaing ito? Sa natuklasang mga teksto, si Baal ay sumisiping sa isang dumalagang baka. “Kung ikakatuwiran na si Baal ay nag-aanyong toro upang magawa ang pagsiping na ito,” ang sabi ng arkeologong si Cyrus Gordon, “hindi masasabi ang gayon sa kaniyang mga saserdote na nagsasadula sa mga alamat hinggil kay Baal.”
Inutusan ang mga Israelita: “Huwag kayong magkukudlit ng mga hiwa sa inyong laman dahil sa isang namatay na kaluluwa.” (Levitico 19:28) Gayunman, dahil sa kamatayan ni Baal, “sinugatan [ni El] ang kaniyang balat sa pamamagitan ng kutsilyo, naghiwa siya sa pamamagitan ng isang labaha; sinugatan niya ang kaniyang mga pisngi at baba.” Ang ritwal na paghiwa sa sarili ay maliwanag na isang kaugalian sa gitna ng mga mananamba ni Baal.—1 Hari 18:28.
Isang tulang Ugaritiko ang waring nagpapahiwatig na ang pagluluto ng batang kambing sa gatas ay bahagi ng isang ritwal sa pag-aanak na karaniwan sa relihiyon ng mga Canaanita. Gayunman, sa Kautusang Mosaiko, ang mga Israelita ay pinag-utusan: “Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina.”—Exodo 23:19.
Paghahambing sa mga Teksto ng Bibliya
Ang mga tekstong Ugaritiko ay orihinal na isinalin pangunahin na sa tulong ng wikang Hebreo na ginagamit sa Bibliya. Sinabi ni Peter Craigie: “Napakaraming salitang ginamit sa tekstong Hebreo ang may mga kahulugan na hindi maliwanag at, kung minsan ay di-alam; bago ang ika-20 siglo, ang mga tagapagsalin ay nanghula sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng posibleng kahulugan ng mga ito. Subalit kapag ang gayunding mga salita ay lumilitaw sa tekstong Ugaritiko, posibleng maunawaan ang kahulugan nito.”
Halimbawa, ang isang salitang Hebreo na ginamit sa Isaias 3:18 ay karaniwan nang isinasaling “mga pamigkis sa ulo.” Ang katulad na salitang-ugat nito sa Ugaritiko ay tumutukoy kapuwa sa araw at sa diyosang-araw. Kaya, ang mga babae sa Jerusalem na binanggit sa hula ni Isaias ay maaaring napapalamutian ng maliliit na palawit na araw at ng “mga palamuting hugis-buwan” bilang parangal sa mga diyos na Canaanita.
Sa Kawikaan 26:23 ng tekstong Masoretiko, ang “maaalab na labi at isang balakyot na puso” ay inihahalintulad sa isang sisidlang yari sa luwad na nababalutan ng “dumi ng pilak.” Ang isang Ugaritikong salitang-ugat ay nagpapahintulot na isalin ang paghahambing na “tulad ng pampakintab sa isang bibinga.” Angkop na isinalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang kawikaang ito: “Gaya ng pampakintab na pilak na ikinakalupkop sa bibingang luwad ang maaalab na labi na may masamang puso.”
Saligan ba Para sa mga Sulat ng Bibliya?
Ang pagsusuri sa mga tekstong Ras Shamra ay umakay sa ilang iskolar na igiit na ang ilang teksto sa Bibliya ay hinango sa matulaing literatura na Ugaritiko. Bumabanggit si André Caquot, miyembro ng French Institute, ng tungkol sa “saligan ng kulturang Canaanita na batayan ng relihiyon ng mga Israelita.”
Hinggil sa Awit 29, si Mitchell Dahood ng Pontifical Biblical Institute sa Roma ay nagkomento: “Ang awit na ito ay isang Yahwistikong paghalaw sa isang mas matagal nang himig ng mga Canaanita para sa diyos ng bagyo na si Baal . . . Halos bawat salita sa awit ay maaari na ngayong tularan sa mas matatagal nang mga tekstong Canaanita.” Ang gayon bang konklusyon ay makatuwiran? Tunay na hindi!
Kinikilala ng karamihan sa mga iskolar na may katamtamang pangmalas na ang mga pagkakahawig ay pinalabis. “Wala ni isa mang tekstong Ugaritiko ang katulad na katulad ng Awit 29 sa kabuuan,” ang sabi ng teologong si Garry Brantley. “Ang pagsasabing ang Awit 29 (o ang alinman sa iba pang teksto sa Bibliya) ay isang paghango sa isang paganong alamat ay walang mapanghahawakang saligan.”
