Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w03 8/1 p. 23-27
  • Maligaya ang Isa na ang Diyos ay si Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maligaya ang Isa na ang Diyos ay si Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkasumpong ng Katotohanan sa Bibliya
  • Pagpapalawak ng Aking Paglilingkod kay Jehova
  • Tumanggap ng Di-sana-nararapat na Kabaitan ni Jehova
  • Pinalalago Ito ni Jehova sa Hilaga
  • Balik sa Canada
  • “Ang Iyong Maibiging-Kabaitan ay Lalong Mabuti Kaysa sa Buhay”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Ang Pagiging Payak ay Tumutulong sa Atin na “Tiyakin ang Higit na Mahahalagang mga Bagay”
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1987
  • Masaya Akong Matuto at Magturo Tungkol kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Nagbunga ng Habambuhay na mga Pagpapala ang Tamang mga Pasiya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
w03 8/1 p. 23-27

Talambuhay

Maligaya ang Isa na ang Diyos ay si Jehova

AYON SA SALAYSAY NI TOM DIDUR

Arkilado na ang bulwagang pampamayanan. Mga 300 ang inaasahang dadalo sa asamblea sa Porcupine Plain, Saskatchewan, Canada. Umulan ng niyebe noong Miyerkules, at noong Biyernes ay bumagyo ng niyebe anupat wala ka nang makita. Ang temperatura ay bumaba sa minus 40 digri Celsius. Dalawampu’t walo ang dumalo, kasama na ang ilang bata. Ito ang aking unang asamblea bilang isang bagong tagapangasiwa ng sirkito, at ako ay isang ninenerbiyos na 25-taóng-gulang. Bago ko sabihin sa inyo kung ano ang nangyari, hayaan ninyong ilahad ko kung paano ko tinamasa ang pantanging pribilehiyong ito ng paglilingkod.

AKO ang ikapito sa walong magkakapatid na puro lalaki. Ang panganay ay si Bill, na sinundan nina Metro, John, Fred, Mike, at Alex. Isinilang ako noong 1925, at si Wally ang bunso. Nakatira kami malapit sa bayan ng Ukraina, Manitoba, kung saan ang aking mga magulang, sina Michael at Anna Didur, ay may maliit na bukid. Si Itay ay nagtatrabaho sa riles ng tren bilang isang manggagawa na nagmamantini ng isang partikular na haba ng riles. Yamang ang isang gusaling tulugan (bunkhouse) sa tabi ng ilang riles na malayo sa kabayanan ay hindi angkop na dako para sa pagtataguyod ng isang malaking pamilya, nanatili kami sa bukid. Palaging wala sa bahay si Itay, kaya si Inay ang nagpalaki sa amin. Sa pana-panahon, umaalis ng bahay si Inay upang makasama si Itay sa loob ng isang linggo o higit pa, subalit tinitiyak niya na marunong kaming magluto, gumawa ng tinapay, at gumawa ng mga gawain sa bahay. At yamang kami ay mga miyembro ng Simbahang Griego Katoliko, bahagi ng aming maagang pagsasanay mula kay Inay ang pagsasaulo ng mga dasal at pakikibahagi sa iba pang mga ritwal.

Pagkasumpong ng Katotohanan sa Bibliya

Ang mithiin kong maunawaan ang Bibliya ay sumidhi mula sa aking pagkabata. Isang kapitbahay, na isang Saksi ni Jehova, ang regular na dumadalaw sa aming pamilya upang basahin ang mga bahagi sa Bibliya may kinalaman sa Kaharian ng Diyos, Armagedon, at sa mga pagpapala ng bagong sanlibutan. Hindi interesado si Inay sa sinasabi nito, subalit kaakit-akit ang mensahe para kina Mike at Alex. Sa katunayan, pinakilos sila ng kanilang natutuhan na tanggihan ang paglilingkod sa militar bilang mga tumututol dahil sa budhi noong ikalawang digmaang pandaigdig. Pagkatapos nito, si Mike ay nasentensiyahan ng sandaling pagkabilanggo, samantalang si Alex ay ipinadala sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Ontario. Nang maglaon, tinanggap din nina Fred at Wally ang katotohanan. Gayunman, hindi ito tinanggap ng aking tatlong nakatatandang mga kapatid na lalaki. Sa loob ng ilang taon, sinalansang pa nga ni Inay ang katotohanan, subalit nang maglaon ay sinorpresa niya kaming lahat sa pamamagitan ng kaniyang paninindigan sa panig ni Jehova. Nabautismuhan siya sa edad na 83. Si Inay ay 96 nang siya’y mamatay. Si Itay ay pabor din sa katotohanan bago siya namatay.

