Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Kasiya-siyang mga Resulta Dahil sa Pagtitiis at Pagtitiyaga
INIHULA ni Jesu-Kristo na sa mga huling araw “ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” Dahil dito, sa maraming panig ng daigdig sa ngayon, ipinagwawalang-bahala ng mga tao sa pangkalahatan ang mabuting balita ng Kaharian. Minamalas pa nga ng ilan ang relihiyon nang may paghamak.—Mateo 24:12, 14.
Magkagayunman, taglay ang pananampalataya at pagtitiis, napagtatagumpayan ng mga mamamahayag ng Kaharian ang hamon, kagaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan mula sa Czech Republic.
Nakipag-usap ang dalawang Saksi sa isang babae sa isang saradong pintuan. Pagkatapos ng ilang sandali, bumukas nang kaunti ang pinto at inabot ng isang kamay ang mga magasing Bantayan at Gumising! na iniaalok ng mga Saksi. Isang tinig ang nagsabi ng “salamat,” at pagkatapos ay isinara ang pinto. “Dapat ba kaming dumalaw muli?” ang sumaisip ng mga Saksi. Ang isa sa kanila, isang payunir, o buong-panahong ministro, ay nagpasiyang bumalik, subalit gayundin ang nangyari, at nagpatuloy ito sa loob ng isang taon.
Palibhasa’y ipinasiya niya na dapat niyang baguhin ang kaniyang paraan ng paglapit, nanalangin ang payunir ukol sa tulong ni Jehova. Nang sumunod na pagkakataong mag-alok siya ng mga magasin, nagharap siya sa babae ng palakaibigang mga tanong: “Kumusta ka? Nasiyahan ka ba sa mga magasin?” Sa umpisa ay walang pagtugon, subalit pagkatapos ng ilan pang pagdalaw, medyo naging palakaibigan ang babae. Minsan ay binuksan niya nang husto ang pinto, subalit naging maikli lamang ang pag-uusap.
Dahil sa pag-aatubili ng babae na makipag-usap sa pintuan, nagpasiya ang payunir na lumiham sa kaniya upang ipaliwanag ang layunin ng mga pagdalaw at mag-alok ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa wakas, makalipas ang isa at kalahating taon ng matiising pagsisikap, nagtagumpay ang payunir na mapasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya sa may-bahay. Nagulat siya subalit napatibay nang sabihin sa kaniya ng babae pagkaraan ng ilang panahon: “Naniwala ako sa Diyos mula nang magdala ka sa akin ng mga magasin.”
Tunay nga, ang pagtitiis at pagtitiyaga ay makapagdudulot ng kasiya-siyang mga resulta sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad.—Mateo 28:19, 20.