Ang bagay ba na may mga pagkakahawig ang mga patalinghagang pananalita, tula, at artistikong istilo ay patotoo na ng paghango? Sa kabaligtaran, ang gayong mga pagkakatulad ay dapat asahan. Sinasabi ng The Encyclopedia of Religion: “Ang dahilan ng ganitong pagkakahawig sa porma at nilalaman ay kultural: sa kabila ng malalaking pagkakaiba ng Ugarit at Israel sa heograpikal at sekular na paraan, ang mga ito ay bahagi ng isang mas malaking uri ng kultura na gumagamit ng magkahawig na talasalitaan hinggil sa tula at relihiyon.” Dahil dito, si Garry Brantley ay nagbigay ng konklusyon: “Hindi wastong ideya na ipilit na ang paganong mga paniniwala ang siyang bumubuo sa teksto ng Bibliya dahil lamang sa pagkakahawig ng mga wika nito.”
Sa katapusan, dapat pansinin na kung may pagkakatulad sa pagitan ng mga tekstong Ras Shamra at ng Bibliya, ang mga ito ay pawang pampanitikan lamang at hindi pang-espirituwal. “Ang matataas na etikal at moral na pamantayang nasa Bibliya ay [hindi] masusumpungan sa Ugarit,” ang sabi ng arkeologong si Cyrus Gordon. Tunay nga, ang mga pagkakaiba ay mas marami kaysa pagkakahawig.
Ang Ugaritikong mga pag-aaral ay malamang na magpatuloy upang matulungan ang mga estudyante sa Bibliya na maunawaan ang kultura, kasaysayan, at relihiyosong kalagayan ng mga manunulat ng Bibliya at ng bansang Hebreo sa pangkalahatan. Ang higit pang pagsusuri ng mga tekstong Ras Shamra ay maaari ring magbigay ng bagong liwanag sa pagkaunawa sa sinaunang Hebreo. Gayunman, higit sa lahat, ang mga natuklasan ng arkeolohiya sa Ugarit ay maliwanag na nagtatampok sa pagkakaiba ng mababang-uring debosyon kay Baal at ng dalisay na pagsamba kay Jehova.
[Mga talababa]
a Ang “Mga Taong-Dagat” ay karaniwan nang kilala bilang mga magdaragat mula sa mga pulo at baybayin ng Mediteraneo. Ang mga Filisteo ay maaaring kabilang sa mga ito.—Amos 9:7.
b Bagaman ang mga opinyon ay magkakaiba, kinikilala ng ilang iskolar ang templo ni Dagan bilang ang templo ni El. Sinasabi ni Roland de Vaux, isang iskolar na Pranses at propesor sa Jerusalem School of Biblical Studies, na Dagan—ang Dagon sa Hukom 16:23 at 1 Samuel 5:1-5—ang personal na pangalan ni El. Nagkomento ang The Encyclopedia of Religion na posibleng “si Dagan sa paanuman ay naugnay o napalakip kay [El].” Sa mga tekstong Ras Shamra, si Baal ay tinawag na anak ni Dagan, subalit ang kahulugan dito ng “anak” ay hindi pa matiyak.
[Blurb sa pahina 25]
Ang arkeolohikal na mga tuklas sa Ugarit ay nagpalaki ng ating kaunawaan sa Kasulatan
[Mapa/Mga larawan sa pahina 24, 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Imperyong Hiteo noong ika-14 na siglo B.C.E.
DAGAT MEDITERANEO
Eufrates
MT. CASIUS (JEBEL EL-AGRA)
Ugarit (Ras Shamra)
Tell Sukas
Orontes
SYRIA
EHIPTO
[Credit Lines]
Maliit na estatuwa ni Baal at sisidlan ng inumin na ang hugis ay ulo ng hayop: Musée du Louvre, Paris; ipinintang larawan ng maharlikang palasyo: © D. Héron-Hugé pour “Le Monde de la Bible”
[Larawan sa pahina 25]
Mga labí ng pasukan tungo sa palasyo
[Larawan sa pahina 26]
Ang isang alamat sa tulang Ugaritiko ay maaaring makapagbigay ng impormasyon sa Exodo 23:19
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris
[Mga larawan sa pahina 27]
Stela ni Baal
lsang gintong plato na naglalarawan sa isang eksena ng pangangaso
Garing na takip sa kahon ng kosmetik na may larawan ng isang diyosa ng pag-aanak
[Credit Line]
Lahat ng larawan: Musée du Louvre, Paris