Sa edad na 17, nagtungo ako sa Winnipeg upang humanap ng trabaho at makisama sa mga makatutulong sa akin na mag-aral ng Bibliya. Noong panahong iyon ay ipinagbabawal ang mga Saksi ni Jehova, subalit regular na idinaraos ang mga pulong. Ang unang pulong na dinaluhan ko ay sa isang pribadong tahanan. Yamang ako’y pinalaki sa relihiyong Griego Katoliko, ang narinig ko sa simula ay kakatwa sa akin. Subalit, unti-unti kong naunawaan kung bakit hindi makakasulatan ang kaayusang klero-lego at kung bakit hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pagbabasbas ng klero sa digmaan. (Isaias 2:4; Mateo 23:8-10; Roma 12:17, 18) Ang pamumuhay sa Paraiso sa lupa ay waring mas praktikal at makatuwiran kaysa sa pagtungo sa isang napakalayong lugar nang walang hanggan.

Yamang kumbinsido ako na ito ang katotohanan, nag-alay ako kay Jehova at nagpabautismo noong 1942 sa Winnipeg. Inalis ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Canada noong 1943, at sumigla ang gawaing pangangaral. Ang katotohanan ng Bibliya ay mas malalim ding napatimo sa aking puso. Nagkapribilehiyo akong maglingkod bilang isang lingkod sa kongregasyon at makibahagi sa mga serye ng pahayag pangmadla at gumawa sa di-nakaatas na teritoryo. Lubhang nakatulong sa aking espirituwal na pagsulong ang pagdalo sa malalaking kombensiyon sa Estados Unidos.

Pagpapalawak ng Aking Paglilingkod kay Jehova

Noong 1950, nagpatala ako bilang isang ministrong payunir, at noong Disyembre ng taóng iyon, ako’y inanyayahang maglingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito. Nagkapribilehiyo akong tumanggap ng pormal na pagsasanay sa sirkito malapit sa Toronto mula kay Charlie Hepworth, isang makaranasan at matapat na kapatid. Nagkaroon din ako ng kagalakang gugulin ang huling linggo ng aking pagsasanay kasama ang kapatid kong si Alex, na nasa gawaing pansirkito na sa Winnipeg.

Ang aking unang pansirkitong asamblea, gaya ng paglalarawan sa simula, ay hindi ko malilimutan. Natural lamang na mabahala ako sa kalalabasan. Buweno, pinanatili kaming lahat ng aming tagapangasiwa ng distrito, si Brother Jack Nathan, na abala at maligaya. Ibinigay namin ang sumaryo ng programa ng asamblea sa mga may bahagi na naroroon. Naghalinhinan kami sa paglalahad ng mga karanasan, pag-eensayo ng mga presentasyon sa bahay-bahay, mga pagdalaw-muli, at pagtatanghal kung paano magdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Umawit kami ng mga awiting pang-Kaharian. Maraming pagkain. Nagkakape kami at kumakain ng empanada halos tuwing dalawang oras. Ang ilan ay natulog sa mga bangko at sa plataporma, samantalang ang iba naman ay natulog sa sahig. Pagsapit ng Linggo ay medyo humupa na ang bagyo ng niyebe anupat 96 ang dumalo para sa pahayag pangmadla. Tinuruan ako ng karanasang ito na harapin ang mahihirap na situwasyon.

Dinala ako ng aking sumunod na pansirkitong atas sa gawing hilaga ng Alberta, British Columbia, at sa Yukon Territory, ang lupain ng araw sa hatinggabi. Ang paglalakbay sa baku-bakong Alaska Highway mula sa Dawson Creek, British Columbia, hanggang sa Whitehorse, Yukon (na may layong 1,477 kilometro), at ang pagpapatotoo habang nasa daan ay nangangailangan ng pagbabata at pag-iingat. Isang tunay na hamon ang mga pagguho ng niyebe, ang madudulas na dalisdis ng bundok, at malabong makitang kapaligiran dahil sa malakas na bagyo ng niyebe.

Labis akong nagtataka na makita kung paano nakapapasok ang katotohanan hanggang sa Malayong Hilaga. Noong minsan, kami ni Walter Lewkowicz ay dumalaw sa isang simple at maliit na bahay malapit sa Lower Post, British Columbia, sa kahabaan ng Alaska Highway malapit sa hanggahan ng Yukon Territory. Alam namin na may nakatira sa maliit na bahay sapagkat may nakikita kaming aandap-andap na liwanag sa isang maliit na bintana. Mga alas-nuwebe noon ng gabi, at kumatok kami sa pinto. Isang malakas na boses ng lalaki ang nagpatuloy sa amin, kaya’t kami’y pumasok. Anong laking gulat namin na makita ang isang matandang lalaki na nakahiga sa kaniyang kamang nakakabit sa dingding at nagbabasa ng magasing Bantayan! Sa katunayan, mas bago pa nga ang isyung binabasa niya kaysa sa iniaalok namin. Ipinaliwanag niya na tinatanggap niya ang kaniyang magasin sa pamamagitan ng airmail. Yamang walong araw na mula nang umalis kami sa kongregasyon, wala pa kami ng pinakabagong mga magasin. Ipinakilala ng lalaki ang kaniyang sarili bilang si Fred Berg, at bagaman suskritor siya sa loob ng ilang taon na, ngayon lamang siya nadalaw ng mga Saksi ni Jehova. Doon na kami pinatulog ni Fred. Naibahagi namin sa kaniya ang maraming maka-Kasulatang katotohanan at naisaayos namin na dalawin siya ng ibang mga Saksi na regular na dumaraan sa lugar na iyon.

Naglingkod ako sa tatlong maliliit na sirkito sa loob ng ilang taon. Mula ito sa Grande Prairie, Alberta, sa silangan hanggang sa Kodiak, Alaska, sa kanluran, na may layong mahigit na 3,500 kilometro.

Natutuwa akong malaman na sa liblib na mga lugar, kagaya ng saanmang dako, ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova ay para sa lahat ng tao at na pinakikilos ng espiritu ng Diyos ang mga isip at puso ng mga wastong nakaayon sa buhay na walang hanggan. Isa sa gayong tao ay si Henry Lepine mula sa Dawson City, Yukon, na tinatawag ngayon na Dawson. Si Henry ay nakatira sa isang nabubukod na lugar. Sa katunayan, hindi pa siya nakalalabas sa lugar ng minahan ng ginto sa loob ng mahigit na 60 taon. Gayunman, inudyukan ng espiritu ni Jehova ang 84-na-taóng-gulang na lalaking ito na maglakbay nang mahigit na 1,600 kilometro papunta sa Anchorage para sa isang pansirkitong asamblea, bagaman hindi pa siya kailanman nakadalo sa isang pulong ng kongregasyon. Tuwang-tuwa siya sa programa at labis ang kaniyang kagalakan sa pakikisama sa mga kapatid. Pagbalik niya sa Dawson City, si Henry ay nanatiling tapat hanggang sa kaniyang kamatayan. Marami sa nakakakilala kay Henry ang nagtatanong kung ano ang nagpakilos sa matandang lalaking ito na gawin ang gayong mahabang paglalakbay. Ang pag-uusyosong ito ay umakay sa ilan pang may-edad na mga tao na tanggapin ang katotohanan. Kaya sa di-tuwirang paraan, si Henry ay nakapagbigay ng isang mainam na patotoo.

Tumanggap ng Di-sana-nararapat na Kabaitan ni Jehova

Noong 1955, nalugod akong tumanggap ng isang paanyaya na mag-aral sa ika-26 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Ang pagsasanay na ito ay nagpalakas ng aking pananampalataya at tumulong sa akin na maging mas malapít kay Jehova. Nang matapos ako sa pag-aaral, naatasan akong magpatuloy sa gawaing pansirkito sa Canada.

Sa loob ng halos isang taon, naglingkod ako sa lalawigan ng Ontario. Pagkatapos ay muli akong naatasan sa magandang Hilaga. Naguguniguni ko pa ang magagandang tanawin sa gilid ng mga haywey, ang maniningning na lawa at pag-akyat sakay ng sasakyan sa mga kabundukan na ang mga taluktok ay nababalutan ng niyebe. Sa tag-araw, ang mga libis at mga parang ay nalalatagan ng makukulay na ligaw na mga bulaklak. Sariwa ang hangin at dalisay ang tubig. Ang mga oso, lobo, moose, caribou, at iba pang maiilap na hayop sa ilang ay tahimik na gumagala-gala sa kanilang likas na tirahan.

Gayunman, ang Alaska ay naghaharap ng mga hamon​—hindi lamang dahil sa pabagu-bagong lagay ng panahon kundi dahil din naman sa napakalalayong distansiya. Ang aking sirkito ay may lawak na 3,200 kilometro mula sa silangan hanggang sa kanluran. Noon, walang inilalaang kotse para sa tagapangasiwa ng sirkito. Ang lokal na mga kapatid ay nagboboluntaryong maghatid sa akin mula sa isang kongregasyon tungo sa susunod na kongregasyon. Subalit kung minsan, kailangan kong makisakay sa mga nagmamaneho ng trak o sa mga turista.

Ang isang halimbawa nito ay sa kahabaan ng Alaska Highway sa pagitan ng Tok Junction, Alaska, at Mile 1202, o sa lugar ng Scotty Creek. Ang mga opisina ng adwana sa dalawang lugar na ito ay mga 160 kilometro ang layo. Lumampas ako sa tanggapan ng adwana ng Estados Unidos sa Tok at sumakay ako nang mga 50 kilometro. Pagkatapos ay walang kotseng dumating, anupat naglakad ako nang mga sampung oras sa layong 40 kilometro. Nalaman ko nang dakong huli na pagkalampas ko ng adwana, pinahinto ang lahat ng sasakyan sa kahabaang ito ng haywey dahil sa pagguho ng niyebe na di-kalayuan sa adwana. Pagsapit ng hatinggabi ang temperatura ay bumaba sa mga minus 23 digri Celsius, at mga 80 kilometro pa ako sa pinakamalapit na masisilungan. Kailangang-kailangan kong makasumpong ng masisilungan kung saan maaari akong magpahinga.

Habang umiika-ika ako sa daan, nakita ko ang isang abandonadong kotse sa tabi ng daan na bahagyang natatabunan ng niyebe. Iniisip ko na kung makapapasok ako sa loob at makatutulog sa kutson, makakayanan ko na ang lamig ng gabi. Naalis ko ang niyebe upang mabuksan ang pinto subalit nasumpungan kong ang loob nito ay walang upuan kundi balangkas lamang na metal. Nakatutuwa naman, hindi kalayuan sa unahan ng daan, nakasumpong ako ng isang maliit na bahay na walang tao. Pagkatapos nang medyo mahirap na pagpasok sa loob ng bahay at pagpapaningas ng apoy, nakapagpahinga ako nang ilang oras. Kinaumagahan, nakasakay ako patungo sa susunod na bahay-panuluyan, kung saan nakakain ako at nagamot ko ang aking nasugatang mga daliri.

Pinalalago Ito ni Jehova sa Hilaga

Lubhang nakapagpapatibay-loob ang aking unang pagdalaw sa Fairbanks. Naging matagumpay kami sa ministeryo, at mga 50 ang dumalo sa pahayag pangmadla noong Linggong iyon. Nagtipon kami sa maliit na tahanan ng mga misyonero kung saan nakatira sina Vernor at Lorraine Davis. Inilalabas ng mga tao ang kanilang mga ulo mula sa kusina, silid-tulugan, at pasilyo ng tahanan ng mga misyonero upang mapakinggan ang pahayag. Alam namin mula sa positibong pagtugon na ito na ang isang Kingdom Hall ay magpapatatag sa gawaing pangangaral sa Fairbanks. Kaya sa tulong ni Jehova, bumili kami ng isang malaking gusali, isang dating bulwagang sayawan, at inilipat ito sa isang angkop na lugar. Humukay ng isang poso, at gumawa ng mga banyo at naglagay ng isang heating unit. Sa loob ng isang taon, mayroon nang isang magagamit na Kingdom Hall sa Fairbanks. Pagkatapos maidagdag ang isang kusina, ang bulwagan ay ginamit para sa isang pandistritong kombensiyon noong 1958, na dinaluhan ng 330.

Noong tag-araw ng 1960, nagsagawa ako ng mahabang biyahe sakay ng kotse patungo sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York upang dumalo sa isang refresher course para sa lahat ng naglalakbay na mga tagapangasiwa sa Estados Unidos at Canada. Samantalang naroon ako, kinapanayam ako ni Brother Nathan Knorr at ng iba pang responsableng mga kapatid na lalaki tungkol sa posibilidad ng pagbubukas ng isang tanggapang pansangay sa Alaska. Pagkalipas ng ilang buwan, nalugod kami nang aming marinig na sa Setyembre 1, 1961, ang Alaska ay magkakaroon na ng sarili nitong tanggapang pansangay. Si Brother Andrew K. Wagner ang naatasang mangasiwa sa sangay. Siya at ang asawa niya, si Vera, ay nakapaglingkod na sa Brooklyn sa loob ng 20 taon at may karanasan din sa gawain bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Ang pagtatatag ng tanggapang pansangay sa Alaska ay isang paglalaang malugod na pinahahalagahan, sapagkat nabawasan nito ang panahon ng paglalakbay ng tagapangasiwa ng sirkito at nakatulong ito sa kaniya na higit na magtuon ng pansin sa espesipikong mga pangangailangan ng mga kongregasyon at ng nabubukod na mga teritoryo.

Ang tag-araw ng 1962 ay isang masayang panahon sa Hilaga. Ang sangay sa Alaska ay inialay, at nagkaroon ng isang pandistritong kombensiyon sa Juneau, Alaska. Naitayo ang bagong mga Kingdom Hall sa Juneau at Whitehorse, Yukon, at naitatag din ang ilang bagong nabubukod na mga grupo.

Balik sa Canada

Sa loob ng maraming taon, ako ay nakipagsulatan kay Margareta Petras mula sa Canada. Si Reta, gaya ng tawag sa kaniya, ay nagsimula sa paglilingkod bilang payunir noong 1947, nagtapos sa Gilead noong 1955, at nagpapayunir sa silangang Canada. Inalok ko siyang kami’y pakasal at tinanggap naman niya. Nakasal kami sa Whitehorse noong Pebrero 1963. Noong taglagas ng taóng iyon, naatasan ako sa gawaing pansirkito sa kanlurang Canada, at nagalak kaming maglingkod doon sa sumunod na 25 taon.

Dahil sa humihinang kalusugan, kami’y naatasan bilang mga special pioneer sa Winnipeg, Manitoba noong 1988. Kasali rin dito ang pangangalaga sa isang Assembly Hall sa loob ng limang taon. Hangga’t magagawa namin, nakikibahagi pa rin kami sa nakagagalak na gawaing paggawa ng mga alagad. Sa gawaing pansirkito, nagsisimula kami ng maraming mga pag-aaral sa Bibliya para ipagpatuloy ng iba. Ngayon, sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, pinasisimulan namin ang mga pag-aaral sa Bibliya at may karagdagan kaming kaligayahang makita ang pagsulong ng mga estudyante tungo sa pag-aalay at bautismo.

Kumbinsido ako na ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay. Makabuluhan at kasiya-siya ito, at pinasisidhi nito ang ating pag-ibig kay Jehova sa araw-araw. Ito ang siyang nagdudulot ng tunay na kaligayahan. Anumang teokratikong atas mayroon tayo, o saan man tayo naroroon, sumasang-ayon tayo sa salmista na nagsabi: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”​—Awit 144:15.

[Larawan sa pahina 24, 25]

Sa gawaing pansirkito

[Larawan sa pahina 25]

Pagdalaw kay Henry Lepine sa Dawson City. Nasa kaliwa ako

[Larawan sa pahina 26]

Ang unang Kingdom Hall sa Anchorage

[Larawan sa pahina 26]

Kami ni Reta, 1998

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share